Alesna, MEG - Pagsusuri NG Dula

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Alesna, Meca Ella G.

Filipino 20 THU

Pagsusuri ng Dula Dr. Eugene Y. Evasco

Isang Malikhaing Pagsusuri sa Dulang “May Isang Sundalo” ni

Rene O. Villanueva

Ang “May Isang Sundalo” ay isang dula tungkol sa isang puta at isang batang

sundalo at sa kanilang pagkakatuklas na iisa lamang ang kanilang 'tadhana'. Ang

kahirapan ang lakas na nagtulak sa kanila na suungin ang kani-kanilang mga

'propesyon', ang pamilya nilang parehong naipit sa labanan ng mga sundalo at rebelde,

at ang mga kapatid nilang kapwa namundok upang sumapi sa mga rebelde.

Formalistikong Pagtingin

Ang paraan ng pagkakasulat ng dula ay nagbigay daan sa mga mambabasa at mga

mamanood na mas lawakan ang kanilang mga imahinasyon — bumurda ng sarili nilang

interpretasyon sa mga tauhan at mga hinaharap nitong problema dahil walang

tagapagsalaysay. Ang pagiging one-act-play ng dulang ito ay mas nagdiin sa

importansya ng detalyadong palitan ng diyalogo ng mga tauhan. Dagdag pa, magandang

atake rin ang pagkakasulat nito sa hindi linear na paraan. Nakaka-intrigang malaman

kung ano na ang nangyari sa sundalo matapos ang one night stand niya sa puta pero sa

paraang pagbibigay ginhawa sa kanyang lusog-isip. Nakatutuwa rin na nabigyan ng

ibang pagkakakilanlan ang tauhang ‘sundalo’ dahil sa dulang ito. Kalimitan kasing kilala

bilang mga abusado’t gahaman ang mga tulad nila sa mga pelikula o kwentong
naglalaman ng samu’t saring istereotipo sa mga trabaho, etnisidad, at kasarian. Ngunit

rito, ang pagbabahagi ng sundalo sa puta ng kanyang mga karanasan at tunay na

kalagayan ay pahiwatig na hindi sa lahat ng oras matikas at malakas ang mga sundalo,

at hindi lahat sa kanila ay gusto talagang makihanay sa militar at pumatay, ang iba’y

wala lang talaga mapuntahan at makitang ibang landas.

SUNDALO: Noong isang linggo’y tineybol ka naming. Kasama ako at nina Lt.Agawin.
Malaking grupokami noon. Hindi mo siguro ako natatandaan.

PUTA: (Kukunin ang tuwalya at itatakip sa katawan) Hindi nga. Teka, sino ka ba? Hindi
ako tumatanggap ngkostumer dito.

SUNDALO: Isinama mo rito noon si Lt.Agawin.

PUTA: Hindi ko rin natatandaan kung sino ‘yon. At kung sino ka man, puwede ba, diyan
ka muna sa pinto. Nakabuyangyan ang katawan ko – kung napansin mo.

Uurong ang SUNDALO sa pinto at tatalikod habang nagsusuot ng bata-de-banyo ang


babae.

SUNDALO: Pasensya ka na. Akala ko kasi –

PUTA: Mali ang akala mo, doon sa bar pwede akong humila o mahila ng lalaki at dalhin
dito – pero dito sa bahay mismo, hindi ako nakikipagtawaran.

Mapapansin naman sa sipi ng dula sa itaas kung paano masining na ipinakilala ni

Villanueva ang mga tauhan sa dula. Ang paggamit ng mga terminong nakakibit sa

trabaho ng mga tauhan ang naging tulong sa mas mabilis na pag-unawa sa kung sino

ang mga karakter, paano tatakbo ang kwento, at kung saan iikot ang kwento. Sa

paglalim ng istorya, nabatid ang mas malalim na layunin ng dula — ang magsiwalat ng

mga isyung sosyo-politikal sa konteksto ng buhay ng isang sundalo at puta.


Mapapansin kung paanong ang kahirapan ang lakas na nagtulak sa dalawang

karakter na tahakin ang kanilang mga propesyon. Ang kinalalagyang hirap sa buhay ng

sundalo ang naging dahilan niya sa pagiging parte ng militar bitbit ang pag-asang ito

ang solusyon sa kanyang problema. Sa puta, malinaw na naipakita na ang kakulangan sa

pera at pagkaipit sa digmang sundalo-rebelde ang dahilan kung bakit hindi niya

magawang umuwi sa kanyang probinsya at humanap ng matinong ng trabaho. Sa

ganitong lagay, masasabing malinaw na nairepresenta ng dula ang buhay na tatsulok ng

lipunan. Kung saan, ang pagpili ng trabaho ay isang pribilehiyo, at ang paghinga sa

araw-araw ay nagmimistulang isang malaking giyera. Sa puntong ito, nakamit ng “May

Isang Sundalo” ang isa sa mga pinakatunguhin ng isang dula, ang isaayos ang isang

tiyak na karanasan upang mapaghanguan ng manonood-mambabasa ng mga pananaw

tungkol sa buhay.

Magandang ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari base sa diyalogo ng

mga tauhan. Ang pagkakaroon ng siksik na mga salitang naglalarawan ay naging

makatarungan sa pagbibigay buhay sa mga karakter na binubuhay lang din ng mga

salita ng tauhan;

PUTA: Kayo talaga kung makaasta, isip n’yo kaya n’yong lahat, siguro nga’y dapat lang
kayong pagbigyan, kunsintihin. Ano nga ba ang magagawa mo sa kampo kundi maglinis
ng baril at maghintay sa darating na labanan. Isang maling tama – pung! – paalam. Dati
me kasama ako ditto sa kwarto, si Cora, galing sa Mindanao, “Hustisya” rin. Meron daw
bumata sa kanyang sundalo roon. Muslim. Isang gabi isinama siya sa foxhole. Buong
gabi silang naglambutsingan. Dapat bawal ‘yon. Pero katwiran daw ng mga opisyal,
pagbigyan na ang sundalong iyon dahil oras na lumusob ang mga rebelde, ang
sundalong iyon ang unang mamamatay, kinabukasan, ginapang ng mga rebelde ang
sundalo. Ginilitan ang leeg.
Pansin sa linya ng puta sa itaas ang pagdiin niya sa kanyang pagkasuklam sa mga

sundalo. Maganda ang gamit ng mga tayutay sa pagbibigay emosyon sa mga diyalogo ng

tauhan. Isang masining na aspeto ito ng dula na nais kong bigyang pansin dahil hindi

lahat ng manunulat ay gaya ni Rene na may kakayahang sumulat ng dulang may

dalawang tauhan lamang pero ang bigat ng kuwento’y pang-sampung karakter na akda.

Historikal at Sosyolohikal na Pagtingin

Isinulat ni Rene ang dulang ito taong 1981, kasagsagan ng paglakas ng Kilusang

Pambansa-Demokratiko at patuloy na pag-iral ng Batas Militar. Mahihinuha kung bakit

sa ganitong tema umiikot ang kwento ng dula. Maraming sundalo o miyembro ng mga

militar noong panahong iyon ang labag sa loob na nagsisilbi para sa mga

naghaharing-uri. Pati na rin ang kawalan ng oportunidad at maayos na trabaho ng mga

panahong iyon ay masasalamin sa kalagayan ng puta sa kwento.

Ang kalagayan ng sundalo sa dula at ang pagkakaroon niya ng pagkakataon na

ikwento ang kanyang tunay na kalagayan; ay nagsilbing salamin ng libo-libong Pilipino

na walang boses para lumaban sa tunay, kagyat, at pantay na buhay sa mga panahong

iyon. Bagamat sa isang banda, nagpakita rin ng misoginistikong pananaw ang kanyang

karakter kung saan iniisip niya na kayang gawin ng mga lalaki ang lahat at sila'y higit na

makapangyarihan kumpara sa mga babae.

Ang puta naman ang representasyon ng mga kababaihang naabuso at patuloy pa

ring naabuso. Ang patriyarkal na lipunan ay kitang kita sa kanyang kalagayan — kung
paanong ang mga babae ay may imaheng parausan at libangan lamang ng mga

kalalakihan, walang sapat na espasyo at kapangyarihan sa lipunan. Sa ibang dako,

nagsilbi rin siyang anino ng mga taong homoseksuwal na may negatibong pagtingin sa

ibang pang kasarian at identidad na umiiral sa lipunan. Masasalamin ang katangiang ito

sa sipi ng dula sa ibaba.

PUTA: Mas masarap ako sa ibang bagay.

SUNDALO: ‘Wag mo na kong tuksuhin. Wala talaga akong gana.

PUTA: Hindi ka naman siguro bakla, ano? Me sundalo bang bakla?

SUNDALO: Hindi. Wala.

Bilang paglalahat, ipinaparating ng dulang ito kung paanong ang katayuan natin

sa lipunan ay magkakakibit. Iisa lang ang pinanggalingan at dahilan — ang bulok na

sistemang umiiral. At kung paanong ang kalagayan natin ay nag-uudyok sa ating mga

sarili na lunukin ang mga bagay na hindi naman talaga natin gusto at paniwalaan ang

mga ideyang taliwas naman talaga tayo. Sinasalamin ng dula na ang pagpili ay para

lamang sa mga naghaharing-uri at mayayaman, dahil kung mahirap ka, kung anong

nasa harap mo, lulunukin at yayakapin mo kahit diring-diri at sukang-suka ka.

You might also like