Araling Panlipunan 10 4thquarterweek1

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 15

Araling Panlipunan Baitang 10

MODYUL 4 IKA-APAT MARKAHAN – Mga Isyung Pang- Edukasyon at Pansibiko at


Pagkamamamayan ( Civics and Citizenship)

Una, Ikalawa at Ika-tatlong Linggo

Mga Isyung Pang- Edukasyon

Ang edukasyon ay napakahalagang bagay sa buhay ng tao. Ito ay maituturing na tulay upang
umunlad ang isang tao. Ang mga Pilipino ay may malalim na pagpapahalaga sa edukasyon.
Bukambibig ng mga mga Pilipinong magulang na ang edukasyon ang tanging kayamanang
maipapamana nila sa kanilang mga anak. Kaya’t pinagsisikapan nilang maitaguyod ang edukasyon
ng kani-kanilang mga anak.

Subalit may mahahalagang bagay na nauukol sa edukasyon na dapat pagtuunan ng pansin at


lutasin,lalo na ang gobyerno, upang masigurong sapat o angkop ang kalidad at mabisa ang sistema
ng edukasyong maipagkakaloob sa tinatawag na isyung pang-edukasyon

Mga Kakayahang Dapat Malinang

Pagkatapos mong mapag-aralan ang modyul, inaasahang magagawa mo ang mga sumusunod:

 Nasusuri ang sistema ng edukasyon sa bansa


 Nasusuri ang mga programa ng pamahalaan na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa
edukasyon
 Nasusuri ang mga programa ng pamahalaan na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa
edukasyon
 Nasusuri ang kalidad ng edukasyon sa bansa
 Natatalakay ang mga suliraning kinakaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa
 Nakapagmumungkahi ng mga pamamaraan na makakatulong sa pagpapataas ng kalidad ng
edukasyon sa pamayanan at bansa

ANG SISTEMA NG EDUKASYON SA PILIPINAS

Ang edukasyon sa Pilipinas ay pinangangasiwaan ng Kagawaran ng Edukasyon (Department


of Education o DepEd). Ang sistema ng edukasyon sa bansa ay pangkaraniwan nang nahahati sa
dalawang uri-ang pormal (formal) at hindi pormal (nonformal) na edukasyon.

Ang pormal na edukasyon ay pangkaraniwang isinasagawa sa mga silid-aralan ng paaralan


at ang nangangasiwa ay mga gurong may sapat na kaalaman, kasanayan (training), kuwalipikasyon,
degree, at lisensiya mula sa nakatalagang ahensiya ng gobyerno. Ang guro ay pangkaraniwan nang
sumusunod at nagpapatupad ng kurikulum na pinagtibay ng paaralan. Bukod dito, ang pormal na
edukasyon ay highly institutionalized, bureaucratic, at pormal na kinikilala (formally recognized). Sa
sistemang ito ay gumagamit ng paggagrado (grading system) at nagkakaloob ng degree, diploma, o
sertipiko.

Sa dating sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ang pormal na edukasyon ay nahahati sa mga


yugto tulad ng preschool, primaryang edukasyon, sekondaryang edukasyon, at tersiyaryong
edukasyon.

Ang preschool ay pangkaraniwang nag- aalok ng edukasyon sa mga bata mula sa edad na
tatlo hanggang lima. Ang preschool ay tinatawag ding Nursery o Kindergarten. Ang mga paaralang
ito ay may kurikulum na nakasentro sa mga bata (children- centered) at naglalayong simulang
linangin nang balanse ang pisikal, intelektuwal, at moral nilang kalikasan (nature). Ang mga
preschoolay nagsisilbing tagapaghanda sa mga bata para sa primaryang edukasyon (primary
education).
Ang primaryang edukasyon ay binubuo ng unang anim na taon ng nakabalangkas na
edukasyon pagkatapos ng preschool. Tinatawag din itong elementaryang edukasyon na
karaniwang nagsisimula sa edad na anim hanggang labing-isa o labindalawa. Sa karamihan ng mga
bansa gaya ng Pilipinas, ang elementaryang edukasyon ay sapilitan (compulsory) para sa lahat ng
mga bata. Sa maraming paraan at mga aspeto, ang primaryang edukasyon ay paghahanda sa mag-
aaral para sa sekondaryang edukasyon.

Ang sekondaryang edukasyon ay pangkaraniwang sumasaklaw sa pormal na edukasyon na


nagaganap sa panahon ng adolescence ng isang mag-aaral. Sa dating sistema, ito ay binubuo ng
apat na taon lamang (first year hanggang fourth year). Ang mga paaralan na nag-aalok ng
sekondaryang edukasyon ay tinatawag na mataas na paaralan (high school). Sa dating sistema, ang
kabuuan ng sekondaryang edukasyon ay pagtuturo sa mga mag-aaral ng mga karaniwang kaalaman
at paghahanda sa kanila para sa mas mataas na edukasyon o kolehiyo. Sa bagong sistema (sa ilalim
ng Programang K to 12), ang sekondaryang edukasyon na may karagdagang dalawang taon (senior
high school - Grades 11 at 12) ay pagsasanay rin sa mga mag-aaral para sa ilang propesyon o
hanapbuhay, kasanayan (craft), o pangangalakal (trade).

Ang tersiyaryong edukasyon, na tinatawag ding mas mataas na edukasyon (higher


education), ay ang hindi sapilitang (non-compulsory) antas ng edukasyon matapos ang
sekondaryang edukasyon. Ang tersiyaryong edukasyon ay pangkaraniwang tumutukoy sa
undergraduate na edukasyon (bachelor's degrees), postgraduate (masteral at doctoral), at maging sa
mga bokasyonal na edukasyon at pagsasanay na kinukuha pagkatapos ng high school. Ang
bokasyonal na edukasyon ay isang uri ng edukasyong nakasentro sa tuwiran at praktikal na
pagsasanay para sa isang partikular na kasanayan o pangangalakal. Ang tersiyaryong edukasyon ay
kinukuha sa mga kolehiyo at unibersidad, at ito ay karaniwang nagreresulta sa pagkakaroon ng mga
sertipiko, diploma, o academic degree.

Sa dating sistema ng edukasyon sa bansa, ang sapilitang (compulsory) basic education ay


binubuo ng anim na taong primaryang edukasyon at apat na taong sekondaryang edukasyon. Ang
preschool, kolehiyo. postgraduate, at bokasyonal na edukasyon ay hindi compulsory. Sa ilalim ng
bagong sistema (K to 12) ay may ilang pagbabago.

Ang hindi pormal (nonformal) na edukasyon naman ay tumutukoy sa anumang organisadong


pang-edukasyong aktibidad sa labas ng establisadong pormal na sistema na inilalaan upang
tumugon sa mga tiyak na parokyano o mga learning clientele at layuning pang-edukasyon (learning
objective). Ang mga programa sa ilalim ng hindi pormal na edukasyon ay karaniwang maikli lamang
(short-term) at boluntaryo (voluntary).

Pangkaraniwang ito ay mayroon ding payak na kurikulum at facilitator subalit humihingi ng


kaunti lamang na prerequisite. Ang hindi pormal na mga programa sa edukasyon ay kinabibilangan
ng edukasyon sa pagbasa at pagsulat (literacy education) para sa matatanda at kabataan;
programang pang-edukasyon para sa mga dropout, out-of-school-youth, at out-of-school-adult; pang-
agrikultural na pagsasanay; pangkalusugang edukasyon; edukasyon sa unyong pangkalakalan (trade
union); edukasyon ukol sa rural development; at sa papel ng kababaihan sa pag-unlad.

Ang hindi pormal na edukasyon ay pangkaraniwang isinasagawa sa labas ng silid-aralan, sa


mga komunidad, at mga learning center, barangay hall, silid-aklatan, o tahanan. Ito ay
pinangangasiwaan ng mga facilitator, mobile teacher, o coordinator sa napagkasunduang oras at
lugar.

ANG PROGRAMANG K TO 12 SA PILIPINAS

Noong taong pampaaralan (school-year) 2012-2013, sinimulan ang pagbabago sa sistema ng


edukasyon sa Pilipinas. Ang dating 10 taon na compulsory basic education ay naging 13 taon sa
ilalim ng Programang K to 12 batay na rin sa mandato ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng
bansa. Kalakip ng bagong sistema ay ang bagong kurikulum na nagsasaad ng ilang pagbabago. Ang
Programang K to 12 ay pinaniniwalaang makalulutas sa suliranin ukol sa mababang kalidad at sa
hindi na napapanahong sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang Programang K to 12 (K-12, K12) ay kinapapalooban ng isang taong Kindergarten at anim


na taon sa elementarya at anim na taon din sa sekondaryang edukasyon. Ito ang sistema ng
edukasyon na ginagamit sa halos lahat ng bansa sa buong mundo. Sa layuning mapabuti ang
sistema ng edukasyon sa bansa, ito ang iminungkahi ng DepEd sa pangunguna nang noon ay
Kalihim nito na si Armin Luistro.

Naglalayon ang programang ito na lumikha ng mga mga-aaral na may sapat na kaalaman at
kakayahang magagamit nila hanggang sa kanilang hanapbuhay. Ang programa ay binubuo ng
universal kindergarten (para sa limang taong gulang), anim na taon sa elementarya (primary
education), apat na taon sa junior high school (grade 7 to10), at dalawang taon sa senior high school
( Grades 11 - 12)

Ang dalawang taon sa senior high ay naghahangad na makapagbigay ng sapat na panahon


sa mga mag-aaral na mapagsama ang mga kaalaman at kagalingang napag-aralan sa nakaraang
mga antas ng pag-aaral at upang maihanda sila sa nais nilang tahaking hanapbuhay o kurso sa
kolehiyo pagkatapos ng high school. Ang kurikulum ay nagbibigay ng kalinangan sa siyensiya at
teknolohiya, musika at sining, agrikultura at pangingisda, sports, at pagnenegosyo, at
entrepreneurship. Sila ay makakukuha ng mga sertipiko (Certificates of Competency o COC) at
National Certificates (NCS) sang-ayon sa Technical Education and Skills Development Authority
(TESDA) Training Regulation. Sa bagong kurikulum, matuturuan din ang mga mag-aaral ukol sa
entrepreneurship na magkakaloob sa kanila ng kaalaman o kasanayan ukol sa pagnenegosyo.

MGA PROGRAMA NG GOBYERNO PARA SA PAGKAKAPANTAY. PANTAY SA EDUKASYON

May mga programa ang gobyerno na nagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon o


ang tinatawag na access sa edukasyon. Ang tinatalakay na hindi pormal na edukasyon, lalo na
kung mula sa mga ahensiya ng gobyerno, ay bahagi ng proyekto ng gobyerno ukol sa pagkakaloob
ng access sa edukasyon sa mas nakararami kung hindi man sa lahat ng Pilipino.

Ang sumusunod na anyo (form) o uri ng edukasyon ay kabilang parin sa ilang pamamaraang
ginagamit ng gobyerno para maragdagan ang access sa edukasyon at kahit paano ay maisulong ang
pagkakapantay- pantay sa edukasyon. Ang mga ito ay iniaalok bilang bahagi ng porma na edukasyon
sa bansa, o ng hindi pormal na edukasyon, o hindi kaya ay bilang hiwalay (independent) na
programa.

1. Alternative Learning System (ALS)

Ito ay isang programa ng DepEd na naglalayong matulungan ang mga hindi nakapapasok sa
paaralan. Ito ay pangkaraniwan nang iniaalok sa kabataan sa iba't ibang kadahilanan-hindi nakapag-
enrol sa paaralan, mga manggagawa, may kapansanan, nasa bilangguan o rehabilitation center,
kalalaya lang sa bilangguan, dating rebelde na nagbalik-loob sa gobyerno, mga katutubo, at iba pang
taong hindi nakapasok sa paaralan o hindi nakapagtapos ng pag-aaral ngunit nagnanais na matuto at
magpatuloy sa pag-aaral.

Sa ALS, maaaring makakuha ng elementarya at sekondaryang edukasyon na hindi


kinakailangang pumasok araw-araw sa paaralan tulad ng sa pormal na edukasyon. Ang mga kurso
ay karaniwang mula 6 hanggang 10 buwan at pangunahing nakatuon sa pagpapaunlad ng mga
kasanayan. Bilang isang hindi pormal na edukasyon, ang konsentrasyon nito ay nakatuon din sa
pagkakaloob ng mga kasanayang magagamit upang makapaghanapbuhay at makasabay sa labor
market.

Nagsimula ang programang ito noong 1984 at unang nakilala bilang hindi pormal na pagtuturo
ng edukasyon na paglinang ng teknikal na kapasidad ng mga mag-aaral upang magamit nila ito sa
paghahanapbuhay. Maliban sa pagtuturo ng livelihood education, kabilang na rin ditto ang pagbibigay
ng pagkakataon sa mga Pilipino na makakuha ng pang-elementarya at pansekondaryang diploma.
2. TESDA O Technical-Vocational Education Training (TVET)

Ang Technical-Vocational Education Training (TVET) ay isang nondegree na programa na


naglalayong makapagbigay ng mga kaalaman at kasanayang kailangan upang makapaghanapbuhay.
Ang nangangasiwa sa TVET ay ang Technical Education and Skills Development Authority
(TESDA). Ang TESDA, sa pamamagitan ng Republic Act No. 7796, ay itinatag sa panahon ng
panunungkulan ni dating Presidente Fidel V. Ramos.

Ang edukasyong ipinagkakaloob nito ay nakasentro sa paglilinang sa kasanayan at pagbibigay


ng pagsasanay (training) sa mga kursong praktikal. Ang kurikulum ay pangkaraniwan nang batay sa
pangangailangan ng mga kompanya na naghahanap ng mga sinanay na manggagagawa (skilled
workers) para sa kanilang institusyon. Ang nakapapasa sa kurso ay pinagkakalooban ng sertipiko na
siyang ginagamit ng isang nakatapos sa paghahanap ng angkop na trabaho.

3. Homeschooling o Home Education

Ang homeschooling, na kilala rin bilang home education, ay isang uri ng edukasyon sa mga
bata na isinasagawa sa loob ng kani-kanilang tahanan. Ito ay iba kung gayon sa pormal na uri ng
edukasyong isinasagawa sa paaralan, pribado o pampubliko man.

Ang nagsisilbing guro sa home education program ay ang magulang o isang tutor. Ang
homeschooling ay isang alternatibo sa pag-aaral sa mga publiko o pribadong paaralan.

Ito ay isang legal na opsiyon ng mga magulang sa maraming bansa. Ito ay hinihiling o inaaplay
sa DepEd, o isang paaralan o institusyon na may lisensiya mula sa DepEd ukol sa pag-aalok ng
ganitong uri ng edukasyon. Bago payagan, pangkaraniwang inaalam muna kung ang mga magulang
o tutor ay may kakayahang magkaloob ng home education sa mga bata. May mga pagsusulit ding
dapat ipasa ang mga bata sa ilalim ng ganitong programa bago sumulong sa mas mataas na antas.

4. Distance Learning, E-Learning, at Online Learning

Ang distance learning (distance education) ay nagbibigay ng pagkatuto sa mga taong


malayo ang distansiya mula sa institusyong pang-akademiko. Ang tagapagturo (instructor) ay pisikal
na malayo sa tinuturuan (learner) at posibleng naisagagawa ang pagtuturuan sa magkaibang oras.

Ang isang halimbawa ng paaralang nag aalok ng distance learning ay ang University of the
Philippines (UP) sa pamamagitan ng University of the Philippines Open University (UPOU) nito
na itinatag noong 1995. Ang orihinal na institusyon ng UP na nag aalok ng ganitong uri ng programa
ay nakabase sa Los Banos, Laguna.

Naglalayon ang open university ng UP na magbigay ng oportunidad na makapag-aral ang mga


indibidwal na nagnanais magtamo ng mga mataas na lebel ng edukasyon subalit hindi possible dahil
sa maraming dahilan gaya ng hanapbuhay o paninirahan sa lugar na malayo sa kampus. Kinilala ng
Comission on Higher Education (CHED) ang UPOU bilang National Center of Excellence in Open
Learning and Distance Education dahil sa naging mahalagang papel nito na makapagbigay ng
serbisyong edukasyon sa bansa.

Ang isa pa sa mga state university sa bansa na matagal nang nagkakaloob ng distance
education ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta Mesa, Maynila. Ang
halimbawa naman ng pribadong paaralan na sa kasalukuyan ay may maraming mag-aaral sa ilalim
ng programang distance education ay ang New Era University. Ang distance education nito ay
pinangangasiwaan ng departamento nitong Vantage Educational Management (VEM).

Ang e-learning (electronic learning) naman ay pag-aaral gamit ang mga elektronikong
kasangkapan (electronic gadgets), at karaniwan itong nangangahulugan ng paggamit ng computer
upang makapaghatid ng bahagi, o ang kabuuan ng isang kurso, ito man ay sa isang paaralan, o
bahagi ng kinakailangang pagsasanay sa negosyo (mandatory business training) o ng isang buong
distance learning course. Samakatuwid, ang e-learning ay maaaring gawing midyum o paraan ng
distance education.
Sa kasalukuyan, may iba't ibang uri ng computer applications at software na nagagamit para
sa edukasyon. Maging ang mga smartphone at tablet ay maaari na ring madala sa paaralan at
magamit sa pag-aaral. Ang e-learning, kapag hinaluan ng mga tradisyonal na pamamaraan sa pag-
aaral, ay tinatawag na blended learning.

Sa Pilipinas, ang e-learning ay unti-unti nang nakikilalaat nagiging establisado lalo na sa mga
sector ng edukasyon at agrikultura sa tulong ng gobyerno. Ang isang grupo na aktibong
nagtataguyod at gumagamit ng e-learning ay ang Philippine e-learning Society (PELS). Ito ay
naitatag noong 2003 sa Maynila at may layuning magtaguyod ng paggamit ng teknolohiya ng e-
learning. Ang mga pangunahing kasapi nito ay mga kolehiyo at unibersidad sa pribado at publikong
sektor.

Ang E-Learning Practitioners Association of the Philippines, Inc. (ELPAP, Inc.) naman ay
naitatag sa Mandaluyong City at naiparehistro sa Security and Exchange Commission (SEC) noong
2013. Sa pangunguna ng founding president nito na si Professor Jensen DG. Mañebog, at mga
miyembro ng nonprofit/nonstock na organisasyong ito, na kapuwa mga guro at propesor na may
kaalaman sa e-learning, ay lumilikha at naglalathala ng mga libreng e-learning material. Bilang
kawanggawasa kapakinabangan ng mga mag-aaral na Pilipino, ang ELPAP, Inc. halimbawa ay
naglalabas ng mga libreng e-learning reviewer para sa National Achievement Test (NAT) at college
entrance test (halimbawa: UPCAT). Ang knilang mga produkto ay magagamit ng libre mula sa
OurHappySchool.com.

Kaugnay pa rin ang e-learning ang Kagawaran ng Agrikultura (Department of Agriculture) ay


nagpapatakbo ng isang extensuin program na tinatawag na e-learning para sa Agrikultura at
Pangisdaan katuwang ang Agricultural Training Institute bilang pangunahing ahensiyang
nagpapatupad ng programa. Ang programa ay naipatutupad sa tulong ng mga unibersidad at
kolehiyo, ahensiya ng gobyerno, at mga nongovernmental na organisasyon. Ang pangunahing
layunin nito ay ang magturo ng kaalaman sa mga tao ukol sa pagtatanim at pangingisda gamit ang
mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pag-aaral.

Ang online learning naman ay pangkaraniwan nang nakaugnay sa paggamit ng Internet at sa


iba pang mga web-based na teknolohiya upang makapagbigay ng kaalaman. Ito ay kaugnay ng
distance learning at ng e-learning. Ang online learning ay maaaring gamiting midyum sa distance
learning. Ang online learning naman ay maaaring gumamit ng mga e-learning material lalo na at ang
paggamit ng Internet sa pag-aaral ay pangkaraniwan nang gumagamit ng iba pang mga
elektronikong application (apps) at program.

Ang TESDA ay may inaalok na mga online na kurso na tinatawag na TESDA Online
Program (TOP). Nilalayon nitong maipaabot sa mga mamamayan ang teknikal na edukasyon sa
pamamagitan ng teknolohiya ng Internet. Naibibigay nito ang mas epektibo at episyenteng paraan
upang makapagbigay ng teknikal na edukasyon at serbisyo sa pagpapaunlad ng kasanayan sa
karamihan nang abot-kaya.

Binuo ang programa para sa mga mag-aaral, sa mga out-of-school youth, mga walang
hanapbuhay, mga empleyado, mga propesyonal, at mga overseas Filipino worker na nagnanais na
kumuha ng kurso sa TESDA sa sarili nilang oras at panahon gamit ang kanilang mga desktop, laptop
computer, o iba pang uri ng kompiyuter. Makikita ang mga kursong maaaring kunin sa website na:
www.tesda.gov.ph.

5. Open High School Program (OHSP)

Milyon-milyong kabataan ang hindi nakapag-aaral sa high school o nagiging dropout sa mataas
na paaralan taon-taon. Ang napakalaking bilang na ito ang nag-udyok sa gobyerno, partikular na sa
DepEd, upang ilunsad ang programang magsisilbing isa sa mga solusyon sa nabanggit na problema.
Kalakip ng paninisi sa kahirapan bilang pangunahing sanhi ng naturang problema, ang DepEd ay
lumikha ng programang aabot sa kabataan sa kani-kanilang lokalidad at sa pag-asang ang programa
ay magiging maginhawa para sa kanila.
Nakaangkla sa pilosopiya ng Batas Pambansa 232 o Education Act of 1982, ang Open
High School Program (OHSP) ay nagsimula noong 1988. Ito ay isang alternatibong paraan ng pormal
na programang pansekondaryang edukasyon na pinangangasiwaan ng Bureau of Secondary
Education (BSE) ng DepEd ng Republika ng Pilipinas. Ito ay para sa mga mag-aaral na hindi
makadadalo sa regular na klase dahil sa pisikal na kapansanan, personal at pampamilyang
problema, kakapusan, distansiya ng tahanan sa paaralan, maagang pagbubuntis, maagang pag-
aasawa, trabaho, at iba pang mga katanggap-tanggap at lehitimong dahilan. Ang programa ay
nagbibigay ng pagkakataon para sa mga nagtapos ng elementarya, mga high school dropout, at mga
pumasa sa Philippine Education Placement Test (PEPT) upang makompleto ang sekondaryong
edukasyon sa pamamagitan ng distance learning. Ang programa ay nagbibigay ng mga nakalimbag
na self-learning module na gagamitin ng mga mag-aaral para sa kanilang mga aralin at mga gawain
sa silid-aralan.

Ang mga nais mag-aral sa ilalim ng OHSP ay dapat matugunan ang sumusunod na mga
kuwalipikasyon:

(1) mamamayang Pilipino (Filipino citizen),

(2) nakompleto ang prerequisite grade o antas (year level),

(3) nakapasa sa Independence Learning Readiness Test (ILRT), at

(4) pasado sa Informal Reading Inventory (IRI).

Maaaring mag-enrol sa OHSP anumang buwan ng taon. Ang programa ay hindi nakasalalay
sa mga kalendaryo ng regular school year. Ang mga mag-aaral ay maaaring magsimula sa kanilang
napiling panahon at sa kanilang sariling bilis o bagal (pacing). Dapat nilang makompleto ang kanilang
buong pag-aaral sa mataas na paaralan nang hindi hihigit sa anim na taon.

Ang OHSP ay iniaalok sa buong bansa. Lahat ng interesado ay maaaring makipag-ugnayan


sa Dropout Reduction Program (DORP) Coordinator sa pinakamalapit DepEd Regional Office.
luugnay ng DORP Coordinator ang aplikante sa pinakamalapit na school division kung saan inaalok
ang programa. Ang mga aplikante ay maaari ding makipag-ugnayan sa Curriculum Development
Division ng Bureau of Secondary Education, Department of Education (DepEd).

Ang pangkalahatang pangangasiwa sa OHSP ay gagawin sang-ayon sa Dropout Reduction


Program (DORP) Management Structure batay na rin sa handbook ng program. Isang OHSP
coordinator ang itatalaga upang mangasiwa sa lahat ng mga gawaing ukol sa interbensiyon, mga
tungkulin, at mga responsibilidad na may kinalaman sa pagpapatupad ng OHSP.

6.Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP)

Ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditaton Program (ETEEAP) ay nasa
ilalim ng Nonformal Education Program ng bansa. Ipinatutupad alinsunod sa Executive Order 330
ng 1996, ito ay isang educational assessment scheme na kumikilala sa kaalaman, kasanayan, at
mga nakuhang pagkatuto ng mga indibidwal mula sa mga hindi pormal at impormal na karanasan sa
edukasyon.

Ito ay gumagamit ng equivalency competence standard at comprehensive assessment


system na kinapapalooban ng nakasulat na pagsusulit (written test), panayam, mga kasanayan,
demonstrasyon, at iba pang mga creative assessment methodology. Isang panel of assessors ang
bubuuin upang tumukoy sa kaalaman kasanayan, at saloobin ng kandidatong may kaugnayan sa
isang partikular na disiplina. Ito ang basehan ng pagkakaloob ng katumbas na mga credit o akmang
degree ng isang pamantasan.

Ito ay isang alternatibong programa sa edukasyon sa Pilipinas na nagbibigay-daan sa mga


propesyonal na nagtatrabaho rito at sa ibang bansa na hindi nagawang tapusin ang kanilang
edukasyon sa kolehiyo (o ni hindi man lang nakatungtong sa kolehiyo) upang makakuha ng isang
degree na hindi dumaraan sa tradisyonal na metodo ng pag-aaral.
Ang batayang-batas ng programa (EO No. 330) ay nilagdaan ni dating Presidente Fidel V.
Ramos noong Mayo 10, 1996. Ito ay kasalukuyang pinangangasiwaan ng Commission on Higher
Education (CHED). Ang mga kolehiyo o unibersidad na nag-aalok nito bilang bahagi ng kanilang
pang-akademikong programa ay dapat makakuha muna ng pag-apruba ng CHED.

Ang isang kandidato sa programa ng ETEEAP ay dapat na isang Pilipino, hindi bababa sa 25
taong gulang, hindi bababa sa high school graduate o dapat magkaroon ng Philippine Educational
Placement Test (PEPT) na katumbas ng unang taon sa kolehiyo. Siya ay dapat may hindi bababa sa
limang taon ng karanasan sa trabaho na may kaugnayan sa degree na nais makuha. Dapat ding
maipakita ang katibayan ng kakayahan at sapat na kaalaman sa pamamagitan ng sumusunod na
mga ebidensiya (alinman sa sumusunod):

(a) Certificate of Proficiency na inisyu ng isang government regulatory board,

(b) Certificate of Proficiency na ibinigay ng employer,

(c) Certificate of Proficiency na ibinigay ng isang lisensiyadong practitioner sa field, o

(d) Business registration certificate.

Ang kurikulum ng ETEEAP ay sumusunod sa programang kurikulum ng Higher Education


Institutions (HEI). Ang mga klase sa ETEEAP ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng tradisyonal
na silid-aralan o sa pamamagitan ng distance learning. Ang mga leksiyon ay masyadong mabilis
(fast-paced) at tiyakan (straightforward). Ang mga asignatura ay module-based at highly compressed
na maaaring matapos sa halos isang taon lang. Ang contact session, na karaniwang ginagawa kapag
Sabado o Linggo, ay depende sa patakaran ng paaralan. Ang work visit ay maaaring ipag-utos ng
HEI upang malaman pa ang ibang bagay tungkol sa mag-aaral. Hindi tulad ng sa mga tradisyunal na
pag-aaral, ang mga proyekto ay ginagawa nang mag-isa. Sa mga mag-aaral sa sistemang distance
learning, ang mga klase ay ginagawa sa pamamagitan ng palitan ng e-mail, video call, instant
messaging, at iba pang makabagong pamamaraan. Ang mga proyekto rin ay pinapasa sa
pamamagitan ng online na pamamaraan.

ANG KALIDAD NG EDUKASYON SA PILIPINAS

Ang edukasyon sa Pilipinas ay itinuturing na mahalagang salik upang makamit ang pag-unlad
ng bansa. Subalit paano ito magiging daan patungo sa pag-unlad kung bumababa na ang kalidad
nito?

Ang kalidad ng edukasyon ang sinasabing pangunahing suliranin o ikinababahala (concern)


kung ang pag-uusapan ay sektor ng edukasyon sa Pilipinas. Taon-taon ay maraming nagtatapos na
mag-aaral sa Pilipinas kumpara sa mga kalapit na bansa sa Asya. Ganunpaman, bagaman napataas
ng bansa ang bilang ng mga nagsisipagtapos, masasabing kuwestiyonable ang kalidad ng maraming
nakatapos ng pag-aaral. Marami pa rin ang walang hanapbuhay. Kung mayroon man, ang kanilang
trabaho ay hindi akma sa kursong kanilang tinapos.

Ang mababang kalidad ng edukasyon sa bansa ay nakikita sa mababang gradong nakukuha


ng mga mag-aaral sa mga nasyonal (halimbawa: National Achievement Test o NAT) at mga
internasyonal na pamantayang pagsusulit. Sa mga saligang aralin tulad ng agham. matematika, at
Ingles ay patuloy ang kalunos-lunos na pagbagsak ng grado ng mga mag-aaral, ayon sa isang pag-
aaral na sumuri sa resulta ng mga achievement test na ipinakukuha sa mga nasa elementarya at
mataas na paaralan sa buong bansa sa nakalipas na 10 taon. Malaki rin ang bilang ng mga mag-
aaral na bumabagsak, mababa ang grado, o hindi kaya ay nag-uulit ng pag-aaral.

Ayon pa rin sa mga pagsasaliksik, maituturing daw na higit na mas magagaling sa Ingles,
agham, at matematika ang mga mag-aaral noong dekada 70 kumpara noong dekada '80, 90, at sa
kasalukuyan. Kaya kung tutuusin, dati-rati ay maganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa at
masasabi na dati ay magandang mag-aral sa Pilipinas.
Maraming dahilan kung bakit dati ay maganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Dati-rati ay
maraming bilang ng mga Pilipino ang marurunong at mahuhusay sa Ingles, lalo na ang mga gurong
Pilipino. Ang Ingles ang lingua franca sa mundo at karaniwang ginagamit na wika sa mga paaralan
Maraming magagandang paaralan dito, mapapubliko o mapapribado man.

Mayroon mga unibersidad sa Pilipinas na nakapapantay sa mga unibersidad sa ibang bansa.


Mas mura ang halaga ng edukasyon ditto,kumpara sa maraming bansa. Katunayan, maraming mga
dayuhan tulad ng mga Koreano, Hapones, at iba pang lahi ang nag-aaral sa bansa bunga ng dating
impresyon ma maganda ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas sa ibang bansaSubalit nakalulungkot
na unti-unting bumababa ang kalidad nito dahil sa mga isyung pang- edukasyon na hindi
nareresolba.

May tatlong pangunahin at perenyal na problemang kinahaharap ang sistema ng edukasyon


sa Pilipinas pagdating sa pagkakaloob ng de-kalidad na edukasyon:

(1) ang kalagayan ng mga guro,

(2) silid-aralan, at

(3) mga aklat-aralin (textbooks)

Ang may mahigit sa kalahating milyong guro na nagtatrabaho sa mga pampublikong


paaralan sa buong bansa ay nakatanggap ng bahagyang pagtaas ng suweldo sa panahon ng
pamamahala ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Sa panahon naman ni dating Presidente
Benigno Aquino III, tila baga napabayaan ang pinansiyal na kapakanan ng mga guro. Ayon mismo
kay ATC Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, "Ang sahod ng mga guro ay hindi
makapagkakaloob ng isang disenteng pamumuhay para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya."

Ang mga Pilipinong guro ay kilala bilang matitiyaga sa mga bata at may dedikasyon sa
paglinang sa kakayahan ng mga mag-aaral sa bansa. Nagsisilbing kaligayahan sa mga guro sa
bansa na makitang ang mga mag-aaral sa kanilang pangangalaga ay umuunlad at natututo, at ito
ang nagsisilbing kanilang inspirasyon para pagbutihin ang kanilang pagtuturo. Dahil dito, sila ay
kalimitang tinatawag na lihim na hiyas ng Pilipinas (Philippines' secret gem).

Ganunpaman, ang maraming guro ay nakararanas ng kakapusan na para bagang


pagpapabaya sa kanila ng ilang nagdaang gobyerno. Nakalulungkot na ang salik na ito ay
nakaaapekto sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ngayon.

Sa kasalukuyan, ang isang Pilipinong guro, lalo na sa pampublikong paaralan, ay


humahawak ng isang klase na may 60 hanggang 70 mag-aaral sa average na dalawang shifting sa
isang araw. Ito ay malayo sa ideyal na teacher-student ratio na 1:25, o sa 1:40 na siyang opisyal na
pamantayan (standard) ng gobyerno upang maisiguro ang isang angkop na kondisyon (suitable
condition) para sa pag-aaral.

Bahagi ng pang-araw-araw na katotohanan sa mga paaralan ay ang siksikang silid-aralan at


mga makeshift na klase sa mga bukas na espasyo (open space) o gym. Ang mga hindi
kinakailangang ingay at mga kaguluhan ay hindi lamang nakaaagaw ng atensiyon ng mga nag-aaral,
kung hindi tumatakip din sa tinig ng mga guro. Ang mga guro ay napipilitang sumigaw at magpunyagi
para lamang mapanatili ang kontrol sa sitwasyon. Ang paghahawak sa malalaking klase at pagtuturo
sa dalawa o higit pang mga seksiyon at mga asignatura ay malaking hamon, kung hindi man parusa,
sa panig ng mga guro. Ang mga ito ay nangangailangan mula sa mga guro ng napakahabang
paghahanda at mastery sa mga paksa. Sa kalahatan, ang mga kondisyong ito ay negatibong
nakaaapekto sa pagtuturo ng mga asignatura at sa pagkatuto o pag-unlad ng mga mag-aaral. Bilang
katunayan, marami nang pag-aaral ang nagsasabing pasama nang pasama ang estado ng pagtuturo
sa mga paaralan sa publiko o pribado man.

Kung gayon, may kagyat na pangangailangan para sa mga guro na magkaroon ng patuloy na
mga pagsasanay at ng maganda-gandang compensation package. Marami ang naniniwala na upang
maakit sa propesyon ang mahuhusay at mga talentadong guro ay dapat na binabayaran nang sapat
upang mabuhay ng isang disente at marangal na buhay. Anumang panukalang reporma sa
edukasyon ay mabibigo kung walang seryosong pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga guro.

Mayroon ding matinding pangangailangan sa mga pasilidad upang matiyak ang mahusay,
kung hindi man ang pinakamahusay na kondisyon para sa kaaya-ayang pag-aaral. Nangangailangan
ng dagdag na mga silid-aralan, upuan, mga makabagong materyales sa pagtuturo, tubig at kalinisan,
at iba pang up-to-date na pasilidad. May 113955 silid-aralan ang kulang sa bansa noong 2017
bagaman ang bilang na ito ay nabawasan sa sumunod na mga taon. Para sa panuruang taon 2017-
2018, bahagya ring bumaba ang teacher-student ratio sa 1:31 sa elementarya, 1:36 sa Junior High
School, at 1:31 sa Senior High School. Ganunpaman, ang mga numerong ito ay hindi pa rin ideyal.

Dagdag sa nakalulungkot na sitwasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa ay ang kakulangan


ng mga aklat-aralin. Noong panuruang taon 2017-2018, may kakulangan sa 127.9 milyong aklat-
aralin sa pampublikong paaralan. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga propesor mula sa
Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, napansin din ang mga major error sa kasalukuyang mga aklat-
aralin, na nasuri naman daw ng Instructional Materials Council Secretariat (IMCS).

MGA SULIRANIN NA KINAKAHARAP NG SEKTOR NG EDUKASYON

Sa ginawang pagtalakay tungkol sa kalidad ng edukasyon sa bansa,hindi naiwasang banggitin


ang mga hamon at suliraning kinahaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa. Tinalakay na
halimbawa na ang ilan sa mga suliraning nakapagpapababa sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay
ang hindi sapat na badyet sa edukasyon na nagreresulta sa kakulangan ng mga pasilidad
pampaaralan, kakapusan ng mga kagamitan upang matuto tulad ng mga aklat, at kakulangan ng mga
gurong kuwalipikadong magturo. Maging ang kurikulum ay kinakailangang mapaunlad upang ang
mga kaalamang ituturo ay iyong mahalaga, praktikal , kailangan, at magagamit ng mga mag-aaral sa
kanilang buhay o magiging karera. Mayroon ding pagbaba sa pagkatuto ng Ingles na mahalaga sa
pakikipag-ugnayan at komunikasyon.

Ang sumusunod ay mga karagdagang pagtalakay sa mga elementong nabanggit at sa mga


kaugnay nilang mga problemang kinahaharap at dapat pagtuunan ng pansin para sa edukasyon sa
Pilipinas.

1. Ang bumababang kalidad ng edukasyon

Ito ang pangunahing isyung pang-edukasyon na dapat asikasuhin o lutasin ng gobyerno.


Kapansin-pansin ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas batay na rin sa mga
pagsasaliksik at sa mababang resulta ng mga pagsusulit na kinuha ng mga Pilipinong mag-aaral
mula elementarya hanggang kolehiyo. Marami rin ang kaso ng mga dropout, repeater, at mabababa
ang grado.

2. Ang mga hamon ng bagong sistema ng edukasyon sa bansa

Ang Programang K to ay kasalukuyang nasa implementasyon. Ganunpaman, hindi pa rin


masukat ang benepisyong maidudulot nito sa ikagaganda ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Marami pa rin ang tumututol sa programang ito sa dahilang ang dalawang taong dagdag sa kabuuan
ng edukasyon ay nangangahulugan ng dagdag na gastos para sa mga magulang. Sinasabi rin ng
mga tutol na ang mga dagdag na taon ay hindi nangangahulugang magiging mas magagaling ang
mga magsisipagtapos.
3. Ang papataas na presyo ng edukasyon

Bagaman mas mura ang edukasyon sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa, ganunpaman, sa
estado ng buhay ng maraming Pilipino, masasabing mahal ang presyo ng edukasyon, lalo na sa mga
pribadong paaralan. Lalo pa itong tumataas sa pagdaan ng panahon. Bilang resulta, ang mahihirap
ay madalas na hindi nakapagtatapos dahil sa kakulangan ng sapat na salaping pambayad sa mga
gugulin sa paaralan.

4. Ang hindi sapat na badyet ng gobyerno para sa edukasyon at ang korapsiyon

Ayon sa batas, ang pinakamataas na alokasyon ng badyet ng gobyerno ay dapat sanang


mapunta sa sektor ng edukasyon. Sa madalas na pagkakataon, hindi sapat ang pondong napupunta
para sa edukasyon. Dagdag pa rito ang isyu ng korapsiyon kung kaya't hindi nagagamit nang buo sa
kaukulan ang pondo para sa edukasyon

5. Ang kakulangan sa mga pasilidad at mga gamit sa edukasyon

Kulang na kulang sa mga silid-aralan, aklat-aralin, at kagamitan sa pagtuturo lalo na ang mga
pampublikong paaralan sa bansa. Tuwing magbubukas ang klase, maraming bata ang nagkaklase sa
corridor, hallway, sa ilalim ng punongkahoy, at ang ilan ay sa dating palikuran na ginawang silid-
aralan.

Maraming silid-aralan, lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa, ang sira-sira ang bubong at
dingding. May mga pagkakataon din na kapag umuulan, ang mga bata ay kawawa sapagkat
nababasa. Maraming bata na dahil sa kakulangan sa silid-aralan ay pinagsasama na lang halimbawa
ang Grade 1 at Grade 2.

Naghihiraman ang mga bata sa ilang libro. Sa mga liblib na lugar, punit-punit na ang mga
librong ginagamit.

6. Ang mababang suweldo ng mga guro

Marami ang pinipili na lang na magtrabaho bilang mga call center agent o kaya naman ay
bilang mga domestic helper sa ibang bansa dahil sa kaliitan ng pasuweldo sa mga guro sa bansa. Isa
itong mahalagang isyung pang-edukasyon. Mahihirapang kumuha ng mga de-kalidad na guro o
tapagturo kung masyadong mababa ang ibibigay na sahod sa mga ito.

7. Ang malaking sukat ng klase (class size)

Kung kulang ang bilang ng guro at kakaunti rin ang bilang ng silid-aralan, ang resulta ay ang
malaking sukat ng klase o class size at maraming shifting. Kung malaki ang class size, hindi gaanong
matututo ang mga mag-aaral at mahihirapan ang mga guro sa pagtuturo. Dahil dito, bababa ang
kalidad ng edukasyon

MGA PAMAMARAAN SA PAGPAPATAAS NG KALIDAD NG EDUKASYON

Ang sumusunod ay mga mungkahing pamamaraan o solusyon na makatutulong sa


pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa pamayanan at bansa.

1. Pagpapaunlad ng preschool at primary education

Ang pagkakaroon ng magandang kalidad ng edukasyon ay nagsisimula sa pagkakaroon ng


de-kalidad na preschool at primary education. Nararapat na pagtuunan ng pansin ang preschool at
primary education sapagkat ang mga ito ang magsisilbing pundasyon ng pag-aaral at pagkatuto ng
isang bata. Kung mahina hindi maayos ang pundasyon ng edukasyon, walang maaasahang de-
kalidad na produkto ng pag-aaral.
2. Pagpapaunlad ng kurikulum sa pribado o pampublikong paaralan man

Kung mapauunlad at mapabubuti ang kalidad ng kurikulum, maaaring makaagapay sa lebel ng


mga bansang may mauunlad at de-kalidad na edukasyon. Maaaring sa tulong ng mga eksperto at
mga gurong may matataas na pinag-aralan ay makabubuo ng kurikulum na makatutulong sa kalidad
ng edukasyon sa bansa. Marapat na pag-aralan kung saan ang kahinaan (weakness) ng mga mag-
aaral na Pilipino (halimbawa: sa pagsusulat at pagsasalita ng Ingles) at iyon ang tugunan. O hindi
kaya ay ang isama sa kurikulum ay iyon lamang mahahalagang aralin na magagamit ng mga mag-
aaral sa kanilang magiging hanapbuhay.

3. Pagpapataas sa kalidad o uri ng mga aklat-aralin (textbook)

Ang isang paraan para maisagawa ito ay ang paglikha ng gobyerno ng isang kinatawan na
bubuuin ng mga espesyalista eksperto mula sa iba't ibang disiplina at mahuhusay na guro mula sa
field na susuri ng mga aklat-aralin bago ipagamit sa mga paaralan. Ang isa sa mga dapat na
isaalang-alang ay ang kaangkupan ng aklat sa pinagtibay na kurikulum.

4.Paglalaan ng mas malaking badyet para sa edukasyon at pagpapatigil sa korapsiyon

Ang mga ito ay obligasyon ng gobyerno. Nararapat lamang na bigyan ng priyoridad ang
badyet para sa edukasyon. Maraming kakulangan tulad ng karagdagang silid-aralan, aklat, at
teaching paraphernalia para sa pagtuturo. Ang kakulangan sa mga ito ay nakapagpapahirap sa
pagtuturo at nakaaapekto sa kalidad ng edukasyon. Kailangan din ng corruption-free na sistema para
magamit sa kaukulan ang pondo sa edukasyon.

5. Pagkuha ng mga de-kalidad na guro

Kung maaari ay magkaroon ng tuntunin at programa kung saan ang mga guro ay
magkakaroon ng masteral degree o doctoral degree bilang bahagi ng kanilang patuloy na
pagsasanay. Maaaring magkaloob ng scholarship sa mga karapat-dapat.

Sa kasalukuyan, maaaring makapagturo kahit walang masteral degree. Subalit kung ang
hangad ay maabot ang de-kalidad na edukasyon, ang pagkakaroon ng mataas na pinag-aralan ay
makatutulong. Maaari din silang bigyan ng mga regular na pagsasanay (trainings) o seminar tungkol
sa mga makabagong estratehiya ng pagtuturo upang makaagapay sa mga ito.

6. Pag-aaruga at paglalaan ng mga epektibong working condition para sa mga guro

Bigyan ng sapat at tamang pasahod ang mga guro. Sa panahon ngayon ng kahirapan, maging
ang mga de-kalidad na guro ay naghahanap ng hanapbuhay kung saan ay may pasahod na
makasasapat sa kanilang pangangailangan. Dahil sa mababang sahod, napipilitan ang mga ito na
magkaroon ng sideline o kaya ay maghanapbuhay na lamang sa ibang bansa kung saan sapat ang
pasahod para sa kanila. Dapat ding bigyan sila ng mga resource material na magagamit nila sa
pagtuturo para sila ay maging epektibo

7. Pagdaragdag at pagsasaayos ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad sa edukasyon

Kung lalakihan ng gobyerno ang pondo para sa edukasyon at titiyaking walang korapsiyon sa
paggugol dito, magkakaroon ng sapat na halaga para sa pagdaragdag at pagsasaayos ng mga silid-
aralan at iba pang pasilidad ukol sa edukasyon.

8. Pagsasangkot sa mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak

Maaaring magkaroon ng mga programa kung saan ang mga magulang ay magkakaroon ng
tuwirang bahagi sa pag aaral ng kanilang mga anak. Ito ay bahagi na rin ng panghihikayat sa kanila
na suportahan ang pag-aaral ng mga anak. Sa pamamagitan ng mga pagpupulong, magkakaroon ng
lektura ukol sa obligasyon ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Magkakaroon din
ng halimbawa ng mga proyekto o takdang-araling hindi magagawa maliban kung magtutulungan ang
anak at magulang (parent-child collaboration)
9. Ang Programang K to 12 bilang solusyon

Bagaman may mga tutol dito, ang K to 12 ay isang programang inaasahang makapagpapabuti
sa kalidad ng edukasyon sa bansa sa kapakanan ng mga mag-aaral. Ang ilan sa sinasabing mga
bentaha nito ay ang:

(a) pagkabawas ng ilang asignatura (general education subject) na kinukuha sa kolehiyo na


pinagsama-sama na sa ilang aralin sa Senior High School,

(b) pagkakaroon ng mga high school graduate ng opsiyon na makapaghanapbuhay na at


makahanap ng maayos-ayos na trabaho maging sa ibang bansa (dahil sa mga sertipikong nakuha
nila), at

(c) pagtanggap ng international recognition sa mga propesyonal sa bansa.

Dati-rati, ang mga tapos ng kolehiyo sa bansa ay itinuturing na undergraduate o hindi pa tapos
ng kolehiyo sa mga bansang nagpapatupad ng Programang K to 12 dahil kulang pa diumano ang
mga taong ginugol nila sa paaralan para ituring na graduate.

Ang Programang K to 12 na isinulong sa Pilipinas ay sinasabi ring susi para mapaunlad ang
bayan. Kung ang mga tapos sa high school, lalo na ang mga tapos ng kolehiyo na dumaan sa
Programang K to 12, ay makahahanap ng mas magandang hanapbuhay sa loob o labas ng Pilipinas,
ang bansa ay makikinabang sa pamamagitan halimbawa mga magiging buwis na makadaragdag sa
kaban ng bayan. Ganunpaman, nananatiling hamon pa rin sa mga umuugit sa gobyerno na
patunayan na ang K to 12 ay isa ngang kapakinabangan sa sektor ng edukasyon.
PANGALAN:______________________________
IKA- APAT NA MARKAHAN SA ARALING PANLIPUNAN BAITANG 10

Unang Linggo

PAGSUSULIT

Panuto:Ibigay ang tinutukoy sa bawat bilang. Isulat ang tamang sagot sa patlang.

_______________1. Ang nangangasiwa sa edukasyon sa Pilipinas.


_______________2. Ang uri ng edukasyong ito ay pangkaraniwang isinasagawa sa labas ng silid-aralan, sa
mga komunidad at learning center, barangay hall, silid-aklatan, o tahanan.
_______________3. Nilalayon nito na matulungan ang mga hindi nakapapasok sa paaralan upang makakuha
ng elementarya at sekondaryang edukasyon.
_______________4. Sa programang ito, ang tagapagturo (instructor) ay pisikal na malayo sa tinuturuan
(learner) at posibleng naisagagawa ang pagtuturuan sa magkaibang oras.
_______________5. Kinilala ito ng Commission on Higher Education (CHED) bilang National Center of
Excellence in Open Leaming and Distance Education dahil sa naging mahalagang papel nito na
makapagbigay ng serbisyong edukasyon sa bansa.
_______________6. Ang founding president ng E-Leaming Practitioners Association of the Philippines, Inc.
(ELPAP, Inc.)
_______________7. Ang lahing ito ay may pagkakilala at malalim na pagpapahalaga sa edukasyon.
______________ 8. Ang nagsisilbing tagapaghanda sa mga bata para sa primaryang edukasyon (primary
education)
_______________9. Ginagamit na sistema ng edukasyon sa halos lahat ng bansa sa buong mundo.
______________ 10. Halimbawa ng pribadong paaralan na sa kasalukuyan ay may maraming mag-aaral sa
ilalim ng programang distance education
_______________11. Isang website kung saan may mga libreng e-learning reviewer para sa National
Achievement Test (NAT) at college entrance test
_______________12. Isang na departamento ng gobyerno nagpapatakbo ng isang extension program na
tinatawag na e-learning para sa Agrikultura at Pangisdaan katuwang ang Agricultural Training Institute.
_______________13. Ang online program ng TESDA na may inaalok na mga online na kursong naglalayong
maipaabot sa mga mamamayan ang teknikal na edukasyon sa pamamagitan ng teknolohiya ng Internet.
_______________14. Nagbibigay ito ng pagkakataon para sa mga nagtapos ng elementarya, mga high school
dropout, at mga pumasa sa Philippine Education Placement Test (PEPT) upang makompleto ang
sekondaryang edukasyon sa pamamagitan ng distance learning.
_______________15. Isang uri ng edukasyon sa mga bata na isinasagawa sa loob ng kani-kaniyang tahanan
_______________16. Isang nondegree na programa na naglalayong makapagbigay ng mga kaalaman at
kasanayang kailangan upang makapaghanapbuhay
______________17.Ang pag-aaral gamit ang mga elektronikong kasangkapan (electronic gadgets) .
______________18.Ito ang e-learning na hinaluan ng mga tradisyonal na pamamaraan sa pag-aaral.
______________19. Ang isang grupong naitatag noong 2003 sa Maynila at aktibong nagtataguyod at
gumagamit ng e-learning at may layuning magtaguyod ng paggamit ng teknolohiya ng e-learning.
______________20. Nakaangkla sa pilosopiya nito ang Open High School Program (OHSP)

PANGALAN:______________________________
IKA- APAT NA MARKAHAN SA ARALING PANLIPUNAN BAITANG 10

Ikalawang Linggo

PAGSUSULIT
Panuto: Talakayin o bigyan ng depinisyon ang konsepto sa bawat bilang.
1. Edukasyon
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
2.Pormal na Edukasyon
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
3.preschool
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
4.primaryang edukasyon/elementaryang edukasyon
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
5.sekondaryang edukasyon
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
6.nonformal education
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
7.Programang K to 12
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
8. Alternative Learning System (ALS)
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
9.TESDA
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
10.homeschooling/ home education
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________

PANGALAN:______________________________
IKA- APAT NA MARKAHAN SA ARALING PANLIPUNAN BAITANG 10

Ikatlong Linggo
Gawain 1
Panuto: Sagutin ang bawat tanong.
1. Sa iyong sariling pananalita, ilarwan ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
2.Ano- ano ang bentahe ng Programang K to 12 sa bansa?
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
3. Alin sa mga programa ng gobyerno para sa pagkakapantay- pantay sa edukasyon ang sa iyong palagay ay
pinakamabisa? Ipaliwanag ang iyong sagot.
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
4.Talakayin ang hindi magandang sistema ng edukasyon sa bansa.
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
5. Tumalakay ng dalawang suliraning kinakaharap ng sector ng edukasyon sa bansa.
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
________________________________________________________________________________________
Gawain 2
Magtala ng mga suhestiyong pamamaraan sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon na iniaalok sa
iyong paaralan.

You might also like