Pagsusuri Sa Akdang Walang Panginoon

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 19

SIMBOLISMO SA AKDANG WALANG PANGINOON NI DEOGRACIAS A.

ROSARIO

CAMARINES, LEAN JEAN V.


ABSTRAK

SIMBOLISMO SA AKDANG WALANG PANGINOON NI DEOGRACIAS A. ROSARIO

Lean Jean V. Camarines


Mananaliksik
[email protected]

Mayroong mga isyung panlipunan ang talaga namang patuloy na lumilitaw sa


ating mundong ginagalawan. Ang pang-aabuso ng mga mas nakaaangat sa mga taong
walang kapangyarihang lumaban ay isa sa mga isyung panlipunang hindi
matuldok-tuldokan. Ayon pa sa isinagawang pagpapahayag ng Pangkalahatang
Kapaulungan ng mga Bansang Nagkakaisa para sa Karapatan ng Tao(1948), Artikulo 4:
Walang sino mang aalipin o bubusabusin; ipagbabawal ang anumang anyo ng
pang-aalipin at ang pangagalakal ng alipin, sa pamamagitan nito ay makikita karapatan
ng bawat isa na maging pantay-pantay sa lahat ng aspeto, kahit magkakaiba ang
estado sa buhay.
Ang pag-aaral na ito ay isang kwalitatibong pag-aaral na content analysis
naglalayong tukuyin ang iba’t ibang simbolismong nakapaloob sa akda. Nagsagawa
ang mananaliksik ng masusing pagsusuri sa tema, tauhan maging ang simbolismo at
ang kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa.
Lumabas sa isinagawang pag-aaral na ang akdang “Walang Panginoon” ay
kakikitaan ng mga simbolismong may kaugnay sa realidad ng buhay.

Susing salita: tema,tauhan,simbolismo


Kabanata 1

UNANG KAMALAYAN SA AKDANG WALANG PANGINOON

Rasyonal
Sa ating lipunang ginagalawan ay mayroon talagang mga taong kayang

tapak-tapakan ang ibang taong walang kakayahang ipagtanggol ang mga sarili.

Tinuturing nila ang kanilang sarili bilang isang panginoon sapagkat sila ay nakaaangat

at mas makapangyarihan kaysa kanino man. Kaya naman, kaya nilang kontrolin ang

buhay ng mga taong mahihina at mahihirap na sa tingin nila’y hindi lalabag sa anuman

ang nais nilang gawin.

Ayon kay Genoveva Edroza Matute, ang maikling kwento ay isang maikling

kathang pampanitikan na nagsasalaysay ng pang-araw-araw na buhay na may isa o

ilang tauhan, may isang pangyayari at may isang kakintalan. Mahalaga ang maikling

kwento sapagkat sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ang mga mambabasa ng isang

kamalayan at kaisipan patungkol sa mga bagay-bagay at sa mga kaganapan sa

lipunan. Tulad ng nobela at dula, ito rin ay isang panggagagad ng realidad,na kung

saan ay ginagagad ang isang momento lamang o ang isang madulang pangyayaring

nagaganap sa buhay ng pangunahing tauhan.

Ayon kay Lorenzana (2005), ang panitikan ay salamin ng kultura ng pangkat na

nagmamay-ari ng mga akda. Sa mga akdang pampanitikan ay nakikita ang mga

sitwasyong nagpapakita ng tunay na kaganapan sa buhay. Sa pamamagitan ng

panitikan ay natatalakay ang mga pangyayaring nararanasan ng tao na hango sa


realidad ng buhay bilang pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay at pangyayaring

mahirap maunawaan o tanggapin. Sa pamamagitan sa pagsusuri ng akda ay

naipaliliwanag ang mga mahahalagang kaganapan na maaaring makapamulat sa

lipunan at siyang magsisilbing gabay upang mabago ang takbo ng buhay.

Kaya naman, ang pagsusuring ito ay nakatuon sa simbolismong nakapaloob sa

akdang Walang Panginoon na sinulat ni Deogracias A. Rosario. Si Deogracias A.

Rosario (1894-1936) ay kinikilala bilang isang “Ama ng Makabagong Maikling

Kuwentong Tagalog” at naging bahagi ng pahayagang “Ang Demokrasya” noong 1912

at satirikong magasing “Buntot Pagi” noong 1914. Siya ay sumulat sa ilalim ng mga

alyas na Rex, Delio, Dante A. Rosetti, Delfin A. Roxas, DAR, Angelus, Dario at Rosalino

at nagsimulang magsulat sa edad na labintatlong taon at una siyang nagsulat sa

pahayagang Mithi.

Magsisilibing mga tiyak na layunin sa pagsusuring ito ang pagsipat sa (1) Tema,

(2) Tauhan, at (3) Simbolismo na nakapaloob sa akda.

Layunin ng Pag-aral

Ang akdang Walang Panginoon ni Deogracias A. Rosario ay sumasalamin sa

iba’t ibang simbolismo na may kaugnayan sa realidad ng lipunan. Magsisilbing tiyak na

layunin ang mga sumusunod:

1. Tema

2. Tauhan

3. Simbolismo
Kaligirang Teoritikal

Si Deogracias A. Rosario ay isang mangangatha, mamamahayag at makata.

Ayon sa mga kritiko, siya ang nagbigay ng tiyak na anyo sa maikling katha bilang isang

uri ng kathang pampanitikan. Ayon pa kay Genoveva Matute, ang kadalasang

ginagamit ni Deogracias bilang pangunahing tauhan ay ang mga alagad ng sining,

bohemyo at kabilang sa mataas na lipunan; maliban sa ilan, iniiwasan niyang gumamit

ng mga tauhang galing masa; at paulit-ulit na nakikita sa kanyang mga sinulat ang mga

tauhang galing sa ibang bansa ngunit sa pagbabalik sa tinubuang lupa ay nagiging

makawika at makabayan.

Ang pagsusuri ay nakasalig sa paniniwala ng mga teoryang marxismo,

eksistensyalismo, at arkitaypal. Sa pamamagitan ng mga teoryang ito ay matatalakay

ang mga elementong saklaw sa pagsusuri. Sa teoryang marxismo ay bibigyang pansin

ng manunuri kung paano nakaaapekto ang ugnayan at hidwaan ng mga antas ng

lipunan na gumagamit ng materyalistang interpretasyon ng takbo ng kasaysayan, at

diyalektong pananaw ng pagbabago ng lipunan. Ayon kay Karl Marx, ang pag-iral ng

kapitalismo ang pangunahing dahilan kung bakit maraming tao, lalo na ang mga

manggagawa, ang naghihirap sapagkat sila ay kinasangkapan ng mga mayayamang

kapitalista para sa pansariling interes at pagpapayaman nila. Gamit ang teoryang

eksistensyalismo naman ay tutukuyin ng manunuri ang konkretong buhay at pakikilahok

ng tauhan sa akda gayundin ang kalayaan ng pagpili nito sa lahat ng aspeto.

Samantala, sa pananaw na arkitaypal naman ay may layuning maipakita ang mga

mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolong ginamit dito.

Kasabay ng pagsuri sa mga simbolismo ay ang patukoy din sa kabuuang konsepto ng


akda sapagkat ang mga simbolismong nakapaloob dito at ang kabuuang konseopto o

tema ay magkaugnay.

Magsisilbing gabay ang mga teoryang ito sa pagsusuri sa akda ni Deogracias A.

Rosario. Bibigyang-tuon ng teoryang marxismo ang tema ng akda, gagamitin naman

ang teoryang eksistensyalismo sa pagsusuri sa tauhan at ang panghuling teorya, ang

arkitaypal, na nakatuon sa mga simbolismong ginamit at makikita sa akda.

Sa kabuuan, ang pagsusuring ito ay naglalayong matukoy ang iba’t ibang

simbolismo na may kaugnayan sa realidad ng lipunan na makikita at mailalarawan sa

akda ni Deogracias A. Rosario.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay mahalaga sa mga mag-aaral na kumukuha ng kursong

pampanitikan, mga nagpapakadalubhasa sa Filipino, mga gurong nagpapakadalubhasa

sa panitikan, at mga taong kritiko o nagsusuri ng mga akdang pampanitikan. Ito ay

kapaki-pakinabang din sa mga ordinaryong mambabasa. Ang pagsusuring ito ay

naglalayong buksan ang kaisipan ng mga mamamayan at palawakin ang pag-unawa sa

panitikang Filipino.

Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay sumasaklaw sa pagsusuri sa iba’t ibang simbolismong

nakapaloob sa akda ni Deogracias A. Rosario na pinamagatang “Walang Panginoon”.


Nililimitahan ang pag-aaral na ito sa Tema, Tauhan at Simbolismo may kaugnayan sa

realidad ng lipunan.

Kahulugan ng mga Talakay

Panitikan. Ito ay nagsasabi o nagpapahayag ng kaisipan, mga damdamin, mga

karanasan, hangarin at diwa ng tao.

Maikling Kwento. Ito ay maikling salaysay na naglalaman ng isang kwentong

may mahahalagang pangyayari.

Tema. Ito ay pangkalahatang pangkaisipan na nais palutangin ng may-akda ng

kwento upang mas maintindihan ang isang kwento.

Simbolismo. Ito ay ang paggamit ng isang bagay, isang kulay, isang tao, o kahit

na aning sitwasyon upang magbigay ng mas malalim na kahulugan kaysa sa literal na

kahulugan ng teksto.

Tauhan. Ito ay isang elemento ng sanaysay o maikling kwento na nagbibigay

buhay at gumaganap sa mga pangayayri.

Pamamaraan ng Pagsusuri

Ang pag-aaral na ito ay isang kwalitatibong uri ng pag-aaral na content analysis

upang matugunan ang layunin ng pag-aaral. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ay

sinuri ang iba’t ibang simbolismong may kaugnayan sa realidad ng lipunan.

Magsisilbing tiyak na hakbang ang mga sumusunod:


Unang Hakbang. Tema. Sa bahaging ito ay bibigyang tuon ng manunuri ang

temang makikita sa akda. Gamit ang teoryang marxismo ay susuriin ng manunuri ang

temang lumilitaw sa buong istorya ng akda. Makikita kung paano inilarawan ng

may-akda ang hidwaan ng mga tauhang nabibilang sa magkaibang antas ng lipunan.

Ikalawang Hakbang. Tauhan. Bibigyang pansin naman sa bahaging ito ang

kabuuang pagganap o pakikilahok ng tauhan sa akda. Sa pamamagitan ng

eksistensyalismo ay susuriin ng akda kung paano nakamit ng tauhan sa akda ang

kalayaan nitong pumili sa lahat ng aspeto sa buhay.

Ikatlong Hakbang. Simbolismo. Sa bahaging ito ay sisipatin ng manunuri ang

mga simbolismong lumilitaw sa akda. Makikita rito ang interpretasyon ng manunuri sa

iba’t ibang simbolismong nakapaloob sa akda na may kaugnayan sa realidad ng buhay.


Kabanata 2

MALALIMANG PAGSUSURI

Tema.

Sa pagsulat ng maikling kwento, ang may-akda ay gumagamit ng angkop na

temang magpapalitaw sa kwento upang ang mga mambabasa ay makakuha ng hinuha

na maaaring maiugnay nila sa kanilang buhay, at maging sa nagaganap sa lipunan. Sa

akdang Walang Panginoon ni Deogracias A. Rosario ay kinakitaan ng temang

tunggalian ng dalawang taong nabibilang sa magkaibang estado. Makikita sa akda ang

pang-aapi ng mas may makapangyarihan sa mga taong nasa simpleng pamumuhay.

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal, “walang mang-aalipin kung walang may

magpapaalipin”. Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan.

Patong-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang

dapat nang kalusin.

Batay sa linyang ito na nakapaloob sa akda, makikita ang maaaring gawin ng

mga taong nasa mataas na posisyon sa mga taong walang kakayahang ipagtanggol

ang kanilang mga sarili. Ayon pa kay Leon Guerrero (2014), ang panlipunang suliranin

ay ang padron ng pag-uugali ng mga tao na nagbubunga ng mga negatibong

kahihinatnan sa mga tao, sa lipunan, at sa mundo. Kung ito ay nangyayari mula sa


unang panahon pa lamang, maging ngayon sa kasalukuyan ay patuloy pa rin itong

nangyayari. Pinakita ng may-akda kung ano ang katotohanang nangyayari sa lipunan.

Mayroong mang-aapi at mayroong inaapi sapagkat sila ay walang kapangyarihan

upang manglaban at wakasan ang pangmamaralitang ginagawa ng mga taong nasa

mataas na posisyon sa buhay. Pinapahiwatig ng may-akda na ito ang katotohanan ng

buhay, na kahit magsumikap ka sa buhay, may mga taong ginagamit ka lamang para sa

kanilang pakinabang at ang iyong kahinaan ay gagamitin din nila upang mas lalo ka

pang ibaba. Tinitingnan ang estado mo sa buhay kung ikaw ay marapat lamang na

bigyan ng galang, o kailangang tapakan upang mawala na sa mundo, kung ikaw ay

wala nang silbi. Makikita rin sa linya, na ang mga taong nasa mababang uri ay may

kagustuhan ding makalaya mula sa pang-aapi at pang-aalipustang natatanggap mula

sa taong mapang-api. Ang pangunahing tauhan sa akda ay ninais na makaalpas mula

sa taong mapang-abuso ng kanilang kahirapan at kahit sa katiting na pag-asa ay

makaalis sa tanikala.

Sinamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka...Kaya

namatay ang ama ni Marcos nang dahil sa sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid

niya’y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya

namatay si Anita ay natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng

halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.


Makikita sa mga linyang ito ang kakayahan ng taong may kapangyarihan at

nakaaangat sa lipunan. Maaari niyang gawing miserable ang buhay ng taong walang

kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili. Masasalamin ito sa totoong buhay natin

ngayon na kung saan ang mga taong nakaangat ay yaong may kapangyarihan lamang

na manguna sa takbo sa lipunan. Kaya nilang gawing kasinungalingan ang

katotohanan, baliktarin ang katwiran at kunin ang katarungan. Kung wala kang

kapangyarihan ay wala ka ring silbi sa lipunan at mas lalob ka pang mamaliitin at ibaba.

Sa linya ring ito ay makikita ang pighating dinanas ng pangunahing tauhan na nagdulot

sa kanya ng pag-asam sa pagbabago at pagkamit ng katarungan. Dahil sa karanasan

niyang ito ay nagkaroon siya ng takot na siyang nag-udyok sa kanya ng paghihigante

mula sa taong nagkuha ng mahahalagang bagay sa kanyang buhay, at higit sa lahat sa

huli ay nagkaroon ng kapayapaan ang kanyang puso at pag-iisp.

Tauhan.

Ang obrang ito ni Deogracias A. Rosario ay kakikitaan ng mahalagang katangian

ng taong nasa mataas na estado ng lipunan at ng mgat aong nakararanas ng

pang-aabuso at pang-aalipusta mula sa taong makapangyarihan sa kanya. Ang akdang

ito ay nagpapatunay na may karapatan ang tao, kahit anong uri at estado pa siya

naroroon. Kung siya ay parte ng lipunan, may kalayaan siyang gawin ang kanyang

karapatan, ito ay ang maging malaya sa anumang panahon.


“Inihihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong”, ang

nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo po’y nakaalis na rito, tayo’y magiging malaya”,

ang tila wala sa loob na tugon ng anak.

Sa linyang ito ay pinapakita ng may-akda na si Marcus, ang pangunahing

tauhan sa kwento ay ninais na maging malaya sa mga kamay ng taong mapang-api,

hindi lamang para sa kanya, maging sa kanyang pamilya. Ninais niyang maging tulad

sa makapangyarihan, ang maging panginoon na may kalayaang gawin ang lahat at

walang pagtututol sa kahit na sino man at walang pang-aabuso sa kanilang karapatan

at pamumuhay. Sa kasalukyan ay may mga tao ring nagnanais na mamuhay nang

malaya kahit na sila pa ay walang gaanong karangyaan at kapangyarihang natatamasa.

Nagnanais silang makalaya mula sa mga taong palaging nagmamanipula sa kanilang

buhay. Ang pangunahing tauhan sa kwento ay nagnanais na makakamit ng katarungan

sa kanyang buhay. Ginusto niyang maging pantay sa mga taong may makapangyarihan

nang sa gayon ay hindi na sila tapak-tapakan ng kahit na sinuman.

“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.

Sa itinurang ito ng pangunahing tauhan sa may-akda, ay makikita ang

matagumpay na pagkamit nito sa kalayaang matagal na niyang inaasam. Ang linyang

ito ay kakikitaan ng matagumpay na pakikipagbuno ng pangunahing tauhan sa kanyang


katunggali, ito ay si Don Teong, ang tinuturing nilang panginoon na matagal nang

pinagsisilban. Makikita ang kanyang pagbabago sa kanyang kapalarang hawak-hawak

noon ng kanyang panginoon at ngayong siya ay naging malaya na, wala na siyang

kikilalanin na panginoon sa kanyang buhay. Ang katangiang ito ay makikita pa rin sa

kasalukuyang panahon, na kung saan ang mga taong alipin at inaabuso ay gumagawa

ng paraan upang makalaya sa panginoong kanilang pinaglilingkuran sa halos matagal

na panahon. Marami sa kanila ang nagnanais na makakitang muli ng liwanag at wala

nang kikilalanin pang panginoon.

At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Din Teong na may hawak

na rebolber.

Samantala, mahihinuha naman sa linyang ito kung anong katangian mayroon

ang katunggali ng pangunahing tauhan sa akda, na si Don Teong. Siya ay may

kalayaang gawin ang kahit na ano ang kanyang naisin sapagkat siya ay nakaaangat sa

lahat. Kahit ito pa ay ikapapahamak ng ibang tao, basta’t masunod lamang ang

ninanais na kasakiman at kahit nalalaman niya ang maaari niyang kahahantungan sa

oras na gawin niya ang bagay na labag sa batas at sa mata ng tao. Pinakita sa akda na

ang hihimukin ang lahat ng mga taong makapangyarihan, kahit ito pa’y ikapapahamak

ng inosenteng tao, masunod lamang ang nais nito. Sa pag-asam na mapanatili ang

kapangyarihan, ay kaya nilang manakot ng mga taong walang kakayahang lumaban.


Sa ating lipunang ginagalawan ay talamak na ang katulad ni Don Teong na mas

nanaising makapatay ng tao, huwag lamang mawala ang kanilang pagiging panginoon.

Simbolismo.

Samantala, sa akdang ito ay gumamit ang may-akda ng mga simbolismong mas

lalong nagpapalitaw sa tema na mayroon ang akda. Ang mga simbolismong ito ay

kinasangkapan ng may-akda upang mas lalong maging kapaki-pakinabang ang mga

pangyayari gayun din ang maiugnay ng mga mambabasa ang mga pangyayari sa

katotohanang nangyayari sa ralidad.

Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay

malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri,

hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isinisiksik niya ang kanyang ulo kahit

saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang

tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na

palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang

bayan.

Mula sa mga linyang ito ay makikita ang pagkatakot na nararanasan ng

pangunahing tauhan sa tuwing siya ay nakaririnig ng batingaw. Nagmimistula siyang

nawawalan ng loob sa tuwing sasapit na sa alas 12 ang oras. Dahil dito ay

masasalamin nating may malaking pinagdaraanan ang pangunahing tauhan kaya hindi
niya nais na marinig ang batingaw. Dahil sa ginawang pang-aapi ng kanyang

panginoon at sa lahat ng nagawa nito sa kanyang kasintahan, maging sa kanyang

pamilya ay nagkaroon na ng pighati ang kanyang puso na nagdulot naman ng

pagkatakot, pagkatakot sa anumang mangyayari sa kinabukasan at sa kanyang buhay

at dahil sa pagkatakot na ito ay nagkaroon ng pangamba ang kanyang puso. Sa

bahaging ito ay pinakita ng may-akda na may malaking naidudulot ang kapighatiang

nararanasan ng tao, na kaya nitong baguhin ang takbo ng isip ng isang tao at gawing

negatibo ang lahat ng bagay sa kanyang kapaligiran.

Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang

nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang

kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

Samantala, mahihinuha sa linyang ito ang paghihiganting ninais ng pangunahing

tauhan dahil sa naranasang pang-aaapi ng panginoon nito sa kanyang buhay. Kasabay

ng kanyang kagustuhang makaalpas mula sa kanyang panginoon, ay ang pagnanais

nitong masuklian ang kasamaang naidulot ng kanyang panginoon sa kanyang buhay.

Lalo na’t sinamsam nito ang lahat nang mayroon sa kanila at wala ni isa ang itinira. Sa

kabila ng kanyang mga naranasan mula sa kamay ng kanyang panginoon, ay

natutunan niyang gawing batas ang kanyang kamay at magsagawa ng planong

makatutulong sa kanyang paglaya mula sa mga kamay nito. Ang may-akda ay

nagpakita ng isa sa mga realidad na nangyayari sa buhay ng tao. Kapag ang isang tao
ay nakaranas ng pang-aabuso at pang-aalipusta dahil sa kanilang kahirapan ay

maaaring magdulot ito ng paghihigante sa taong naang-alipusta at nag-abuso sa

kanilang karapatan.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na

idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya’y matapang niyang kalabaw.

Makikita naman mula sa mga linyang ito ang isang bagay na maidudulot ng

pighati sa tao, ito ay ang pagkapayapa ng kalooban at pamumuhay kapag

napagtagumpayan niyang kuhanin ang bagay na nakapagbibigay sa kanya ng

kapighatian sa kanyang buhay. Pinaliwanag din dito na ang tao’y magkakaroon lamang

ng kapayapaan kapag tuluyan nang mawala ang sanhi sa pagiging miserable at

pagkawasak ng buhay nito. Pinakita ng may-akda na may maidudulot ding maganda

ang pighati, at ito nga ang pagkakaroon kapayapaan sa buhay ng tao. Ang

pangunahing tauhan sa kwento ay nagkaroon ng kapayaan sa huli, sapagkat ang

kanyang pinaplanong paghihigante ay kanyang napagtagumpayan. Nakamit na niya

ang kalayaang kanyang inaasam mula sa kamay ng kanyang panginoon. Sa

pamamagitan ng kanyang kinasangkapan upang maisagawa ang plano, ay tuluyan

nang nawasak ang tila masamang karanasan niya mula rito. Sa huli ay, hindi na niya

naramdaman ang pagkatakot sa tuwing naririnig niya ang animas mula sa simbahan sa

tuwing sasapit ng alas dose. Ang tanging kanyang nararanasan ay kapayapaan at


kalaayaang ngayong winakasan na niya ang pang-aapi at pang-aalipin ng kanyang

panginoon.
KABANATA 3

PAGPAPATIBAY SA MGA NATUKLASAN

Inilalahad sa bahaging ito ang mga natuklasan at ang naging konklusyon sa


isinagawang pagsusuri sa akdang “Walang Panginoon” ni Deogracias A. Rosario. Ang
mga naging resulta ay nagibigay tugon sa layunin ng pananaliksik.

Lagom ng Natuklasan

Matapos ang isinagawang pagsusuri sa akda, ang mga sumusunod ay nalaman


ng manunuri:

1. Ang temang nakapaloob sa akda ay ang tunggalian ng dalawang taong


nabibilang sa magkaibang estado ng buhay, ang makapangyarihan at ang
nasa laylayan ng lipunan.

2. Ipinakita ni Deogracias A. Rosario sa kanyang akda ang katangian ng


dalawang tauhan. Ito ay ang maging malaya sa anumang desisyon, maging
ito man ay para sa kabutihan o kasamaan.

3. Ang akda ay nagpapakita ng tatlong naidudulot ng pighati: pagkatakot,


paghihiganti at kapayapaan.

Konklusyon

Ang akdang “Walang Panginoon” ay kakikitaan ng mga simbolismong may


kaugnayan sa realidad ng buhay.
SANGGUNIAN

https://www.academia.edu/8096367/WALANG_PANGINOON_ni_Deogracias_Rosario

rcgauuan1985.blogspot.com/2013/12/research-samle-2.html?m=1

hhtps://www.slideshare.net/mobile/queenzavillareal/karl-marx-1376026

You might also like