Game of Trolls Paper

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

05391 MHI

Pagsusuri ng Game of Trolls bilang Produktong Kultural


Ang “Game of Trolls” ay isang musikal na ipinalabas sa PETA Theater noong Abril 1-2. Tungkol
ito sa isang “heckler o troll” na si Heck na kasapi ng isang grupong ipinapangalang “The Marshalls of
History,” at nais nila na maging mabuti ang tingin ng mga ibang Pilipino sa panahon ng Martial Law at ng
mga Marcos. Unti-unting nagbago ang paniniwala ni Heck pagkatapos siya kausapin ng mga multo ng mga
totoong taong pinatay noong Martial Law, at sa tulong ng mga kaibigan at nanay niya, napabagsak niya ang
“trolls” na ito.
Maaring suriin ang akda na ito gamit ang ilang mga perspektibo, ngunit sa papel na ito, susuriin
ang musikal bilang Produktong Kultural, ayon kay Roland B. Tolentino. Sa Game of Trolls, ipinakita ang
isyu ng Martial Law at ng mga historikal na rebisyunista gamit ang mga makabagong paraan, kagaya ng
Facebook, Google, at mga gadyet. Mahalagang tingnan nang mabuti kung ano ang kaugnayan ng mga isyu
na ito sa mga tao at lipunan sa Pilipinas sa kasalukuyan, at kung paano sila naaapektuhan ng kasaysayan,
heograpiya, at modernidad (Tolentino, 33). Isang mabuting halimbawa nito ay makikita sa kasaysayan ng
Pilipinas at ang naging epekto ng Martial Law sa mga nabiktima noong panahon na iyon. Dahil sa mga
karahasang naganap noon, napakaraming mga Pilipino ang nagalit at nasaktan, at nais nila na hindi muli
mangyari ito. Sa kasalukuyang panahon, nais ng mga rebisyunista na magkaroon ulit ng Martial Law o
ibalik sa puwesto ang mga Marcos, kaya upang ipakita ang totoong nangyari noong panahon na ito at para
maging mulat ang mga ibang Pilipino, isinulat ang musikal na ito, ayon sa manunulat na si Liza Magtoto
sa kanilang “playbill.” Ang susunod na mahalagang talakayin ay ang naging epekto ng heograpiya sa
naganap sa akda, at makikita ito kung paano malapit sa Cordillera, maraming mga Kalinga ay pinatay noong
panahoon ng Martial Law dahil hindi sila sumang-ayon sa paggawa ng isang salopilan o harangan ng tubig
sa isang ilog na malapit sa kanilang komunidad dahil posibleng masama ang maging epekto nito sa
kalikasan. Sa musikal, naipakita ang isang tauhan na multo ng isa sa mga pinatay dahil dito, at kahit hindi
naman doon naganap ang kuwento, inilahad pa rin niya ang naganap noong marami sa kanila ay pinatay ng
mga tauhan ni Marcos. Maliban sa epekto ng heograpiya at kasaysayan, mainam din na tingnan ang epekto
ngayon ng modernidad sa paraan na ipinakita ang musikal, at sa mga “motif” o paksang ginamit sa kuwento.
Sa kasalukuyang panahon, madalas na ginagamit ang mga gadyet katulad ng mga “iPhone, laptop, at tablet.”
Posible rin na upang maipakita na kahit ngayon, madami pa ring Pilipino ang lumalaban sa pagbalik ng
Martial Law, ilan sa mga ginamit sa musikal ay ang mga makabagong gadyet na ito. Sa kabilang banda,
ginamit din ng mga “Marshalls of History” ang mga ito, at posible na ipinapakita nito na kahit ngayon, may
mga Pilipino pa ring naniniwala na ang Martial Law ay isa sa mga pinakamabuting panahon ng Pilipinas,
at na dapat maibalik sa puwesto ang mga Marcos.
Kagaya ng mga ibang produktong kultural, ang akdang ito ay dapat dumaan din sa prosesong
produksiyon at resepsiyon (Tolentino, 34). Habang isinusulat ang musikal, naka-sentro ito sa mga isyu
tungkol sa Martial Law, at kung paano nila ipapakita ito sa bagong henerasyon ng mga Pilipino. Maliban
pa rito, habang ipinapalabas na nila ang akda, patuloy silang nakatatanggap ng resepsiyon sa mga nanonood
nito. Gamit ang kritisismo na ibinibigay sa kanila, posible na patuloy nilang ipapaganda ang kanilang
produksiyon. Importante na bilang produktong kultural, may ipinapahiwatig ang akda nila (Tolentino, 34),
at kita naman sa tema at sa mga isyung ipinapakita rito ang pangunahing sinasabi ng akda. Napakaraming
karahasang naganap noong panahon ng Martial Law, at dahil sa mga Marcos, maraming Pilipino ay sinaktan
at pinatay dahil nagsalita sila laban sa pamahalaan. Para hindi muli mangyari ang isang trahedyang katulad
nito, at para hindi makabalik sa puwesto ang mga Marcos at ang mga tumulong sa kanila, mahalaga na
hindi makalimutan ng mga bagong henerasyon ng mga Pilipino ang mga naganap noong panahon na iyon.
Ipinapakita ng akda na sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang laban para hindi kailanman makalilimutan at
mauulit ang Martial Law, at na nasa kamay ng mga Pilipino kung magwawagi ba sila sa laban na ito.
Para lalong maging detalyado at masalimuot ang pagsusuri ng akda bilang Produktong Kultural,
posible rin na bigyang atensyon ang mga espesipikong kategoryang kultural, katulad ng lahi, etnisidad, uri,
kasarian, seksuwalidad, henerasyon, relihiyon, at ng mga iba pang subkultura (Tolentino, 42-47). Ang
kategoryang kultural na may isa sa mga pinakamatinding relasyon sa akda ay ang henerasyon dahil sa mga
paraan ng parehong pagsuporta at pagkalaban sa Martial Law na ipinakita sa musikal. Kahit na ang Martial
Law ay tungkol sa isang isyu na naganap maraming taon na ang nakalipas, marami pa rin ang mga
matatanda at mga mas batang Pilipino ang lumalaban para hindi muli mangyayari ito. Naipakita sa
pamamagitan ni Heck at ng kaniyang nanay na pareho silang nagtutulungan laban sa Martial Law at sa mga
rebisyunistang nagtatangkang maibalik ito. Sa huli, bata man o matanda, importante pa rin na
makipagtulungan ang mga ibang henerasyon ng Pilipino upang hindi na mangyari ang isang malubhang
sakuna kagaya nito. Posible na hindi pa malapit ang katapusan laban dito, ngunit ang mahalaga ay hindi
mawala ang pagnanais ng mga Pilipino na makagawa ng mas mabuting bansa para sa isa’t isa.
Sanggunian:
Liza Magtoto. A Game of Trolls: Writer's Notes. N.p.: Liza Magtoto, n.d. Print.
Caluza, Desiree. "Martial Law Leaves Scar on Kalinga Community." Inquirer.net. N.p., 15 June 2013.
Web. 14 Apr. 2017. <http://newsinfo.inquirer.net/427069/martial-law-leaves-scar-on-
kalinga-community>.
Game of Trolls. Dir. Maribel Legarda. By Liza Magtoto. PETA Theater, Quezon. 1 Apr. 2017.
Performance.
Tolentino, Roland B. Pag-aklas Pagbaklas Pagbagtas: Politikal na Kritisismong Pampanitikan. Lungsod
Quezon: The University of the Philippines Press, c 2009. Print.

You might also like