Isang Pagsusuri Sa Kwentong Ang Kalupi

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 10

Ang Kalupi (Maikling Kwento) ni Benjamin P.

Pascual

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit
na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na
bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng
kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa
pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang
anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang
natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling
pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating
na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit
na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay
para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang putting-puti,
kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay,
ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang
araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na
siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga
habang paikut-ikot nitong sinusukat sa harap ng salamin ang nagbubur-dahang puting
damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli. Mamimili si Aling Marta. Bitbit
ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimiling uulamin. Habang
daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip
ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang
magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng
isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na
saging. Bibili na rin siya ng garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak
ang minatamis na garbansos. Mag-ikakasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa
labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa
loob, ang ingay ng mga magbabangus na pagkanta pangisinisigaw ang halaga ng
kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili. Linggo ng umaga at ang
palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan. Ang lugar ng magmamanok
ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy
sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa
gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na
humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang
ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni
Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!” Ang bata ay
nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang-lilis ang laylayan.
Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw
ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-
mahirap. “Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na
bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa
kanya, “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako e.” “Pasensya!” – sabi ni
Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensiyahan nang
pagpapasensiyahan ay makakapatay ka ng tao.” Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy
na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit
kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng hindi mabuti ay sa kanyang pa
manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung me iba pang nakikita sa
nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala
siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng
mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika. “Tumaba yata kayo, Aling
Gondang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang
bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin. “Tila nga ho,” ani Aling Gondang.
“Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.” Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot
sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang
mukha at ang ngiti sa maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi!
Napansin ng kaharap ang kanyang anyo. “Bakit ho?” anito. “E…e, nawawala ho ang
aking pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta. “Ku, e magkano ho naman ang
laman?” ang tanong ng babae. Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay
pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi.
Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong
nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at
sampung piso ho.” Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng
lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit
sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito
sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong
lumabas. Hindi pa marahil iyon nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan,
ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke
na kinaroroonan ng ilang tindahang maliliit at ng mangailan-ngilang namimili at ang
batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang
lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa
pagmamadali, at sa gawing dulo ng prusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang
karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa
harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaari
magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal
ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling
makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sabi niyang
humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!” Tiyakan
ang kanyang pagsasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot
ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinang sumagot: “Ano hong
pitaka?” ang sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.” “Ano wala!” pasinghal na
sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwa pa’y
binangga mo ‘ko, ano ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan! Kikita nga
kayo rito sa palengke!” Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda,
lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata
at ito’y pilit na iniharap sa karamihan. “Aba, kangina ba namang pumasok ako sa
palengke e banggain ako,” ang sabi niya. “Nang magbabayad ako ng pinamimili ko’t
kapain ang bulsa ko e wala nang laman!” “Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing
nakalabi ng isang babaeng nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming
naglilipanang batang gaya niyan.” “Tena,” ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka
sa akin.” “Bakit ho, saan ninyo ako dadalin?” “Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at
pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas
ang dinukot mo sa akin.” Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na
bangos upang dalawahing-kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila
kawad sa pagkakasakal ng kanyang liig. May luha nang nakapaminta sa kanyang mga
mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng
mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon,
at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko
hong siya dahil nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay
sa aking bulsa,” patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat
ako’y nagmamadali.”
Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa sa
duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap ng nito at sinimulang
mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay
lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes
sentimos na papel at tigbebenteng bangos. “Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot
ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta. “Siya ho at wala ng iba,” ang
sagot ni Aling Marta. “Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalisik na
tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.” “Wala ho
akong dinukot na maski ano sa kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski
kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako
mandurukot.” “Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming
sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba
ganon kayong mga tekas kung lumakad…dala-dalawa, tatlu-talto! Ku, ang mabuti ho
yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong matakot
iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis, “Hindi ho natin karakarakang madadala ito ng walang evidencia.
Kinakailangang kahit paano’y magkakaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga
ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?” “E, ano pang ebidensya
ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi
nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa.
Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang Gawain,
maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa
kanyang bulsa. “Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata. “Andres Reyes po.”
“Saan ka nakatira?” ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid,
inisa-isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang
sagot. “Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang
Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga tiyo ko sa Kiyapo at
kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho
niya ‘kong bumili ng ulam para Mamayang tanghali.” “Samakatuwid ay dito kayong
mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis. “Oho,” ang sagot ng bata.
“Pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong
makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.” Ang walang
kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang
pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami
ang tao sa kanyang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang
pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis. “Ang mabuti
ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya. “Pinagkakaguluhan lamang
tayo ng mga tao rito at wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay
sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.”
“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad, e” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong
dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon
sabihin ang gusto ninyong sabihin at doon ninyo gawin ang gusto ninyong gawin.”
Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiyak
na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang
tatlo ay pinagmamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis. “Maghintay kayo
rito sa sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya at pumasok.
Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo,
sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga
siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip
niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi;
dalawa, tatlo, o maaaring sa hapon na. naalala niya ang kanyang anak na dalagang
magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para
niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dalang ano man,
walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kanina pa nagpupuyos sa
kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang
tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng
kanyang paningin ay pabalingat niyang pinilit sa likod nito. “Tinamaan ka ng lintek na
bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na
makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang
dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa
kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang
makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na
nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa
kanyang bibig ay buong panggigil na kinagat. Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali
ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling
Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong
papaurong, ay naalaala niya ang kalayuan, kay Aling Marta at sa dumakip na pulis, at
siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na
tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang
mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng
pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig
ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay
nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin,
sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng
kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan. Hindi
umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang
mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang
gumigiit sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangatog. Hindi siya
makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng
lahat at siyang binuntunan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang
usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin nino man at nalalaman ng lahat na
ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.
Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay
napagtulungan ng ilan na buhatan sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay
ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba,
ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kasuotang ay tuluyan nang nawalat sa
kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ito
ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta. “Maski
kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputol-putol na
nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.” May kung anong
malamig na naramdaman si Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang nata
ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo
nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na,
naisaloob ni Aling Marta sa kanyang sarili.
“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya.
Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y
matutuwa na kayo niyan.” “Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?”
ang tanong ni Aling Marta. “Wala naman, sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung me
mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin
sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan,” may himig pangungutya ang
tinig ng pulis. “Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta. “Maaari na,” sabi ng pulis.
“Lamang ay kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksyon ng
inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan
naming kayo ng ulat.” Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang
tinging lumalayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulong-magulo ang
kanyang isip. Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa.
Lumakad siya ng walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-
graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga
mata ng kanyang asawa sa, sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera.
Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan
sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-
graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng
mga kapitbahay. Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi
sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa bangkay na bata na
natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat. Kung hindi sa Tinamaan ng
lintek na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi imbis,
walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti
nga sa kanya!
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y
makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig
na ang kokote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito
at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa
malabis niyang paghahangan na makagpadal ng labis na salaping ipamimili, upang
maka-pamburot t maipamata sa kapwa na hindi na sila naghihirap. Ngunit ang lahat ay
titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng
kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay
lilihimin niya ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling
Gondang at iyon ang kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay
isang daan at sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o
sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti
ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni Aling Marta nang ipihit niya ang kanyang
mga paa patungong pamilihan. Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang
bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natanaw na niya nag kanyang na dalaga na
nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit
nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng
kabuhayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa. “Saan
ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate,
“E…e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”
Nagkatinginan ang mag-ama. “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka
mo e Naiwan mo! Kaninang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong
bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli.
Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan?” biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa
karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan
ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at
gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa
‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinanganga-pusan
ng hininga at sa palagay na niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang
mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang
asawa’t anak, at ang papaliit na lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?
PAMAGAT:
Sa aking unang pagpapakahulugan sa akda ni Benjamin Pascual, na ang kalupi
o pitaka ay isang uri ng bagay na karaniwang ginagamit ng kahit na sinong indibidwal
na kung saan bagay na nilalagyan ng pera o maaring pagkakakilanlan ng tao. Pero
bakit nga ba “Ang Kalupi” ang naging pamagat? Dahil gusto niya na maipahiwatig ang
tunay na nagyayari sa ating lipunan, ang kahirapan at kawalan ng hustisya. Upang
malaman ng mambabasa kung ano ang kahantungan ng panghuhusga sa kapwa. At
dahil na rin ito’y patungkol kay Aling Martha na nanghusga/nambintang kay Andres na
ito ang kumuha ng kalupi niya. At dahil ang kalupi ni Aling Martha ang naging dahilan
ng pagkamatay ng inosenteng bata na si Andres.
LAYUNIN:
Nilalayon ng pagsusuring ito na alamin kung ano talaga ang pinupunto ng
kwentong ito. Nilalayon din ng pagsusuring na alamin kung ano talaga ang tunay na
pangyayari at alamin ang mga tauhan, tagpuan at iba pa.
MAY AKDA:
Si Benjamin M. Pascual ay ipinanganak sa Lungsod ng Laoag,Ilocos Norte.
Unang nakilala bilang matinik na kuwentista si Pascual bago niya sineryoso ang
pagiging isang nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok
mag-ambag sa komiks,hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa
Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kaniyang kwentong “Landas sa
Bahaghari” (1965) at “Di Ko Masilip AngLangit” (1981). Nagtamo naman ng Grand
Prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang “Utos ng Hari” noong
1975.Unang nailathala sa Liwayway ang „Lalaki sa Dilim‟ sa pamagat na „Shhhh…Ako
ang Lalaki sa Dilim‟ (1976).
May-akda rin siyang may pamagat na “Sapalaran, WalangTanungan” (1997), isang
komedya ng pag-iibigan at lingguhang isineserye nagyon ng Liwayway. Tinatayang
nakatapos ng 13 na nobela si Pascual, na pinakarurok marahil ang Halik sa Apoy”
(1985). Pwedeng sipating autobiograpiko ang naturang akda naumiinog sa buhay at
pakikipagsapalaran ng isang lalaking manunulat. Naging Filipino seksiyon editor si
Pascual sa People’s Journal Tonight noong 1981, at ngayon ay editor sa popular
na Valentine Romances.
Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala ng Unyon ng
mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa
pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela.Sa edad na 69 ay hindi pa rin ito
humihinto sa pagsusulat.

MGA TAUHAN O KARAKTER SA AKDA


1. Aling Marta – Sinisimbolo niya ang isang tusong tao na gagawin ang lahat upang
makuha ang kanyang gusto, sa mabuti man o sa masamang paraan. Isang
pangkaraniwang nanay at asawa na nagsusumikap para sa kinabukasan ng mahirap
nilang pamilya. Mayroon siyang anak na dalagang magtatapos na ng hayskul. At bilang
regalo ditto, ay surpresa niya itong hahandaan. Ang tanging pangarap niya ay
makapagtapos ng kolehiyo ang kanyang dalaga at umunlad ang kanilang buhay. Siya
ay may katandaan na at medyo mainitin na ang ulo, mapagmarunong a otoridad at
makakalimutin minsan. Minsan may pagkasinungaling din at mapanghusga sa ibang
tao.
2. Andres Reyes – Literal niyang sinisimbolo ang mga inosenteng tao na  nadadamay
sa masasamang bagay na gawa ng ibang tao. Gusgusing batang aksidenteng
nabangga si Aling Marta at napagbintangang nagnakaw ng kanyang pitaka. Siya ay
walang permanenteng tirahan, minsa’y tumutuloy sa kanyang tiyahin o di kaya’y sa
kanyang lola. Kahit na anak-mahirap, hindi ito magnanakaw. Siya ay nasagasaan
habang tumataka kay Aling Marta at yumaon ay binawian ng buhay.
3. Mga Pulis – Sila ang humuli at nag-imbestiga sa inaakusang pagnanakaw ng kalupi
ni Aling Marta.
4. Aling Godyang – Ang tinderang inutangan ni Aling Marta ng pambili ng panghanda.
5. Dalagang Anak ni Aling Marta – Sinisimbolo niya ang isang bagay na hinahangad ng
marami, ayon na ring sa kwento, hinahangad ni Aling Marta ang kanyang pagtatapos sa
High School. Ang paghahandaan ni Aling Marta ng garbansos na siyang paborito nito.
6. Asawa ni Aling Marta – Matiyagang naghahanap buhay para sa kanyang pamilya.
Siya ay mahilig manigarilyo at siyang kumuha sa kalupi ni Aling Marta ng walang
paalam kaya niya ito nalimutan.

TAGPUAN O PANAHON
Matapos kung basahin ang kwentong kalupi nasuri ko na pamilihang bayan ng
Tondo ang tagpuan ng mga karakter sa kwento kung saan dito palaging namimili si
Aling Marta. Dito rin niya natuklasan na wala sa kanyang bulsa ang kanyang kalupi. At
higit sa lahat sa pamilihang bayan din nasawi ang buhay ni Andres.
BUOD
Minsan sa ating buhay, may mga mali tayong desisyon na pagsisisihan sa
bandang huli. Dala siguro ng problema, bugso ng damdamin o pagkalito. Ganito ang
nangyari kay Aling Martha, isang pangkaraniwang ina sa araw-araw ay abala sa
gawaing bahay at pag aasikaso sa nalalapit na pagtatapos ng anak. Pinasya ng ginang
na mamalengke ng maaga upang mamili. Sa kanyang paglalakad ay di inaasahang
mabangga siya ng isang batang madungis. Agad na nahusgahan ni Aling Martha ang
bata, ito ay mahirap, walang pinag-aralan at walang modo. Nang kukuha na ng
pambayad ang ginang ay tsaka na lamang nito natanto na nawawala na ang kanyang
kalupi. Agad na nataranta at nag-isip. Sa loob-loob nya ay hiyang hiya sya sa nangyari.
Natitiyak nya na ang batang madungis ang nakakuha ng kanyang kalupi. Agad na
nagmadali ang ginang upang mahagilap ang batang sa tingin nya ay kumuha ng
kanyang pitaka. Nang makita ang batang madungis ay agad na hinablot ng ginang ang
damit nito, pinit na pinaamin sa pagkuha ng kanyang pitaka. Ngunit ang bata ay panay
ang tanggi kahit na pinipilit itong paaminin ni Aling Martha. Marami na ang nakapaligid
sa kanila, may naawa sa bata ngunit wala iyon kay Aling Martha. Hanggang sa may
dumating nang pulis, Nagtanong sa bata ang sinabi pang ito'y dadalhin sa presinto.
Lubhang natakot ang batang madungis. Ang binili nitong isda para sa tyahin ay
malamang hinihintay na kanina pa. Ang mahigpit na hawak ni Aling Martha ay nagdulot
ng matinding sakit sa bata kaya't kinagat nito ang kamay ng ginang. Nagkaroon ng
pagkakataong makatakas ang bata at agad itong tumakbo papalayo. Ngunit sa di
inaasahang pagkakataon, kasabay ng paglayo ng bata sa mapanghusgang si Aling
Martha ay ang tilian ng mga naroroon. Nabangga ito ng humahagibis na dyip. Bago
mawalan ng hininga ang kawawang bata ay iginiit nito na wala syang ninakaw. Sa
pangyayaring iyon ay inisip pa rin ni Aling Martha na ang nangyari sa bata ay kapalit ng
pagkuha ng kanyang kalupi. Pagkauwi ng bahay ni Aling Martha ay nagtaka ang mister
nito kung saan galing ang pinamili gayong naiwan nito ang pitaka sa bahay. Namutla si
Aling Martha sa narinig. Sa pagkakataong iyon ay nawalan ito ng malay. Marahil
hanggang sa ngayon ay binabagabag parin si Aling Martha sa nangyari sa bata.
TAYUTAY O IDYOMA
“Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”
- Pagtutulad
“At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay
naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan”
- Pagwawangis
“Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas”
- Pagmamalabis
“Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang
kanyang nakabangga”
- Pagtutulad, Pagmamalabis
“Tinamaan ka ng lintek na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman”
- Pagmamalabis
“Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng
pagtutol”
- Pagtutulad
“Bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang
humahagibis na sasakyan"
- Paghihimig
“Malamig na pawis ang gumigiit sa noo ni Aling Martha at ang tuhod niya ay parang
nangangatog”
- Pagtutulad
KATOTOHANAN SA LOOB NG AKDA:
Ang Kalupi ay isang kwento na akda ni Benjamin Pascual na layunin nito na
ipakita ang mga karanasan at nasaksihan ng may-akda sa kanyang lipunan. Sa
kwentong ito tunay na nangyayari pa din ito magpahanggang ngayon dahil karamihan
sa atin nanghuhusga sa panlabas na kaanyuan dahil hindi muna nila kinikinikilala ang
huhusgahan nila, gaya ng nangyari kay Andres na hinusgahan siya ni aling Martha na
isang batang gusgusin at napagbintangan sa kasalanang hindi niya ginawa. At isa pa
karamihan sa atin hindi nakakamit ang hustisya dahil na rin sa bulok na sistema ng
bansang Pilipinas sapagkat walang kakayahan ang pamilya ni Andres na makamit ang
hustisya dahil sa sobrang hirap ng buhay.
REPLEKSYON
Makabuluhan ang kuwento ng Ang Kalupi sapagkat ito’y nagsasabi at nagbibigay
malay sa bawat isa na kahit mahirap ang estado sa buhay ng isang tao o hindi gaanong
maganda ang sitwasyon sa buhay o kaya’y isa s’yang pulubi sa lansangan ay hindi
nangangahulugang maryoon itong masamang iniisip dahil sa katunayan hindi natin sila
kilala at wala rin tayong karapatang husgahan ang kanilang pagkatao. Hindi man natin
maitatanggi ang katotohanan na paminsan-minsan ay nahuhusgahan natin ang kapwa
natin maganda kung itutuon na lang natin ang ating atensyon sa ibang bagay para hindi
tayo makapanakit ng iba. Lahat tayo ay may karapatang maging malaya at lahat din
tayo ay may karapatang makamtan ang hustisya sa buhay, kahit tayo ay mangmang o
walang narating sa buhay ang importante ay malakas ang iyong loob na harapin ang
mga pagsubok sa buhay at tiwala sa sarili ang kailangan. Higit pa rito dapat malaki ang
tiwala sa ating poong Maykapal sapagkat siya lang ang makakatulong sa ating mga
kahirapan sa buhay.
-

You might also like