Sina Bunso at Ang Mga Batang Preso

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 31

SINA BUNSO AT ANG MGA BATANG PRESO ni Mark Gil M.

Caparros Ikatlong Gantimpala, Pagsulat ng Sanaysay, 2010

Nakakatamad. Kamot sa ulo, kunot noo, hikab nang bahagya, singhot dito, sipat sa malayo, buntong hinga nang malalim at marami pang paulit-ulit na ritwal ang senyales na nagpapakita ng kawalan ko ng interes sa mga bagay-bagay. Mahigit apat na taon na ako sa Pamantasan ng Pilipinas (UP) at inip na inip nang tanggapin ang pinaka aasam-asam na diploma. Isama pa ang katakot-takot na nakalinyang gawain sa iniiwasan kong pakitang-turo sa kulungan ng mga batang preso na bahagi ng aking praktikum bilang isang guro sa kursong Special Education. Ang aking gagawin kasama ang mga menor de edad na bilanggo? Kumain, matulog, makipag-asaran, magguhit kung ilang araw pa ang ipamamalagi sa kulungan, magbasa ng komiks, magsulat sa pader, magmasid sa trip ng mga presong kabataan dapat lang ay bigyan ko sila ng mga gawain na kapaki-pakinabang. Nakakatamad pa ring gawin ngunit pipilitin ang sarili pagkat alam kong ito naman ay may kabuluhan. Kinakabahang manatili sa loob at makulong? Natatakot na mapagtripan, excited sa panibagong karanasan, bahagya ring napipilitan, kinukumbinsi ang sarili na makakatagpo ng kaaliwan sa mga batang preso na matuturuan. Unang araw sa piitan. Tumatagaktak ang malagkit na pawis sa aking buong katawan. Nabibingi ako sa kanilang pagkalampag sa rehas na bakal at sa dumadagundong nilang hiyawan. Ang mga karanasan at eksenang sa mga liham ng bilanggo sa isang pitak ng tabloid ko lang dati nababasa ay ganap ko nang nararamdaman. Buhay sa loob. Ang katamaran ko ay bahagya nang nabawasan dahil sa panibago na namang karanasan. Magkahalong saya at kaba ang naramdaman ko sa unang araw ko sa Molave. Saya pagkat alam kong marami akong bagay matutunan mula sa kanila at marami rin naman ang nakapiit na aking matutulungan. Bahagyang kaba rin ang kumakabog sa aking dibdib. Marahil ay natural lamang ito dahil hindi ko alam ang maaaring mangyari sa mahigit anim na oras bawat araw na pananatili ko sa kulungan. Matatagpuan sa likod ng Quezon City Hall ang Molave Youth Home, ang kanlungan ng mga kabataang naligaw raw diumano ng landas sa lungsod ng Quezon. Nakikisilong ito sa

ikalawang palapag ng gusali ng DSWD. Bago makarating sa makipot na hagdan ng tanggapan, araw-araw ko ng ritwal ang pagpapakapkap at pagpapasiyasat sa mga security escorts. Maliban sa ibang bansag at uniporme ay katulad din sila ng tipikal na mga jail guards. Sa halip na ang karaniwang suot ng mga bantay ay nakapostura sila ng malamlam na asul na polo, itim na pantalon at kumikinang na sapatos. Nalaman ko na ito raw ay upang mabawasan ang impresyon ng mga bata na sila ay nasa kulungan. Sa pagsisimula ng aking praktikum ay isinaulo ko muna ang mga batas sa loob na dapat kong sundin. Bawal magbigay ng mga matatalim na bagay tulad ng bolpen at gunting maliban kung kailangan sa klase at titiyakin na maibabalik din pagkatapos. Hindi rin sila maaaring gumamit ng sipilyo nang mag-isa dahil maaari raw itong ipanaksak at makapatay ng tao. Marami pang ibang bilin si Gng. Cayco, tagapangasiwa ng Molave na maingat ko namang isinama sa aking mahabang listahan. Upang ganap raw akong mabinyagan bilang isang tunay na taga-Molave, kinain ko (habang nakapikit) ang inihain sa akin na palakang bukid at salagubang na mula pa sa malayong probinsya ng Cagayan. Kahit hindi nakakatakam sa aking pihikang panlasa ay sinaid ko ito upang mapatibay ang sikmura bilang paghahanda sa iba ko pang mararanasan. Habang binubuksan ng nakatalagang security escort ang naglalakihang mga kandado patungo sa pasilyo ay unti-unti ko na silang nasilayan. May batang nakahubad at nagkakamot pa ng kanyang galising mga binti. Ang isa naman ay nanlilimahid na dahil sa kakulangan ng maayos na ligo. May ilan naman na halata kong bagong ligo at tila handanghanda na sa pagpasok. Lahat ng bata sa loob ay nakasuot ng putng (tawag sa madungis na puti) t-shirt bilang kanilang pagkakakilanlan. Isa-isa ko na ring nakilala ang mga gurong nakatalaga sa bawat klase. Si Gng. Gonzales na mahilig umindak at umawit habang nagpapalaro sa mga eskwela. Ang bigay na bigay ang mga emosyon sa pagkukwento sa klase na si Gng. Ballon. Ang masayahin at hindi nauubusan ng kwento na si Gng. Vargas. At gayundin ang katuwang kong guro sa hayskul na hindi matatawaran ang galing sa Matematika na si Gng. Cuevas. Silang tatlo ay pawang mga guro ng Jose Fabella Memorial School at naatasan ng Kagawaran ng Edukasyon na magbigay ng alternatibong mga kaalaman sa mga nakapiit na kabataan. Mahirap malaman kung ilan ang eksaktong bilang ng mga paslit na naninirahan sa Molave. May araw na 120 ang mga lalaki at 10 lamang ang mga babae. Pabago-bago ang mga datos na ito pagkat marami ang nadaragdag bawat araw samantalang ang ilan naman ay tuluyan nang nakakalaya. Karamihan sa mga batang nakilala ko ay may gulang na 10 hanggang 17. Ang katotohanang ito ay tila nakakaalarma dahil sa pabata nang pabata ang mga nakakasalamuha ko paglipas ng mga araw. Hindi magkamayaw ang mga bago kong kaibigan nang ipasyal nila ako sa kanilang pansamantalang tahanan. Humigit kumulang ay anim ang nakita kong selda. Ang mga social worker ang nagtatalaga kung saang silid sila mapapabilang. Karaniwang pinagbabatayan ang edad at kaso na kinasasangkutan. Nasa bungad ng mga silid ang isang pasilyo na pinagdarausan ng mga pang araw-araw na programa tulad ng 3 o'clock habit, siesta pagkatapos ng pananghalian at maging ang mga pagtatanghal tuwing may mga

pagdiriwang. Matatanaw naman sa pasilyo ang kusina at mahabang mesa na kayang iokupa ang lahat ng mga batang naninirahan dito. Mga limang hakbang din mula sa pasilyo ay mararating na ang malaking espasyo kung saan isinasagawa ang mga klase. Habang tumatagal ay higit ko nang nakikilala ang bawat bunso na aking nakakasama. Sa kanilang mga kwento ay nalaman ko ang iba't ibang kadahilanan kung paano sila napadpad sa kasalukuyan nilang kinalalagyan. Karamihan sa kanila ay kumuha ng mga bagay na walang pahintulot ng may ari. Ilan daw sa paborito nilang umitin ay mamahaling cellphone, pera, mga paninda at maging ang tanso na nakalagay sa metro ng tubig. Ang ilan ay napapangiti pa habang sinasabi ang kanilang natatanging mga istilo sa paggawa ng mga ito. Matapos magbida ng sarili ay iginigiit din nila na sadyang gipit lang sila at kailangan lang ng pantawid ng gutom. Ang ilan sa kanila ay nasangkot na sa pagtutulak ng droga. Bahagya naman akong napaplunok ng laway kapag naririnig na sila ay nakapatay na ng tao. Tuwing may bagong dating na bunso ay nakagawian na nilang magpakilala sa bagong mga kakosa. "Anong pangalan mo?" "Saan ka nakatira?" "Anong year ang narating mo sa labas?" Ang unang tatlong tanong na ito ay walang kagatul-gatol nilang sasagutin ngunit bahagyang matitigilan pagdating sa ikaapat. "Bakit ka nandito?" Karaniwan ng sagot ang 'nagbabakasyon lang' ngunit sa huli ay sasabihin din ang gusot na kinasangkutan. Labas sa tenga ng mga kamag-aaral nilang nakakarinig ang mga kasong pagnanakaw at pagpatay. Higit na nakakakuha ng atensyon at nagiging tampulan ng tukso ang sinuman na nakasuhan ng panggagahasa. Para sa kanila, ito ay sadyang nakakahiyang kasalanan. May mga oras na tinatamad pa rin ako ngunit unit-unti na itong napalitan ng paghanga sa mga batang preso. Sina bunso at ang mga batang presoay unti-unting natuto. Hindi lahat ng nasa Molave ay may nagawang kasalanan. May ilan na dinampot dahil sa pakalat-kalat daw diumano sa lansangan at namamalimos. Nariyan din ang mga totoy na sadyang isinuko na ng kanilang mga magulang. Matigas daw ang ulo at ang iba naman ay wala nang makain. Kasama rin sa mga nahuhuli ang mga binatilyong nababagansya dahil sa pagpapalipas ng oras at pagtambay sa kalsada tuwing diyes oras na ng gabi. Tuwing umaga ay nagmamadali akong sumakay ng jeep mula Cubao papuntang City Hall. Daig pa ang pagmamadali ko tuwing may klase o kaya naman ay meeting na dapat puntahan. Karaniwan ay alas otso ako dumarating ng Molave maliban kung mga araw ng Martes at Huwebes dahil may klase pa ako sa UP hanggang alas diyes ng umaga. Bitbit ang naglalakihang mga abubot ay humahangos ako sa paglalakad upang hindi mahuli. Gusto kong maging parehas sa kanila. Katulad ng mga bata sa ibang paaralan ay karapatan din nila ang maayos at de-kalidad na edukasyon. Maliban sa mga visual aid ay nakagawian ko na ring bumili ng diyaryo upang magkaroon sila ng ideya sa mga nagaganap sa labas. Sina bunso at ang mga batang presoay may samut saring mga kwento.

Mabilis kong nakagaanan ng loob ang mga itinuturing kong bunsong kapatid sa panibago kong tahanan. Isa sa kanila ay si Dan*, may gulang na 17, may hitsura at matikas ang pangangatawan. Panggagahasa ang kanyang naging asunto. Aniya, nagsisimula ang kanilang araw pagpatak ng alas singko ng umaga. Kahit pikit pa ang mga mata ay pumupila na sila para sa head count upang matiyak na walang tumakas sa nakalipas na magdamag. Sumunod dito ay ang walang patid nilang pag eehersisyo na magpapatibay raw ng kanilang mga buto at kalamnan. Matapos kumain ng bochow na almusal ay wala ring pwedeng lumiban sa kanilang morning meeting. Dito sinasabi ng kanilang mga house parent ang kanilang mga gusot o atrasong nagawa at maging ang ilang mahahalagang paalala. May ilang nadagdag sa aking bokabularyo mula sa mga pagbibida ng isa pang bunso. Si Carlo, 13 anyos pa lamang ay marami nang alam na salitang kanto sa labas na nadala hanggang sa selda nito. Isa siya sa mga kusang loob na dinala ng magulang sa tanggapan ng DSWD. Una kong narinig ang salitang bochow at mala-mala habang isinisigaw nila ito sa Jingle Competition sa loob noong Buwan ng Nutrisyon. Bagama't hindi sila nanalo ay nalaman ko na ang bochow ay ang malilinamnam na pagkain na pinapangarap nilang matikman. Ilan sa mga natatakam nilang kainin ay ang kumikinang sa mantikang lechon, malinamnam na pritong manok o kaya naman ay crispy pata na sadyang malutong. Malamala naman ang tawag sa ulam na walang lasa at idinaan lang sa bumabahang sabaw. Kapag hindi nakakasagot ang isa sa klase, binibinyagan naman nila ito ng tolongges na ang ibig sabihin ay mahinang umintindi. Madalas din nila akong tawagin na malalim dahil sa aking mga bago at kakaibang ideya na ibinabahagi ko sa buong klase. Palasak din ang T.B.S. o True Brown Style at maging ang B.N.G. Na mas kilala bilang Bahala Na Gang na samahan ng mga kabataan sa Molave at maging sa labas nito. Hindi maikakaila na nagkaroon na rin ito ng sangay pagkat bumubulaga na rin ang kanilang mga bandalismo sa mga lansangan ng Cubao, sa eskinita ng Quiapo at maging sa matulaing bayan ko sa lalawigan ng Quezon. Sama-sama sa aking klase na animo'y lata ng sardinas ang mga nakatungtong na ng hayskul. Dahil sa hindi mapigil na pagtindi ng masangsang na amoy, hinati sila sa dalawang grupo. Palitan ang dalawang pangkat sa pagpasok bawat araw. Wala itong pinagkaiba sa mga paaralan sa labas na may dalawa o higit pang shift ng klase sa isang araw. Kalaban naming lahat ang matinding init at ulan. Hindi sapat ang laki ng pinaglumaang trapal na nagsisilbing bubong upang kaming lahat ay makanlungan. Kapos din kami sa mga kagamitan. Natural lamang na ako ang umaako ng bolpen at papel nila. Upang makatipid, ginagalugad ko ang makitid na kalsada ng Sto. Cristo sa Divisoria upang makuha ang mga ito sa murang halaga. Hindi naman ito bago pagkat karaniwan na itong senaryo sa ibang mga pampublikong paaralan sa bansa na nadalaw ko. Pagkatapos ng bawat klase ay isa-isa kong binibilang ang mga bolpen upang matiyak na walang maipupuslit sa kanilang mga selda. Minsan ay hindi na ako makatulog buong gabi nang maalala na humiram si Carlo ng bolpen at hindi nito naibalik. Iba't ibang posibilidad ang naglalaro sa isip ko ang higit na nagpapakaba sa akin. Halimbawa ay ang isang krimen sa magdamag dahil sa saksakan ng bolpen. Mabuti na lang at hindi ako binigo ng aking estudyante. Si Carlo mismo ang nagbigay sa house parent ng bolpen upang maibalik sa akin kinabukasan.

Tumataba ang puso ko tuwing maririnig ko mula sa kanilang dila na marami silang natutunan sa akin. E paano ba naman, mas madalas daw silang nasa kalsada noon sa halip na nasa paaralan. Tulad ni Jay, 15 anyos na mula pa sa Cagayan ay naglayas at napadpad sa Maynila. Dahil sa matinding gutom ay nagawa niyang magnakaw. Nang madakip ay una siyang dinala sa City Jail ngunit dahil nga menor de edad pa kaya inilipat sa Molave. Salat man sa pagmamahal ng mga kapamilya sa probinsya, pinunan ito ng Molave ng sapat na pagkain, makabuluhang mga programa at edukasyong humuhubog sa mura pa nilang kaisipan. Hindi maipaliwanag na kasiyahan ang aking nadarama tuwing matatapos ang bawat klase. Sa loob ng anim na oras na pagtuturo ay may ilang bunso na naman ang aking napasaya at nabigyan ng panibagong pag-asa. Minsan ay nagugulat na lang ako sa pagdating ng mga security escorts sa gitna ng aming talakayan. Ibibigay nila sa akin ang kapirasong papel na naglalaman ng excuse slip ng isang bunso. Karaniwang natatapat sa oras ng klase ang kanilang pagdinig sa korte. Mahabahabang proseso ang pag-usad ng kanilang kaso. Umaabot sa tatlo ang kanilang hearing bilang akusado. Si Kevin, may gulang na 17 at may kasong pagpatay ay madalas kinakabahan sa pagpunta sa husgado. Madalas daw siyang pinagpapawisan nang malamig tuwing humaharap sa hukom, sa mga naghabla sa kanya at maging sa mga usiserong naroroon. Aniya, mapalad na kung hindi makarating ang mga naghabla sa pagasang ma-dismiss ang kaso. Dagdag pa niya, kailangang masarhan ang kaso habang wala pa siya sa edad na 18. Sa oras na mabinbin ang pagdinig at dumating siya sa legal na edad, wala na siyang magagawa kundi ang bunuin ang paghihintay ng sintensiya sa Quezon City Jail. Kinakatakutan ng bawat bunso ang mapiit sa City Jail. Giit pa ni JR, 16 at kinakaharap ang bintang na pagtutulak ng shabu na bangungot para sa kanya ang malipat sa kulungan ng mga may sapat ng gulang. Bahagya siyang nanginginig tuwing inilalarawan ang madilim at mabahong selda na maaari niyang kasadlakan. Para sa kanya, langit nang maituturing ang pamamalagi niya sa Molave. Maging sa pagharap sa hukom, kailanman ay hindi niya naranasan ang maiposas. Nawala rin ang tensiyon sa kanya dahil sa pagpapayo ng mga Social Worker at maayos na pangangalaga ng mga security escort na itinuturing na niyang nakatatandang mga kapatid. Kabaliktaran ito ng tunay na kalagayan sa ibang mga kulungan. Madalas ngang biro ni JR, "Kahit na nakalulong, may aral at pagkain naman." Marami na rin ang nakalaya na mas pinipili pa ang bumalik sa Molave. Tulad ni Alvin, 17 at may ilang ulit nang nabagansya. Mahirap paniwalaan ang katotohanan na higit daw siyang nagiging malaya sa loob. Pinakagusto raw niya ang pagdalaw ng mga bago niyang katropa. Katropa ang tawag niya sa mga internship students na nagagandahang mga nurse at mababangong mag-aaral mula sa St. Mary's at Claret School. Bochow rin para sa kanya ang mga regalo nilang pagkain na pansamantalang nagpapangiti sa kanya. Minsan ay nakita ko siyang nanlumo nang dumating ang ilang mag-aaral ng CWTS mula sa isang kolehiyo. Nanliliit daw ang tingin niya sa sarili kapag tila pinagkakatuwaan siya ng iba. E, hindi raw naman siya unggoy upang pagkaguluhan dahil sa kanyang seldang kinalalagyan. Ang nais lang daw niya ay sapat na respeto at tamang paggalang.

Bagama't langit para sa ilan ang pananatili sa Molave, matinding pagkabagot naman ang kailangang bunuin ng ilan. Ito ang karaniwang pinapasan ng mga batang hindi na dinadalaw ng magulang at mag-isa na ring humaharap sa pag-uusig ng katarungan. Paggawa ng pato at sisidlan mula sa tinuping mga papel ang nakagawian nilang pampalipas ng oras. Si Dave, 17 at kilalang mahilig sa basag ulo ang nangunguna sa pagkaaliw sa mga makikinang na bagay na ito. Napapakamot ako ng ulo tuwing maririnig ang mga matitikas at maaangas na bunsong ito na humihiling ng glitters na palamuti raw nila sa mga ginagawang sisidlan at pato. Upang mapagbigyan ay sinusugsog ko pa ang pinakamurang glitters sa kahabaan ng Kalye Juan Luna sa Divisoria upang bumili nang maramihan. Ilang oras din ang aking ginugugol sa gabi upang matakal ito isa-isa. Ito ang ibinibigay kong insentibo sa nakakasagot sa mga tanong ko nang wasto. Kakaibang samahan din ang nabubuo sa Molave sa mga oras na malaya silang maglaro. Karaniwang libangan ng mga bunso ang basketball, table tennis, badminton at maging ang weight training. Napapakunot ang noo ng mga bunso dahil walang makatalo sa akin sa larong table tennis. Ilang ulit na rin akong nakasaksi ng rambol habang may nagkakatuwaan. Nagtalo kung sino ang unang titira, Pak! Hindi sumunod ang nakatalagang pupulot ng bola, Blag! Nagkahampasan ng raketa, Kapaw! At maging ang simpleng biruan ay nauuwi rin sa matinding suntukan. Pak! Blag! Kapaw! Susundan pa ito nang maaanghang na sagutan na animo'y bahagi ng isang maaksiyong pelikula. Nananagot naman sa mga kinauukulan ng Molave at binibigyan ng karampatang disiplina ang nag-umpisa ng gulo. Sa isang umpukan ng mga astigin na gumagawa at nagdedekorasyon ng pato ay nakilala ko si Patrick, 17 taong gulang na tila nangungusap ang mga matang may nais sabihin. Sa ilang palitan ng salita ay nalaman kong magkapit-bahay pala kami sa Kalye ng Lantana sa Cubao. Walang kagatul-gatol niyang ibinabahagi na isa siya sa mga batang kumukulimbat ng cellphone sa matataong lugar sa Cubao. Buong pagpapakumbaba niyang iniisa-isa ang mga gawi na nais na niyang talikuran. Sa pakiusap ni Patrick* at pahintulot ng kanyang house parent ay naranasan ko na rin ang maging mensahero. Ilang sulat din ang nadala ko palabas at papasok ng Molave mula sa isang nangungulilang bunso at sa bahagyang nakalimot niyang pamilya. Kabilang din sa mga bunso ang mga bulaklak ng Molave na mabibilang lang sa aking mga dalari ang dami. Tumatak sa isip ko ang bisayang si Joan (Dyu-an kung ipakilala ang sarili niya) na sa murang gulang na 15 ay namasukan na bilang kasambahay sa Maynila. Upang pansamantalang makalimot sa malungkot na nasadlakan ay minabuti niyang maging abala sa mga gawain sa loob. Animo'y isa siyang ganap na artista habang binubuhat na parang ibon sa saliw ng 'Bayan Ko' nang ginanap ang Buwan ng Wika. Hindi ko rin malilimot na manghang-mangha sa nangingibabaw niyang tinig ang mga kapwa niya bunso sa Jingle Contest, noong Buwan ng Nutrisyon. Tulad ng isang tipikal na teenager ay hindi rin nawawala ang pagpaparehas ng mga bulaklak sa mga bubuyog nilang mga kasama sa klase. Sina bunso at ang mga batang presoay mayroon ding pangarap. Matatayog na pangarap ang karaniwang nabubuo sa loob ng Molave. Ito ang nagsisilbing inspirasyon nila para sa ninanais na pagbabago. Sa mga nakausap ko, karaniwan ng

pangarap ang maging pulis, bumbero, sundalo, guro, doktor, nars, pari at ang pagiging Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang ilan naman ay nanganagarap na makapag-asawa ng mayaman at mayroon ding nagnananais na maging alalay ng isang artista o kaya naman ay ng isang maimpluwensiyang pulitiko. Upang makuha ang mga pangarap na ito ay hinihikayat ko silang kumuha ng pagsusulit na PEPT o Philippine Educational Placement Test. Mapalad sila pagkat nagtalaga na ng testing center ang Kagawaran ng Edukasyon sa loob mismo ng Molave Youth Home. Sa pamamagitan nito, maaari na silang makapagtapos ng elementarya at hayskul kahit hindi dumadaan sa pormal na edukasyon. Bukambibig ni Gng. Cuevas ang dating mag-aaral na nakakuha ng iskolarsyip sa La Salle Greenhills kamakailan. Isama pa ang ilang mga bunso na naging matagumpay na at pawang nakarating na sa malalayong mga bansa. Hindi naman maipaliwanag ni Gng. Gonzales kung lungkot o saya ang kanyang mararamdaman nang muling makita sa labas and dating eskwela. Hinihingal daw niyang tinatahak ang matarik na overpass sa Cubao nang harangin siya ng ilang gusgusing kabataan. Sa takot na mapahamak ay ibibigay na niya ang kanyang pera at ilang gamit nang biglang dumating ang isang munting bayani. Siya ay isang dating taga-Molave na habang humahangos pagtakbo ay sumisigaw ng "Tigilan nyo yan! Hindi kami talo ni Mam Gon!" Sa mga sandaling iyon ay hindi raw naging ganap ang kasiyahan ni Gng. Gonzales nang makita na patuloy pa rin pala sa maling gawi ang ilang bunsong nakalaya na. Mula noon ay paulit-ulit niyang sinasabi na hindi sukatan ng tagumpay ang yaman at sa halip ay higit na mainam na pamumuhay na may karangalan. Sadyang kay bilis ng oras at hindi ko na namalayan na kailangan ko na palang magpaalam. Maraming sandali na mas gusto ko pang manatili sa loob kaysa gumimik sa labas. Ito marahil ay dahil sa pagiging simple at totoo nila kumpara sa labas na kadalasan ay mapanlinlang na mundo. Baon ang ilang sulat ng pasasalamat at ang nagkalalakihang regalo nilang mga kumikinang na pato ay may ilang gumugulo sa isip ko. Ano na kaya ang susunod na kabanata sa buhay ng mga bunsong nakilala ko? Makapagbabago pa kaya silla gaya ng inaasahan sa Republic Act 9344 na mas kilala bilang Philippine Juvenile Justice Welfare Law? O matutulad din sila sa mga bunsong nakita ko sa dokumentaryong Bunso ni Ditsi Carolino? Nanghinayang at nalungkot ang mga manonood sa kanyang dokyu nang malaman na ang bidang bunso ay nalamon ng maling sistema sa loob ng kulungan ng matatanda at hindi nagtagal ay binawian ng buhay at nawalan na ng pagkakataong makapagbago. Sina bunso at ang mga batang presoay muling nakalabas. Nagkamali ako sa pag-aakalang tapos na ang misyon ko sa Molave. Ilang buwan matapos ang pamamalagi ko sa minsan ay itinuring kong tahanan ay muli kong nakita ang isang kaibigan sa tapat ng palengke ng Arayat sa Cubao. Nagulat ako nang may narinig akong tumatawag sa aking pangalan at sabay akbay sa akin mula sa gawing likuran. Hindi ko na matandaan ang pangalan dahil sa nangangayayat at tila kulang sa tulog niyang mukha. Ang tanging naaalala ko lamang ay mag-aaral siya ni Gng. Ballon. Sa aming kamustahan ay nalaman kong itinuloy niya ang kanyang pag-aaral sa laya. Bahagya akong napangiti sa panibagong pagkakataon na naghihintay sa kanya.

Kabaliktaran naman ito nang muli kong makita ang kapit-bahay ko sa bunso sa Cubao na si Patrick. Patuloy pa rin siya sa raket na pagkuha ng cellphone sa kahabaan ng Aurora Boulevard at EDSA Cubao. Hindi miniminsan ay binigyan pa niya ako ng diskwento nang ialok sa akin ang kanyang mga nakulimbat. Sa mga sandaling iyon ay bahagya akong natigilan at nanlumo. Tinanong ko ang aking sarili kung sino ba ang higit na responsable sa malungkot na senaryong ito? Ang mga magulang ba na minsan ay nagkukulang din sa kanilang mga anak? O kaya naman ay ang sistema mismo ng pamahalaan ang may pananagutan? Marahil ay mayroon din akong magagawa upang ang mga katanungang ito ay magkaroon ng kasagutan. Sinubukan kong alamin ang ilan sa mga sanhi ng hindi mapigilang pagdami ng mga tinatawag na youth offender upang kahit paano ay mabigyan ito ng pansin sa lalong madaling panahon. Sina bunso at ang mga batang presohanda na nga bang magbago? Sinikap kong puntahan ang iba pang kanlungan ng mga kabataang naligaw ng landas tulad ng Manila Youth Reception Center na nasa pamamahala ng Manila City Hall at ang Manila Boystown sa Fortune, Marikina. Sa maikling panahon ng pamamalagi ko roon ay nalaman ko na ang karamihan sa kanila ay pawang napadpad lamang sa Maynila. Ang matinding pagkauhaw sa oportunidad ang nagtulak sa kanila sa lungsod. Sa halip na matagpuan ang liwanag ay bahagyang nalihis ng daan at ngayon nga ay pawang nagsisikap na muling makahaahon at makabangon. Nabatid ko rin na ang higit na bilang ng mga batang nasa Molave Youth Home, Manila Youth Reception Center at Manila Boystown ay pawang nagmula sa mahihirap na pamilya. Isang halimbawa ay ang mga gang na nabuo sa Bagong Silang sa Kalookan noong Dekada Sesenta. Talamak sa naturang lugar ang lahat ng uri ng krimen na kinasasangkutan ng mga kapus-palad na kabataan. Sa isang pambihirang pagkakataon ay pinaunlakan akong makapanayam ang isa sa dating lider ng mga gang. Kabilang siya sa Pamilya Adduro na kauna-unahang mag-anak na nakapagbagong buhay dahil sa bagong buhay at mga programang ipinagkaloob ng Gawad Kalinga. Sa tulong ng nga makabuluhang gawain na pinasimulan ng GK, ang dating kinatatakutang gang lider ay isa ng empleyado at mapayapa nang namumuhay sa ngayon. Hindi ko makakalimutan ang kanyang munting ibinahagi, "Noon kilala ang Bagong Silang na isang lugar na puno ng kaguluhan. Ngunit ngayon, pag sinabing taga Bagong Silang, ang bagong pagtingin ng mga tao ay nagbagonh buhay na 'yan!" Habang pauwi mula Bagong Silang ay nagkaroon ako ng panibagong pag-asa. Pag-asa para sa mga kaibigang bunso at sa lahat ng mga batang presong nakapiit ngayon dito sa Pilipinas. Marahil ay mahirap nang mapantayan ang mga pagpapanibagong buhay na pinasimulan ng Gawad Kalinga ngunit batid kong marami pa tayong maaaring magawa. Ang isang simpleng pagsilip sa tunay nilang kalagayan ay sapat ng halimbawa. Sapagkat ito ang magtutulak sa ating mga sarili upang ibigay ang kontribusyon sa munting mga bagay na maaari nating maiambag. At kapag pinagsama-sama ito ay makapagbabago na ng buhay ng isang bata at maging ng isang buong komunidad.

Tuwing makikita ko ang medalya ng karangalan na isinabit sa akin ng magtapos ako sa Pamantasan kamakailan, bumabalik sa akin ang mga alaala ng Molave. At upang maging ganap ang kislap at halaga ng medalyang ito, nagdesisyon akong magturo sa isang Community Based Rehabilitation Center o lugar ng pagpapanibago at pagkatuto ng mga mahihirap sa lungsod ng Mandaluyong. Sa pamamagitan nito, makasisiguro ako na ang mga batang matuturuan ko ay hindi na mararanasan ang maging bunso at hindi na rin mapapabilang sa mga tinatawag na batang preso. Kamot sa ulo, kunot noo, hikab nang bahagya, singhot dito, sipat sa malayo, buntong hinga nang malalim at marami pang paulit-ulit na ritwal ay madalas ko pa ring nararamdaman. Ngunit ang natatanging mga karanasan ko sa loob ng piitan ay tatatak na sa aking isipan.

NAGBIBIHIS NA ANG NANAY ni Rosario Torres-Yu Ikalawang Gantimpala, Pagsulat ng Sanaysay, 2011 Naglalaro sa isip ko ang mga tanong tamang-tamang tinutuldukan ko ang isinusulat na sanaysay para sa isang kumperensiya. Kumusta naman kaya ang nangungulilang ina sa mga anak na naninirahan sa ibang bansa? Paano kaya niya gagampanan ang pagkalinga sa mga anak kahit tila hindi naman na siya kailangan? Paano na ang paniwala niyang natatapos lamang ang pag-aaruga sa mga anak kapag nagpantay na ang kanyang mga paa?

Paano itinatawid-dagat ng isang ina ang kalinga't pagmamahal?

Mga tanong itong ibinabato sa kamalayan ko matapos kong "malaman" ang tungkol sa samutsaring katunayan at katototohanang kimkim ng malawakang pagdayo sa mga lupalop ng mundo para magtrabaho, ng mga inang pinapasan na ang pagbuhay sa pamilya. Nalaman kong nangungulila sa"buhay" ang may sampung milyong batang naiiwan ng mga Filipinong inang migranteng manggagawa sa Hong Kong, Singapore, Middle East, Europa, at Amerika. Marami nang pag-aaral tungkol dito ang mga iskolar na nagsabing nagdudulot ito ng hindi matatawarang social cost sa mga bansang tulad ng Pilipinas, Indonesia, Sri Lanka at Thailand. Tinawag itong care drain na hindi mabuti sa mga nagluluwas na mga bansa dahil sa samutsaring epekto sa buhay ng mga batang "pansamantalang naulila" sa mga ina.

Bugtong para kay Balagtas

Pantas man si Balagtas, mahihirapan siguro siyang sagutin ngayon ang bugtong ng transnasyunalisasyon ng kalinga na malakas na humahatak sa mga kababaihan sa mga kasuluk-sulukan ng mundo. Binabago ng kasalukuyang dibisyon ng gawain sa pagitan ng mga bansang mayaman at mga bansang hirap sa buhay ang serbisyo ng kalinga. Umaasa sa lakas ng kanilang kababaihan, tinutugunan ng Pilipinas ang mga paraan kung paano maidedeliber ang serbisyo ng inang may kulay sa mga batang iba-iba ang kulay at hugis ng mata. Hindi marahil maubos-maisip ni Balagtas kung paano gagawin ng isang inang tagakalinga ng mga batang ito, ang Filipinong koda sa pagpapalaki ng bata na kontra sa "layaw, luho, saya't likong pagmamahal" Ngunit, ibang-iba na ang panahon ninyo, sasabihin ni Balagtas. Wala pang "virtual reality" sa panahon namin, idudugtong niya marahil.

Nagkatinig na ang mga inang lumuluwas para magtrabaho kahit nawiwindang ang kanilang mga dibdib sa paglayo sa mga anak na inihahabilin ang pagkalinga sa mga kaanak. Makapangyarihan ang diskurso ng pagsisiwalat sa mga nasulat na tungkol sa kanila at lalong makabagbag-damdamin ang pagbibigay-buhay ni Vilma Santos sa pelikula tungkol sa kanilang pambihirang sakripisyong hanggang noong hindi naisasapelikula ay nalalambungan pa. Kamakailan, saksi ang buong bansa sa pighati ng pamilyang nawalan ng ina at ng anak dahil sa pagbitay sa isang ina ( kasama ng iba pa) sa China dahil sa pagkakasangkot sa pagtatrapik ng droga. Testamento ang liham ng pumanaw na ina sa dalisay na pagmamahal sa mga anak na kapakanan nila ang tanging inaalala hanggang sa huling hibla ng hininga.

Pabago-bagong panahon, pare-parehong pagka-ina

Babalik ako sa mga tanong ko kanina tungkol sa mga ina ng mga nandarayuhang mga anak. May pakiwari akong may saysay din ang salaysay ng mga inang katulad nila na kailangan marinig. Isa ako sa kanila at ito ang aking sarilaysay.

Mahigit sa tatlumpung taon ang pagitan namin ng nanay ko nitong sumampa na ako sa sesenta. Maliban sa mataas na presyon ng dugo na binabantayan ng gamot at ng manakanakang pagsablay ng gunita, panatag siya at patuloy na nagdarasal na mabigyan pa ng mahabang buhay. Ngunit, hindi tulad noon, kami na ang kumakalinga sa kanya ngayon. Pito kaming buhay sa siyam na mga anak niya na naririto sa Pilipinas at nagtutulong-tulong na lampasan pa niya ang 96 na taon niya ngayon. Wala ni isa sa aming magkakapatid ang nakaisip na manirahan sa ibang bansa kaya "masuwerte" ang nanay sa paglalagi namin dito; sagana siya sa kalinga.

Ibang iba ang panahon ng nanay sa panahon ng pagiging nanay ko. Noon, sama-sama kami sa isang bahay, at lumalaking namumulat na ang ina ay naiiwan sa bahay at nagaaruga ng mga anak at ang tatay ay umaalis ng bahay para magtrabaho at magdala ng pagkaing ihahain sa mesa. Pero hindi lubos na karaniwan ang nanay; kahit wala siyang regular na trabaho, lumalabas siya ng bahay para magtinda-tinda o maghanap ng mga "biyaya" para sa pamilyang kulang ang eneentregang suweldo ng asawang manggagawa sa pabrika para sa mga bibig ng siyam na lumalaking mga bata. Kaya naging modelo naming

mga babae ang nanay___ maparaan, kumikilos, masipag, at makalinga. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral pero para siyang abogado o di kaya ay social worker sa aming lugar na pinupuntahan ng mga kapitbahay para sa ganito at ganoong tulong. Sa gitna ng hirap, binusog niya kami ng mga "aral" na ang nauukol sa dangal ang pinakabanal sa lahat. " Hindi baleng tayo'y mahirap, hindi naman namin kayo pinakain ng nakaw." Madalas naming naririnig habang nagkakaisip. May kinalaman siguro itong pagmamahalaga sa dangal kaysa sa luho't layaw kaya hindi kasama sa mga pinangarap ko ang maging mayaman.

Pangatlo ako sa mga babae na nag-asawa. Nang magkasunod-sunod na rin ang pagaasawa ng iba pang mga kapatid, naiwang kasama ng nanay ang tatlo kong kapatid na hindi nag-asawa. Nagkapamilya na nga ako't nag-anak ng tatlo. May trabaho ako bago mag-asawa at nagpatuloy sa pagtuturo hanggang ngayon. Hindi ako kasama sa tribu ng mga babaeng tumitigil sa trabaho kapag nag-aasawa. May bagong kamalayan ako at mga ka-dekada setenta na ang pagtatrabaho ng babaeng may-asawa ay isang bagong pahina sa kasaysayan ng mga babaeng "malaya." Inupa ko sa ibang babae o kasambahay ang mga gawaing bahay at ang araw-araw na pag-aalaga sa mga anak ko habang nasa unibersidad ako at nagtuturo. Umaalalay naman ang nanay ko't biyenan na parehong byuda na sa tuwing manganganak ako at m iba pang anak nila. Ikinatwiran ko sa sarili na hindi importante ang mahabang oras na kasama ang mga anak. Mas importante ang kalidad sa mga oras na kasama sila. Panggamot ang katwirang ito sa sinasabing nararanasan ng maraming inang nagtatrabaho____ ang sumbat ng budhi o guilt na sinasabi ng mga sikolohista. Sang-ayon naman sa karaniwang pag-iisip, bumabalong ang damdaming ito sa kamalayang hinulma ng nakagisnang diwain ng pagka-ina. At wala namang tunay na nakaliligtas sa hurnuhan ng diwaing ito. Napakahusay nitong hinihigop ang mga batang babaeng lumalaki't nangangarap na maging ina pagdating ng takdang panahon. Hindi ako nakaligtas sa hurnuhang ito. Kaya nang kailanganin ako ng anak na nasa Amerika, walang pagdadalawang isip akong bumiyahe para samahan siya at alagaan matapos ang pagpapaospital niya. Ganito siguro ang pagbabayad ng utang sa hindi naibigay na panahon sa lumalaking mga anak na mas mahaba pa ang oras na kasama ang ibang taong nag-aalaga dahil ang inang dapat kumalinga ay kailangan ding maghanapbuhay at magkabuhay. Nag-umpisa na ang pangingibang bayan ng Filipino para magtrabaho. Noong dekada setenta at mga sumunod dito, inakit ang mga lalaki palabas ng Pilipinas patungo sa Middle East para maging construction worker o di kaya ay hinalina ng mga barko para maging seamen. Mga tatay ang karaniwang lumuluwas samantlang na-iiwan ang maraming nanay na gumaganap ng dobleng metapora ng ilaw at haligi. Ni minsan, hindi sumagi sa isip naming mag-asawa na sumanib sa hukbo ng mga nag-aral na ang tuloy-tuloy na pagluwas ay lumilikha ng brain drain. Nakapagtataka na ako, na sabi ng nanay ay may nunal sa talampakan ang hindi nag-isip na magturo sa ibang bansa, gayong hirap sa maliit na

suweldo ng empleyadong gobyerno. Ipinirmi kami, marahil, sa pagbubulay-bulay ko ngayon, ng paniniwala naming mag-asawa na kailangan kami ritong kumilos para sa minimithing pagbabagong lilikha ng pantay na pagkakataon para sa pinakamaraming Filipinong naghihirap dahil sa kakulangan ng panlipunang katarungan. Sa madaling salita, kimkim namin ng aming henerasyon ang pananaw na ang ang mundo namin ay hindi ang pamilya lamang kundi ang buong sambayanang naghahanap ng kalinga.

Ngunit nanukso ang kapalaran. Inalok kaming mag-asawa na magturo sa Japan, pagkakataong kusang dumulog at hindi binantayan. Kapalaran ito, sa paniniwala ko dahil ni sa hinagap ay hindi ko naisip na ngayong may pamilya na ako at saka pa mangingibang bayan. Noong dalaga pa ako, nasisiguro ko na kung hindi ako nahagip ng idealismo ng kabataan noong Unang Sigwa, malamang na nakatanaw ako sa lupain ng gatas at pukyutan, katulad ng marami kong kaklase sa hayskul, palibhasa'y babad na babad kaming mga iniluwal ng unibersidad sa pag-iisip na ang kahusayan at kasaganaan ay naghihintay sa amin sa Amerika. Katunayan, ang napangasawa ko ay maaaring iba ( o maaari rin namang hindi ako nakapag-asawa) kung hindi kami nagtagpo sa kilusan noong kasalukuyang masigabo ito sa mga pamantasan dahil plantsado na ang damit at dokumento niyang bibitbitin para magdoktorado sa Amerika.

Long distance at kuwentuhang itineyp

Kapalaran nga na magkasama-sama kaming buong pamilya sa pangingibang bansa sa unang taon namin doon. At nang inihatid kami sa erport ng mga kaanak, ang nanay lang ang hindi makatanggap na kami'y matagal na mawawala.

Sa Asyanong bansa ng mga Hapon, at hindi sa karaniwang destinasyong Amerika namin ipinagpatuloy ang buhay ng isang Filipinong pamilya. Magkatuwang kami noon, magkatuwang pa rin kami ngayon, lalo na't walang kasambahay na sasalo sa mga gawaing bahay. Nag-aral ang mga anak namin sa isang regular na paaralang publiko sa Japan, na Nihonggo ang midyum ng pagtuturo. May nakatokang gawain sa aming pamamahay at pamumuhay mula sa mga magulang hanggang sa mga anak. Maliit lamang ang bahay na lilinisin, maginhawa ang paglalaba't pagluluto, maayos ang pagtatapon ng mga basura. Magaan ang buhay-pamilya. May mga kaibigang Hapon at Filipinong laging tumutulong sa munting problemang hindi naman talagang problema. Kung hindi usapin ng bituka kasi, hindi ko iniisip na problema. Dala-dala ko pa rin ang itinimo sa pag-iisip ko ng buhay ng

isang maralita noong bata ako. Kaya para sa akin, ang mga taon sa bagong kapaligirang malinis, tahimik, ligtas, efficient at kumportable ay nakahahalina na tila awit ng malaamat na Ibong Adarna. Ang kabaguhan at ang anyaya ng pagtuklas sa klase ng pamumuhay ng mga Hapon, noong umpisa, ang pinanggagalingan ng pananabik. Para bang pananabik sa ipinangangakong sarap ng mainit-init na pandesal sa umaga. Ginagamot naman ang "paghahanap" namin sa aming ina, mga ka-anak, at mga kaibigan ng mga sulat at tape recorded na mga kumustahan. Kung dinadalaw ng lungkot, ginagamot ito ng paulit-ulit na pakikinig sa syempre, masayang kuwentuhan at balitaan sa mga naipon nang cassette tapes

Pumutok ang lobong mundong kinaroroonan namin pagkatapos ng isang taon. Uuwi na ang panganay namin para ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa Pilipinas. Ito ang umpisa ng kawing ng mga pangyayari sa buhay-pamilya na magdudulot ng lungkot at ligalig na dulot ng mga "paghihiwalay." Dati rati'y long distance ang kumbersasyon, ngayon ay long distance ang magiging mga relasyon.

Hindi nagpapatao-po ang pangungulila

Hindi kayang sabihin at ipadama ng mga salitang pangungulila, pag-aalala, insomnia, tamilmil na pagkain, malalim na buntung-hininga, mababaw na ligaya, o malabnaw na tawa ang lahat ng nararamdaman ng isang ina kapag nalalayo sa kanyang mga anak, kung hindi man ng lahat ng ina, ng naramdaman ko bilang ina. Lalo pang pinabigat ito nang yanigin ng lindol noon at tabunan ng abo ng Mt. Pinatubo ang kamaynilaan sa bungad ng dekada nobenta. Nasa eskwela ang panganay namin nang lumindol sa Kamaynilaan at mga karatigpook. Hanggang hindi namin siya nakakausap, pinalalala ng mga sumasalimbay na pangamba ang ligalig at alumpihit. Salamat sa taimtim na dasal ng isang ina, pinakinggan siya ng Ina ng Laging Saklolo at ligtas ang kanyang panganay. Isa itong pagkakataong gusto mong umuwi't damayan ang anak at mga kaanak pero para kang presong ipinipiit ng kontrata't mga "hindi pwede." Isang madaling araw pagkatapos noon, nanaginip ako na natutulog ako at nagising na humihiwalay ako sa katawan ko, lumilipad patungo sa Pilipinas na parang si Darna, at hinahanap ang anak. Sa kuwentong pambata ni Edgar Samar, pinapaniwala ng ama ang anak na si Darna ang nanay niya at may superkakayahan iyon. Sa panaginip ko, ako si Darna na bibisita sa anak ko pero hindi magpapakita. Matagal ang paghahanap at nakahahapo. Pagkaraang makitang natutulog siyang katabi ng kanyang lola, lumipad na ako pabalik sa Onohara at nagising na naliligo sa pawis. Naririnig ko pa ang kabog ng aking dibdib. Hindi ko ito agad sinabi kahit kanino, hindi paris ng ibang pagkakataong nananaginip ako ng masama at agad ikukuwento para maibsan ang sindak.

Matapang at matigas ang kalooban ni sensei. Iyan ang nababasa ng mga tao sa pakitangtao ko. Ngunit minsan, habang nagkaklase ako, parang gate ng napunong dam na nabuksan ang bumabalong na lungkot at parang along rumagasang winasak ang dibddib. Humagulgol ako sa harap ng klase ko at nagtataka ang mga estudyante kong Hapon kung ano ang nagawa nila't tila namatayan ang kanilang guro. Ipinaliwanag ko, pagkatapos na naalala ko lamang ang aking panganay dahil sa pinag-uusapan naming sanaysay. Nahihiya naman akong napag-usap-usapan pa sa maliit na sirkulo namin doon ang pangyayaring ito na hindi na naulit.

Transnasyunal na pamilya na

Makaraan ang dalawang taon, maiiwan ako at ang bunso para sa isa pang taon ng kontrata ng pagtuturo. Uuwi na ang asawang kailangan nang bumalik sa pagtuturo niya sa Maynila at balik-eskuwela na rin ang pangalawang anak na babae. Sa pagkakataong ito, isa na kaming estadistika sa bilang ng mga tinawag ng mga iskolar na pamilyang transnasyunal. Isang dati rati'y nukleyar na pamilyang binubuo ng tatay, nanay at mga anak, naging migranteng pamilya at nabiyak pa sa dalawa: may tatay at absent na nanay na pamilya sa Pilipinas at may nanay at absent na tatay na pamilya sa Japan. Paano ko ilalarawan ang idinulot nitong paghihiwalay sa aking pamilya sa Pilipinas? Hindi ko halos nakilala ang aking asawa nang umuwi kami ng bunso ko para magpasko. Nangalahati ang pangangatawan niya't namuti ang buhok. Mas nakakaangkop o resilient ang mga bata. Hindi ko sila naringgan ng anumang reklamo. O marahil, hindi nila naramdaman ang pagiging absent kong nanay dahil sa ginampanan ng kanilang tatay ang papel ko. O marahil, hindi lang nila naramdaman ang pagiging absent kong nanay dahil mas nakatuon ang pansin nila sa kani-kanilang sariling paglalakbay. Isang nasa hayskul at isang nasa unang taon sa kolehyo, nasa edad sila na tapos na sa pagdungaw, gusto na nilang galugarin ang mundo sa labas ng bahay. Anuman ang dahilan, natutuwa na rin ako.

Sa pagbabalik namin ng bunso ko sa Minoh, nagparoo't parito ako sa sigla at siphayo. Magaan ang pakiramdam ko kapag naiisip na kulang na lamang sa isang taong ang ilalagi roon at makakauwi na para muling mabuo ang pamilya. Sasagihan naman ng inip na at pagkatapos, ng malalim na lungkot sa araw-araw na idinadaos ang pananatili roon. Noong unang gabing naiwan kami ng aking bunso, nagkataon pang may kakaibang nangyari. Pinagmulan ito ng matinding nerbyos na hindi na humiwalay sa akin mula noon. Nahulog

din ang katawan ko bago umuwi at tuluyang nagkasakit dahil sa maraming alalahanin. Patapos na ang winter at sa ganitong panahon karaniwang nangyayari ang sinasabing "pagkasira" ng ilan na hindi makayanan ang depresyong dulot ng taglamig. Matutulog na kami nang biglang may bumayo sa pinto ng apartment na yari sa makapal na bakal. Matagal bago ako nakakilos, nanlalaki ang ulo ko't kinakabog ang dibdib. Nang magkalakas ng loob, sinilip ko ang nasa pintuan. Isang babaeng nasa edad na lampas beinte, may dalang supot na plastik at walang hinto sa pagrumpi sa pinto. Mabilis kong naisip na tumawag sa kaibigan naming mag-asawang Amerikanong propesor at Haponesa na nasa kabilang bilding. Sa madaling salita, nalaman naming sa Onohara din nakatira ang babaeng ito na nag-isip na bahay niya ang apartment na tinutuluyan namin at nang hindi mabuksan sa kanyang susi ang pinto ay "nagwala." Makalawang araw pa, nakita ko siyang kasama ng hinulaan kong nanay niya at namimili sila sa supermarket sa malapit sa aming lugar. Mula noon, para akong na-trauma at paulit-ulit kong sinisiguro sa gabi na nakakandado ang pinto at nakasabit ang kadena. Mahirap din pala na ang seguridad ng pamilya na dati rating trabaho ng asawa ay kasama na sa mga gawain ng ina. Ganito rin kaya ang nararamdaman ng milyong babaeng naiiwang mangalaga sa kanilang mga anak habang migranteng manggagawa ang kanilang mga asawa? Ang mga karanasang ito na kaakibat ng mga damdaming tinukoy ko ang hindi nahuhuli sa estadistika ng buhay-migrante.

Umiilap ang pagsasama

Sadya yatang "kapalaran" ko rin na magka-anak ng mga adbenturera. Hindi pa lilipas ang pitong taon at magpapaalam ang panganay ko para magdoktorado sa tulong ng iskolarsyip na nakuha niya. Itinulak kaya naming mag-asawa siya sa pangingibang bansa dahil sa walang katapusang diskurso ng tagumpay at kahusayan na ipinalagay na naming hindi mangyayari kung narito lamang sila? O marahil ay may sariling galaw ang larang na pinili niyang puntahan? Sampung taon, mula noong umalis siya patungo sa Baltimore Maryland, nagbago ang maraming bagay_____ naging doktorado siya sa Biochemistry, nag-asawa, nagpost doctoral studies at isang bagong ina na rin dalawang taon na ngayon. Sa yugtong ito ng aming relasyong mag-ina, hinamon at hindi naging madali ang pagkalinga sa anak na nasa malayong lupalop. Pinadaloy ng email at skype ang paghuhuntahan, paghihingahan ng mga sama ng loob, pagsasanggunian sa mga problema, pagpapalitan ng mga joke, pagkukuwentuhan sa pelikulang napanood o librong nabasa, pagtsitsismisan sa mga kasama sa opisina at sa mga kamag-anak, pagbabatian sa araw ng kompleanyo at anibersaryo at pagbabalitaan sa paglaki ng kinasasabikang unang apo.

Anim na buwan matapos ang unang trabaho ng pangalawang anak na babae, nagpaalam na siya na lilipad sa Singapore dahil doon na lilipat ang operasyon ng multinasyunal na kompanyang pinapasukan niya. Wala pa halos dalawang taon itong pangingibang bayan niya mula nang umalis ang nauna. Mula noon hanggang ngayon, naging parang Quiapo ang Amerika at Europa sa dalas ng paglipad-lipad niya. Naidaraing man niyang mahirap ang buhay na ang bahay ay nasa isang maleta, wala naman akong magawa para aliwin siya liban sa pagsasabing tigilan na niya kapag hindi na siya masaya. Nariyang hikayatin ko siyang magsulat dahil therapy ang pagsusulat at pagkatha, na nagawa naman niya. Naiibsan ang lungkot namin sa tuwing umuuwi siya kung kapaskuhan at tuwing nagpaplano siya ng mga paglalakbay namin kasama siya sa mga bansa sa Asya, paris sa Bali, Indonesia, sa Hong Kong, sa Vietnam, Cambodia, Bangkok at Kuala Lumpur. At kaming dalawa, sa Barcelona. Espesyal ang bonding sa mga pagkakataong tulad nito. Parang sapin-saping kakanin kami sa isa't isa. Sa kabila nito, hindi pa rin lubos ang ligaya dahil laging kulang kami ng isa. Kaya naantig ang kalooban, ngunit, napahanga rin sa pagkamalikhain nang magpakuha kami minsan, sa tabing dagat na isinulat sa buhangin, sa malalaking letra ang pangalan ng kapatid nilang nasa Amerika at hindi namin kasama, at saka nagpakuha ng retratong recuerdo ng pagpunta sa lugar na iyon. Nang mag-asawa siya, hindi lungkot na karaniwang nararamdam daw ng mga magulang ng ikinakasal na anak ang totoong nadama ko. Lubos ang saya at pasasalamat ko sa Diyos na may kasama na ang aking pangalawang anak na magbibigay sa kanya ng seguridad at ligayang karapat-dapat sa kanya.

Hindi lamang ang mga pamilya ng migranteng inang nagtrarabaho na caregiver o di kaya ay domestic worker ang nakapagpapatuloy sa gawain ng pagiging ina o mothering kung turan ng mga iskolar. Ang mga inang naiiwan ng mga anak na namumuhay sa ibang bansa sa iba-ibang kadahilanan ay nakapagpapatuloy rin ng pagganap sa papel ng isang ina. Kung totoo ang sinasabi sa mga saliksik ng mga iskolar sa bagay na ito, at wala namang dahilang pagdudahan ito, na hindi nararamdaman ng mga batang may inang migranteng manggagawa ang matinding emosyon ng paglisan o pakiramdam na inabandona sila kapag nagagawa ng mga ina, sa tulong ng abanteng teknolohiya ng cellphone at skype ang madalas at regular na pakikipag-usap sa kanilang naiwang pamilya. Importante ito, sabi pa ng mga dalubhasang sosyolohista't sikolohistang Filipino dahil ang napaka-importanteng pagtutunguhan at pagtatalamitan o intimacy sa relasyon ng ina at anak, para sa kultura ng mga Filipino, at ng mga Asyano, sa kalakhan, na napananatili kahit paano, sa paraang virtual.

Walang iniwan na rin ngayon para sa akin ang pangarap na tumama sa loterya at ang pangarap na magkasama-samang muli ang lumaki nang pamilya. Hindi na pinahihintulutan

ng mga espesipikong kalagayan ng mga anak ang pagkakataong ito. Ang pangalawang anak na babaeng hindi kapwa Filipino ang napangasawa ay malayong manirahan sa Pilipinas. Malaking pasasalamat na ngang ang Europeong manugang ay nagdesisyong manirahan sa Asya para magkasama sila ng aking anak. Naroon kasi ang hanapbuhay at pag-unlad na ipinatatanaw sa mga katulad nilang labas-masok sa mga bakuran ng kompanyang buong mundo ang kalakalan. May higing ng pagbabalik bayan ang panganay at pamilya niya, bagay na nagbibigay sa akin ng lihim na ligaya. Ngunit, nagbabanta rin namang bawiin ito sa sandaling matuloy nga sila. Natuklasan ko nitong nagtratrabaho na silang lahat na may pinagkasunduan pala silang magkakapatid. Tinawag nila itong "one child policy." Hindi ito kinopya sa patakaran ng bansang China sa populasyon. Nakuha pala nila ang ideya sa itinawag nila sa noong bata pa sila na ipinatupad naming patakaran sa paglabas-labas nila para dumalo sa party o iba pang gawain. Isa-isa lamang kasi ang pinapayagan at hindi maaaring magsabay-sabay. Ngayon, sila naman ang nagpapatupad ng patakarang ito para sa amin. Maiiwan ang isa, samantalang nasa ibang bansa ang dalawa. At ngayon ngang nahihigingan ko ang bakasakaling "pag-uwi" na ng isa, naroon naman ang malaking pagkakataong humalili ang isang hindi pa nakakaalis. Mapipigilan ba ng isang ina ang anak na naghahanap ng kapalaran niya? Hindi man naisin, ang mga "bata''ay aalis at aalis na paris ng mga bata sa ating mga kuwentong bayan para galugarin ang kagubatan, makipagsapalaran, matutong mabuhay sa kanilang sariling talino't huwisyo at maging isang baguntao. Lamang, sa panahon ngayon ng lumiliit na mundo, hindi na lamang Pilipinas ang gubat nilang tutuklasin kundi mga sulok-sulok ng mga kontinente ng mundo.

At maghahanap ng landas na parang tubig ang kalinga

Binabago nang husto ng global na ekonomiya ang estruktura ng pamilya sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Asya na nagpapadala ng migranteng manggagawa sa alinmang pook na nagbubukas ng hanapbuhay sa kanila. Sa karanasan ko, binabago rin nito ang mga paraan ng paglingap at pagkalinga ng mga magulang sa kanilang mga anak, sa sarilaysay ko, sa mga nangibang bayan ding mga anak.

Pinaaalala sa akin ng retrato ng nanay kong karga-karga ang wala pang tatlong buwang panganay ko ang paroo't parito niya sa bahay namin araw-araw sa Malabon mula sa Almeda para alagaan ang unang apo niya sa akin. Halili sila ng biyenan ko noon- morning shift ang nanay at afternoon shift naman ang biyenan ko dahil hindi sila panatag na sa katulong lamang iniiwan ang pag-aalaga. Hindi ko hiniling sa kanilang gawin ito. Sila ang nagkusa. Nang ako naman ang magka-apo, bumiyahe ako at tinawid ang international

dateline para alagaan ang nanganak na anak at kasisilang na apong babae. Hindi ako talagang nakakatulog sa eroplano kahit matagal ang biyahe, pwera na lang kung sinasamahan na ng pagod ang antok, pero sa pagkakataong ito, pananabik sa apong akala ko'y hindi na darating sa buhay naming mag-asawa ang gumigising sa akin. Halos tatlong buwan iyon ng malalim na sayang hindi kayang tapatan ng mga salita. Inilaan ko na ang sarili sa pagpupuyat dahil naaawa sa mag-asawang kulang na kulang sa pahinga. Magaan ang katawan ko kahit mahina ako sa puyat at binubusog sa hele't karga ang apo hanggang sa makatulog. Habang bumibigat siya, nakakaramdam din ako ng pananakit ng likod, pero balewala ito at isang ngiti lang o hagikgik sa di malamang dahilan o tunog, at parang white flower na itataboy nito ang ngalay. Siguro kung me nakakarinig sa akin sa oras na kinakanta ko ang " Ugoy ng Duyan," ni Lucio Sanpedro at Levy Celerio, sa interpretasyon ni Lea Salonga, iisipin nilang may nagprapraktis para sa isang konsiyerto. Ang tinis kaya ng boses ko o ang lamyos ng mga salita ang nagpapatulog, lalo na sa parteng:

Sana'y di nagmaliw ang dati kong araw Nang munti pang bata sa piling ni nanay Nais kong maulit ang awit ni inang mahal Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin Sa piling ni nanay, langit ay buhay Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan Nang magaan-gaan na ang pagpapatulog at pagbabantay, sinasabayan ko na rin ng pananahi ng mga damit niya na inaakala kong ilang buwan lang ay maisusuot na niya. Bumalik ang pagkamananahi ko noong nasa hayskul pa ako. Mabilis na tumalilis ang mga araw na hindi ko napapansin sa aliw at giliw sa aking apong pinakamaganda sa balat ng lupa at pinakamabait sa lahat ng bata. Liban noong minsan. Sa hindi maintindihang pangyayari, walang tigil na pag-iyak dahil sa matinding kabag ang nagpahirap sa kanya at sa aming lahat. Nakahanda naman ang mag-asawa at kumpleto ang emergency kit para sa ganitong mga abrerya. Naalala ko na sa Pilipinas, mansanilyang inihihilot sa tiyan at ipinapatak sa pusod ang remedyo ng nanay ko. Nang mapunta ako sa Berkeley ay pilit akong nagpasama sa botika para bumili ng mansanilla na kung tawagin sa Ingles ay

chamomile. At naalala ko rin at ikinuwento sa manugang ang karanasan namin nang sumpungin ng matinding kabag ang asawa niya noong kapapanganak ko rito at kalalabas namin sa ospital. Panahon ng Martial Law noon at may curfew. Lampas alas dose na ng gabi nang kailanganin naming ibalik sa ospital sa Batangas St. sa Maynila, ang anak ko na nangingitim na sa kaiiyak. Doon namin nakita na hindi basta-basta makagagalaw sa gabi dahil sa mga check point na kailangang daanan namin bago nakarating sa ospital. Kung gaano ang hirap ng loob at pag-aalala, ganoon naman kabilis napalis ito nang makadighay at mautot ang sanggol na ngingiti-ngiti pang iniabot sa akin ng doktor. Ipinaalala niya ulit na kailangang padighayin o i-burp kada pagpapasuso. Pansamantala lamang ang pamamalagi ko sa piling ng mag-asawa at ng apo. Hindi tulad ng nanay ko, may trabaho akong kailangang balikan sa Pilipinas. Habang lumalapit ang araw ng pag-uwi, at kapag nag-iisang hinehele ang apo, pinipigil ko ang luhang bumabalong sa mga mata ko tuwing inaawitan ang idinuduyang apo. Pagdating nga ng takdang panahon na tila galaw ng kwerdas ng orasang hindi mapipigilan, inhatid nila ako sa erport, mabigat ang paa, may kirot at kaba. Sampung buwan pagkalipas, sila naman ang dadalaw at mapupuno ng galak at saya ang buhay namin, pansamantala. Kaya naman nang bumalik na sila, pina-blow-up naming mag-asawa ang mga kuha nila, lalo na ng apo unica, ipinakuwadro at isinabit sa mga dingding. Araw-araw, bukod sa pansamantalang pagtunghay sa apo sa oras ng pakikipa-skype, isa-isa kong tinititigan ang mga retratong nagpapa-alala sa akin sa halakhak, yakap, at "palabas" na pumuno sa isang buwang pagsasama. Alam ko na ngayon ang puno't dulo ng pagkabaliw ng mga kaibigan kong nauna sa aking maging lola. Paano na sa pagtanda Ilang taon na lamang at magreretiro na rin ako. Parang masaya, pero may pangamba. Inaalala ko na kung hindi na ako nag-oopisina at abala, titingkad ang pangungulila sa mga anak at sa apo. Kaparis ng nanay ko, idinadasal kong maging ligtas sa sakit at laging may sigla para sa "bakasakaling" pagbabago ng ihip ng hanging magdadala sa mga anak at sa apo't magiging mga apo pa, sa Pilipinas, para magbalik-bayan na. Nakikini-kinita ko na kung paano ako magiging "abalang masaya" sa tuwing dadalaw sila sa amin, paris nang ginagawa naming pagdalaw sa mga lola nila noong maliliit pa sila. Kung magkakaganito, daig ko pa ang nanalo sa superlotto. Aber mawaldas pa ang inipon ko noong kumikita pa. Kung hindi naman, kailangan ko pa rin ang lakas at sigla para magparoo't parito saan mang lupalop naroon sila para sa mga panahong kailangan nila ang kalinga o kasama.

Pinapag-iisip na rin ako ng karanasang ito sa maaaring mangyari, kung hindi pa nangyayari, sa malapit na hinaharap sa mga katulad naming mga magulang na naiiwan sa Pilipinas ng mga anak na namumuhay sa ibang bansa. Ito naman ang pagkalinga sa mga

tumatanda. Nararanasan ko sa pag-aalaga namin sa aming ina ang mga paghamon sa aming kakayahan, pinansyal at emosyunal ng patuloy na pagkalinga at pagmamahal sa magulang na lubos nang nakasandig na parang bata, sa aming pag-aaruga. Hinahamon nito kung gaano kataimtim ang pagmamahal ng anak sa magulang. Pagdating ng panahong ito, kung kapalaran ko rin ang makarating sa ganitong kalagayan, hindi ko na nanaising harapin ng mga anak namin ang mga hamong ito. Hindi sa pinangungunahan ko sila ng bait. Lamang, nakikini-kinita kong darating ang panahong lalong magiging mahirap para sa kanila at mga katulad nila ang tumalima sa tradisyunal na gampaning ito ng anak sa magulang dahil na rin sa mga radikal na pagbabago sa mga institusyon at sistema sa lipunan. Pagsapit ng panahon kong iyon, maging mahusay sanang umuubra ang sistema ng publikong pamilya na titiyak sa pagkalinga sa mga ina't amang sa katandaan ay nagmimistulang mga bata na.

Redempsiyon ni Jing Panganiban-Mendoza Ikatlong Gantimpala, Pagsulat ng Sanaysay, 2012 I'm sorry. Ito ang text sa akin ni M. Usapan namin, kung pasado ako, magte-text siya na ang laman ay Atty. Kapag hindi ako pumasa, sorry. At I'm sorry nga ang natanggap kong text. Hindi ko makalimutan ang sandaling iyon. Hindi ako napaiyak. Hindi ako napasalampak, dahil nakaupo naman ako sa harap ng computer. Parang hinipan ako ng masamang hangin: gumapang ang lamig sa mga ugat ng aking katawan at naglandas pabalik sa aking dibdib, para mamuo bilang isang napakabigat na yelo.

Ka-chat ko noon si H. Pareho kaming nakatutok sa website ng Supreme Court para sa paglabas ng resulta ng bar exam, nang pumasok ang impormasyon mula sa paunang kopya ng opisina ng isang Justice. I did not make it L, mensahe ko sa kanya.

Sinasabing pinakamahirap na propesyonal na pagsusulit sa Pilipinas ang bar examinations. Taun-taon, libu-libong nagsipagtapos ng abogasya ang bumubuno nito sa loob ng apat na magkakasunod na Linggo. Bukod sa pagiging nag-iisang eksaminasyong pampropesyonal na hindi pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission (ang Supreme Court o Korte Suprema ang nagpapatakbo nito), may distinksyon ito bilang pagsusulit na may pinakamababang passing rate. Mula 2007 hanggang 2011, 24.05% lamang ng mga kumukuha nito ang pumasa, kumpara sa 64.34% na passing rate ng Physician's Licensure Examinations ng mga doktor. Ibig sabihin, sa apat na kukuha ng bar exam, halos isa lang ang makakapasa at magiging abogado. Ang tatlo, lagapak ang bagsak. Dahil rito, naging prestihiyoso ang paglabas ng resulta nito na may garantisadong atensyon ng media, mapatelebisyon man, radyo, o diaryo. Dahil sa hirap ng pagsusulit at sa baba ng porsiyento ng pumapasa, ibayong paghahanda ang ginagawa ng mga sasabak rito. Karamihan ay nagpapalista sa review centers at nakikinig ng lectures nang halos araw-araw sa loob ng limang buwan. May nagpapangkat naman at nag-aaral sa mga aklatan, o kaya'y sa mga kapihang inookupahan para gawing pansariling library. Ang ilan naman, pinipiling maglungga sa isang lugar na malayo sa distraksyon. Iilan ang naglalagi sa kanilang sariling bahay. Iba-iba man ang lugar na

pinaglalagian, magkakatulad ang lahat ng sasabak sa bar exam sa pagbubuhos ng pinakamalupit na pag-aaral na nagawa nila sa buong buhay nila. Sa review centers, inirerekomendang magbasa ng hindi bababa sa walong oras sa isang araw ang isang reviewee, at hindi kasama sa panahong iyon ang pahinga at pantanggalsuyang breaks. Ayon sa isang propesor, kasalanan para sa isang reviewee ang matulog ng walong oras sa gabi, dahil pagsasayang iyon ng panahong dapat sana'y ipagbabasa. Mayroon ding nagmungkahi ng labing-anim na oras ng pagbabasa simula tatlong buwan bago ang pagsusulit. Ang payo ng karamihan, sapat na ang walong oras ng solidong pagaaral sa simula ng review, pero dalawang buwan bago angbar, hindi na puwedeng bumaba sa sampung oras ang pag-aaral. Pagdating ng preweek, o iyong linggo bago ang aktuwal na Linggo ng bar exam, kailangang sanay na ang katawan sa hindi bababa sa labingdalawang oras ng pag-aaral. Pinagbabayaran sa oras at pagod ang apat na letrang ikinakabit sa simula ng pangalan ng isang abogado. Hindi lang bilangan ng oras ang labanan sa paghahanda para sa bar. Kailangan ng matinding disiplina at konsentrasyon para masunod angbar calendar na inihahanda ng bawat isang reviewee. Sa simula ng pag-aaral, bibilangin ang lahat ng araw sa pagitan ng simula ng review hanggang sa preweek. Ililista kung ilan ang araw ng pahinga at ang mga espesyal na okasyong kailangang daluhan gaya ng kasal, kaarawan ng kasintahan o ng magulang para makuha ang total ng rest days. Ibabawas ang rest days sa bilang ng araw sa loob ng review, para makuha ang bilang ng araw na paghahati-hatiin sa walong bar subjects. Nakabatay ang alokasyon ng mga araw sa hirap at haba ng subject, at sa kung ilang pagbasa ang puntiryang matapos. May mga taong kampante na sa isang dibdibang pagbabasa, samantalang mayroong nakakaabot ng limang ulit na pagbabasa ng para sa isang bar subject. Higit sa pisikal na hirap, sikolohikal at emosyonal ang dusa ng paghahanda para sa bar. Kailangang matutunan ng isang reviewee ang magsakripisyo sa pamamagitan ng paglayo sa mga kaibigan o kapamilya na maaaring makagambala sa pag-aaral. Habang lumalaon ang review, mapapansin ang pagbabago ng ugali ng maraming tao. Marami ang sumusungit at nagiging maiinitin ang ulo. Marami ang nakararanas ng depresyon, na sa ilang pagkakataon ay nauwi sa pagpapatiwakal. Bali-balita nga, sa paghahanda para sa bar exam naging "Brenda" (brain damaged) ang isang senadora dahil sa isang nervous breakdown. Nagbuntis ako sa ikalawang anak ko noong huling taon ko sa law school at kinailangang mag-bed rest nang ilang ulit dahil sa ilang pagkakataong dinugo ako o kaya'y humihilab ang tiyan nang malayo pa sa petsa ng kapapanganakan. Dahil raw sa stress, sabi ng aking doktora, kaya pinayuhan akong magpahinga para sa kapakanan ng ipinagbubuntis ko. Pagkatapos kong magmartsa, nagpahinga ako ng ilang linggo para maiwasang manganak nang wala sa oras.

Nanganak ako sa kasagsagan ng bar review. Habang nagbubuklat ng mga aklat ang mga kaklase ko, naroon ako't umiiri sa isang maternity hospital sa probinsya. Habang nagsusunog sila ng kilay sa pag-usal ng mga batas, naroon ako't nagpapasuso ng aking sanggol. Ayaw kong sumbatan ako ng anak ko paglaki niya na hindi ko siya binigyan ng pinakamahusay na nutrisyon dahil lang sa aking ambisyon, kaya tiniyaga ko ang eksklusibong pagpapasuso kahit pa kumakain iyon ng kalahating oras kada dalawa o tatlong oras. Noong una, lumalabas pa ako ng kuwarto para mag-aral ng dalawang oras bago bumalik para magpasuso. Nang malaunan, sa kuwarto na lang ako dahil nasasayang lang din ang oras kakalabas-masok. Sa pagitan ng pag-aalaga sa bunso at pag-aasikaso sa panganay kong nagseselos, nagbubuklat ako ng aking libro para lang may masabing may nagawa ako sa araw na iyon para sa aking bar review. Dahil ako lang ang pinagkukuhanan ng nutrisyon ng aking sanggol, kailangan ko siyang bitbitin kahit saan ako pumunta. Suot ko si Baby S. sa isang sling nang pumunta ako sa aking paaralan para mag-ayos ng rekisitos para sa bar exam. Nang magpapirma ako ng isang sertipikasyon sa isang propesor, tinanong niya ako kung sigurado ba akong tutuloy ako. Sabi niya, wala namang masama kung ipagpapaliban ko muna ang pagkuha ng bar exam dahil mahirap tumutok sa pag-aaral nang may iniintinding sanggol. Hindi ko raw maibibigay ang aking siyento porsyento. Kung nagpasya ako ng ayon sa katuwiran, ang payo ng aking propesor ang pinakinggan ko. Kalagitnaan na ng Hunyo noon, at higit kalahati na ng panahon na dapat nakalaan sa review ang nakalipas. Iisa sa walong subjects pa lang ang natapos ko. Napako ako sa nakamamatay sa pagkabagot na aklat para sa Civil Law. Nang maoperahan ang tuhod ng nanay ko at kailangang magbantay ako, isa pang linggo ang nawala sa tipid na tipid na budget ng mga araw ng pag-aaral. Tumuloy akong mag-bar dahil ayaw kong mabunton sa bunsong anak ko ang sisi kung bakit hindi ako nakakuha ng pagsusulit gaya ng nakaplano. Ayaw ko siyang hawakan sa madaling araw na iniisip na kung hindi dahil sa kanya, abogado na sana ako. Anim na taon kaming nanalanging mag-asawa bago kami binigyan ng kasunod ng panganay namin. Biyaya ang aking bunso, at hindi ako makapapayag na siya ang maging tampulan ng panghihinayang. Natakot rin akong tumigil ng isang taon. Matanda na ako; pangalawang karera ko na ang pag-aabogado. Apat na taon na akong nagtuturo sa kolehiyo at nakapag-masteral na nang magpasya akong iwan ang akademya para magpamilya. Nagtangka akong mag-negosyo, pero hindi mala-Haring Midas ang kamay ko. Hindi naging ginto ang mga hinawakan kong negosyo dahil napagloloko ako ng mga taong makakapal ang apog na hindi nagsipagbayad ng utang nila sa akin. Udyok ng magulang ko, bakit hindi ka na lang mag-abogado? Apat na taon kong binuno ang abogasya sa isang premyadong unibersidad, sa pag-asang ito ang

puhunan ko sa kinabukasan ng aking anak. Kung hindi ako kukuha ng bar exam noong taong iyon, madadagdagan pa ng isang taon ang paghihintay ko. Pinanghawakan ko noon ang salita ng aking ama: Kumuha ka lang ng bar. Kung makapasa, maganda! Kung hindi, hindi ka naman mamamatay. Sugalan mo na! Puwede ka namang kumuha ulit sa susunod na taon kapag hindi ka sinuwerte. Sinusugan naman ito ng mga taong nagpalakas ng loob ko. Kaibigan A: Kayang-kaya mong ipasa iyan! Mas mahirap pa ang LAE kesa sa bar exam. Kaibigan B: Mas mahirap pa ang finals ni Prof. X at Prof. Y kesa riyan! Kaibigan C: Kung nagawa mo ngang matapos ang abogasya sa loob ng apat na taon nang hindi bumabagsak sa kahit anong subject, iyan pa ba naman ang hindi mo kayanin? Kaibigan D: Kung si Mayor X nga na hindi naman matalino, nakapasa ng bar, ikaw pa ba ang hindi? Kaibigan E: Siguradong papasa ka niyan, kung nakakapasa nga ang mga nag-aral sa Tralala Law School, ikaw pa ba naman ang hindi e graduate ka ng UP Law? Hirap na hirap akong mag-aral habang nag-aalaga ng aking sanggol. Pagkatapos magpasuso ng halos kalahating oras, hindi ko maiwanan basta-basta ang nakakagigil na si Baby S. Ang balak na kalahating oras lang, nagiging isang oras dahil sa pag-amoy ko sa mabango niyang bumbunan, at sa paghalik sa gilit ng siksik sa tabang hita. Magiging dalawa o higit pang oras ito kapag naakit akong matulog habang binabantayan ang aking prinsesita. Sa huli, masuwerte na ang makatapos ako ng dalawampung pahina kada araw kapag nasa kuwarto. Produktibo na kung makaabot ako ng apat na oras ng tutok na pag-aaral, kabilang na ang pagbabasa sa madaling araw. Kadalasan, basang-komiks o basang-pocketbook lang ang nibel ng pag-aaral ko dahil sa dami ng distraksyon. Inabot lang ako ng walong oras kada araw noong mismong preweek na. Para makapag-aral ako ng diretso ng dalawang oras, kailangan kong mag-gota ng gatas para kay Baby S. Sa iilang araw na iniwan ko siya para dumalo ng ilang lecture, kinailangan kong mag-pump ng isang 4ml na bote ng breast milk kada dalawang oras na wala ako. Sa review center na pinuntahan ko, nakisuyo akong makilagay sa freezer ng aking expressed breast milk para makumpleto ang supply ng gatas ng anak ko. Nadagdagan lalo ang hirap ko nang mag-agaw-buhay ang premature na sanggol ng pinsan ko, nadagdagan ang nirarasyunan ko ng gatas. Para makapuno ng isang maliit na bote, kailangan ko ng dalawampung minuto kung dual electric breastpump ang ginagamit ko. Kung manual, kailangan ko ng tatlumpung minuto. Kulang ang oras ng aral mo, sabi ni A., isang kaklase. Best effort na ito, sabi ko sa kanya. Wala akong magagawa. Ito na ang sitwasyon ko.

Kung ano ang ikinakapos ko sa oras, binawi ko sa pagdarasal. Sabi-sabi nga, napakaraming nagiging relihiyoso dahil sa bar exam. Nakarating ako sa Birhen ng Manaoag sa Pangasinan, sa Pink Sisters sa Tagaytay, at sa Divine Mercy Shrine sa Marilao. Walang linggong lumipas na wala akong binisitang simbahan o dasalan. Sa suhestiyon ng isang tiyuhin, dumayo ako at napadalas sa Padre Pio Shrine sa Libis. Doon daw niya ipinagdasal ang pinsan ko para pumasa sa medical boards, at nakapasa naman nga. Pagpunta namin doon, naka-kuwadro ang mga testimonya ng mga himala ni Padre Pio. Naroon ang patotoo ng bulag na nakakita, ng gumaling sa kanser, ng naibalik ang na-karnap na sasakyan, ng mga nagkaanak matapos ng napakaraming taon, at iba pang himala ng dahil sa intersesyon ng paring santo. Sabi ko kay Padre Pio, kung nagagawa niyang makakita ang bulag at gumaling ang mga may pambihirang karamdaman, hindi naman siguro ganoon kahirap o ka-imposible ang hinihiling kong pumasa ng bar sa unang pagtatangka. Ilang araw bago ang unang Linggo ng bar exam, minalas akong magkasakit. Akala ng doktor noong una, dengue. Mabuti naman at trangkaso lang. Pero sa tanda ko nang tao, iyon ang pinakamasamang dapo ng trangkaso. Nangiki ako sa lamig, nanakit ang buong katawan ko, at parang nagbabaga ang init ng mga mata ko. Pinayuhan ako ng doktor na magpa-confine sa ospital, pero tumutol ako. Apat na araw na lang at unang Linggo na ng bar exam. Noon pa ba ako susuko? Pag-uwi sa bahay, nagpilit akong bumangon para magbasa. Pinulot ako sa sahig dahil natumba ako sa panghihina. Sabi ko noon, Panginoon, bigyan mo naman ako ng sign. Kung gumaling ako bago mag-Biyernes, kukuha ako ng bar. Kung hindi, senyales iyon na huwag akong tumuloy. Pagdating ng Biyernes, nilalagnat pa rin ako. Kina-Sabaduhan, nagligpit ako ng gamit at nagpahatid sa hotel sa Maynila. Tutuloy pa rin ako. Laban kung laban. Noong gabi bago ang unang Bar Sunday, tinanong ako ni R., isang kaibigang abogado, kung handa ba ako. Sabi ko, hindi.Hindi naman ako mamamatay kung hindi ako pumasa. Hindi ka nga mamamatay, pero para ka na ring namatay, sabi niya. Iba ang bigat; iba ang bagsak. At tama siya. Lagum-lagom na ang lungkot, ang hiya, ang galit, na sa huli ay naging panghihina na lang. Kung maaari lang bumuka ang lupa noong sandaling iyon, kusa akong tatalon para takasan ang aking kalagayan. Pero hindi bumubuka ang lupa para sa mga hindi pumasa ng bar. Hindi tayo ganoon kaespesyal, mga katoto. Ang totoo, walang pakialam ang napakaraming tao sa nararamdaman ng mga bumagsak dahil wala silang pakialam sa mga abogado o nagnanais maging abogado. Para sa maraming tao, pampagulo lang ang mga abogado sa mundo.

Umakyat ako sa kuwarto. Noon lang tumulo ang luha ko. Higit sa lungkot, gusto kong matunaw sa kahihiyan. Wala akong mukhang ihaharap sa mga taong umasang papasa ako. Nahiya ako para sa mga magulang ko, na nag-isip pang puwede akong makasama sa Top 10. Nahiya ako para sa asawa ko, na bilib na bilib sa aking makalulusot ako. Nahiya ako para sa panganay ko, na naipamalita na sa mga kaklaseng magiging attorney na ang kanyang mommy. Higit sa lahat, nahiya ako sa sarili ko, sa kapal ng mukha kong umasang papasa ako gayong hindi naman ako nakapag-aral nang maayos. Tiningnan ko sa internet ang pangalan ng mga pumasa. Isa-isa, hinanap ko ang pangalan ng mga kaklase at kaibigan. Sa bawat mensaheng pumapasok sa telepono ko na naglalaman ng kapwa ko hindi pumasa, lumulubag kahit paano ang loob ko. At dahil nag-aampalaya ako sa pagka-bitter sa pagbagsak ko, hindi ko magawang maging masaya para sa ilang taong pumasa pero sa pagtasa ko ay hindi naman magaling o hindi karapat-dapat. Sa isip ko, kung hindi naman pala ako mapapasama sa 20.26% na pumasa, sana hindi na lang itinaas ng Supreme Court ang passing rate mula sa orihinal na 11%. Misery loves company, ika nga ng kasabihan. Noong panahong iyon, ang asawa ko lang ang gusto kong makasama. Wala akong gustong makitang kaibigan o kaklase, at napapaiyak lang ako kapag kausap ko ang mga magulang ko. Nilibang niya ako sa pamamasyal, sa panonood ng sine, sa pagkain sa mga restawrang gusto ko. Pakiramdam ko, kahit saan ako pumunta, may naka-tattoo sa noo kong BAR FLUNKER. Bar exam lang 'yan. Huwag mo masyadong dibdibin, sabi niya. Hindi iyan sukatan ng galing o talino mo. Nang magawi kami sa Starbucks na dati kong pinag-aaralan, binati ako ng barista. Ma'am, lumabas na raw ang resulta ng bar exam? Kumusta? Sabi ko na lang, hindi ko natapos ang bar dahil nagkasakit ako. Hindi ko kayang ipahiya ang sarili ko sa isang taong hindi ko naman kaano-ano. Nang mahimasmasan ako, isang ideya ang pumasok sa isip ko: bar flunker lang ako hanggang hindi pa ako pumapasa. Kapag nakapasa na ako, mawawala na ang stigma. Hindi pati ako ang nag-iisang hindi pumasa ng bar. Si Pangulong John F. Kennedy, Jr. ng Estados Unidos, tatlong beses kumuha ng bar exam bago naging abogado. Flunker rin si Hillary Clinton sa Washington Bar Exams. Sa Pilipinas, bumagsak muna sa bar si Claro M. Recto bago siya naging abogado milagroso. Nabigo muna si Francisco Noel Fernandez noong 1993, bago maging topnotcher noong 1994. May isa ngang senador na nagbabandera ng pagiging numero uno sa bar, ang nakalimot yatang ilagay sa kanyang propaganda na bagsak siya noong una niyang pagtatangka. Nang magpasya akong kumuhang muli ng bar, binago ko ang ayos ng isang kuwarto sa bahay. Pinatanggal ko ang kama para walang tutukso sa aking matulog. Bumili ako ng magandang reading lamp. Ini-spray paint ko ng rosas ang isang malaki at bilog na mesa para maging aking aralan. Ang paa ng kinakalawang na office chair sa bodega, pinakulayan

ko ng matingkad na asul para magmukhang masaya. Pagpunta ko sa mall, bumili ako ng stock ng bagong sign pen, highlighters, at iba pang kagamitan sa pag-aaral. Sa isang sulok, inilagay ko ang dilaw na single couch para puwede akong lumipat kapag magaan lang ang binabasa ko, para lang maiba ang pagkakaupo. Noong una akong kumuha ng bar exam, malinaw ang layunin ko: ang kumuha ng bar exam. Sa ikalawang pagkuha ko, tumaas na ang pangarap ko: gusto ko nang pumasa. Gumawa ako ng bar calendar, isang bagay na hindi ko nagawa noong unang kuha ko. Naglaan ako ng isang araw isang linggo ng pahinga, at isang araw kada isang subject na palugit sakaling hindi ko matapos ang puntirya kong basahin. Dahil bago ang format ng pagsusulit, naglaan ako ng ilang araw na para sa pagsasanay lang na magsagot ng multiple choice questions. Dalawang araw ang para sa paghahanda at selebrasyon ng unang kaarawan ng aking bunso, at dalawa rin para sa ikapitong kaarawan ng aking panganay. Gumawa ako ng dalawang bersyon: isa para sa dalawang pagbasa, at isa para sa tatlo. Dahil unang pagkakataon pa lang na magiging multiple choice ang 60% ng bar, at 40% naman ang Trial Memorandum at Legal Opinion, hindi ko sinunod ang mga payo ng mga dating nag-bar. Napaso na ako sa pagiging gaya-gaya sa binabasa ng iba. Itinapon ko ang maraming materyales para maging piling-pili ang aking babasahin. Nanalig akong tapat ang Supreme Court sa garantiyang walang lalabas na tanong na wala sa detalyadong bar coverage na inilabas nila. Inaral ko ang pinakamaigsing bersyon ng reviewer na sumunod sa balangkas na iyon, kahit pa sinasabi ng mga kaklase kong napaka-delikado ng ginagawa ko. Batas lang o codal provisions at ang manipis na reviewer ang binasa ko, laban sa pagkakakapal na aklat na pinasadahan ko noong unang kuha. Dahil kakaunti lang ang target kong basahin, mas nanamnam ko ang aking materyales, at nagawang tapusin ang mga ito ng tatlong beses. Habang nakakulong sa kuwarto, dambana ang mesang aking aralan. Nakapatong sa isang kahoy na bookstand na karaniwang ginagamit para sa Bibliya ang aking reviewer. Bawal akong gambalain kapag nasa loob ako. Pinupulis ng mga yaya ang mga bata lalo ang makulit na panganay para huwag pumanhik sa taas, at nakikita ko lang sila kapag bumaba na ako para kumain o magpahinga. Araw-araw, gumigising ako ng alas-otso ng umaga para mag-almusal. Nilalaro ko ang aking bunso habang gumagayak ang panganay ko para pumasok sa paaralan. Bago mag-alasdiyes ng umaga, nasa kuwarto na ako para mag-aral. Titigil ako ng alas-dose para mananghalian. Pagdating ng alas-dos, nakakulong na ako ulit para mag-usal, hanggang umuwi ang anak ko ng alas-singko ng hapon. Pagkatapos manood ng ilang palabas at maghapunan, nasa kuwarto na ulit ako ng alas-otso hanggang alas- dose. Kapag may lakad sa araw, iniiba ko ang oras ng aral at ginagawang alas-otso ng gabi hanggang alas-kuwatro ng umaga. Pagdating ng preweek, nagtala ako ng labing dalawang oras ng pag-aaral kada

araw. Hindi ako natulog ng higit sa apat na oras dahil sa pagbabasa sa gabi bago ang mismong pagsusulit. Hindi iilang ulit na dinalaw ako ng lumbay habang nasa kuwarto. Madalas kong maisip ang markang nakuha ko sa unang bar: kinapos ako ng 0.5 para pumasa. Ni hindi inabot ng isang buong puntos. Lagi kong naiisip ang mga sagot na tamang binura pa, ang mga maling sagot na hindi na pinag-abalahang itama para hindi maburara ang papel, ang kakulitan sa pagsusulat ng Continued on the next page na may arrow, na hindi ko naisip na maaaring ituring na marking ng nagwawasto. Naiisip ko na sayang, hindi ko sana ginagawa ang pagaaral muling ito, kung naglaan ako ng higit na oras sa pagre-review noong una pa lang. Kung tinotoo ko ang pag-aaral, sana'y hindi ko kailangang magbitiw sa aking magandang trabaho na sinusuwelduhan ako nang buo para sa dalawa o tatlong araw ng trabaho sa loob ng isang linggo. Sana, kala-kalaro ko ang mga anak ko sa halip na nagkukulong ako sa kuwarto. Pinanghinayangan ko ang mga oras na ginugol ko panonood kay Jack Bauer ng 24 at ng kung ano-anong pelikulang hindi ko nahintay panoorin. Ang hindi ko lang pinagsisihan, ang pagtatangka kong kumuha ng bar exam kahit pa kulang ako sa preparasyon. Habang pinagdurusahan ko ang paghahanda para sa bar exam, madalas akong magpasalamat na sa kabila ng kabiguan ko, hindi ako nilisan ng aking pananampalataya. Pero hindi na ako nag-pilgrimage sa kung saan-saan. Sinamahan ako ng nanay kong kumpletuhin ang nobena sa Divine Mercy. Sumimba at nagdasal ako dahil nananalig ako, hindi lang dahil mayroon akong kailangan. Noong mismong Nobyembre na, tiniyak kong pula ang damit ko sa apat na Linggo ng bar exams. Nakakasa na ang aking Brand's Essence of Chicken, ang inuming lasang ipot ng manok (kaya mapapaisip ka kung ang esensya ba ng manok ay ang kanyang tae) pero epektibo sa paglaban sa mental stress. Pati ang Brainwave Entrainment, isang modernong programa na mala-hipnotismo, pinatulan ko para utusan ang utak kong magpahinga o maging aktibo kung kailangan. Pumasok ako sa gate ng UST na may kumpiyansa sa sarili hindi dahil umaasa ako sa suwerte, kundi dahil alam kong kakasihan ako ng suwerte dahil handa ako. Naaalala ko ang araw ng paglabas ng resulta noong nakaraang taon, na parang larawan na may kulay at may mga tao sa kuwadro. Naaalala ko ang mga pangyayari, na parang isang pelikulang may mga linya. Pero walang damdamin, wala nang emosyon. Noong araw na lumabas ang resulta ngayong taon, pumasok ako sa opisina para makasama ko si J., ang kaibigan kong kasabay kong bumagsak at kumuha muli ng bar sa ikalawang pagkakataon. Sinamahan niya ako sa Church of the Gesu sa Ateneo para magdasal. Ipinalangin ko sa Panginoon na bigyan niya ako ng grasyang tanggapin kung anuman ang kalooban Niya. Dinasal ko ang Serenity Prayer ni Reinhold Niebuhr:

God grant me the serenity to accept the things I cannot change; courage to change the things I can; and wisdom to know the difference.

Living one day at a time; Enjoying one moment at a time; Accepting hardships as the pathway to peace; Taking, as He did, this sinful world as it is, not as I would have it; Trusting that He will make all things right if I surrender to His Will; That I may be reasonably happy in this life and supremely happy with Him Forever in the next. Amen.

Nagpasya kaming mananghalian nang masarap sa Trinoma Mall. Iyon na yata ang pinakatensyonadong tanghalian ko. Para kaming mga presong bibitayin: kumakain ng pagkaing masarap na di naman nalalasahan bago bitayin. Dumating ang sundo ko bago pa lumabas ang resulta. Mag-isa, bumaba ako ng escalator palabas. Bago pa ako makatapak sa babaan, nag-ring ang telepono. Tumatawag si R., ang kaibigan naming nagtatrabaho sa Supreme Court. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong sinabi ni R. nang sagutin ko ang telepono. Nagkakarambola ang utak ko habang dumadagundong ang dibdib ko. Basta masaya ang

boses niya. Congrats, pasado ka, o parang ganoon. Sigurado na ba 'yan? Oo, hawak ko ang listahan at nandito ang pangalan mo. Naiyak na lang ako. Akala siguro ng guwardiya, namatayan ako. O nababaliw. Gusto kong umupo at doon maglupasay. Isang daang araw bago ang bar, may nag-tweet na may hash tag na #100daystogo. Sabi ko, 100 days to what? Sabi ni M., 100 days to redemption. At araw-araw, inisip kong iyon nga ang tinatahak ko: ang daan patungong redempsiyon. Naramdaman kong mula sa kinalalagyan ko, bumuka ang mundo paitaas hanggang masakop ang kalawakan ng langit. Napaupo ako at napahagulgol. Abogado na ako! Dumating na ang redempsyon. Nang mga sandaling iyon, damang-dama ko, binalot ako ng ga-planetang lugod ng uniberso.

You might also like