Filipino 10 DLP Week 5 Maikling Kwento

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

School Name SAN JOSE PANLUMACAN INTEGRATED KWARTER UNA

SCHOOL LINGGO 5
PANGALAN TAON ASSIGNATURA FILIPINO 10
AT ANTAS GURO REA P. BINGCANG

BANGHAY ARALING SA FILIPINO


A. Pamantayang Pangnilalaman: Naipamamalas ng mag-aaral ang pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang
pampanitikan. (Panitikang Mediterranean)
B. Pamantayan sa Pagganap: Ang mag-aaral ay nakabubuo ng kritikal na pagsusuri sa mga isinagawang critique
tungkol sa alinmang akdang pampanitikang Mediterranean.

I. LAYUNIN : MGA KASANAYANG PAGKATUTO


1. Naipaliliwanag ang ilang pangyayaring napakinggan na may kaugnayan sa kasalukuyang mga pangyayari sa
daigdig F10PN-If-g-66
2. Napatutunayang ang mga pangyayari sa akda ay maaaring maganap sa tunay na buhay. F10PB-If-g-67 3.
Nabibigyang-kahulugan ang mahihirap na salita o ekspresyong ginamit sa akda batay sa konteksto ng
pangungusap. F10PT-If-g-66
4. Nagagamit ang angkop na mga panghalip bilang panuring sa mga tauhan F10WG-If-g-61

II.PAKSA: A. Panitikan: “Ang Kuwintas” Maikling Kuwento mula sa France ni Guy de Maupassant Kultura ng
France: Kaugalian at Tradisyon - Maikling Kuwento
B. Gramatika at Retorika: Gramatika at Retorika:
Panghalip Bilang Panuring sa mga Tauhan (Anapora at Katapora)
C. Uri ng Teksto: Nagsasalaysay
a. Sanggunian:;Filipino Modyul para sa Mag-aaral pp 56-71
b.Kagamitang Instruksyunal: laptop, projector, manila paper, metacards

III.PAMAMARAAN:
A.PANIMULANG PAGGANYAK
A. Pagsisimula ng Bagong Aralin
Alam ko na ang bawat isa sa inyo ay sabik nang matuto
kaya naman ang ating akdang tatalakayin ay may
kaugnayan sa mga isyung pandaigdig na kung
mapapansin natin ay napakarami ng usapin na
nangyayari sa ating mundo. Sa puntong ito ay ating
tunghayan ang ilang maikling bidyu klips na
tumatalakay sa isang isyung pandaigdig. Aking
hinihingi mula sa inyo ang inyong ibayong pakikinig upang lubusan natin itong maunawaan.

B. PAGHAHABI NG LAYUNING ARALIN


Pangkatang Gawain: Sa pagkakataong ito ay ating isasagawa ang Round Table Discussion/Online Group
Discussion (Group Chat ng bawat Pangkat) tungkol sa video clips na inyong napanood at napakinggan. Bibigyan
ko lamang kayo ng limang minute upang mamili. Matapos nito ay magkakaroon tayo ng bahaginan.
____________________________________________________________
____________________________________________________________
____________________________________________________________

____________________________________________________________
____________________________________________________________
____________________________________________________________

____________________________________________________________
____________________________________________________________
____________________________________________________________

Page 1 of 12
_________ ____________________________________________________________
____________________________________________________________
____________________________________________________________

B.1 TUKLASIN
Alam mo ba na…. Ang KUWENTO NG TAUHAN ay isang uri ng kuwentong ang higit na binibigyang-halaga o diin
ay kilos o galaw, ang pagsasalita at pangungusap at kaisipan ng isang tauhan? Naglalarawan ito ng iisang
kakintalan sa taong inilalarawan o pinapaksa. Kumakatawan siya sa kabuuan ng kuwento sa pamamagitan ng
ano mang nangingibabaw na ideya o ng mga kabuluhan sa kuwento. Nangingibabaw rito ang isang masusing
pag-aaral at paglalarawan sa tunay na pagkatao ng tauhan sa katha. Maraming paraan ang ginagamit ng may-
akda sa paglalarawan ng buong pagkatao ng tauhan. Nasasalig ito sa kaniyang panloob na anyo – ang isipan,
mithiin, damdamin, at gayon din sa kaniyang panlabas na anyo – pagkilos at pananalita. Nakatutulong din sa
pagpapalitan ng katauhan ang mga pag-uusap ng ibang tauhan sa kuwento tungkol sa kaniya. Ngunit sa
pamamagitan na rin ng tauhan nagkakaroon ng pinakamabisang paglalarawan ng katauhan at maipakikita ito sa
kaniyang reaksiyon o saloobing sa isang tiyak na pangyayari. Inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian
ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa. Ayon
kay Edgar Allan Poe, ang tinaguriang Ama ng Maikling Kuwento ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni
at bungang –isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay. Ito ay nababasa sa isang tagpuan,
nakapupukaw ng damdamin, at mabisang nakapagkikintal ng diwa o damdaming may kaisahan.

B. PAGLINANG NG KABIHASNAN
PAGSASANAY B1: Ngayon naman ay ating isasagaw ang ilang gawain at ating alamin kung gaano na kalawak ang
inyong kaalaman sa kultura ng iba’t ibang bansa upang ating matuklasan kung masasalamin sa katauhan ng mga
tauhan ang paguugali ng mga taong pinanggalingan ng akda.

HANAPIN MO! Tukuyin mo kung aling bansa ang nagmamay-ari ng sumusunod na larawan ng kasuotan. At
pagkatapos ating sasagutan ang ilang mga katanungan.

B.2 PAGSUSURI SA KAALAMAN


PANUTO:IPALIWANAG ANG MGA SUMUSUNOD: Mga Tanong

Page 2 of 12
1.Nasasalamin ba sa uri ng kasuotan ang antas sa lipunan ng isang tao? Sagot:
2.Nakikilala rin ba ang ugali o pagpapahalaga ng isang tao sa pamamagitan ng kaniyang pananamit? Sagot:
3. Pumili ng isa sa pinakagusto niyong kausotan. Ipaliwanag kung bakit ito ang inyong napili. Sagot:

C.PAG-UUGNAY NG MGA HALIMBAWA SA BAGONG ARALIN


PAGLALAHAD AT PAGTATALAKAY SA KULTURA NG FRANCE: KAUGALIAN AT TRADISYON.
FRANCE (PRANSIYA)
Pinakamalaking bansa sa Europa at ang kabisera nito ay ang Paris.Lupain ng mga Prangko dito kinuha
ang salitang latin na Francia kaya dito hinango ang pangalang Pransiya.Ang mga taga France ay kilala sa kanilang
mga sopistikadang mga damit at hindi matutularan na mararangal na damit.napakasosyal ng damit nila pero
hindi sobra sa dekorasyon.Ang Neoclassic, gothic,Romanesque Rococo ay makikita sa mga simbahan ng france
at iba pang mga gusali nito.ito ang pinakasining nila doon.Ang ilan sa pinakamalaking Museum sa paris ay ang
Ouvre Museum at doon din makikita ang Mona Lisa at venus de milo.Ang Pransiya ay isang Demokratikong
bansa na isang unitaryong pampanguluhan.Ang kultura ng mga pranses ay ang Arkitektura,Pagluluto at Sining.

Kultura ng France: Kaugalian at Tradisyon Isinalin sa Filipino ni Joselyn C. Sayson

Kadalasan ay kinakabit ang kulturang Pranses sa Paris, na sentro ng moda, pagluluto, sining at
arkitektura, subalit ang buhay sa labas ng Lungsod ng mga Ilaw ay ibang-iba at nagkakaiba sa bawat rehiyon.
Magugunita na ang kultura ng France ay naimpluwensiyahan ng Celtic at Gallo-Roman Culture, gayundin ang
Franks, isang tribong German. Ang France ay una nang tinawag na Rhineland subalit noong panahon ng Iron
Age at Roman era ay tinawag na Gaul. Habang ang malawak na pagkakaiba ay naghiwalay sa mga lungsod at
punong - lungsod, sa loob ng nakalipas na 200 taon na digmaan – ang Digmaang Franco-Prussian, Unang
Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig – nagkaroon ng magkaisang lakas.

Mga Wika sa France


French ang pangunahing wika ng 65.4 milyong mamamayan, subalit may iba pang wika ang mga rehiyon. Ang
French, ang wikang opisyal ng France ay ang unang wika ng 88% ng populasyon samantalang ito naman ang
ikalawang wika ng mga tao rito na hindi French ang mother tongue o unang wika. Tinatayang 3% ng populasyon
ay nagsasalita ng wikang German, nangingibabaw ito sa mga probinsiya sa silangan, at may maliit na pangkat
na nagsasalita ng Flemish sa Hilagang-Silangan. Arabic ang ikatlong pinakamalaking wikang ginagamit. Italian
naman ang ikalawang wika ng mga nakatira sa hangganan ng Italy, at Basque na ginagamit ng mga nakatira sa
French-Spanish Border. Ang iba pang wika ay Catalan, Breton (the Celtic language), Occitan dialects, at mga
wika mula sa dating kolonya ng France tulad ng Kabyle at Antillean Creole.

Relihiyon ng France
Katoliko ang pangunahing relihiyon ng France – tinatayang 80% ay nagsasabing sila ay Katoliko. Ang iba pang
pangunahing relihiyon ay Islam, (karaniwang relihiyon ng mga dayuhan mula sa hilagang Africa), Protestante, at
Judaism.

Pagpapahalaga ng mga taga-France


Malaki ang pagpapahalaga ng mga taga-France sa kanilang bansa at pamahalaan at karaniwang nagagalit kapag
nakaririnig ng negatibong komento tungkol sa kanilang bansa. Ang pag-uugali nilang ito ay karaniwang
itinuturing ng mga turista lalo na ng mga Amerikano na kawalang-galang. Ang ekspresiyong “chauvinism” ay
nagmula sa France. Bagaman ang kababaihan ay gumaganap ng mahahalagang papel sa pamilya at negosyo,
marami pa rin ang naniniwalang ang France ay maledominated culture. Niyayakap ng mga taga-France ang estilo
at sopistikasyon at ipinagmamalaki nila ang katotohanang kahit sa mga pampublikong lugar ay mala-maharlika
sila. Ang mga taga-France ay naniniwala sa “egalite” na nangangahulugang pagkakapantay-pantay, at ito’y
bahagi ng motto ng kanilang bansa: “Liberte, Egalite, Fraternite.” Marami ang nagsasabi na mas
pinahahalagahan nila ang pagkakapantay-pantay kaysa kalayaan at pagkakapatiran, ang dalawang huling salita
sa kanilang motto.

LUTUIN
Ang pagkain at alak ay sentro ng buhay sa lahat ng antas ng lipunan, at maraming mga pagtitipon ang nagaganap
sa isang marangyang hapunan. Palaging may tinapay sa bawat oras ng pagkain, at karaniwan nang makakita ng
mahaba, crusty baguettes na iniuuwi sa bahay. Ang keso ay mahalaga ring sangkap ng bawat pagkaing French.

Page 3 of 12
Bagaman marami na ang pagbabago sa estilo ng pagluluto, marami pa rin ang nag-uugnay sa kanilang lutuin
sa malapot na sarsa at komplikadong paghahanda. Ang ilan sa matataas na uri ng pagkain nila ay boeuf
bourguignon – nilagang baka na kinulob sa red wine, beef broth at nilagyan ng bawang, sibuyas at kabute – at
coq au vin, ulam na may manok, alak na Burgundy, Jardons (maliliit na hiwa ng taba ng baboy), button
mushrooms, sibuyas at maaari ring lagyan ng bawang.
PANANAMIT
Ang Paris ay kilala sa matataas na uri ng fashion houses; ang mga taga-France ay kilala sa hindi matatawarang
mariringal na pananamit. Karamihan sa kanila ay sopistikado kung manamit, disente at sunod sa uso
(professional and fashionable style), ngunit hindi sobra sa dekorasyon (overly fussy). Ang karaniwang damit nila
ay mahahabang amerikana, terno, mga bandana (scarves) at berets o bilog at malalambot na sombrero.
SINING
Ang sining ay nasa lahat ng sulok ng France – lalo na sa Paris at iba pang pangunahing lungsod – at ang
impluwensiyang Gothic, Romanesque Rococo at Neoclassic ay makikita sa maraming simbahan at iba pang
pampublikong gusali. Marami sa mga kilalang artist ng kasaysayan, kabilang ang Espanyol na si Pablo Picasso at
Dutchborn Vincent van Gogh ay naghanap ng inspirasyon sa Paris, at sila rin ang nagpasimuno ng impressionism
movement. Ang Louvre Museum sa Paris ay ilan sa pinakamalalaking museum at ang tahanan ng maraming
kilalang gawa ng sining, kasama na ang Mona Lisa at Venus de Milo.
MGA PIYESTA AT PAGDIRIWANG
Ipinagdiriwang ng mga taga-France ang mga tradisyunal na piyesta ng mga Kristiyano tulad ng Pasko at Mahal
na Araw. Inaalaala din nila ang May Day, kilala rin bilang Araw ng mga Manggagawa tuwing Mayo 1 at Araw ng
Tagumpay sa Europa kapag Mayo 8 bilang pag-alaala sa pagtatapos ng pakikipaglaban sa Europa noong
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Araw ng Bastille ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 14, ang araw kung kailan
ang fortress ng Paris ay binagyo ng mga rebolosyunista upang masimulan na ang Rebolusyon sa France.

C. 1 PAGLINANG NG KABIHASNAN
Panuto: Limiin ang bawat salitang isusulat bilang tugon sa katanungan.
Matapos nating malaman ang tungkol sa kultura, kaugalian at tradisyon ng Pransiya oras na upang ibahagi
naman ninyo ang inyong sariling kulturang kinagisnan o taglay. Bigyan ng maikli ngunit makabuluhang
paliwanag ang inyong mga sagot.

GAWAIN C.2 : Pangngalan Mo, Palitan Mo


PANUTO: Suriin ang kasunod na talata. Mula sa mga salitang nasa loob ng panaklong, piliin ang angkop na
panghalip. BILUGAN ANG SAGOT:

Ang natural na kagandahan ni Donnalyn ay lalong tumingkad nang 1. (siya’y, ito’y, nito’y) magdalaga. Idagdag
pa ang taglay na talino 2. (niya, kaniya, siya). Kaya naman alagang-alaga ni Aling Girlie ang anak. Inaako 3. (nito,
niya, siya) ang lahat ng gawaing bahay para hindi masira ang magagandang hubog ng mga daliri ng kaniyang
prinsesa. Hindi 4. (ito, siya, niya) tumutulong sa mga gawain sa bukid para hindi umitim ang makinis at maputing
balat 5. (nito, niya, dito). Sa kabila ng 6. (kaniyang, kanilang, aming) kahirapan ay iginagapang nilang mag-
asawa ang pag-aaral ni Donnalyn sa isang Catholic School sa bayan. Subalit ni minsan ay hindi nagawang silipin
ng ina ang anak sa loob ng paaralan nito. Kabilin-bilinan ni Donnalyn na huwag 7. (siyang, niyang, kaniyang)
pupunta roon, higit sa lahat huwag 8. (itong, siyang, niyang) magpapakilalang nanay 9. (niya, nito, siya). Ito’y
labis 10. (niyang, kaniyang, siyang) ipinagdaramdam.
- Mula sa “Iisang Mata” ni Joselyn Calibara-Sayson

D.PAGTALAKAY SA BAGONG KONSEPTO AT PAGLALAHAD NG BAGONG KASANAYAN #1


Ating kilalanin ang buhay ng may akda na si Guy de Maupassant.
Buod ng Talambuhay ni Guy de Maupassant
Si Henry-René-Albert-Guy de Maupassant o may kilalla sa ngalang Guy de Maupassant ay isang Pranses na
manunulat. Kilala sya sa tanyag niyang maikling kwentong “The Necklace”. Ipinanganak noong ika-5 ng Agosto
taong 1850, si Maupassant ay galing sa naka-aangat na pamilya, siya ay nag-aral sa isang seminaryo noong siya
ay labintatlong taong gulang at nag-aral ng Law sa Paris bago siya sumabak sa gyera bilang isang sundalo.
Nakapaglimbag ng mahigit 300 daang mga kuwento at 6 na libro si Maupassant bago siya namatay noong siya
ay 43 taong gulang.

Page 4 of 12
ANG KUWINTAS NI GUY DE MAUPASSANT
Siya’y isa sa magaganda’t mapanghalinang babae na sa pagkakamali ng tadhana ay isinilang sa angkan ng mga
tagasulat. Pumayag siyang pakasal sa isang abang tagasulat sa Kagawaran ng Instruksyon Publiko sapagkat
walang paraan upang siya’y makilala, panuyuan, bigyan ng dote, at pakasalan ng isang mayaman at tanyag na
lalaki. Pangkaraniwan lamang ang mga isinusuot niyang damit dahil sa hindi niya kayang magsuot ng magagara.
Hindi siya maligaya. Sa pakiwari niya’y alangan sa kaniya ang lalaking nakaisang-dibdib sapagkat sa mga babae
ay walang pagkakaiba-iba ng katayuan sa buhay. Ang ganda’t alindog ay sapat na upang maging kapantay ng
sinumang hamak na babae ang isang babaing nagmula sa pinakadakilang angkan. Ang isang babaing nagbuhat
sa karaniwang angkan ay magiging kasinghalaga ng mga maharlika sa pamamagitan ng pinong asal at pag-
uugali, pagkakaroon ng pang-unawa sa tunay na kahulugan ng magara at makisig at kakaibang kislap ng diwa.
Labis ang kaniyang pagdurusa at paghihinagpis dahil may paniniwala siyang isinilang siya sa daigdig
upang magtamasa ng lubos na kaligayahan sa buhay na maidudulot ng salapi. May taglay siyang alindog na hindi
nababagay sa kasalukuyan niyang kalagayan. Ipinaghihinagpis niya ang karukhaan ng kaniyang lumang tahanan,
ang nakaaawang anyo ng mga dingding, ang mga kurtinang sa paningin niya ay napakapangit. Malimit na sa
pagmamasid niya sa babaing Briton na siyang gumaganap ng ilang abang pangangailangan niya sa buhay ay
nakadarama siya ng panghihinayang at napuputos ng lumbay ang kaniyang puso kapag naiisip ang mga
pangarap niya sa buhay na hindi yata magkakaroon ng katuparan. Naglalaro sa kaniyang balintataw ang anyo
ng tahimik na tanggapang nasasabitan ng mamahaling kurtina, pinaliliwanag ng matatangkad na kandilerong
bronse at may nagtatanod na dalawang naglalakihang bantay na dahil sa init ng pugon ay nakatulog na sa
dalawang malaking silyon. Naiisip niya ang mahahabang bulwagang nagagayakan ng mga sedang tela ng unang
panahon na nagsisilbing palamuti, mga mamahaling kasangkapan na ang mga hiwaga at kababalaghan ay
walang kapantay na halaga, mga silid-bihisang marangya at humahalimuyak sa bango, mga taong tanyag na
pinagmimithing makilala ng balana at makikisig na ginoong pinananabikang karinggan ng papuri at
pinaglulunggatian ng kababaihan.
Sa hapunan, sa tuwing uupo siya kaharap ang asawa sa harap ng mesang nalalatagan ng isang kayong
pansapin na tatlong araw nang ginagamit ay iba ang laman ng kaniyang kaisipan. Kahit na naririnig niya ang
malugod na pagsasabi ng asawa pagkabukas ng supera ng “A, ang masarap na potau-feu! Aywan nga ba kung
may masarap pa riyan!” Ang nasa isip niya sa mga gayong sandali ay ang nakakainggit na masarap na hapunan,
ang mga nagkikinangang kubyertos at ang marangyang kapaligiran. Kaagad na naiisip din niya ang mga
malinamnam na pagkaing nakalagay sa magagandang pinggan. Naiisip din niya ang mga papuring ibinubulong
sa kaniya na kunwari’y hindi niya napapansin ngunit sa katotohanan ay nakakikiliti sa kaniyang damdamin
samantalang nilalasap niya ang malinamnam na mamula-mulang laman ng isda o kaya’y pakpak ng pugo.
Sa pakiwari niya’y iniukol siya ng tadhana na magkaroon ng mga bagay na lubhang malapit sa kaniyang
puso katulad ng magagarang damit at mga hiyas ngunit wala siya ng mga iyon. Labis ang pagmimithi niyang
masiyahan siya, maging kahali-halina, kaibig-ibig, maging tampulan ng papuri at pangimbuluhan ng ibang babae.
May isang naging kaklase siya sa kumbento na naging kaibigan niya. Mayaman iyon. Dati’y malimit niyang
dalawin ang kaibigan ngunit nitong mga huling araw ay iniwasan na niyang dumalaw roon sapagkat lalo lamang
tumitindi ang kapighatiang kaniyang nadarama sa kaniyang pag-uwi pagkatapos ng pagdalaw. Isang gabi’y
masayang dumating ang kaniyang asawa. Buong pagmamalaking iniabot sa kaniya ang hawak na malaking
sobre. “Para sa iyo ito,” ang sabi sa kaniya.
Kaagad niyang inabot ang sobre at nagmamadaling pinunit ang dulo nito. Nabasa niya ang nakalimbag
na mga salitang: “Malugod na inaanyayahan ng Ministro ng Instruksyon Publiko at ni Gng. George Ramponneau
sina G. at Gng. Loisel sa isang kasayahang idaraos sa palasyo ng Ministeryo sa Lunes ng gabi, Enero 18.” Sa halip
na matuwa na siyang inaasahan ng lalaki ay padabog na inihagis ng kaniyang asawa sa ibabaw ng mesa ang
paanyaya. Bumubulong na sinabing ano ang gagawin niya rito.
“Mahal, akala ko’y ikatutuwa mo ang pagkakakuha ko sa paanyaya. Nais ko lamang na malibang ka,
kailanma’y hindi ka nakapaglilibang at naisip kong ito’y isang mabuting pagkakataon para sa iyo. Nagnanais
makadalo ng lahat kaya’t lubha akong nahirapang makakuha ng paanyaya. Matataas na tao sa pamahalaan ang
inanyayahan at dadalo. Piling-pili lamang ang mga panauhin. Hindi sila nagbigay ng maraming paanyaya sa mga
tagasulat.” Pagalit na pinagmasdan ng babae ang asawa at payamot na sinabing, “Ano ang isasampay ko sa aking
likod?” Naging pauntol-untol ang sagot ng lalaki dahil sa hindi niya kaagad naisip iyon.
“Para sa akin ay maganda ang damit mong isinusuot kung pumapasok tayo sa teatro kaya maaari na
iyon.” Nagulumihanang napahinto ang lalaki nang makita niyang umiiyak ang asawa. Naitanong niya kung ano
ang nangyayari rito. Pinagsikapan ng babaing mapaglabanan ang paghihinagpis at nang huminahon na siya’y
sumagot, “Wala! Wala akong damit na maisusuot kaya hindi ako makadadalo sa kasayahang iyan. Ipamigay mo
na lang ang paanyaya sa isa mong kasamahan na may nakahandang damit na isusuot ang asawa.” Walang
malamang gawin ang lalaki, pagkuwa’y nangusap sa asawa, “Hintay, Mathilde, tingnan muna natin. Sa palagay

Page 5 of 12
mo’y magkano ang magiging halaga ng isang bestidong magiging kasiya-siya sa iyo at maaari mo pang gamitin
sa mga ibang pagkakataon?”
Nag-isip sumandali si Mathilde. Mabilisang gumawa siya ng pagtataya kung magkano ang maaari niyang
hinging halaga sa matipid na asawa nang hindi masindak ito at tumanggi. Nag-aatubili siyang sumagot ng “Hindi
ko natitiyak ang halaga, ngunit sa palagay ko’y maaari na ang apat na raang prangko.” Natigilan sumandali ang
lalaki at bahagyang namutla sapagkat ang natitipon niyang gayong halaga ay ipambibili niya ng isang baril na
pang-ibon. Binabalak niyang mamaril ng ibon sa Kapatagan ng Nanterre sa darating na tag-araw. Sasama siya sa
ilang kaibigang dati nang namamaril ng mga ibon doon. Gayunpaman ay sinabi niya sa asawa, “Ayos na, ibibigay
ko sa iyo ang apat na raang prangko. Bumili ka ng isang bestidong maganda.” Malapit na ang araw ng sayawan
ngunit waring malungkot si Mathilde, hindi siya mapalagay at tila may suliraning gumugulo sa isipan. Nakahanda
na ang bestidong kaniyang gagamitin. Napansin ito ng lalaki at isang gabi’y inusisa ang asawa. “Magtapat ka sa
akin, anong nangyayari sa iyo? Tatlong araw nang kakaiba ang kilos mo.”
Payamot na sumagot ang babae, “Mabuti pa kaya’y huwag na akong dumalo sa sayawan. Wala man
lamang akong maisusuot kahit isang hiyas. Magmumukha akong kaawa-awa.” “Usong-uso ang mga sariwang
bulaklak sa ganitong panahon. Maaaring iyon ang isuot mo. Sapat na ang sampung prangko upang makabili ka
ng dalawa o tatlong alehandriya.” Waring hindi sang-ayon ang babae at ang sabi, “Hindi! Wala nang kahabag-
habag na kalagayan kung hindi magmukhang maralita sa gitna ng mga babaing maykaya sa buhay.”
Napabulalas ang lalaki. “Napakahangal mo! Bakit hindi mo hanapin ang kaibigan mong si Madame
Forestier. Humiram ka ng ilang hiyas sa kaniya. Hindi kaniya marahil tatanggihan dahil sa matalik mo siyang
kaibigan.” Napasigaw sa tuwa si Mathilde, “Oo nga, hindi ko naalaala ang aking kaibigan.”
Nagtungo kinabukasan sa kaibigan si Mahtilde. Ipinagtapat niya rito ang kaniyang problema. Tinungo ni
Madame Forestier ang taguan ng kaniyang mga hiyas at kinuha mula rito ang isang kahon. Binuksan ang kahon
at pinamili ang kaibigan,
“Mamili ka, mahal.”
Ang una niyang nakita’y ang ilang pulseras, ang sumunod ay isang kuwintas na perlas at pagkaraan ng
isang krus na Benesiyanong ginto na may mahahalagang bato at talagang kahanga-hanga ang pagkakayari.
Sinubok niyang isuot ang hiyas sa harap ng salamin, nagbabantulot siya at hindi mapagpasyahan kung ang mga
iyon ay isasauli o hindi. Paulit-ulit siyang nagtatanong sa kaibigan, “Wala ka na bang iba pa?”
“Aba, mayroon pa! Mamili ka, hindi ko alam kung alin ang ibig mo.” Walang ano-ano’y may napansin
siyang isang kahong nababalot ng itim na satin, nasa loob nito ang isang kuwintas na diyamante na lubhang
kahanga-hanga. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso at nanginginig ang mga kamay na dinampot ang kuwintas.
Isinuot niya ang kuwintas sa ibabaw ng kaniyang damit na may kataasan ang pinakaleeg.
Mahabang sandaling nalunod siya sa kaligayahan sa pagmamalas sa sariling alindog sa salamin.
Pagkaraan ay nag-uulik-ulik siyang nagtanong, “Ipahihiram mo ba ito, ito lamang?” “Oo, mangyari pa?” Mahigpit
na niyakap ni Mathilde ang kaibigan, pinupog ng halik at maligayang nagpaalam dito.
Sumapit ang inaasam niyang araw ng sayawan. Nagtamo ng malaking tagumpay si Madame Loisel.
Nahigitan niya ang lahat ng mga babae sa ganda, sa rangya, at sa pagiging kahali-halina kaya palagi siyang
nakangiti dahil sa nag-uumapaw sa puso ang kaligayahan. Napako sa kaniya ang paningin ng kalalakihan at
gumawa sila ng paraan upang makilala si Mathilde. Ninais siyang makasayaw ng lahat ng kagawad ng gabinete.
Nag-ukol sa kaniya ng pansin pati ang ministro.
Buong pagkahaling siyang nakipagsayaw, lasing na lasing sa kaluwalhatian ng tagumpay na tinamo sa
pamumukod ng kaniyang kagandahan. Tila siya lumulutang sa ulap dahil sa paghanga ng lahat sa kaniya na
napakatamis at walang katumbas sa puso ng isang babaing katulad niya.
Mag-iikaapat na ng madaling araw nang silang mag-asawa ay umuwi. Hatinggabi pa lamang, ang asawa
niya kasama ng tatlong lalaking ang mga asawa’y nagpapakalunod din sa kaligayahan, ay nakatulog na sa isang
maliit na tanggapan.
Ibinalabal ng asawa sa balikat ni Mathilde ang isang abang pangginaw na ginagamit ng mga karaniwang
tao, isang pangginaw na nakapupusyaw sa karangyaan ng pananamit ni Mathilde. Dinamdam niya ang
pagkakaroon ng abang pangginaw at ninais niyang makatalilis agad upang hindi siya maging kapansin-pansin sa
ibang babaing dumalo na nagsisipagsuot ng mamahalin nilang balabal.
Pinigil siya ng lalaki, “Hintayin mo ako rito sandali, sisipunin ka sa labas. Tatawag ako ng sasakyan.”
Ngunit hindi niya pinansin ang asawa at nagdudumali siyang nanaog sa hagdanan. Hindi sila nakakita ng
sasakyan sa lansangan at sila’y nagsimulang maghanap. Tinahak nila ang daang patungo sa pampang ng ilog
Seine.Kapwa sila kumikinig sa ginaw at pinanawan na ng pag-asang makakita pa ng kanilang masasakyan. Sa
wakas ay nakatagpo sila sa daungan ng isa sa matatandang dokar na dahil sa ikinahihiya ang karalitaan sa
liwanag ng araw ay sa pagkagat ng dilim lamang nakikita sa mga lansangan ng Paris.

Page 6 of 12
Pagkahatid sa kanila ng matandang dokar sa kanilang tinitirhan ay malungkot silang umakyat sa
hagdanan. Tapos na ang maliligayang sandali kay Mathilde. Sa lalaki naman ay wala siyang iniisip kundi kailangan
niyang makasapit sa Kagawaran sa ganap na ika-10:00 ng umaga.
Hinubad ng babae sa harap ng salamin ang kaniyang balabal upang minsan pang malasin ang kaniyang
kagandahan. Napasigaw siya nang malakas. Wala sa kaniyang leeg ang kuwintas! Nag-usisa ang asawang noon
ay nangangalahati na sa pagbibihis. “Anong nangyari sa iyo? Bakit?” Parang baliw niyang binalingan ang asawa.
“Wala ang kuwintas ni Madame Forestier.” Ang nabiglang lalaki’y napalundag halos sa pagtayo. “Ano! Paanong
nangyari? Imposible!”
Hinanap ng mag-asawa ang kuwintas sa kung saan-saan, sa mga lupi ng damit ni Mathilde, sa mga lupi
ng kaniyang pangginaw, sa mga bulsa at sa iba pang lugar.
Hindi nila natagpuan ang kuwintas. “Natitiyak mo bang nakasuot sa iyo nang umalis tayo sa sayawan?”
ang tanong ng lalaki. “Oo, natitiyak ko, nahipo ko pa nang nasa pasilyo ako ng palasyo,” ang tugon ni Mathilde.
“Kung iyon naman ay sa daan nawala ay di narinig sana natin ang lagapak. May palagay akong nawala sa dokar.”
“Marahil nga. Kinuha mo ba ang numero ng dokar?”
“Hindi! At ikaw, napansin mo ba?”
“Hindi rin.”
Balisang nagkatinginan ang mag-asawa. Muling nagbihis si M. Loisel.
“Pagbabalikan kong lahat ng pinagdaanan natin. Baka sakaling makita ko.” Nanaog na ang lalaki. Ang
babae ay naghintay sa isang silya, hindi na niya inalis ang damit na ginamit sa sayawan. Tila nawalan siya ng
lakas, kahit magtungo sa kama upang matulog. Labis ang kaniyang panlulumo, nawalan siya ng sigla at nawalan
ng kakayahang mag-isip ng anoman.
Mag-iika-7:00 na ng umaga nang bumalik ang lalaki. Nanlulupaypay siya at ibinalita sa asawa na hindi
niya nakita ang kuwintas. Sa harap ng gayong nakagigimbal na pangyayari, si Mathilde ay maghapong
naghihintay na sapupo ng di-matingkalang pangamba.
Bumalik kinagabihan ang lalaki, pagod na pagod, namumutla at nanlalalim ang mga mata; hindi niya
natagpuan ang kuwintas. Pinayuhan ng lalaki ang asawa na sumulat sa kaibigan nito at sabihing nabali ang
sarahan ng kuwintas at kasalukuyan pang ipinapagawa upang magkapanahon silang makapag-isip-isip. Ginawa
naman ng babae ang payo ng asawa.
Pagkalipas ng isang linggo ay lubusan na silang pinanawan ng pag-asa. Sa maikling panahong iyon
tumanda si M. Loisel nang limang taon.
Nagpahayag ang lalaki sa asawa na kailangang isipin nila kung paano mapapalitan ang nawalang
kuwintas. Kinabukasan, ang mag-asawa’y nagtungo sa tanggapan ng alaherong nakasulat ang pangalan at
direksyon sa loob ng kahon ng kuwintas. Hinanap ng alahero sa kaniyang talaan ang sinasabing kuwintas.
“Hindi ako ang nagbili ng kuwintas na ipinagtatanong ninyo, wala pong nanggaling sa akin kundi ang
sisidlan lamang,” ang wika ng alahero kay Madame Loisel. Pinuntahan ng mag-asawa ang lahat ng mga
maghihiyas upang makakita ng katulad ng nawala na ang anyo ay buong pagsisikap na inalala
samantalang kapwa sila nanlulupaypay sa pagkabigo at paghihirap ng kalooban.
Nakatagpo sila sa isang tindahan sa Palais Royal ng isang tuhog ng diyamanteng sa palagay nila ay katulad
ng kanilang pinaghahanap na kuwintas. Nagkakahalaga ito ng apatnapung libong prangko, ngunit ibibigay na sa
kanila sa halagang tatlumpu’t anim na libo. Pinakiusapan ng mag-asawa ang may-ari ng tindahan na huwag
munang ipagbili ang kuwintas sa loob ng tatlong araw. Pinakiusapan din nila ang mayari ngtindahan na kung
sakaling bago magtapos ng buwan ng Pebrero ay makita nila ang nawawalang kuwintas, matapos nilang bayaran
ang bagong kuwintas ay bibilhin itong muli ng may-ari ng tindahan sa halagang tatlumpu’t apat na libong
prangko.
May namanang labingwalong libong prangko si M. Loisel sa namatay na ama. Hiniram niya ang
kapupunan nito. Gayon din ang ginawa ng lalaki. Kung kani-kanino siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan,
pinasok kahit na ang mga gipit na kasunduan, kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng
manghuhuthot.
Inilagay niya ang buong buhay niya sa alanganing katayuan, nakipagsapalaran sa paglagda sa gayong
hindi niya natitiyak kung matutupad o hindi ang nilagdaan at ngayo’y nanggigipuspos siya dahil sa mga hirap na
maaari pa niyang sapitin, ng nakaambang pagdurusa ng pangitain ng bukas na puspos ng pagsasalat at
paghihirap ng kalooban. Nang matipon nang lahat ang halagang kinakailangan ay tinungo ni M. Loisel ang
tindahan ng kuwintas at ibinagsak sa mesang bilangan ng may-ari ng tindahan ng mga hiyas ang tatlumpu’t anim
na libong prangko.
Malamig ang pagtanggap ni Madame Forestier kay Mathilde nang isauli niya ang kuwintas. Nagsalita ito
sa tuyot na tinig ng “Isinauli mo sana agad ang kuwintas, baka sakaling kinailangan ko ito.” Hindi na binuksan ng

Page 7 of 12
kaibigan ang kahon ng kuwintas. Naisip ni Matilde na kung sakaling nahalata ng kaibigan ang pagkakapalit ng
kuwintas, ano kaya ang aakalain at sasabihin nito sa kaniya? Hindi kaya iisiping siya’y magnanakaw?
Ngayo’y lubos na naunawaan ni Mathilde ang mamuhay sa gitna ng tunay na karalitaan. Nabigla man
siya sa bagong papel na kailangan niyang gampanan ay tinanggap niya iyon at buong tatag na ginampanan.
Dapat mabayaran ang napakalaki nilang pagkakautang. Pinaalis nila ang kanilang utusan, lumipat ng ibang
tirahan, nagtiis sila sa pangungupahan sa isang maliit na silid sa kaituktukan ng isang bahay-paupahan.
Naranasan ni Mathilde ang mabibigat na gawain; ang nakayayamot na pangangasiwa sa kusina,
paghuhugas ng mga pingggan, paglilinis ng mga kaldero at kawaling mamantika, paglalaba ng mga damit,
mantel, serbilyeta at pamunas.
Ipinapanaog niya sa lansangan ang kanilang kakaning baboy sa tuwing umaga at nagpapanhik siya ng
tubig na gamit nila sa itaas. Suot niya ang pananamit ng pangkaraniwang babae, siya’y nagtutungo sa tindahan
ng prutas, de lata, at sa magkakarne. Nakasabit sa isang braso ang pangnan, nakikipagtawaran siya, nilalait at
ipinakikipaglaban ang kakarampot niyang pamalengke. May pagkakautang silang binabayaran nang buwanan,
may pinagkakautangan silang pinakikiusapan, humihingi ng kaunti pang panahon sa pagbabayad.
Pagsapit ng gabi, habang maaga pa’y inaayos na ni M. Loisel ang talaang tuusan ng sinumang
mangangalakal na nangangailangan ng gayong paglilingkod at sa kalaliman ng gabi sa halagang limang sentimos
isang pahina na ginagawa naman niya ang mga salin ng mga katha.
Tumagal ng sampung taon ang ganito nilang pamumuhay na mag-asawa. Sa wakas ay nabayaran din nila
ang buong pagkakautang, kasama na ang mga tubo at nagkapatong-patong na tubo ng mga tubo. Mukhang
matanda na ngayon si Madame Loisel. Isa na siyang tunay na babae ng mga maralitang tahanan – matipuno ang
katawan, matigas ang mga laman at magaspang ang mga kamay na namumula. Nakasabog ang kaniyang buhok
at patabingi ang kaniyang saya. Matinis ang kaniyang tinig. Nanlalamira ang sahig kung siya’y mag-isis.
Paminsan-minsan, kung nakaalis na ang asawa patungong opisina, si Madame Loisel ay nauupo sa tabi ng
bintana. Pinagbabalikan niya sa gunita ang napakasayang gabing iyon na malaon nang nakalipas. Ang kaniyang
kagandahang naging tampok sa sayawan at naging dahilan upang siya’y maging tampulan ng paghanga.
Ano ang maaaring nangyari kung hindi nawala ang kuwintas? Sino ang nakaaalam? Tunay na ang buhay
ay kakatwa at mahiwaga! Sukat ang isang maliit na bagay upang tayo’y mapahamak at mapabuti! Isang
araw ng Linggo, samantalang si Mathilde ay naglalakad sa Champs Elysees, nagliliwaliw naman siya pagkatapos
ng isang linggong singkad ng mga gawain sa bahay ay namataan niya ang isang babaing may akay-akay na bata.
Ang babae’y si Madame Forestier, bata pa rin ang anyo, maganda pa ring katulad ng dati at taglay pa rin ang
panghalina.
Nakangiti niyang sinalubong ang kaibigan at binati. “Magandang araw sa iyo, Jeanne.” Labis na nagtaka
si Madame Forestier. Hindi siya nakilala nito at pinagtakhan ang palagay sa loob na pagbati sa kaniya ng isang
maralitang babae.
Pauntol-untol na wika nito, “Ngunit ginang, hindi ko kayo nakikilala. Marahil ay nagkakamali kayo.”
“Hindi! Ako’y si Mathilde Loisel.”
Napabulalas ang kaibigan. “O, kaawa-awa kong Matilde! Kay laki ng ipinagbago mo!”
“Oo nga, mahabang panahon ang ipinagtiis ko ng hirap mula nang huli nating pagkikita, at labis na
kalungkutan ang dinanas ko… at ikaw ang dahilan ng lahat.
Napamulagat si Madame Forestier, “Dahil sa akin! Paano nangyari iyon?”
“Naaalaala mo pa ba ang hiniram kong kuwintas na diyamanteng isinuot ko sa sayawan sa kagawaran?” “Oo,
ay ano?”
“Ano pa, naiwala ko ang kuwintas na iyon.”
“Anong ibig mong sabihin? Isinauli mo sa akin ang kuwintas?”
“Isinauli ko sa iyo ang isang kuwintas na katulad na katulad ng hiniram ko sa iyo. Sampung taon kaming
nagbayad ng mga utang. Alam mo namang hindi madali sa katulad naming mahirap ang gayong bagay.
Ngunit nakalipas na ang lahat ng iyon at ngayon ay galak na galak na ako.” Natigilan si Madame Forestier.
“Sabi mo’y bumili ka ng kuwintas na diyamante na ipinalit mo sa hiniram mo sa akin na naiwala mo?”
“Oo, samakatuwid ay hindi mo pala napansin. Talagang kamukhang-kamukha iyon ng hiniram ko sa iyo.”
Ngumiti si Matilde nang may pagmamalaki, isang ngiting puspos ng kawalang-malay katulad ng ngiti ng isang
paslit. Nabagbag nang gayon na lamang ang kalooban ng kaibigan.
“O, kahabag-habag kong Mathilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang ng
baso. Ang pinakamataas na maihahalaga roon marahil ay limang daang prangko.

D.1 PAGPAPALAWAK NG SALITA


TALASALITAAN

Page 8 of 12
PANUTO: Upang lubusan nating maunawaan ang akdang ating binasa ay ating hawiin at bigyang linaw ang mga
salitang mahirap unawain mula sa akda. Basahin at unawain ang pangungusap sa bawat bilang at ibigay ang
kahulugan ng mga salitang initiman batay sa pagkakagamit nito sa pangungusap.

1. Sinubok niyang isuot ang hiyas sa harap ng salamin, nagbabantulot siya at hindi mapagpasyahan kung ang
mga iyon ay isasauli o hindi. _______________________________
2. May taglay siyang alindog na hindi nababagay sa kasalukuyan niyang kalagayan kaya’t ipinaghihinagpis niya
ang karukhaan ng kaniyang lumang tahanan.________________________
3. Malimit na sa pagmamasid niya sa babaeng Briton na siyang gumaganap ng ilang abang pangangailangan niya
sa buhay ay nakadarama siya ng panghihinayang at napuputos ng lumbay ang kaniyang puso kapag naiisip
ang mga pangarap niya sa buhay na hindi yata magkakaroon ng katuparan.____________________
4. “O, kahabag-habag kong Matilde! Ang ipinahiram kong kuwintas sa iyo ay imitasyon lamang, puwit lamang
ng baso.__________________________
5. Naglalaro sa kaniyang balintataw ang anyo ng tahimik na tanggapang nasasabitan ng mamahaling kurtina,
pinaliliwanag ng matatangkad na kandilerong bronse at may nagtatanod na dalawang naglalakihang bantay
na dahil sa init ng pugon ay nakatulog na sa dalawang malaking silyon. ______________________________
6. Kung kani-kanino siya nanghiram, lumagda sa mga kasulatan, pinasok kahit na ang mga gipit na kasunduan,
kumuha ng mga patubuan at pumatol sa lahat ng uri ng manghuhuthot. ______________________________
7. Sa harap ng gayong nakagigimbal na pangyayari, si Matilde ay maghapong naghihintay na sapupo ng
dimatingkalang pangamba.__________________________
8. Labis ang pagmimithi niyang masiyahan siya, maging kahali-halina, kaibigibig, maging tampulan ng papuri at
pangimbuluhan ng ibang babae.________________________
9. Nagulumihanang napahinto ang lalaki nang makita niyang umiiyak ang asawa.____________________

D.2 PAG-UNAWA SA NILALAMAN: SA PARAANG MALAWAKANG PAG-IISIP, BIGYAN NG ANGKOP NA


KATUGUNAN ANG MGA KATANUNGANG NAKA-UGNAY SA KWENTONG NABASA.
PAGSASANAY : Matapos nating basahin ang akdang “ang kuwintas” ay ating alamin kung lubusan ba ninyong
naunawaan ang akda: sagutin ang mga sumusunod na katanungan batay sa paksang nabasa sa itaas.
MGA GAWAIN:
Ipakilala ang mga pangunahing tauhan sa kuwento sa pamamagitan ng kasunod na character
map.

Katangiang TAUHAN Gawi o Aksiyon


Pisikal

Humalaw ng dalawang pangyayari mula sa akdang binasa na maaaring maganap sa tunay na


buhay. Patunayan ang iyong sagot kung paano ito naganap sa tunay na buhay.

Pangyayari sa Akda Pangyayari sa tunay na


buhay

Magbigay ng isang kulturang nasasalamin mula sa akdang binasa. Ibigay ang pagkakatulad at
pagkakaiba nito sa ating kultura bilang isang Pilipino.

Page 9 of 12
KULTURA

PAGKAKAIBA PAGKAKAIBA

PAGKAKATULAD
PRANSIYA PILIPINAS

E.PAGTALAKAY SA BAGONG KONSEPTO AT PAGLALAHAD NG BAGONG KASANAYAN #2


PAG-UUGNAY NG GRAMATIKA SA PAKSA (KASANAYANG PANGGRAMATIKA)
Alam mo ba na... https://www.slideshare.net/KasandraCasuyon/sining-ng-pagsasalaysay Retrieved Hunyo 5,2020

Pihadong nabasa ninyo ang akda ni Guy de Maupassant tungkol sa “Ang Kuwintas” na talaga namang kinaaliwan
ng lahat. Kaya naman sa araw na ito ay ating tatalakayin ang isang bahagi ng pananalita na ginamit mula sa
akda. Narito ang ilang pangungusap, tukuyin nga ninyo kung ano ang inyong napapansin?

• Napakaraming kumakain sa karinderya ni Aling Susan dahil si Aling Susan ay mahusay magluto.
• Sina Eba at Adan ay lumabag sa utos kaya sina Ebat at Adan ay pinarusahan ng Diyos.
• Ako at si Kiko ay lagging magkasundi sapagkat ako at si Kiko ay matalik na magkaibigan.

Napakahusay! Inyong napansin na ang mga pangngalang ginamit sa pangungusap ay paulit-ulit. Sa inyong
palagay anong bahagi ng pananalita ang makakatulong sa atin upang maiwasto ang mga pangungusap?
P ___ N___ ___ A ___ I ___
Magaling! Iyan ay tinatawag na panghalip. Batay sa inyong pang-unawa sa mga halimbawang pangungusap, ano
ang tinatawag na panghalip?
Pagtalakaysa Panghalip Bilang Panuring sa mga Tauhan (Anapora at Katapora).
Ito ay mga salitang tulad ng panghalip na nagkakawing sa mga salita, parirala at sugnay.Nakababagot na mabasa
at marinig ang mga salitang paulit-ulit na ginagamit sa isang texto o pahayag.Maiiwasan ang nabanggit na pag-
uulit kung gagamit tayo ng panghalip tulad ng siya, niya, kanila, at iba pa. Ang paggamit ng mga panghalip upang
humalili sa pangngalan ay tinatawag na pagpapatungkol.
1. Pagpapatungkol na Anapora
Ang elementong pinalitan ng panghalip ay unang nabanggit sa unahan ng texto o pahayag o panghalip sa hulihan
bilang pananda sa pinalitang pangngalang binanggit sa unahan. Halimbawa:
a. Patuloy na dinarayo ng mga turista ang Dos Palmas Resort sa Palawan dahil sila’y totoong
nagagandahan dito.
b. Si Gracia Burnham ay isa sa mga dayuhang turista na pumunta sa Dos Palmas Resort dahil ayon sa
kanya, paborito niya itong pasyalan.
2. Pagpapatungkol na Katapora
Dito, ang elementong pinalitan ng panghalip ay binabanggit pagkatapos ng panghalip na inihalili o ipinalit:
panghalip na ginamit sa unahan ng texto o pahayag bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa hulihan ng texto
o pahayag.
Halimbawa:
a. Patuloy nilang dinarayo ang Dos Palmas Resort sa Palawan dahil ang mga turista’y totoong nagagandahan
dito.

Page 10 of 12
b. Siya ay isa sa mga dayuhang turista na patuloy na pumupunta sa Dos Palmas Resort sa Palawan dahil ayon
kay Gracia Burnham paborito niya itong pasyalan.

PAGSASANAY: Ang mga sumusunod ay katulad na pahayag mula sa textong binasa.


Isulat sa patlang ang PA kung pagpapatungkol sa anapora ang panghalip na may salungguhit at PK kung
pagpapatungkol sa katapora ang ginamit na panghalip na may salungguhit sa pahayag.

_____1. Isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng buwis ng bansa ang turismo dahil ito ay nagbibigay ng
napakalaking pera sa kaban ng bansa.
_____2. Sa panahon ng kanyang panunungkulan, pinatunayan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos na kaya
niyang paunlarin ang turismo sa Pilipinas.
_____3. Ayon sa mga nakaaalam ng takbo ng negosyo sa bansa, bumagsak daw ang turismo sa administrasyong
Estrada dahil mahina raw siyang pangulo.
_____4. Isa siyang ekonomista kaya alam ng Pangulong Arroyo kung paano muling sisigla ang turismo sa
Pilipinas.
_____5. Ito ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng turismo sa bansa kaya ang terorismo ay patuloy na
sinusugpo ng Administrasyong Arroyo

Panuto: Salungguhitan ang cohesive devices na ginamit sa mga pangungusap. Isulat sa tapat ng bilang kung
ito ay anapora o katapora.

_______________1. Si Donya Aurora Aragon-Quezon ang nagtatag ng Krus na Pula. Ikinasal siya kay Pangulong
Manuel L. Quezon na isa nang pulitiko noon.
_______________2. Katulong si Donya Aurora ni Pangulong Quezon sa pagpapatupad ng Katarungang
Panlipunan. Puspusan ang pagkalinga niya sa mga nangangailangan at kapuspalad.
_______________3. Nang bumagsak ang Bataan at Corregidor, ang pamilya Quezon ay pumunta sa Amerika.
Doon ay tumulong siya sa American Red Cross at patuloy na nakipag-ugnayan sa mga pinunong bayan.
_______________ 4. Tapos na ang digmaan nang siya ay bumalik sa Pilipinas.Gayunpaman, tumulong si Donya
Aurora sa Pangulong Manuel A. Roxas na mapagtibay ang kalayaan ng Pambasang Krus na Pula.
_______________ 5. Ang pagmamahal niya sa bayan ay di mapapasubalian. Ito ay taglay niya hanggang
kamatayan.

F. PAGLINANG NG KABIHASNAN
Pagsasanay 1: Sagutan ang mga sumusunod na tanong.
1. Sa kasalukuyang panahon, sa iyong paligid ba ay may mga Matilde kang nakikita? Ilarawan.
2. Kung ikaw si Matilde, ano ang gagawin mo upang matupad ang mga pangarap mo sa buhay?

G. PAGLALAPAT NG ARALIN SA PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY


Gamit ng Paraang Pagsusuri: Magsalaysay ng pangyayari sa buhay mo na may kaugnayan sa naging kalagayan
ng mga tauhan sa binasang luwento. Magtala ng natutuhang mensahe sa pangyayari sa buhat. Gamitin ang
kasunod na grapikong presentasyon sa pagsasalaysay ng mga pangyayari.

Page 11 of 12
Mga maaaring sagot.
Dapat maging kontento ka sa mga bagay na mayroon ka.
Hindi mo kailangang maging materyalistiko.
Magsikap sa buhay upang umangat para mabili mo na ang mga gusto mo at hindi na kailangang humiram sa
iba.
Ang tunay na kagandahan ay hindi sa kalabasang anyo, kundi sa ating kalooban.

H.PAGLALAHAT NG ARALIN:
PANUTO: Magbigay ng reaksiyon sa ideya ng bawat pahayag ukol sa ANG KUWINTAS NI GUY DE MAUPASSANT
A. KATOTOHANAN - _________________________________________________________________________
B.KAGANDAHANG ASAL – ____________________________________________________________________

DAPAT TANDAAN : Alam mo ba na...


Ayon kay Edgar Allan Poe, ang tinaguriang Ama ng Maikling Kuwento ay isang akdang pampanitikang
likha ng guniguni at bungang –isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay. Ang KUWENTO NG TAUHAN
ay isang uri ng kuwentong ang higit na binibigyang-halaga o diin ay kilos o galaw, ang pagsasalita at pangungusap
at kaisipan ng isang tauhan? Naglalarawan ito ng iisang kakintalan sa taong inilalarawan o pinapaksa.
Kumakatawan siya sa kabuuan ng kuwento sa pamamagitan ng ano mang nangingibabaw na ideya o ng mga
kabuluhan sa kuwento. Si Henry-René-Albert-Guy de Maupassant o may kilalla sa ngalang Guy de Maupassant
ay isang Pranses na manunulat. Kilala sya sa tanyag niyang maikling kwentong “The Necklace”.

I.PAGTATAYA NG ARALIN
A. Panuto: GAMIT ANG MALIKHAING PAG-IISIP, SURIIN ANG MGA SUMUSUNOD:
Masasabi mo bang ikaw ay bahagi ng sinasabing “KULTURA”? Sa papaanong paraan mo mailalarawan ang
epekto ng kultura sa iyong pang-araw-araw na buhay?

J. KARAGDAGANG GAWAIN PARA SA TAKDANG ARALIN AT REMEDIATION:


Ibigay ang pagkakaiba at pagkakatulad ng kultura, kaugalian at tradisyon ng Pransiya at ng ating bansang
Pilipinas.

PAGKAKATULAD KULTURA PAGKAKAIBA

Wika

Relihiyon

Pananamit

Pagkain

Sining

Pagdiriwang

Page 12 of 12

You might also like