1st Entry
1st Entry
1st Entry
Noong ako ay bata madalas kong marinig ang kanta na ito sa radyo at naging paborito
ko na rin dahil sa dalas marinig. Sapagkat ako ay musmos pa lamang noon hindi ko pa alam
ang tunay na kahulugan ng kantang ito. Hanggang sa dumating ang araw na ang aking ama ay
mangingibang-bansa na, apat na taong gulang pa lamang ako noon kung kaya’t sa pag-alis ng
aking “Daddy” baon ko ang mga salita niya, na ito ay para sa amin. Sa paglipas ng ilang taon
nakita ko naman na nagkaroon ng pagbabago sa aming buhay. Naibibigay ang lahat ng aming
pangangailangan at madalas ay sobra pa sa kailangan.
Ngunit isang pagbabago ang hindi ko inasahan, pagbabagong magiging permante pala
hanggang sa aking pagtanda. Isang bagay na ka’y hirap ibalik pa sa dati. Parang isang salamin
na minsan mong nabasag at kahit anong pilit mong gawin upang mabuo ay mananatili pa rin
ang lamat.
Bagamat bata pa lamang ako noon, naiintindihan ko na ang ilang mga nangyayari sa
aking paligid. Habang tumatagal ang aking ama sa ibang bansa, mas patuloy na nagbabago
ang aking ina. Barkada, inuman at sugal mga bagay na aking kinamulatan habang tumatanda
kasama sa tabi ng aking ina. Dumating din sa punto na nagpalipat-lipat kami ng bahay sa hindi
ko malamang dahilan ay may kasama kaming hindi ko naman ama. Paulit-ulit ang pagtatanong
ko sa “Ganito ba talaga ang nangyayari kapag may isang nagsasakripsyo para sa pamilya?”
Ngunit mas iniisip ko ang aking ama, ano kaya ang nararamdaman nito gayun na malayo at
nag-iisa lamang sya. Gayung ang tanging hangad nya lang ay magandang kinabukasan para sa
pamilya, tama bang nakipagsapalaran sya para sa amin kung sa huli ay isang madilim na bahay
na lamang na ang kanyang uuwian maging ang mga pinundar niya ay wala na. Sa mga
pangyayaring ito mas naintindihan ko ng lubusan ang kanta.
Iba’t-ibang pangyayari ang sinasapit ng ating mga OFW ngunit madalas nakatuon tayo sa
mga bagay na kita agad ang epekto tulad ng pang-aabuso, pagpatay, panggagahasa at marami
pang iba. Hindi nabibigyang pansin ang mga pamilyang nasisira dahil sa ang isa sa kanilang
kinakasama ay nangibang-bansa at kung paano naaapektuhan ang kanilang mga anak sa ganitong
pangyayari.
Sa kabila ng lahat, may nais man ako sisihin ay wala na rin namang mangyayari dahil kahit
ilang beses ko pang pilitin na ibalik ang nakaraan ang lahat ay tapos na. Ito ang mga bagay na
nagbalik sa aking alaala habang tinitingnan ko ang larawan na pinagtagpi-tagpi upang kahit dito ay
masabi ko na minsan ay kami ay naging buo.