Mga Tula Noli Babiera
Mga Tula Noli Babiera
Mga Tula Noli Babiera
Ikaw ay bumaba
Na taglay ang ilaw
Ng sining at agham
Sa paglalabanan,
Bunying kabataan,
At iyong kalagiun ang gapos mong iyang
Tanikalang bakal na kinatalian
Ng matulain mong waning kinagisnan.
At ikaw, na siyang
Sa may iba’t ibang
Balani ni Febong kay Apelas mahal,
Gayundin sa lambong ng katalagahan,
Na siayng sa guhit ng pinsel mong tanga’y
Nakapaglilipat sa kayong alinman;
Malwalhating araw,
Ito, Pilipinas, sa lupang tuntungan!
Ang Lumikha’y dapat na pasalamatan,
Dahilan sa kanyang mapagmahal,
Na ikaw’y pahatdan.
Ang Guryon
Ni Ildefonso Santos
Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo’t paulo’y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri’y bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan
na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti’t dumagit, saanman sumuot…
O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!
Ang Pamana
ni Jose Corazon de Jesus
Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan
ANG MGA KAGILA-GILALAS NA
PAKIKIPAGSAPALARAN NI JUAN DELA CRUZ
NI JOSE F. LACABA
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
nilakad ni Juan de la Cruz
ang buong Avenida
BAWAL PUMARADA
sabi ng kalsada
BAWAL UMIHI DITO
sabi ng bakod
kaya napagod
si Juan de la Cruz.
Dumalaw sa Konggreso
si Juan de la Cruz
MAG-INGAT SA ASO
sabi ng diputado
Nagtuloy sa Malakanyang
wala naming dalang kamanyang
KEEP OFF THE GRASS
sabi ng hardinero
sabi ng sundalo
kay Juan de la Cruz.
Nang dapuan ng libog
si Juan de la Cruz
namasyal sa Culiculi
at nahulog sa pusali
parang espadang bali-bali
YOUR CREDIT IS GOOD BUT WE NEED CASH
sabi ng bugaw
sabay higop ng sabaw.
Pusturang-pustura
Kahit walang laman ang bulsa
naglibot sa Dewey
si Juan de la Cruz
PAN-AM BAYSIDE SAVOY THEY SATISFY
sabi ng neon.
Humikab ang dagat na parang leon
masarap sanang tumalon pero
BAWAL MAGTAPON NG BASURA
sabi ng alon.
Nagbalik sa Quiapo
si Juan de la Cruz
at medyo kinakabahan
pumasok sa simbahan
IN GOD WE TRUST
sabi ng Obispo
ALL OTHERS PAY CASH.