Academia.eduAcademia.edu

Kasalukuyang Kalagayan ng mga Agta-Dumagat ng Sierra Madre

Isang maikling pagtalakay sa tunay na kalagayan ng mga katutubong Agta-Dumagat ng Sierra Madre at ang kanilang patuloy na pakikibaka upang makamit ang kanilang karapatang pantao at karapatan bilang mga katutubo ng bansa. Nilalayon ng papel na ito na maipakita ang anggulong hindi madalas na naipapakita ng midya at ang katotohanang hindi naipapatupad ng husto ang IPRA para maprotektahan ang mga katutubo ng bansa.

De Guzman, Leonora Patricia L. Group 5 Ang Kalagayan ng mga Dumagat ng Sierra Madre sa Kasalukuyan Baluga, negrito, unggoy. Ilan lamang ang mga ito sa mga mapang-alipustang katawagan ng mga palalo at walang alam na indibidwal sa mga katutubong Dumagat. Sa aking pagsasaliksik at personal na pakikipag-ugnayan sa Baranggay San Rafael ng Montalban (Rodriguez), Rizal upang malaman ang lugar kung saan maaring madalaw ang isang komunidad ng mga Dumagat doon, nagulat akong nang ang isagot nila sa akin ay “’Yung mga Italyano ba ang hanap mo?” Nagtaka ako at hindi ko sila kaagad naunawaan. Inulit ko na ang aking sadya ay hindi ang mga dayuhang Italyano kun’di ang komunidad ng mga katutubong Dumagat. Sabay sabat ng isang tanod na “Hindi mo alam ang Italyano? Kalahating Ita, kalahating Ilocano!” At nagtawanan silang lahat kung saan mababakas ang matinding pang-aalipusta sa mga katutubong Dumagat. Makikitang matindi pa rin ang stigma na ang mga Agta-Dumagat ay tinitingnan sa isang maka-kanluraning perspektibo—paatras ang kanilang pamumuhay, nomadik, pagano at hindi sibilisado. Bihirang maibalita sa midya ang mga katutubo tulad ng mga Dumagat. Sila ang mga mamamayang marhinalisado, tikom, walang boses, at ang mga nasa pinaka-laylayan ng lipunan. Ayon sa isang lektura ng isang taga-taguyod ng karapatan ng mga katutubong Dumagat na si Bro. Martin Fransico sa Pambansang Kumperensya ng Kasaysayan, sa kanyang matagal na pakikipamuhay kasama ang mga Dumagat ng Sierra Madre sa bahagi ng Bulacan, napag-alaman niyang hindi nomadik ang mga Dumagat, taliwas sa kaalaman ng karamihan na naipluwensyahan na ng maka-kanluraning mentalidad. Itinuturing ng mga Dumagat na ang Sierra Madre (o kung tawagin nila ay Mahabe Pagotan) ay ang kanilang mundo kung saan sila iniluwal. Samakatuwid ang Sierra Madre ay itinuturing nilang kanila at natural nilang tahanan. Martin Francisco, MAHABE PAGOTAN: Mga Katutubong Dumagat ng Sierra Madre, Talumpati/Lektura sa Pambansang Kumperensya ng Kasaysayan noong ika-13 ng Mayo 2009 sa Holy Angels University <http://bstfad.multiply.com/notes>. “Sa mahabang panahon hanggang sa kasalukuyan ay tinatawag silang mga nomadic o semi-nomadic dahilan sa sila daw mga katutubong Dumagat ay palipat-lipat ng tirahan samantalang sa mahabang panahon kong paninirahan sa kanila ay hindi totoo na silay pabaya at iniiwan ang kanilang mga bahayan bagkus ay umiikol o nagpapaikut-ikot lamang sa kanilang tangi at iisang Sierra Madre.” (Francisco, 2009) Ang mapayapang pamumuhay ng mga Agta-Dumagat sa kabundukan ng Sierra Madre ay nabulabog sa pagdating ng mga dayuhang mula sa kapatagan na handing samantalahin ang yaman ng kanilang tahanan. Ito ngayon ang isa sa mga pinakamaugong at matagal nang kinakabaka ng mga Dumagat at maging ng iba pang mga katutubo—ang isyu ng Ancestral Domain at ng palpak na IPRA o ang Indigenous People’s Rights Act. Ang IPRA ay isang batas na naglalayong pangalagaan ang karapatan ng mga indigenous peoples sa bansa. Kasama sa IPRA na ito ang matagal nang inaasam na pamamahagi ng mga lupaing sakop ng Ancestral Domain o ang mga lupaing natural nang tirahan ng mga katutubo mula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno. Ang mga Katutubo ang siyang nagsisilbing tagapanatili ng maaayos na sistema ng kalikasan sa mga kagubatan. Sa kaso ng mga Dumagat sa Sierra Madre, nagkaroon na ng mga insidente kung saan may mga buhay na kinitil dahil sa matinding kasakiman ng mga may kapangyarihan upang kamkamin ang mga likas na yaman doon. Sa isang artikulo sa Philippine Indigenous Peoples Links, ibinalita na isang tropa ng sundalo ng gobyerno ang sumalakay at kumamkam sa 300 hektarya ng lupain ng mga Dumagat sa Sitio Carugu sa Montalban, Rizal. Nasa labin-limang pamilyang Dumagat ang naninirahan doon ang pinalayas at pinagbantaan ang mga buhay. Ayon pa sa arikulo, maaaring mga malalaking negosyante ang nasa likod ng pag-atake. Sa naganap na paglusob ng mga sundalong iyon ay may dinukot na katutubo. Sa siyam na taong panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Arroyo ay may naitalang 139 na pagkapaslang sa mga tribal leaders at hindi pa ‘man natapos ang unang buwan ng panunungkulan noong taong 2010 ni Pangulong Noynoy Aquino ay tatlo na kaagad na pagkamatay ng mga tribal leaders ang naitala ayon kay Dulphing Ugan, B’laan Leader at miyembro ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan sa Pilipinas (KAMP) Council of Leaders. Sa kasalukuyan naman ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga napapaslang na mga tribal leaders at mga katutubo dahil sa tumitinding isyu ng di pa nareresolbang Ancestral Domain. “Soldiers Drive Tribal People from Homes,” Philippine Indigenous Peoples Links (Retrieved 4 August 2012), < http://www.piplinks.org/Dumagat+community>. Patunay lamang ito ng kawalan ng hustisya at tahasang paglabag sa kanilang karapatang pantao at karapatan bilang mga katutubo ng bansang Pilipinas. Hindi na lingid sa kaalaman ng nakararami ang talamak na illegal logging, quarrying at small-scale mining sa paligid ng Sierra Madre. Ito ay nagaganap sa kabila ng sinasabing ipinatutupad na Free, Prior and Informed Consent (FPIC) sa ilalim ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA) kung saan nakasaad na anumang proyekto o programa na isasagawa sa loob ng mga teritoryong sakop ng Ancestral Domain ay kailangang dumaan sa proseso ng FPIC na aprobado ng mga tribal leaders at ng mismong komunidad ng mga katutubo (indigenous people) kung saan isasagawa ang proyekto at kinakailangang may saksing mula sa NGO o Non-Government Organization upang masiguro na mapoprotektahan ang karapatan ng mga katutubo. Sa isang porum na dinaluhan ni Bro. Martin Francisco sa Clark, Pampanga para sa paglikha ng DRT-Gen. Tinio Watershed Management Council kasama ang mayoryang binubuo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Local Government Units (LGUs) at ilang mga NGOs, nabanggit ng mga abogado ng National Commission of the Indigenous People (NCIP) na ang project site ng gagawing watershed ay sakop ng Ancestral Domain ng mga Dumagat at kakailanganin na dumaan muna sa proseso ng FPIC alinsunod sa nakasaad sa IPRA Law. Hindi inaasahang magmula pa sa bibig ng isang alkaldeng nasa porum ang mga katagang “Kailangan pa ba iyon?  E kakaunti lang naman ang mga Dumagat compared to the majority beneficiaries.  Kung ayaw ng NCIP sumama ng walang FPIC e h'wag na silang isali. Let's just proceed without them. Martin Francisco, “Respect the Cultures of the Indigenous People, Brother Martin Advocacy: Go For Forest Protection! Fight Graft and Corruption! Save Sierra Madre Forest (Retrieved 4 August 2012), <http://bromart.multiply.com/journal/item/47>.” Patunay lamang ito na may mga opisyal ng gobyerno na bumabalewala sa IPRA law upang maisakatuparan ang mga pansarili nilang interes. Hindi na kataka-taka kung bakit sa kabila ng mahigpit na mga patakaran sa ilalim ng IPRA ay laganap pa rin ang mga illegal logging, quarrying at small-scale mining na walang habas na sumisira sa kalikasan ng Sierra Madre. Sa kasalukuyan, nananatiling mahina at walang silbi ang IPRA para mabigyang tinig at karapatan ang mga katutubo tulad ng mga Dumagat na marhinalisado at nasa pinaka-laylayan ng ating lipunan Marya Salamat, “Indigenous Peoples' Groups Decry Use of IPRA and NCIP for Development Aggression,” Tribu Kasapi (Retrieved 4 August 2012), < http://www.tribu.kasapi.org/news/33-indigenous-peoples-groups-decry-use-of-ipra-and-ncip-for-development-aggression>. Sa gitna ng malawak na urbanisasyon sa paligid ng Sierra Madre o Mahabe Pagotan tulad ng sa bahagi ng Montalban, Rizal, patuloy pa rin ang pakikibaka ng mga Agta-Dumagat upang kanilang mapanatili ang mayamang kulturang kanilang kinagisnan tulad ng mga ritwal, sayaw, pagluluto at mga makabuluhang tradisyon para sa kanila. Patuloy pa rin ang determinasyon nila para sa pagkamit ng kanilang mga karapatan bilang mga katutubong mamamayan ng bansa at bilang mga iniluwal na anak ng Mahabe Pagotan. Patuoloy pa rin ang laban upang sila naman ang hikbi naman nila ang marinig mula sa halos nilimot nang laylayan ng lipunan. Bibliography Francisco, M. (2008, May 14). Brother Martin Advocacy: Go for Forest Protection! Fight Graft and Corruption! Save Sierra Madre forest. Retrieved August 4, 2012, from Brother Martin Advocacy Web site: http://bromart.multiply.com/journal/item/47 __________. (2009, May 16). Mahabe Pagotan: Mga Katutubong Dumagat ng Sierra Madre. Retrieved August 4, 2012, from Bulacan Special Task Force on Ancestral Domain (BSTFAD): http://bstfad.multiply.com/notes?&show_interstitial=1&u=%2Fnotes Halip, R. (2011, May 29). Baguilat calls probe on IP leaders’ killings. Retrieved August 3, 2012, from Nordis.Net: http://www.nordis.net/?p=9692 Mallari, D. J. (2011, February 19). Less Sierra Madre Logging After Ban, Says Tribal Leader. Retrieved August 3, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://globalnation.inquirer.net/region/philippines/view/20110219-321164/Less-Sierra-Madre-logging-after-ban-says-tribal-leader _________. (2011, April 14). Robed defender of the Sierra Madre. Retrieved August 4, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/regions/view/20110414-331030/Robed-defender-of-the-Sierra-Madre _________. (2011, February 4). Sierra Madre Tribal Leader Welcomes Logging Ban. Retrieved August 3, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20110204-318426/Sierra-Madre-tribal-leader-welcomes-logging-ban _________. (2011, February 23). Sierra Madre Tribe Chief Bares Logging Threats. Retrieved August 4, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/regions/view/20110223-321876/Sierra-Madre-tribe-chief-bares-logging-threats _________. (2011, March 28). Tribal Chief Rejects Sierra Madre Green Tourism. Retrieved August 3, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://globalnation.inquirer.net/cebudailynews/visayas/view/20110328-328131/Tribal-chief-rejects-Sierra-Madre-green-tourism Philippine Indigenous Peoples Links. (2010, August 10). Soldiers Drive Tribal People From Homes. Retrieved August 4, 2012, from PIPLinks: http://www.piplinks.org/Dumagat+community Ramos, M. (2011, October 12). SC Asked to Strike Down Laws Creating Aurora Special Economic Zone. Retrieved August 3, 2012, from Philippine Daily Inquirer: http://newsinfo.inquirer.net/75023/sc-asked-to-strike-down-laws-creating-aurora-special-economic-zone Salamat, M. (n.d.). Indigenous Peoples' Groups Decry Use of IPRA and NCIP for Development Aggression. Retrieved August 4, 2012, from Tribu Kasapi: http://www.tribu.kasapi.org/news/33-indigenous-peoples-groups-decry-use-of-ipra-and-ncip-for-development-aggression