Uri NG Teksto - Ang Babaeng Nakaputi PDF
Uri NG Teksto - Ang Babaeng Nakaputi PDF
Uri NG Teksto - Ang Babaeng Nakaputi PDF
Ika-4 ng araw sa buwan ng Mayo, Martes, ika-2 araw ng Linggo. Pauwi na sa bahay ang
isang babaeng nakaputi mula sa pinagtatrabahuhang ospital. Nag-aagaw ang dilim at liwanag
ng mga oras na iyon sa kahabaan ng kalsada ng Balintawak sa Lungsod ng Quezon. Mag-
uumaga na. Tapos na ang kanyang duty. Pagod at hapo ang katawan sa pananatili ng gabing
magdamag. Bumaba siya sa jeep dahil sa sobrang traffic at piniling maglakad na lamang sa
magulo at maingay na daan. Malapit-lapit na ito sa kanilang bahay.
Hinarang ng isang matangkad na lalaking nakasuot ng kulay itim na tsaleko ang babaeng
nakaputi. May dala-dala itong batuta. Nakaramdam siya ng kaba at hindi malaman kung ano ang
gagawin. Pabilis nang pabilis ang kabog ng kanyang dibdib. Agad niyang hinawakan nang
mahigpit ang kanyang itim na bag. Palinga-linga ito sa paligid. Hanggang sa nagsalita ang lalaki.
Malakas ang tinig. Nagmamadali. Tinanong siya, “Ate, ate nars ka diba?” Natigalgal siya. Hindi na
siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan. Nawalan n siya ng lakas. Hindi maihakbang ang mga
paa bunsod marahil ng suot niyang palda. Bigla siyang hinawakan nito. Nagulat siya. Gusto nang
tumalon ng kanyang puso sa kaba. Sinabi ng lalaki sa kanya, “Patulong naman may nanganganak
sa kabilang bus!” sabay hila nito.
Ang pahayag na ito ng lalaki ang gumising sa kanyang pumapanaw na gunita. Nasabi
niya sa sarili na may humihingi ng saklolo at agarang tulong. Hindi na niya inalintana ang pagod.
Agad na nag-atubili ang babaeng nakaputi. Tumakbo sa lugar na tinuturo ng tanod. Nang
makarating ang dalawa sa nakahintong berdeng bus ay hindi ito mahulugang karayom sa dami
ng taong gustong makiusyoso sa pangyayari.
“Tumabi kayo! Tumabi kayo!” sigaw ng tanod habang hinahawi ang mga taong
nakikiusyoso na humaharang sa daan papunta sa pintuan ng bus. Agad namang gumilid ang
mga tao upang makaraan ang nakaputing babae.
Pag-apak niya sa bus ay natanaw niya ang isang babaeng malaki ang tiyan sa hindi
kalayuan na nasa edad 20 na nakaupo, mahaba ang buhok, payat at maputi. Ganggamunggo
ang pawis at namumutla. Mabigat itong humihinga ng paulit-ulit katabi ang isang matangkad na
lalaking nasa parehong edad. Hindi mapakali. Hindi alam ang gagawin. Agad na naghari ang
katahimikan sa loob ng bus habang papalapit nang papalapit ang hakbang ng babaeng nakaputi
sa buntis. Mabilis na sinuri agad nito ang babae. Wala siyang dalang gamit at tanging dala niya
ay ang kanyang kasanayan, at karanasan sa ganitong sitwasyon. Dali-dali nitong kinapa ang
pulso. "Humihilab na ang tiyan nito", agad na banggit nito.
Habang napaliligiran ng tao ay agad niyang sinabihan ang lahat ng mga taong bumaba
at lisanin ang bus upang makasagap ng hangin ang babaeng anomang oras ay manganganak
na. Mabilis pa sa kidlat ay agad na nahawi at nawala ang tao sa loob ng bus.
Agad na nag-utos ang nars sa lalaking katabi nito, “Maghanda ka ng yelo, makapal at
malinis na kumot. Agad namang tumalima ang lalaki at dali-daling ginawa ang sinabi ng nars.
“Tulong!” Sumigaw ang lalaki. Agad nitong itinaas ang bintana at sinabing, “Pahingi ng
yelo!” Nagkagulo ang mga tao sa labas at dali-daling naghanap ng yelo at iniabot sa lalaki.
Pinahiga ng nars ang babae sa bus. Makikitang umaagos na ang dugo sa nananabang
binti nito. Mahinang sabi nito, “Misis pumutok na ho ang panubigan ninyo.” Humihingal pa rin
ang babae ng paulit-ulit. Sambit niya sa sarili, “Maaaring mamatay ang bata kapag hindi ito
naagapan.”
“Manganganak na siya!” sabad ng nars sa lalaking nasa tabi nito habang kinukuha sa loob
ng bag nito ang kumot. Madaling iniabot ng lalaki sa nars ang kumot. Agad itong inilagay ng
nars sa pagitan ng tuhod at itinakip sa babaeng manganganak na. Ibinilin ng nars sa lalaking
Pahinang 1 ng 2
Kagamitang Pampagtuturo sa Uri ng Teksto
Pagbasa at Pagsususri ng Iba’t ibang Teksto tungo sa Pananaliksik
huwag aalis sa tabi ng kanyang asawa at huwag ilalayo ang bata sa kanyang Ina dahil maaaring
manganib ang buhay ng dalawa.
“Umire lang ho kayo.” agad na napakapit nang mahigpit ang babae sa kanyang asawa.
Lalong lumakas ang paghinga ng babaeng nakaramdam ng pagsakit at paghilab ng tiyan.
Naging mabilis ang lahat ng pangyayari. Hanggang sa sumigaw na ang babae, “Arrrrrggghhh…”
Napapikit ito sa sakit at sumigaw dahil sa pangyayari.
“Huminga po kayo nang malalim at umire po kayo” mabilis na sambit ng nars. Mabilis muli
ang kanyang paghinga. “Arrrrrggghhh…” pahigpit nang pahigpit ang pagkakakapit sa damit ng
kanyang asawa. “Arrrrrggghhh…” Ito ang paulit-ulit na narinig sa loob at labas bus kasama ang
mga taong nasa labas at naghihintay. Hindi mapakali… Hindi mapaupo… Nag-aabang.
“Sige pa ho. Malapit na. Hayan… hayan na ho Misis! Nakikita ko na ho ang ulo ng bata.
Sige pa!” wika ng nars. Kasabay nito ang malakas at mahabang “Arrrrrggghhh…” Patuloy na
naghari ang katahimikan sa loob at labas ng bus.
Lumabas na ang bata ngunit hindi ito maringgan ng iyak. Hindi maipinta sa mukha ng
lalaking asawa ang pangyayari maging ang mga tao sa bus. Nag-usyoso agad ang mga tao sa
labas. "Patay yata ang bata." Paulit-ulit na banggit nila. Agad na sinuri ng nars ang sanggol, sinapo,
at itinaas habang nakakabit pa ang pusod nito sa kanyang ina. Pinalo niya ito nang marahan sa
puwit.
Maya-maya’y narinig na ang malakas na iyak ng sanggol, “unggga… unggga…”
Nagpalakpakan at nagyakapan ang mga tao. "Babae ho ang anak ninyo." Sambit ng nars. Ang
sanggol ay maputi, makapal ang buhok, mamula-mula ang pisngi. Mabilis niyang binalot ang
sanggol sa puting kumot at inilagay sa dibdib ng kanyang ina. Tumigil agad ang munting anghel
sa pag-iyak ng maramdaman ang init ng katawan ng ina. Inilagay rin ng nars ang yelo sa puson
ng babae upang malamigan at mapahinto ang pagdurugo. Sa mahinang tinig inusal ng babae
ang, “Salamat po sa inyo! Hinagkan din ng lalaki ang kanyang asawa at sinambit ang “Salamat
po. Salamat sa Diyos!” habang nakatingin sa nars.
Dumating na ang ambulansiya at agad na sinakay sa sretcher ang kapapanganak lamang
na babae at ang sanggol na nakahiga pa rin sa dibdib ng ina kasunod ang lalaki. Bago pa
sumakay ay tinanong ng lalaki ang pangalan ng babaeng nakaputi na nababalot pa ng dugo
ang mga kamay. Sagot ng nars sa kanya, “Jennica po! Jennica Dacanay po.” Nagpasalamat muli
sila. At tuluyan nang naglaho ang ambulansiya sa tanaw ng kanyang mga mata at kinain na ito
nang mahabang daan. #
Pahinang 2 ng 2
Kagamitang Pampagtuturo sa Uri ng Teksto
Pagbasa at Pagsususri ng Iba’t ibang Teksto tungo sa Pananaliksik