Panlinggong Pagdiriwang Kung Wala Ang Pari

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 38

PANLINGGONG PAGDIRIWANG

KUNG WALA ANG PARI


at mga Panalangin ng Pagpupuri at Pasasalamat
para sa Karaniwang Panahon, Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay,
Adbiyento at mga Simbang Gabi

IMMACULATE CONCEPTION MAJOR SEMINARY


Bo. Tabe, Guiguinto, Bulacan

LITURGICAL AFFAIRS COMMITTEE


PANLINGGONG PAGDIRIWANG
KAPAG WALA ANG PARI
(Para sa gamit ng Laikong Namumuno)
Magsusuot ang namumuno ng damit na nararapat sa kanyang tungkulin. Ilalagak ang Banal na Sakramento sa Tabernakulo
ng kapilya o bisita. Kung walang tabernakulo, ilalagay ang siboryo sa ibabaw ng altar na may corporal at sisindihan ang
dalawang kandila.

PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, magpupurisyson ang namumuno at iba pang mga lingkod patungo sa santuaryo,
maninikluhod sa Banal na Sakramento, at magbibigay-galang sa altar habang inaawit ang pambungad na awit. Tutungo
ang tagapaglingkod sa altar.

Nakaharap sa sambayanan, mag-aantanda ng krus ang namumuno kasama ng bayan.

PAGBATI
Namumuno: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Babatiin niya ang sambayanan sa pamamagitan ng sumusunod na pananalita o katumbas nito. Maari ring tingnan ang
ankop na Pambungad na Pananalita na matatagpuan sa Maliit na Misal.

Namumuno: Mga kapatid,


binabati ko kayo sa ngalan
ng ating Panginoong Hesukristo.
Naririto siya ngayon sa ating piling,
sapagkat sinabi niya,
“Kapag ang dalawa o tatlo ay natitipon sa aking
pangalan, ako’y nasa piling nila.”

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 2


Pipili ang namumuno mula sa mga sumusunod:

UNANG PAMAMARAAN

PAGPUPURI SA PANGINOON (Karaniwang Panahon)


Namumuno: Sama-sama tayong natitipon ngayon
upang ipagdiwang
ang Araw ng Panginoon.
Purihin natin siya sa kanyang
mga kahanga-hangang gawa.
Ang ating tugon: Purihin ang Panginoon!

Bayan: Purihin ang Panginoon!

Namumuno:
Dahil sa biyaya ng buhay. (Tugon)
Dahil sa biyaya ng pananampalataya. (Tugon)
Dahil sa biyaya ng Banal na Espiritu. (Tugon)
Dahil sa biyaya ng kanyang banal na Salita. (Tugon)
Dahil sa biyaya ng kanyang katawan at dugo
sa sakramento ng Eukaristiya. (Tugon)
Dahil sa pag-ampon sa atin bilang mga anak ng Diyos. (Tugon)
Dahil sa pagiging kaanib
ng Simbahang Apostolika at Katolika. (Tugon)
Dahil sa pagpapatawad niya sa ating mga kasalanan. (Tugon)

PAPURI SA DIYOS
Namumuno: Sama-sama tayong nagdiriwang ng Araw ng Panginoon,
purihin natin ang kanyang kadakilaan at kabutihan.

Papuri sa Diyos sa kaitaasan. (Gloria in Excelsis Deo)


Maaaring isunod ang pagsisisi ng kasalanan at ang pag-awit ng Papuri sa Diyos sa Kaitaasan, p. 6.

3 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


PAGPUPURI SA PANGINOON (Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay)
Namumuno: Mga kapatid,
Si Kristo ay muling nabuhay, aleluya!

Bayan: Tunay siyang muling nabuhay, aleluya!

Namumuno: Natitipon tayo ngayon upang ipagdiwang


ang matagumpay na pagkabuhay
ng ating Panginoong Herukristo
Inihahatid ko sa inyo ang pagbati ng ating kura paroko
at ng sambayanang Kristiyano.
Kaisa ng Espiritu Santo,
magpuri tayo sa Diyos sa kaitasan
at sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo
ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng ating mga kasalanan.

PAPURI SA DIYOS
Namumuno: Sama-sama tayong nagdiriwang ng Araw ng Panginoon,
purihin natin ang kanyang kadakilaan at kabutihan.

Papuri sa Diyos sa kaitaasan. (Gloria in Excelsis Deo)

Maaaring isunod ang pagsisisi ng kasalanan at ang pag-awit ng Papuri sa Diyos sa Kaitaasan, p. 6.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 4


PAGPUPURI SA PANGINOON (Panahon ng Adbiyento)
Namumuno: Mga kapatid,
sa panahon ng Adbiyento
inaanyayahan tayo ng Simbahan
na malugod na hintayin ang pagdating ni Hesus,
ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan.
Purihin natin si Kristo
na nagbigay ng galak sa lahat ng mga naghihintay
sa kaniyang pagdating.
Nawa’y dalisayin niya ang ating mga puso at isipan
upang maging karapat-dapat tayong tumanggap sa kaniya.

Sama-sama nating sambitin:


Halina, Panginoong Hesus.

Bayan: Halina, Panginoong Hesus.

Namumuno:
Ikaw na nananahan sa piling ng Ama. (Tugon)
Ikaw na naging katulad namin sa lahat ng bagay
maliban sa kasalanan. (Tugon)
Ikaw na nagbigay liwanag sa aming puso at isipan. (Tugon)
Ikaw na dumating upang ialay ang sariling buhay. (Tugon)
Dahil sa biyaya ng kanyang katawan at dugo
sa sakramento ng Eukaristiya. (Tugon)

Mga kapatid, malugod nating hintayin


ang pagdiriwang ng kapanganakan ng ating tagapagligtas.

Bayan: Amen.

Maaaring isunod ang pagsisisi ng kasalanan at ang pag-awit ng Papuri sa Diyos sa Kaitaasan, p. 6.

5 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


IKALAWANG PAMAMARAAN

PAGSISISI NG KASALANAN
Namumuno: Mga kapatid, bilang paghahanda natin sa pagdiriwang
na ito, magsisi tayo’t humingi ng kapatawaran para sa
ating mga nagawang pagkakasala sa Diyos, sa ating
kapwa at sa ating sarili.

Saglit na tatahimik ang lahat at taimtim na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at pagkukulang sa Diyos
at sa kapwa.

Bayan: Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos at sa inyo, mga kapatid, na


lubha akong nagkasala sa isip, sa salita, sa gawa at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko sa Mahal na Birheng Maria, sa lahat ng mga anghel at
mga banal, at sa inyo, mga kapatid, na ako’y ipanalangin sa Panginoon
nating Diyos.

Namumuno: Kaawaan nawa tayo ng makapangyarihang Diyos,


patawarin sa ating mga kasalanan, at patnubayan tayo
hanggang sa buhay na walang hanggan.

Bayan: Amen.

Namumuno: Panginoon, kaawaan mo kami.

Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

Namumuno: Kristo, kaawaan mo kami.

Bayan: Kristo, kaawaan mo kami.

Namumuno: Panginoon, kaawaan mo kami.

Bayan: Panginoon, kaawaan mo kami.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 6


Isang awit ng papuri o pagsusumamo ay maaring kantahin dito ng bayan. Ang Gloria rin ay maaawit o madarasal,
maliban kung panahon ng Adbiyento at Kuwaresma.

Namumuno: Papuri sa Diyos sa Kaitaasan. (Gloria in Excelsis Deo)

Bayan: At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya. At sa lupa'y


kapayapaan sa mga taong kinalulugdan N'ya. Pinupuri Ka namin,
dinarangal Ka namin, sinasamba Ka namin, ipinagbubunyi Ka namin,
pinasasalamatan Ka namin dahil sa dakila Mong angking kapurihan.

Panginoong Diyos hari ng langit, Diyos Amang makapangyarihan sa lahat


Panginoong Hesukristo, bugtong na anak. Panginoong Diyos, Kordero ng
Diyos, Anak ng Ama.

Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.


Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, tanggapin Mo ang
aming kahilingan. Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, maawa ka sa
amin.

Sapagkat Ikaw lamang ang banal at ang kataastaasan. Ikaw lamang O


Hesukristo ang Panginoon kasama ng Espiritu Santo sa kadakilaan ng Diyos
Ama. Amen.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Kunin ang nauukol na panalangin para sa tumpak na araw ng Linggo mula
sa Misal Romano o Sakramentaryo. Hindi na kailangang itaas pa ang mga
kamay katulad ng pari.

Namumuno: Manalangin tayo...


Bayan: Amen.

Uupo ang namumuno sa upuang inilaan para sa kaniya sa sanctuaryo at


hindi sa upuan na nakalaan para sa Pari o sa Kura Paroko.

7 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


LITURHIYA NG SALITA NG DIYOS
Kunin ang mga nauukol na pagbasa para sa araw na iyon ng Linggo
mula sa leksiyonaryo. Ang paggamit ng mga panalangin at
pagbasang nakatakda para sa isang araw ng Linggo ay
nagpapakilala ng pakikipagkaisa ng sambayanang ito sa lahat ng
sulok ng daigdig. Ang ebanghelyo ay maaring isang lector din ang
bumasa. Mauupo sa may lugar ng mga lector ang namumuno,
samantalang bumabasa sa ambo ang mga lector.

UNANG PAGBASA
Lektor: Ang Salita ng Diyos mula sa…

Bayan: Salamat sa Diyos.

SALMO RESPONSORIO
Ang salmo pagkaraan ng unang pagbasa at ang aleluya o
pananawagan bago mag ebanghelyo ay nasa leksiyonaryo rin.
Kapuwa sila pagtulong upang mapagmuni-muni natin ang Salita ng
Diyos. Dapat itong kapuwa inaawit, ngunit maari na ring basahin lamang kung walang ibang paraan. Sila’y sa ambo rin
ginagawa ng isang kantor o lector.

IKALAWANG PAGBASA (Kung araw ng Linggo at mga Dakilang Kapistahan)

EBANGHELYO (Aawitin ang Aleluya at babasahin ang nakatakdang Pambungad sa Mabuting Balita)

Namumuno: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay…


Hindi na kailangang krusan bago at halikan pagkatapos basahin ang Aklat ng Mabuting Balita.

Bayan: Papuri sa Iyo Panginoon.

Babasahin ng malinaw at marahan ang Mabuting Balita..

Namumuno: Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Bayan: Pinupuri ka namin Panginoong Jesukristo.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 8


PAGNINILAY
Ito’y kailangang pinag-usapan ng kura paroko at ng mga ministrong laiko kung papaano gagawin. Maaaring basahin ang
isang maikling pagninilay tungkol sa pagbasa mula sa kura paroko, o gawa ng isang ministro ngunit ipinakita sa kura. Ang
pagninilay na ito ay dapat maikli lamang, mga 5-8 minuto. Maaari ding tahimik na magmunumuni ang lahat.

PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
(Ito ay ipapahayag kung araw ng Linggo o sa mga Dakilang Kapistahan)

Namumuno: Mga kapatid, ipahayag natin ang ating pananampalataya.

Bayan:
Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.

Sumasampalataya ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos,


Panginoon nating lahat. Nagkatawang tao Siya lalang ng Espiritu
Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni
Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa
karoroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na
mag-uli. Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang
Makapangyarihan sa lahat. Doon magmumulang paririto't
maghuhukom sa nangabubuhay at nangamamatay na tao.

Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Banal na


Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal; Sa
kapatawaran ng mga kasalanan, Sa pagkabuhay na mag-uli ng
nangamatay na tao, at sa buhay na walang hanggan. Amen.
(Maari ding gamitin ang Credo Niceno-Constantinopolitano na makikita
sa Maliit na Misal.)

PANALANGIN NG BAYAN
Tingnan ang nauukol na Panalangin ng Bayan na nakasaad sa Maliit na Misal para sa Linggong ito.

9 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


BANAL NA PAKIKINABANG
Kung ang Santisimo ay nakalagak sa Tabernakulo, ihahanda ng namumuno ang altar sa pamamagitan ng paglalagay ng
corporal, sa bahaging ito, sisindihan ang mga kandila. Kukunin ng namumuno ang siboryo mula sa tabernakulo, ilalagay niya
ito sa altar at maninikluhod. Maaring umawit habang inihahanda ang paglalagay ng siboryo sa altar.

Matapos ang paglalagak sa altar ng Santisimo o kung ang Santisimo ay na sa altar na nakalagak, magpapatuloy ang
namumuno sa pamamagitan ng pag-anyaya sa sambayanan habang nasa kanyang lugar. Tatayo ang sambayanan.

(Para sa Karaniwang Panahon)


Namumuno: Mga kapatid,
sambahin natin ang Panginoong Hesukristo
na kapiling natin sa Banal na Sakramento
na kaniyang inihabilin sa Simbahan
bilang buklod ng pagmamahalan
at tanda ng pag-ibig at pagkakaisa.

(Para sa Panahon ng Adbiyento)


Namumuno: Mga kapatid,
ihanda natin ang ating sarili sa pagtanggap kay Kristo,
ang Tinapay ng Buhay.
Siya ang bumubusog at nagpapanatili sa atin
upang tayo ay patuloy na maghintay sa kanyang pagdating.

(Para sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay)


Namumuno: Mga kapatid,
sambahin natin ang ating Panginoong Hesukristo
naririto sa sakramento ng Pag-ibig,
tanda ng pagkakaisa, at bigkis ng pagmamahal.
Luluhod siya kasama ang sambayanan at maglalaan ng ilang saglit na pagsamba at katahimikan.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 10


PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PASASALAMAT
Pagkatapos ng pagsamba sa Banal na Sakramento, tatayo ang lahat. Darasalin ng namumuno ang Panalangin ng
Pagpupuri’t Pagpapasalamat. Hindi na kailangang itaas pa ang mga kamay katulad ng pari.

Tingnan ang nakatakdang Panalangin ng Pagpupuri at Pasasalamat na naayon sa Panahon ng Liturhiya.

PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PASASALAMAT I


Para sa Karaniwang Panahon

Namumuno: Amang mapagmahal,


ito ang araw ng muling pagkabuhay ng iyong Anak,
na aming Panginoong Hesukristo,
na siyang nagdulot ng kagalakan
sa buong sanlibutan.
Ito ang araw nang nagpakita siya
sa kaniyang mga alagad,
upang bigyan sila ng pag-asa at kaginhawahan
at pagkalooban ng kapayapaan.
Ito ang araw nang nakisalo siya
at nagpakilala sa kanila
sa pamamagitan ng paghahati-hati ng tinapay.
Kaya nagpupuri kami sa iyo, ang atin pong itutugon:
Parangal at papuri sa Iyo, Panginoong Diyos.

Bayan: Parangal at papuri sa Iyo, Panginoong Diyos.

11 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


Namumuno: Ama, napakadakila ang iyong pag-ibig sa amin!
Tuwing tinitipon kami, malayo man sa parokya,
hindi ka nawawala sa aming piling
bagkus higit naming pinananabikan
ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Sinasamba at pinasasalamatan ka namin
sa mga kaloob at kapayapaang handog mo
sa tinapay na nagbibigay buhay.
Kaya nagpupuri kami sa iyo.

Bayan: Parangal at papuri sa Iyo, Panginoong Diyos.

Namumuno: Sa kapangyarihan ng iyong Banal na Espiritu,


mag-alab nawa sa aming puso ang iyong pag-ibig.
Maalala nawa naming lagi
ang itinuro ng iyong bugtong na Anak
sa Banal na Kasulatan
at makilala nawa namin siya
sa Banal na Sakramento sa altar.
Kaya nagpupuri kami sa iyo.

Bayan: Parangal at papuri sa Iyo, Panginoong Diyos.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 12


Namumuno: Amang mapagmahal, kaisa ng buong Simbahan
at ng aming parokya,
tanggapin mo ang aming papuri at pasasalamat
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama
ng Espiritu Santo magpasawlang hanggan

Bayan: Amen.

Isusunod ang pag-awit ng Ama Namin na nasa Pahina 30.

13 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PASASALAMAT II
Para sa Karaniwang Panahon

Namumuno: Amang makapangyarihan at maawain,


ang pag-iral mo ay liwanag na di malalapitan.
Sa bawat panahon, tinatanggal mo ang lambong ng iyong mukha
upang ipakita sa lahat ang iyong karunungan at pagmamahal.
At sa itinakda mong panahon,
isinugo mo ang iyong Anak sa sandaigdigan
upang pawiin ang kadiliman sa puso ng sangkatauhan.
Sa kanyang laman, mukha mo'y aming nasisilayan
at nililinis kami ng liwanag ng iyong kadakilaan.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan,
ang atin pong itutugon:
Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Namumuno: Amang maluwalhati at makapangyarihan,


binalot mo ng iyong liwanag ang sangkalupaan
nang si Hesukristo ay mangaral ng mabuting balita,
magpagaling ng mga maysakit
at magpatawad ng mga nagsisising makasalanan.
Nang Siya ay nakikipagbuno sa buhay at kamatayan,
binalot ng kadiliman ang buong daigdig,

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 14


subalit ang iyong liwanag ay nagningning
sa puso ng kanyang pinatawad.
Nabuhay at naluluklok sa iyong kanan,
inaanyayahan niya tayo sa kaharian ng di nagmamaliw na liwanag.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Namumuno: Amang mapagbigay at mapagmahal,


Ikaw lamang ang makatitighaw sa aming uhaw sa katotohanan,
Ikaw lamang ang makabubusog sa aming gutom sa buhay.
Sa ilang, binigyan mo ng inumin ang iyong bayan
at pinakain ng manang mula sa langit.
Nang naparito ang iyong Anak sa mundong nagugutom,
inihanda niya ang hapag ng kanyang katawan
at kami'y kanyang inaanyayahan na makibahagi
sa pinagpirapirasong tinapay
upang buhay nami'y magningning sa kanyang pag-ibig.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

15 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


Namumuno: Amang mapagmahal, kaisa ng buong Simbahan
at ng aming parokya,
tanggapin mo ang aming papuri at pasasalamat
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama
ng Espiritu Santo magpasawlang hanggan

Bayan: Amen.

Isusunod ang pag-awit ng Ama Namin na nasa Pahina 30.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 16


PANALANGIN NG PAGPUPURI AT PASASALAMAT
Para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Namumuno: Amang makapagyarihan,


walang hangganan ang iyong pag-ibig!
Ibinangon mo ang Iyong Anak at aming Panginoong Hesukristo,
mula sa kamatayan,
at kasama niya, binigyan mo kami ng bagong buhay
sa tubig at Espiritu Santo.
Si Hesukristo’y nabuhay, at nasa piling natin.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan,
ang atin pong itutugon:
Purihin at ipagdangal ang Diyos, aleluya!

Bayan: Purihin at ipagdangal ang Diyos, aleluya!

Namumuno: Amang makapagyarihan,


walang hangganan ang iyong pag-ibig!
Matapos ang kanyang pagkabuhay, ang aming Tagapagligtas
ay napakita sa kanyang Ina at mga alagad.
Ngayo’y naririto siya sa piling natin
sa ating natitipon sa kanyang pangalan
Si Hesukristo’y nabuhay, at nasa piling natin.

17 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Purihin at ipagdangal ang Diyos, aleluya!

Namumuno: Amang makapangyarihan,


walang hangganan ang iyong pag-ibig!
Ngayong panahon ng Pasko ng Pagkabuhay
hindi mo pinagkait ang iyong pag-ibig at pagpapala,,
dahil binubusog mo kami ng iyong salita at
ng maluwalhating katawan ng iyong Anak
Si Hesukristo’y nabuhay at nasa piling natin.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Purihin at ipagdangal ang Diyos, aleluya!

Namumuno: Amang mapagmahal, kaisa ng buong Simbahan


at ng aming parokya,
tanggapin mo ang aming papuri at pasasalamat
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama
ng Espiritu Santo magpasawlang hanggan

Bayan: Amen.

Isusunod ang pag-awit ng Ama Namin na nasa Pahina 30.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 18


PARA SA PANAHON NG ADBIYENTO

Namumuno: Mapagmahal na Ama,


ikaw ang lumikha sa lahat.
Pinuno mo ng pagpapala ang sanlibutan
at pinamunga mo nang masagana ang aming pagpapagal
upang makabahagi ang lahat.
Upang maging karapat-dapat kami sa pagdating ni Kristo,
pinukaw mo sa aming mga puso
ang maging bukas-palad sa mga nangangailangan.
Kaya masidhi naming inihahayag, ang atin pong itutugon:
“Paghandaan ang pagdating ni Kristo.”

Bayan: Paghandaan ang pagdating ni Kristo.

Namumuno: Mapagpalang Diyos


nang nakiisa sa amin ang iyong Anak na si Kristo,
ipinakita niya na ikaw ay mapagkalinga
sa mga naghihirap at nangangailangan.
Ipinangaral niya sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Pinakain niya sa ilang ang mga nagugutom,
at iniutos niya na dalawin ang mga nasa piitan,
bihisan ang mga walang maisuot,
at kalingain ang mga may karamdaman.
Upang maging karapat-dapat kami

19 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


sa pagdating ni Kristo,
pinukaw mo sa aming mga puso
ang maging bukas-palad sa mga nangangailangan.
Kaya masidhi naming inihahayag:

Bayan: Paghandaan ang pagdating ni Kristo.

Namumuno: Mapagpalang Diyos,


bilang paghahanda sa kapaskuhan
iminulat mo ang aming mga mata
sa pangangailangan ng iba.
Inantig mo ang aming mga puso na magkawanggawa.
Tuwing natitipon kami bilang isang bayan
upang tanggapin si Kristo, ang Tinapay ng Buhay,
naaalala namin na sa buhay na ito
ay may mga nasa sakit at kawalan.
Upang maging karapat-dapat kami sa pagdating ni Kristo
pinukaw mo sa aming mga puso
ang maging bukas-palad sa mga nangangailangan.
Kaya masidhi naming inihahayag:

Bayan: Paghandaan ang pagdating ni Kristo.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 20


Namumuno: Kaisa ni N., na aming Papa, ni N., na aming Obispo,
ni N., na aming Kura Paroko,
at ang lahat ng simbahang laganap sa buong daigdig,
pinupuri at pinasasalamatan ka namin,
Diyos aming Ama, sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Isusunod ang pag-awit ng Ama Namin na nasa Pahina 30.

21 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


PARA SA MGA SIMBANG GABI
Disyembre 16 – 24

Namumuno: Amang makapangyarihan,


nagmumula sa iyo ang lahat ng mabuti.
Higit sa anumang aming masasabi
ang kahanga-hangang kaloob mo
na si Hesus, ang aming Tagapagligtas
na isinilang ng Birheng Maria.
(Babasahin ang nakatakdang panalangin para sa bawat araw, pahina 24.)

Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan


aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Namumuno: Amang makapangyarihan,


ikaw ang nagbibigay ng lahat ng aming pangangailangan.
Kapos ang aming dila
sa paglalahad ng kadakilaan
na kaloob ng iyong Anak
sa sakramento ng Eukaristiya.
Siya ang pagkaing bumaba mula sa langit
para busugin at panatilihin ang kanyang bayan,
habang sila'y naglalakbay nang may katatagan
patungo sa walang hanggan mong tahanan.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 22


Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Namumuno: Amang makapangyarihan,


tintipon mo ang iyong bayan upang pag-isahin.
Labis-labis ang iyong kaloob na si Hesukristo
na nagbubuklod sa lahat sa pananampalataya at pag-asa
at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
Pumarito siya upang ituro sa amin ang landas sa pagkakaisa
sa paghilom sa sugat ng pagkakabukod-bukod.
Pumarito siya upang tipunin tayo bilang isang pamilya
sa pag-anyaya sa atin sa yapos ng kanyang pag-ibig.
Kaya't kaisa ng mga anghel sa kalangitan
aming ipinagbubunyi ang iyong kadakilaan:

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan.

Namumuno: Amang mapagmahal, kaisa ng buong Simbahan


at ng aming parokya,
tanggapin mo ang aming papuri at pasasalamat
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama
ng Espiritu Santo magpasawlang hanggan

Bayan: Amen.

23 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


DISYEMBRE 16:
“Si Hesus ang Liwanag ng Sanlibutan”

Namumuno: Siya ang kaningningan ng kadakilaan mo


na pumawi sa kadiliman ng kasalanan.
Nagniningning siya tulad ng maliwanag na sulo,
tumatanggap sa lahat sa daan ng katotohanan.

DISYEMBRE 17:
“Si Hesus ang Pag-asa ng Sangkatauhan”

Namumuno: Sa kalungkutan at kawalan ng pag-asa,


tayo'y kanyang ibinabangon sa kanyang matatag na bisig.
Sa pagdilim ng karimlan at kawalan ng katiyakan,
mukha niya'y masisilayan upang pag-asa'y ihatid sa atin.

DISYEMBRE 18:
“Ang pananalig ng mga magulang ni Hesus”

Namumuno: Ang kanyang pagsilang ay balot ng banal na hiwaga,


subali't mga magulang niya'y matibay ang pananalig,
nag-aanyaya sa ating maging matatag at tapat
kapag inalipusta ng kanyang mga turo ang ating mga nalalaman.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 24


DISYEMBRE 19:
“Hinirang upang ipahayag si Hesus”

Namumuno: Upang ipahayag na siya ay malapit nang dumating


ginawa mong si Juan Bautista ay maging kanyang tagapanguna.
Upang ipalaganap ang Balita ng kaligtasan
ipinagkatiwala mo sa amin ang salita niyang makapangyarihan

DISYEMBRE 20:
“Sinunod ni Maria ang kalooban ng Diyos”

Namumuno: Siya ay babaeng may matatag at tapat na pananalig,


‘di naliligalig sa mga pagsubok, nagtitiwala sa iyong pag-ibig.
Ang kanyang pagsunod nang may kagalakan sa iyong kalooban
ay nagkamit sa amin ng pagdating ng Mananakop.

DISYEMBRE 21:
“Kay Maria, nakikipagtagpo tayo kay Hesus nang may galak”

Namumuno: Nang tanggapin niya ang iyong kalooban,


malugod niyang inihandog puso niya't katawan
upang maging buhay na templo ng iyong salita.
Sa kanya, nakikipagtagpo kami kay Hesus nang may galak.

25 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


DISYEMBRE 22:
“Si Maria, ang itinaas na lingkod ng Diyos”

Namumuno: Siya ang itinaas mong anak, sa kabila ng pagpapakababa.


Siya ang pinipitagang Ina ng iyong Anak,
na walang hanggang inaawit ang iyong kadakilaan
dahil sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa mo sa kanya.

DISYEMBRE 23:
“Ang Panginoon ay nariyan na at dumarating”

Namumuno: Habang ang araw ng kanyang pagsilang ay nalalapit na,


pinupuspos mo kami ng pag-asa at kagalakan.
Taglay ang pusong nananabik, hinihintay namin ngayon
ang iyong kahanga-hangang kaloob na kaligtasan.

DISYEMBRE 24:
“Si Hesus ang bukang-liwayway ng kaligtasan”

Namumuno: Ang kanyang pagsilang ay bukang liwayway ng kaligtasan:


sa iyong awa, dinalaw mo ang iyong bayan,
upang ibangon ang mga nalulugmok sa kadiliman
at akayin ang lahat sa landas ng iyong kapayapaan.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 26


PARA SA HATINGGABI NG PASKO NG PAGSILANG
Disyembre 24

Namumuno: Diyos naming Ama,


ito ang kamahal-mahalang gabi
noong ang Iyong Anak,
ang aming Panginoong Jesukristo,
ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria
at inihimlay sa hamak na sabsaban.
Ito ang kamahal-mahalang gabi
nang ang langit at lupa ay nagpahayag
sa pamamagitan ng hindi nagmamaliw
na pasasalamat at papuri
sa pagsilang ni Kristong aming Tagapagligtas.
Kaya aming ipinapahayag ang Iyong kadakilaan,
ang atin pong itutugon:
Papuri sa Diyos, isinilang na ang Tagapagligtas!

Bayan: Papuri sa Diyos, isinilang na ang Tagapagligtas!

Namumuno: Mapagkalingang Ama,


kailanman ay hindi mahihigitan
ang Iyong pagmamahal sa amin.
Nang kami ay tumalikod sa Iyo,
Isinugo Mo ang Iyong bugtong na Anak

27 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


upang makipamuhay sa amin bilang Tagapagligtas.
Ipinanganak sa Bethlehem, ang tahanan ng tinapay,
Siya ay naging tinapay ng buhay para sa amin
na aming tinatanggap mula sa Iyong altar
Bilang pangako ng walang hanggang buhay.
habang aming sinasambit:

Bayan: Papuri sa Diyos, isinilang na ang Tagapagligtas!

Namumuno: Amang nasa langit,


ang pagsilang ni Jesus, na aming Tagapagligtas
ay ipinahayag ng mga abang pastol
sa pamamagitan ng mga anghel sa kalangitan,
kami rin ay tumanggap ng Mabuting Balita
sa pamamagitan ng pagpapahayag
ng Banal na Kasulatan.
Tigib ng kagalakan,
Ikaw ngayon ay aming ipinapahayag sa bawat tao,
lipi at bansa na minarapat ng Diyos
na gawing tahanan ang aming daigdig.
Kaya aming ipinapahayag ang Iyong kadakilaan
habang aming sinasambit:

Bayan: Papuri sa Diyos, isinilang na ang Tagapagligtas!

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 28


Namumuno: Amang mapagmahal, kaisa ng buong Simbahan
at ng aming parokya,
tanggapin mo ang aming papuri at pasasalamat
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama
ng Espiritu Santo magpasawlang hanggan

Bayan: Amen.

29 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


PAKIKINABANG

Namumuno: Sa tagubilin
ng mga nakagagaling na utos
at turo ni Hesus na Panginoon natin
at Diyos ipahayag natin
nang lakas loob:

Bayan: Ama namin, sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa
para nang sa langit.
Bigyan mo kami ngayon
ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.

Namumuno: Hinihiling naming kami’y iadya sa lahat ng masama,


pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.

Bayan: Sapagka't iyo ang kaharian at ang kapangyarihan


at ang kapurihan magpakailanman! Amen

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 30


Namumuno: Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Namumuno: Ang kapayapaan ng Panginoon ay sumaatin nawa.


Bayan: Amen.

Namumuno: Magbigayan tayo ng kapayapaan sa bawat isa.

Tahimik na darasalin ng namumuno ang panalanging ito habang ginaganap ang pagbibigayan ng kapayapaan.

Panginoong Jesukristo,
basbasan mo ang mga kamay ko
na nahirang na maging kasangkapan mo.
Gawin mo akong karapat-dapat
sa gawaing ito ayon sa kalooban mo.

Pagkatapos magbigayan ng kapayapaan, luluhod ang mga tao. Tutungo sa likod ng altar ang namumuno at bubuksan
ang siboryo. Maninikluhod at kukuha ng ostiya mula sa siboryo at bahagyang itataas.

31 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


Namumuno: Ito ang Kordero ng Diyos.
Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan
sa kaniyang banal na piging.

Bayan: Panginoong, hindi ako karapat-dapat


na magpatuloy sa iyo,
ngunit sa isang salita mo lamang
ay gagaling na ako.

Namumuno: Katawan ni Kristo.

Bayan: Amen.

Maaring subuan na ng namumuno ang kanyang mga kasamahang tagapaglingkod. Maari din namang pagkatapos na
ng bayan, upang kailangan ay maubos ang Hostiya sa pagbibigay sa kanila at nang kung hindi naman karamihan ay
wala nang ibalik pa sa simbahan.

Ang namumuno ay susubuan ng isa sa mga ministro niyang kasamahan. Maaring may mga awit samantalang
nagpapakomunyon.

Linisin ang puripikador ang (mga) communion plate at siboryo. Kung may mga durog na Hostiya, tipunin sa siboryo, busan
ng kaunting tubig, inumin at tuyuin ng puripikador. Samandaling manahimik bago isunod ang pangwakas na panalangin.
Maaaring awitin ang Awit ng Papuri ni Zacarias (Umaga) o ang Awit ng Papuri ni Maria (Gabi).

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 32


PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Kunin ang nauukol na panalangin para sa tumpak na araw ng Linggo mula sa Misal Romano o Sakramentaryo.
Hindi na kailangang itaas pa ang mga kamay katulad ng pari.

Namumuno: Manalangin tayo...

Bayan: Amen.

Kung walang tabernakulo at maraming natirang ostiya, dadalhin ito sa parokya. Ipinapaalala na hindi maaring
maglagak ng Santisimo Sakramento sa Kapilya, maliban na lamang kung mayroong pahintulot mula sa Obispo at
itatagubilin mula sa Kura Paroko.

Sa pagkakataong ito, ipagbibigay alam ang mga patalastas ng Parokya at ng Kura Paroko.
Tatanggapin ang mga handog ng sambayanan ayon sa alituntunin ng parokya o ng diyosesis.

33 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


PANGWAKAS
(Sa Karaniwang Panahon)
Namumuno: Mga kapatid

yamang ipinagdiwang na natin


ang misteryo ng kamatayan
at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo,
humayo tayo at ipahayag ang salitang narinig
at mamuhay ayon sa diwa ng Sakramentong ating tinanggap.

(Sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay)


Namumuno: Mga kapatid,

ngayong ipinagdiwang na natin ang pagkabuhay


ng ating Panginoong Hesukristo,
humayo tayo at ipahayag ang salitang narinig
at mabuhay ayon sa diwa ng Sakramentong ating tinanggap.

(Sa Panahon ng Adbiyento)


Namumuno: Mga kapatid

habang hinihintay natin ang pagdiriwang


ng kapanganakan ng ating Panginoon,
patuloy tayong manalangin at gumawa ng mabuti
upang maging karapat-dapat sa kaniyang pagdating.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 34


Nakaharap sa sambayanan, mag-aantanda ng Krus ang namumuno, habang sinasambit:

Namumuno: Pagpalain tayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Maaaring gamitin ang angkop na pagpapahayo na matatagpuan sa Maliit na Misa o ito:

Namumuno: Humayo tayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.
(Aleluya, Aleluya)

Bayan: Salamat sa Diyos.


(Aleluya, Aleluya)

Maninikluhod sa Tabernakulo o Santisimo Sakramento na nasa Altar ang


namumuno kasama ang ibang tagapaglingkod; yuyuko sila sa altar at
hahayo.

Maaaring umawit ng pangwakas na awit.

35 | PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI


ISINAAYOS NINA:

Rdo. P. Francisco G. Carson, M.A.


Direktor, Pandiyosesis na Komisyon sa Liturhiya
Diyosesis ng Malolos

Sem. Jamin Marfred SJ. Agustin


Liturgical Affairs Committee – Antas ng Pagkadisipulo / Departamento ng Pilosopiya
Disyembre 2019

Muling isinaayos: Disyembre 2021 at Abril 2022

HINANGO MULA SA:

o Panlinggong Pagdiriwang Kung Wala ang Pari


ng Paul VI Institute of Liturgy, San Jose, Malaybalay, Bukidnon.

o Pagtulong sa Hapag ng Eukaristiya


ni Rdo. Msgr. Sabino A. Vengco, Jr., S.Th.D., 1984.

PANLINGGONG PAGDIRIWANG KAPAG WALA ANG PARI | 36


Diocese of Malolos
IMMACULATE CONCEPTION MAJOR SEMINARY
260 C. Mercado St., Brgy. Tabe, Guiguinto, Bulacan
Tel. nos. (044) 794-0121 | (044) 690-0015

You might also like