Pagsulat Handouts

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 1

PINAGYAMANG PLUMA: Filipino sa Piling Larang (Akademik)

PAGSULAT/PAGSUSULAT

KAHULUGAN
• Ito ay isa sa mga makrong kasanayan na dapat mahubog sa mga mag-aaral.
• Ito ay kasanayang naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao gamit ang pinakaepektibong midyum
ng paghahatid ng mensahe, ang wika. (Cecilia Austera et al 2009).
• Ito ay isang pambihirang gawaing pisikal at mental dahil sa pamamagitan nito ay naipahahayag ng tao ang nais
niyang ipahayag sa pamamagitan ng paglilipat ng kaalaman sa papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan.
(Edwin Mabilin et al. 2012)
• Naisasatitik ang nilalaman ng isipan, damdamin, paniniwala, at layunin ng tao sa tulong ng paggamit ng mga salita,
ayos ng pangungusap sa mga talata hanggang mabuo ang isang akda o sulatin.

KAHALAGAHAN
• Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan ng obhetibong paraan.
• Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang imbestigasyon o
pananaliksik.
• Mahuhubog ang kaisipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng pagiging obhetibo sa
paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na impormasyon.
• Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa paghahanap ng mga materyales
at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat.
• Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng pagkakataong makapag-
ambag ng kaalaman sa lipunan.
• Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang pag-aaral at
akademikong pagsisikap.
• Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang batis ng kaalaman para sa
akademikong pagsusulat.

LAYUNIN
• Ang layunin sa pagsasagawa ng pagsulat ay maaaring mahati sa dalawang bahagi:
Una, ito ay maaaring maging personal o ekspresibo kung saan ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling
pananaw, karanasan, naiisip, o nadarama ng manunulat. Ito ay maaaring magdulot sa mga mambabasa ng kasiyahan,
kalungkutan, pagkatakot, o pagkainis depende sa layunin ng taong sumusulat.
Pangalawa, ito ay maaaring maging panlipunan o sosyal kung saan ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-
ugnayan sa ibang tao o sa lipunang ginagalawan. Ang ibang tawag sa layuning ito ay transaksyunal. Halimbawa
nito ay pagsulat ng liham, balita, korespondensiya, pananaliksik, sulating pangteknikal, tesis at marami pang iba.

MGA GAMIT O PANGANGAILANGAN SA PAGSULAT


1. Wika – Mahalagang magamit ang wika sa malinaw, masining, tiyak, at payak na paraan.
2. Paksa – magkaroon ng tiyak na paksa o tema ng isusulat. Dapat may sapat na kaalaman sa paksang isusulat.
3. Layunin – mahalagang matiyak ang layunin sa pagsulat. Ang layunin ay magsisilbing guide sa pagbuo ng datos o
nilalaman ng iyong isusulat.
4. Pamamaraan ng pagsulat – Impormatibo, ekspresibo, naratibo, deskriptibo at argumentatibo.
5. Kasanayang pampag-iisip – kailangan maging lohikal ang pag-iisip upang makabuo siya ng malinaw at mabisang
pagpapaliwanag o pangangatwiran.
6. Kaalaman sa wastong pamamaraan ng pagsulat – pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wika at retorika
particular sa wastong paggamit ng bantas, pagbuo ng makabuluhang pangungusap, pagbuo ng talata, at masining at
obhetibong paghabi ng mga kaisipan upang makabuo ng isang mahusay na sulatin.
7. Kasanayan sa paghabi ng buong sulatin – tumutukoy ito sa kakayahang mailatag ang mga kaisipan at
impormasyon sa isang maayos, organisado,obhetibo, at masining na pamamaraan mula sa panimula ng akda o
komposisyon hanggang sa wakas nito.

MGA URI NG PAGSULAT


1. Malikhaing Pagsulat (Creative Writing) – pangunahing layunin nitong magbigay ng aliw, makapukaw ng
damdamin, at makaantig sa imahinasyon at isipan ng mga mambabasa.
2. Teknikal na Pagsulat – ang uring ito ay ginagawa sa layuning pag-aaralan ang isang proyekto o kaya naman ay
bumuo ng isang pag-aaral na kailangan para lutasin ang isang problema o suliranin.
3. Propesyonal na Pagsulat – ang uri ng pagsulat na ito ay may kinalaman sa mga sulating may kinalaman sa isang
tiyak na larangang natutuhan sa akademya o paaralan.
4. Dyornalistik na Pagsulat – ito ay may kinalaman sa mga sulating may kaugnayan sa pamamahayag.
5. Reperensiyal na Pagsulat – layunin ng sulating ito na bigyang-pagkilala ang mga pinagkunang kaalaman o
impormasyon sa paggawa ng konseptong papel, tesis, at disertasyon.
6. Akadamikong Pagsulat – ito ay isang intelektuwal na pagsulat. Ito ay may sinusunod na partikular na kumbensiyon
tulad ng pagbibigay ng suporta sa mga ideyang pinangangatwiranan. Layunin nito ang maipakita ang resulta ng
pagsisiyasat o ng ginawang pananaliksik.

Inihanda ni: SHAIRA A. SAMSON

You might also like