Pagkakataon Ko Na

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

Pagkakataon Ko Na!

ni Ella Mae Joyce Ombao


“Magkaroon lang kayo ng maginhawang buhay pagdating ng panahon, kahit anong hirap
at sakripisyo ay balewala sa’min dahil ‘yun lang naman ang gusto ng kahit sinong magulang —
yung malaman na nasa mabuting kalagayan ang mga anak nila.”

Normal sa loob ng bahay namin na magkaroon ng senaryo kung saan nag-uusap-usap


kaming magkakapatid kasama na sina Mama at Papa tungkol sa mga pangarap namin balang
araw. Sa dami ng pagkakataong nagkaroon kami ng malalalim na usapan, isa ito sa mga linyang
lagi kong dala-dala kahit saan man ako magpunta at gaano man kahirap ang aking mga
nararanasan. Isa na siguro sa buong pusong ipinagmamalaki ko ay bagaman hindi kami
mayaman kung pera ang pag-uusapan, masasabi kong mayaman kami sa mga seryoso at
malalalim na mga samahang napakadalang na lang masaksihan sa ibang mga pamilya. Lumaki
kaming malapit at bukas ang saloobin sa aming mga magulang. Kaya naman, sa tuwing kami ay
may indibidwal na problemang pinagdaraanan, hindi na namin kailangang lumabas ng bahay
para humanap ng masasandalan at makakausap dahil alam naming narito sina Mama at Papa
na handang makinig nang walang panghuhusga at umantabay sa abot ng kanilang makakaya.

Laging sinasabi ng mga tao sa aking paligid na malaki ang pangarap ng aking mga
magulang para sa akin gayundin palagiang sinasabi nila Mama at Papa ang mga pangarap nila
para sa akin pagdating ng panahon. Marahil sa iba, negatibo itong maituturing dahil tila
pagbibigay ito ng pasanin sa anak ngunit ako naman ay tuwang–tuwa sa tuwing sinasabi nila
kung anong gusto nila para sa akin tulad ng pangarap nilang magkaroon kami ng sariling bahay
na maaari naming puntahan kahit na kami pa ay magkaroon na ng sari-sarili naming pamilya.
Nagmimistulang motibasyon ko ito sa pag-abot ng aking mga pangarap. Ito ang nagsisilbing balon
ko ng lakas tuwing nakararamdam ako ng pagod. Ngunit ang hindi alam nila Mama at Papa ay
marami rin akong pangarap para sa kanilang dalawa — mga pangarap na tumatakbo sa isip ko
na gustong-gusto ko ring matupad ko balang araw para sa kanila.

Akala ng marami laging mga magulang lang ang nangangarap para sa kanilang mga anak
ngunit marami ring mga anak ang nangangarap nang magarbo para sa kanilang mga magulang.
Noon, aminado akong hindi ko naiisip ang mga ganitong punto. Ang nasa isip ko lamang ay ang
aking mga sariling pangarap na gusto kong matupad ngunit habang ako ay tumatanda unti-unti
kong nasisilayan ang mga imahen ng mga pangarap ko para sa aking mga magulang.
Gaya ng nabanggit ko kanina, hindi kami mayaman. Dulot ng kahirapan, ang aking mga
magulang ay parehas na hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Gustuhin man nila, hindi kaya ng
kanilang mga magulang. Kaya marahil nagtataka ka, saan kami kumukuha ng panggastos sa
araw-araw. Kung sasagutin kita, sa totoo lamang ay wala. Sadyang madiskarte lamang sina
Mama at Papa para humanap ng paraan para makapagbayad kami ng kuryente, ng tubig,
makabili ng pagkain, at iba pang gastusin sa bahay. Kahit anong trabaho basta’t marangal,
tinatanggap at pinapasukan nila. Tulad na lamang ng pag-eekstra ni Papa sa paggawa ng mga
nasisira dito sa apartment. Kung nasira ang tubo o ilaw ng aming kapitbahay, siya ang tinatawag.
Kung pasisimplehin, siya ang handy man dito sa aming lugar. Samantala, si Mama naman ay
nakikipaglabada at nagsisilbing katiwala sa apartment kung saan kami nakatira. Ngunit ang lahat
ng ito ay hindi naman laging nariyan kaya kapag talagang walang-wala, napipilitan silang lumapit
at umutang sa mga kaibigan nila. Buwan-buwan ramdam naming magkakapatid ang istres nila
kung saan na naman sila kukuha ng ipangsusustento sa aming mga pangangailangan. At ako,
sa tuwing nakikita kong nahihirapan sila at nakikipagtrabaho kung kani-kanino, nalulungkot ako
dahil wala akong magawa.

Mula rito, araw-araw natututuhan ko kung gaano kalaki ang gampanin ng isang magulang
sa kanyang anak. Maraming bagay silang isinasantabi para maibigay ang pangangailangan ng
kanilang pamilya. Maraming mga pagkakataon na dapat isusubo na lang nila ay iniluluwal pa
nilang muli para isubo sa kanilang mga anak. Maraming araw ang gusto nilang sabihing pagod
na sila ngunit nilulunok nila iyon at humaharap ng matatag at nakangiti sa harap ng kanilang mga
anak. Maraming beses nilang naramdaman ang pagod at sakit ng pangangatawan pero hindi nila
sasabihin kundi titiisin nila para maitago nila sa kanilang mga anak ang hirap na kanilang
nararanasan. Maraming bagay silang gustong bilhin para sa kanilang sarili pero kapag nakakita
ng bagay na magugustuhan ng anak, muli nilang isasantabi ang sarili nilang kagustuhan. Iba ang
magulang. Kayang matiis ng anak ang magulang pero hindi matitiis ng magulang ang anak.
Maging ang sarili nilang kahihiyan ay kaya nilang iskarpisyo kung para ito sa kanilang anak. At
ang mga bagay na ito ay nasaksihan ko sa aking sariling mga magulang. Hindi na ako magtataka
kung bakit kinikilala silang mga bayani at dakila dahil hanggat kaya nilang lumaban para sa
ikabubuti ng kanilang anak, gagawin nila.

Ang mga ganitong sitwasyon ang mas nagtutulak sa aking gawing katotohanan ang aking
mga pangarap para sa aking sarili at para sa aking mga magulang. Pangarap kong mabili lahat
ng gusto nila pagdating ng panahon. Pangarap kong hindi ko na sila makitang nabibilad sa araw
kakaekstra sa trabaho. Pangarap kong hindi ko na marinig na ginagawa silang ali-alila ng mas
nakaangat sa amin. Pangarap kong bigyan sila ng komportable, maginhawa, at masayang buhay.
Pangarap kong hindi na kami iisip kung saan kami kukuha ng pera. Pangarap kong hindi na nila
kikimkimin ang sakit at hirap. Pangarap kong hindi na sila magsasakripisyo para sa amin kundi
kami ang magsasakripisyo para sa kanila. Pangarap kong hindi na sila mamaliitin ng kahit sino
man. Pangarap kong hindi na namin mararanasan ang hirap. Pangarap kong maisakatuparan
ang aking mga pangarap.

Hindi perpekto ang aming pamilya. Hindi ako perpekto gayundin si Mama, si Papa, si Ate,
at si Bunso. Marami rin kaming mga pagkukulang sa isa’t isa. Marami rin kaming pagkakasalang
nagagawa. Maraming wala sa aming pamilya na maaaring matagpuan sa ibang pamilya ngunit
kailanman hindi ko inisip na mapabilang sa ibang pamilya. Gaano man kahirap ngunit kung ganito
kasaya at kapuro ang pagmamahal gayundin ang pagkalinga, ang pamilya kong ito ang siya pa
ring lagi kong babalik-balikan at hahagkan sa habang panahon.

Alam kong hindi habang buhay buo ang aming pamilya. Alam kong darating ang araw na
mababawasan kami at magkakaroon ng sari -sariling bagong yugto ng buhay. Alam ko ring sila
Mama at Papa, sa bawat taon na dumaraan ay hindi bumabata. Sa katunayan, nasasaksihan ko
ang unti-unti nilang pagtanda na isa ring takot sa aking isipan. Ngunit lagi akong nanalangin sa
Poong Maykapal at lagi akong humihiling na sana ay bigyan Niya ng pagkakataong manatiling
buo, matatag, at masaya ang aming pamilya hanggang sa matupad namin ang aming mga
pangarap para sa isa’t isa. Hanggang sa maging katotohanan ang mga imahinasyon naming
matagal naming binuo para kina Mama at Papa. Hanggang sa maging matagumpay kami sa
kanilang mga mata at hanggang sa masabi ko ang mga linyang, “Ma, Pa, ako na. Pagkakataon
ko na…”

Pagkakataon ko ng magsakripisyo para sa inyo. Pagkakataon ko ng ibalik lahat ng


kabutihan at pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin. Pagkakataon ko ng maging huwarang anak
para sa aking mga huwarang magulang. Pagkakataon ko ng sabihing “Ma, Pa, itabi niyo. Ako na
dahil pagkakataon ko na.”

You might also like