Parabula NG Banga
Parabula NG Banga
Parabula NG Banga
“Huwag mong kalilimutang ikaw ay isang bangang gawa sa lupa,” ang tagubilin
ng Inang Banga sa kanyang anak. “Tandaan mo ito sa buong buhay mo.
”Bakit madalas mong inuulit ang mga salitang ito, Ina?” ang tanong ng anak na
banga na may pagtataka.
“Sapagkat ayokong kalimutan mo ito. At ikaw ay nararapat na makisalamuha
lamang sa ating mga kauring banga.” Kaya’t sa buong panahon ng kaniyang kabataan,
itinatak niya sa kanyang isipan na siya ay isang banga na gawa sa lupa. Hanggang sa
makakita siya ng ibang uri ng banga
Nakita niya ang eleganteng bangang porselana, isang makintab na bangang
metal, at maging ang iba pang babasaging banga. Tinanggap niya na sila ay
magkakaiba. Ngunit hindi niya lubos na maunawaan kung bakit hindi siya maaaring
makisalamuha sa ibang banga. Marahil, gawa sila mula sa iba’t ibang materyal at iba-
iba rin ang kanilang kulay. May puti, may itim, may kulay tsokolate, at may dilaw. Sila ay
may kani-kaniyang kahalagahan. Hinulma sila nang pantay-pantay. Lahat sila ay
ginawa upang maging sisidlan o dekarasyon.
Isang araw, isang napakakisig na porselanang banga ang nag-imbita sa kaniya
na maligo sa lawa. Noong una, siya’y tumanggi. Nang lumaon, nanaig sa kaniya ang
paniniwalang ang lahat ng banga ay pantay-pantay. Naakit siya sa makisig na
porselanang banga. Napapalamutian ito ng magagandang disenyo at matitingkad ang
kulay ng pintura. May palamuting gintong dahon ang gilid nito. Kakaiba ang kaniyang
hugis at mukhang kagalang-galang sa kanyang tindig.
“Bakit wala namang masama sa paliligo sa lawa kasama ng ibang uri ng banga.
Wala naman kaming gagawing hindi tama,” bulong niya sa sarili. At sumunod siya sa
porselanang banga at sinabing, “Oo, maliligo ako sa lawa kasama mo. Ngunit saglit
lamang, nais ko lang na mapreskuhan.”
“Tayo na,” sigaw ng porselanang banga na tuwang-tuwa. Sabay silang lumundag
sa lawa at nasarapan sa malamig na tubig. Nakadama sila ng kaginhawahan sa mainit
na panahon nang araw na iyon. Nang sila’y lumundag sa tubig, lumikha ito ng mga
alon. Ang porselanang banga ay tinangay papalapit sa kanya. Kahit hindi nila gusto,
bigla silang nagbanggaan nang malakas. Isang malaking alon ang humampas mula sa
gilid ng lawa. Lumikha ito ng napakalakas na tunog.
Ang porselanang banga ay nanatiling buo na parang walang nangyari. Ngunit
ang bangang gawa sa lupa ay nagkalamat dahil sa malakas na banggaan nila. Habang
siya’y nabibitak at unti-unting lumulubog sa ilalim ng tubig, naalala ng bangang lupa ang
kaniyang ina.