Ang Tsinelas
Ang Tsinelas
Ang Tsinelas
Bughaw na may halong luntian kapag walang sigwa. Ang tubig sa wawa ay napapaligiran ng mga kawayang sumasayaw na tila umiindak kapag nahihipan ng hangin. Ang mga bangkang may layag ay parang mga paru-parong puti na naghahabulan. Ang bangka ay karaniwang gawa sa kahoy na inukit sa matibay na kahoy na nakukuha sa aming gubat. Kung minsan ito ay may dalawang katig na gawa sa matitibay at mahabang kawayan upang ang bangka ay hindi gumiwang kapag ito ay nakatigil sa tubig. Karamihan sa gamit nito ay pangingisda ngunit sa aming lalawigan, ang ay ginagamit namin sa paglalakbay lalo na sa pagtawid sa ibayo ng dagat. Mas mabilis ito kaysa gumamit ng kalabaw o ng karetela. Naalala ko pa noon kasalukuyang kaming nakasakay sa bangka nang humulagpos ang isa kong tsinelas. Ang tsinelas ay ang gamit namin sa pagpasok at pagpunta sa mga lakaran kung saan ang bakya na gawa sa kahoy ay hindi nararapat. Mabilis itong inanod sa tubig bago ko nahabol para kunin. Malungkot ako dahil iniisip ko ang aking ina na magagalit dahil sa pagkawala ng aking tsinelas. Tiningnan ako ng nagsasagwan nang kinuha ko ang aking isa pang tsinelas at dali dali kong itinapon sa dagat, kasama ang dasal na mahabol nito ang kapares na tsinelas. Bakit mo itinapon ang iyong isa pang tsinelas? tanong sa akin ng kasamahan ko sa bangka. Isang tsinelas ang nawala sa akin at walang silbi sa makakakita. Ang isang tsinelas na nasa akin ay wala ring silbi sa akin. Kung sino man ang makakuha ng pares ng tsinelas ay magagamit niya ito sa kaniyang paglakad. Napatingin ulit sa akin ang mama. Marahil naunawaan niya ang isang batang katulad ko.
Ang Pabula ng Daga at ng Leon by Katig.Com
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.
Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga. "Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga. Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa. "Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko," sabi ng leon. "Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, " sagot ng daga. Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan. Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat. "Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.
Mga aral ng pabula: Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa. Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan. Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang tao ay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang makabuluhan.