Kalupi
Kalupi
Kalupi
ni Benjamin P. Pascual
BUOD
Minsan sa ating buhay, may mga mali tayong desisyon na pagsisisihan sa bandang
huli. Dala siguro ng problema, bugso ng damdamin o pagkalito. Ganito ang nangyari kay
Aling Marta, isang pangkaraniwang ina sa araw-araw ay abala sa gawaing bahay at pag
aasikaso sa nalalapit na pagtatapos ng anak. Pinasya ng ginang na mamalengke ng maaga
upang mamili. Sa kanyang paglalakad ay di inaasahang mabangga siya ng isang batang
madungis. Agad na nahusgahan ni Aling Marta ang bata, ito ay mahirap, walang pinag-aralan
at walang modo. Nang kukuha na ng pambayad ang ginang ay tsaka na lamang nito natanto
na nawawala na ang kanyang kalupi. Agad na nataranta at nag-isip. Sa loob-loob nya ay
hiyang hiya sya sa nangyari. Natitiyak nya na ang batang madungis ang nakakuha ng
kanyang kalupi. Agad na nagmadali ang ginang upang mahagilap ang batang sa tingin nya ay
kumuha ng kanyang pitaka. Nang makita ang batang madungis ay agad na hinablot ng ginang
ang damit nito, pinit na pinaamin sa pagkuha ng kanyang pitaka. Ngunit ang bata ay panay
ang tanggi kahit na pinipilit itong paaminin ni Aling Marta. Marami na ang nakapaligid sa
kanila, may naawa sa bata ngunit wala iyon kay Aling Marta. Hanggang sa may dumating
nang pulis, Nagtanong sa bata ang sinabi pang ito'y dadalhin sa presinto. Lubhang natakot
ang batang madungis. Ang binili nitong isda para sa tyahin ay malamang hinihintay na kanina
pa. Ang mahigpit na hawak ni Aling Marta ay nagdulot ng matinding sakit sa bata kaya't
kinagat nito ang kamay ng ginang. Nagkaroon ng pagkakataong makatakas ang bata at agad
itong tumakbo papalayo. Ngunit sa di inaasahang pagkakataon, kasabay ng paglayo ng bata
sa mapanghusgang si Aling Marta ay ang tilian ng mga naroroon. Nabangga ito ng
humahagibis na dyip. Bago mawalan ng hininga ang kawawang bata ay iginiit nito na wala
syang ninakaw. Sa pangyayaring iyon ay inisip pa rin ni Aling Marta na ang nangyari sa bata
ay kapalit ng pagkuha ng kanyang kalupi. Pagkauwi ng bahay ni Aling Marta ay nagtaka ang
mister nito kung saan galing ang pinamili gayong naiwan nito ang pitaka sa bahay. Namutla
si Aling Marta sa narinig. Sa pagkakataong iyon ay nawalan ito ng malay. Marahil hanggang
sa ngayon ay binabagabag parin si Aling Marta sa nangyari sa bata.
A. SARILING PUNA
1. PANANALIG PAMPANITIKAN/TEORYA
Teoryang Realismo
Ang kalupi ay isang Teoryang Realismo dahil layunin nito na ipakita ang mga
karanasan at nasaksihan ng may-akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay
hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda
ang kasiningan at pagkaepektibo ng kanyang sinulat. Maraming bahagi ng kuwento na
nagpapakita ng makatotohanang pangyayari gaya ng biglaang pagbintang ni aling marta sa
bata na nagnakaw ng kanyang pera. Ipinapahiwatig nito na mapanghusga ang mga tao kaya
hindi mo matatakasan ang ganitong pangyayari.
Andres Reyes – isang inosenteng bata na kung saan nadamay sa masasamang bagay gawa
ng ibang tao.
Makabuluhan ang kwento ng Ang Kalupi sapagkat ito’y nagsasabi at nagbibigay malay sa
bawat isa na kahit mahirap ang estado sa buhay ng isang tao o hindi gaanong maganda ang
sitwasyonsa buhay o kaya’y isa siyang pulubi sa lansangan ay hindi nangangahulugang
mayroon itong masamang iniisip dahil sa katunayan hindi natin sila kilala at wala rin tayong
karapatang husgahan ang kanilang pagkatao. Hindi man natin maitatanggi ang katotothanan
na paminsan-minsan ay nahuhusgahan natin ang kapwa natin maganda kung itutuon na lang
natin ang ating atensyon sa ibang bagay para hindi tayo makapanakit ng iba. Lahat tayo ay
may karapatang maging Malaya at lahat din tayo ay may karapatang makamtan ang hustisya
sa buhay, kahit tayo ay mangmang o walang narrating sa buhay ang importante ay malakas
ang iyong loob na harapin ang mga pagsubok sa buhay at tiwala sa sarili ang kailangan. Higit
pa rito dapat malaki ang tiwala sa ating Poong Maykapal sapagkat siya lang ang
makakatulong sa ating mga kahirapan sa buhay.
Maganda ang nagging istilo ng may akda sapagkat nagtanim siya ng palaisipan sa
dulo ng kwento na patuloy na mapapa-isip sa mga mambabasa nito at maghahanap ng
karugtong o katuloy pa nito. Kikintal sa kanilang isipan ang mga katanungan na ipinipilit na
hanapan ng kasagutan.
Ang Kalupi
ni Benjamin P. Pascual
Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na
barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang
pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang
umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay
naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa
gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na
taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin
namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na
nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya,
naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na
dalaga sa isang kasuotang putting-puti, kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo
pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan
at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi
rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng
kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong sinusukat sa harap ng salamin ang
nagbubur-dahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.
Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang
pamimiling uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay
mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw
ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili
siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na
saging. Bibili na rin siya ng garbansos. Gustong-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang
minatamis na garbansos.
Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya painiling magdaan. Ang
lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan
upang magdaan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang
dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas
na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang
ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling
Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”
“Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos.
Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya, “Hindi ko
ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako e.” “Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat
ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensiyahan nang pagpapasensiyahan ay makakapatay ka
ng tao.”
Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako
ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng hindi
mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may
iba pang nakikita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring
may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa
tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika.
“Tumaba yata kayo, Aling Gondang,” ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya
niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin. “Tila nga ho,” ani
Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.” Natawa si Aling Marta at pagkaraan
ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang
kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi!
Napansin ng kaharap ang kanyang anyo. “Bakit ho?” anito. “E…e, nawawala ho ang aking
pitaka,” wala sa loob na sagot ni Aling Marta. “Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang
tanong ng babae. Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang
bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya
kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng
kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.”
Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga
nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang
gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa
kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon
nakakalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha,
ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang
maliliit at ng mangailan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay
nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na
halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng prusisyon na di kalayuan
sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang
hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay
tumatawad. Hindi siya maaari magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang
panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan
upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.
Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sabi niyang
humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!” Tiyakan ang
kanyang pagsasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay
masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinang sumagot. “Ano hong pitaka?” ang
sabi. “Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.”
“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala
ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan!
Kikita nga kayo rito sa palengke!”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili.
Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata at ito’y pilit na iniharap sa
karamihan.
“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako,” ang sabi niya. “Nang
magbabayad ako ng pinamimili ko’t kapain ang bulsa ko e wala nang laman!”
“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo,” sabing nakalabi ng isang babaeng nakikinig. “Talagang dito
ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.” “Tena,” ang sabi ni Aling
Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.” “Bakit ho, saan ninyo ako dadalin?” “Saan sa akala
mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita
kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”
Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing-
kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pagkakasakal ng
kanyang liig. May luha nang nakapaminta sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay
sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang
isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay
sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko hong siya dahil nang ako’y
kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa,” patapos niyang
pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.” Tiningnang
matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa sa duming
katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap ng nito at sinimulang mangapkap. Sa
bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang
maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at
tigbebenteng bangos. “Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang
tanong ng pulis kay Aling Marta. “Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.
“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalisik na tanong ng pulis sa bata.
“Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.” “Wala ho akong dinukot na maski ano sa
kanya,” sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala
kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.”
“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang
pitaka ko e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga
tekas kung lumakad…dala-dalawa, tatlu-talto! Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e
ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong matakot iyan at magsabi ng totoo.”
Tumindig ang pulis, “Hindi ho natin karakarakang madadala ito ng walang evidencia.
Kinakailangang kahit paano’y magkakaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang
dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”
“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo?” ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang
pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa
aking bulsa. Ano pa?” Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang
Gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang maliit na kuwaderno sa
kanyang bulsa.
“Ano ang pangalan mo?” ang tanong niya sa bata. “Andres Reyes po.” “Saan ka nakatira?”
ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga
mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho e
may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt,
kung minsan naman ho e sa mga tiyo ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid
ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para Mamayang
tanghali.”
“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.
“Oho,” ang sagot ng bata. “Pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay
dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.”
Ang walang kawawaang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa
kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay
dumarami ang tao sa kanyang paligid at ang pulis na umuusig ay tila siyang-siya sa kanyang
pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.
“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin,” ang sabi niya.
“Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito at wala namang nangyayari. Kung hindi
naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.” “Hirap sa inyo ay sabad
kayo ng sabad, e” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang
ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel. Doon sabihin ang gusto ninyong sabihin at
doon ninyo gawin ang gusto ninyong gawin.” Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo
sa outpost, kasunod ang hindi umiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang
ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay pinagmamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto
ang pulis.
“Maghintay kayo rito sa sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili,” ang sabi sa kanya
at pumasok. Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa
pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos.
Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa
palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya
makauwi; dalawa, tatlo, o maaaring sa hapon na. naalala niya ang kanyang anak na
dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para
niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dalang ano man, walang
dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya na kanina pa nagpupuyos sa kanyang
dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa
batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay
pabalingat niyang pinilit sa likod nito.
“Tinamaan ka ng lintek na bata ka!” ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung
walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo!
Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan? Saan?”
Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang
balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang
makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa
baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay
buong panggigil na kinagat.
Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay
makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, nang siya ay bitiwan ng
nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayuan, kay
Aling Marta at sa dumakip na pulis, at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita
ay walang lingun-lingon na tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na
niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at
ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang
pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay
nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa
pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng
kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.
Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Maputla ang kulay ng kanyang
mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malamig na pawis ang
gumigiit sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangatog. Hindi siya makapag-
angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang
binuntunan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili.
Ginawa ko lamang ang dapat gawin nino man at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring
ito’y pagbabayad lamang ng bata sa kanyang nagawang kasalanan.
“Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputol-putol na
nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.” May kung anong malamig
na naramdaman si Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang nata ay pilit na
nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang
pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni Aling Marta
sa kanyang sarili. “Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa
kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y
matutuwa na kayo niyan.”
“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.
“Wala naman, sa palagay ko,” ang sagot ng pulis. “Kung me mananagot niyan ay walang iba
kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang
mananagot niyan,” may himig pangungutya ang tinig ng pulis.
“Makakaalis na po ako?” tanong ni Aling Marta. “Maaari na,” sabi ng pulis. “Lamang ay
kinakailangang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksyon ng inyong bahay upang
kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”
Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa
karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulong-magulo ang kanyang isip. Sali-salimuot
na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ng walang tiyak na
patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang
iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa, sandaling
malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay
mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan,
tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis
hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.
“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate,
“E…e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”
“Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka mo e Naiwan mo! Kaninang bago
ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng
pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan?”
biglang-bigla, anaki’y kidlat na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang
larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para
niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e, wala
kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang
pinanganga-pusan ng hininga at sa palagay na niya ay umiikot ang buong paligid; at bago
siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng
kanyang asawa’t anak, at ang papaliit na lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?