Kahulugan at Kahalagahan NG Pagbasa
Kahulugan at Kahalagahan NG Pagbasa
Kahulugan at Kahalagahan NG Pagbasa
Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang pangwika na tulay ng mga estudyante upang
mapahusay at malinang ang kasanayan sa mabisang pag-unawa sa teksto. Ito ay may
malaking kaugnayan sa iba pang makrong kasanayang pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at
panonood ng isang tao dahil nagkakaroon ng kakayahang makabuo ng mga kaisipan at
makapagpahayag ng damdamin at maayos na makipagkomunikasyon sa lahat ng disiplina
o larangan. Ang mga kaisipang nakukuha at nabubuo sa pamamagitan ng pagbasa,
pakikinig, pagsasalita at panonood ay maaaring sulatin upang maibahagi sa iba.
Ang isang estudyanteng palabasa ay mas may malaking posibilidad na maipasa niya ang
mga pagsusulit na ibibigay ng guro kumpara sa isang hindi palabasa sapagkat sa kanyang
pagbabasa mas nadaragdagan ang kanyang kaalaman, lumalawak ang talasalitaan at mga
karanasan. Mas nahahasa ang kaisipan ng estudyanteng palabasa na umunawa nang mas
malalalim na ideya, mga argumentong pangangatwiran at nababatid ang implikasyon ng
kanyang binabasa. Sa ganitong paraan, masasabing ang pagbasa ay isang masalimuot na
proseso sapagkat nasasangkot dito ang maraming kasanayan.