DALUMAT

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

Vol. 1, No.

2
Dalumat Ejournal 2010

BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN:


ANG PAGPOPOOK NG MARIKINA
SA KAMALAYANG-BAYANG MARIKENYO

Jayson de Guzman Petras


Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas
UP Diliman

Abstrak
“Kabisera ng Industriya ng Sapatos” ang naging pagkakilanlan ng Marikina sa maraming taon. Sa kabila
ng pagtamlay ng industriya ng sapatos sa kasalukuyan, nanatili itong panlabas na tatak ng bayan na
iginigiit ng mga istrukturang tulad ng Marikina Shoe Museum at ng kinikilalang pinakamalaking pares ng
sapatos sa buong mundo batay sa Guiness Book of World Records. Gayundin, sa kasalukuyang politikal
na kaganapan, nailulugar ang Marikina bilang modelo ng kalunsuran.

Sa ganitong mga panlabas na pagtingin sa Marikina bilang sentro ng industriya at ng urbanisasyon,


naisasantabi ang bigkis ng pagiging bayan mula sa ugnayan ng tao sa kanyang kapwa at kalikasan
(Rodriguez-Tatel 10). Samakatuwid, higit pa sa mga panlabas na larawan, isang hamon ang ganap na
pagkilala sa Marikina mula sa loob. Nararapat na kilalanin ang Marikina hindi lamang bilang
administratibong yunit, kundi lalo’t higit sa “pagpapakahulugan, paghuhugis, paglalarawan, paglikha ng
lugar at tao batay sa iba’t ibang tinig at persepsyon, nakatitik man o salimbibig, sa pagdaan ng panahon”
(Nelmida-Flores 1) o “sa natatanging kalinangan at kapaligiran ng nanahan dito” (sipi kay Salazar nina
Navarro et al. 129-130). Samakatuwid, nararapat ang isang “pagpopook” o pagsasadiwa ng ako mula sa
natatanging karanasan sa loob ng bayan (Nuncio at Nuncio 17).

Kaugnay nito, ipinapanukala ng pag-aaral ang konsepto ng “salamyaan” bilang dalumat ng pagkilala sa
bayan at pagkabayan na nakaugat sa kamalayang-bayang Marikenyo. Sa simpleng pakahulugan, ang
“salamyaan” ay isang salitang Tagalog (bahagi ng diyalektong Marikenyo) na nangangahulugang “isang
silungan kung saan ang mga Marikenyo, partikular ang mga matatanda, ay nagasasama-sama upang
magpahinga, magkuwentuhan, magkainan, at maglibang” (Florendo-Imao 12). At sa mga umpukan at
kuwentuhang nagaganap sa “salamyaan”, mahalagang masuri ang pagtatampok nito sa sama-samang
pag-alam at pag-ugat sa kaakuhan ng bayang Marikina mula sa ugnayan nito sa kalikasan at tao sa kabila
ng hamon ng modernisasyon.

Mga Susing Termino: pagpook, Marikina, salamyaan, kalinangang-bayan, talastasang bayan, pagkabayan

93
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

Pagpopook ng Marikina
Ang industriya ng sapatos ang naging kakabit/kakambal ng pagkakakilanlan ng Marikina sa maraming
taon. Bilang panlabas na anyo ng Marikina, tinagurian itong “Kabisera ng Industriya ng Sapatos” – mula
sa mga naunang pagpapakilala rito sa pagkakaroon ng Marikina Shoe Expo sa Cubao, sa Marikina Shoe
Emporium sa Pasay, at sa Shoe Galaxy sa Caloocan hanggang sa kasalukuyang Shoe Caravan sa mga
lalawigan at Marikina Council of Fashion sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa kabila ng pagtamlay ng
industriya ng sapatos sa kasalukuyan, bunga ng higit na murang produktong sapatos na dumadagsa sa
Pilipinas buhat sa Tsina, nanatili itong panlabas na tatak ng bayan na iginigiit ng mga istrukturang tulad
ng Marikina Shoe Museum at ng kinikilalang pinakamalaking pares ng sapatos sa buong mundo batay sa
Guiness Book of World Records.

Sa ngayon, hindi na lamang sapatos ang nakarehistrong pagkakakilanlan ng Marikina. Mula


nang ideklara itong lungsod noong 1996 batay sa bisa ng Atas Republika Blg. 8223, pinatunayan nito ang
pagiging larawan ng isang modelong kalunsuran, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, sa
halos di-mabilang na parangal – 2006 Healthy Cities Award ng World Health Organization, 2006 One of
the Four Model Cities in Infrastracture ng World Bank, 2005 One of the Most Business-Friendly Cities in
the Philippines ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, 2004 Most Competitive Metro City in
the Philippines ng Asian Foundation, at marami pang iba (Marikina City Facts and Figures w.p.).

Ang mga nabanggit ay mga kongkretong kaalaman hinggil sa Marikina mula sa itinatampok
nitong panlabas na mukha. Sa pagtalakay nina Nuncio at Nuncio (17), madaling nagkakaroon ang mga
tagalabas ng kaalaman sa tao at sa isang bayan sa pamamagitan ng representasyon sa kartograpiya, o
ang paglalatag ng espasyo batay sa pagtatagpo ng latityud at longityud, na naglulugar sa bayan sa mapa.
Kaya naman, malinaw na kakabit ng kartograpiya ang konsepto ng “pagmamapa” (Nelmida-Flores 22).
Sa ganitong pagpapakahulugan, nagiging malinaw ang pribiliheyadong posisyon ng Marikina bilang
sentro ng industriya ng sapatos at ng umuusbong na urbanisasyon, bunga ng pagiging bahagi nito ng
Kalakhang Maynila mula noong 1975 sa bisa ng Presidential Decree 824 (Cuneta 131), upang makilala
kahit ng mga hindi taal sa lugar na ito. Pumapaloob ang ganitong katunayan sa konsepto ng gahum kung
saan:

… ang batayan ng hangganan o teritoryo ay nakasandig sa kinikilalang


kultura ng isang naghaharing sentro ng bansa. Samakatuwid,
hangganan ito ng sentrong Maynila at ibang bayan bilang rehiyon
lamang. Masasabing ang gahum ng sentrong Maynila ay isang
halimbawa ng aparatong nagsisilbing batayan ng sukat at sakop ng
kapangyarihan na hindi lamang nakaangkla sa pisikal na aspekto ng
pagmamapa, bagkus higit sa lahat, sa ideolohikal, politikal, at kultural na
pamantayan (Nuncio at Nuncio 19).

Kaugnay nito, limitado ang paglulugar sa mapa sa ganap na pagkilala sa Marikina. Sa katunayan,
ang pagkakahon dito sa isang tiyak na politikal na sukat ay pumapaloob sa kolonyal na pagkakabuo nito
noong 1630 bunga ng pagiging visita at malawakang pag-aangkin ng lupa (Corpuz 333) ng ordeng
Heswita, sa kabila ng mga datos-pangkasaysayan na may mga nananahan na rito bago dumating ang
mga misyonero (Isidro 6). Dagdag pa rito, ang pagkakapaloob ng Marikina sa Pambansang Punong
Rehiyon ay may kaakibat na implikasyon ng pagiging sentro o mukha ng kalunsuran. At sa ganitong
pagtingin sa Marikina bilang bahagi ng malawakang espasyong urban, naisasantabi rin ang bigkis ng
pagiging bayan mula sa ugnayan ng tao sa kaniyang kapwa at kalikasan (Rodriguez-Tatel 10).

94
Vol. 1, No. 2
Dalumat Ejournal 2010

Samakatuwid, higit pa sa mga panlabas na larawan, isang hamon ang ganap na pagkilala sa Marikina
mula sa loob nito. At kung gayon, ang pagmamapa sa Marikina ay hindi lamang dapat nakatuon sa
popular na kahulugan ng bayan bilang administratibong yunit, kundi lalo’t higit sa “pagpapakahulugan,
paghuhugis, paglalarawan, paglikha ng lugar at tao batay sa iba’t ibang tinig at persepsyon, nakatitik
man o salimbibig, sa pagdaan ng panahon” (Nelmida-Flores 1) o “sa natatanging kalinangan at
kapaligiran ng nanahan dito” (sipi kay Salazar nina Navarro et al. 129-130). Samakatuwid, nararapat ang
isang “pagpopook” o pagsasadiwa ng ako mula sa natatanging karanasan sa loob ng bayan (Nuncio at
Nuncio 17).

Sa ganitong katunayan mailulugar ang kasalukuyang pananaliksik. Nakatuntong ang pag-aaral sa


paniniwalang may higit na malalim na kaakuhan ang Marikina at mga Marikenyo na tanging
matatagpuan sa kanilang mga salaysay ng pagpopook sa sariling bayan at pagkatao. Binubuksan ng pag-
aaral ang pagpopook sa Marikina sa kamalayang-bayan sa pamamagitan ng pag-aampon ng isang
terminong Marikenyo ukol sa “umpukan at kuwentuhan” – ang konsepto ng “salamyaan”.

Layunin ng aking talakay ang mga sumusunod:


1. Matalakay ang salamyaan bilang bahagi ng kalinangang Marikenyo.
2. Maipaliwanag ang bisa ng salamyaan bilang talastasang bayan.
3. Maipakilala ang maaaring maging ambag ng salamyaan sa pagkilala sa bayan at pagkabayan ng
Marikina.

Ang Salamyaan sa Marikina


Sa tulang “Taga Marikina Ka” ni Rodolfo S. dela Paz, na nailimbag noong ika-20 ng Pebrero, 2000 sa River
City Gazette, kaniyang nabanggit sa ikalimang saknong ang salitang “salamyaan” na isa sa mga dapat
batid ang kahulugan ng sinumang taga-Marikina:

Taga Marikina ka kung alam mo ang ibig sabihin ng


“naghalo ang balat sa tinalupan”, “sagot sa huli”,lamuan,
salang bayan, salamyaan [diin ng mananaliksik],
anunciata, zebra, ampay kaban, hiwas, ditchoy, bankilya.

Mula sa nasabing saknong, mahihiwatigan na isa ang “salamyaan” sa mga simbolong


nagpapakilala sa Marikina. Nararapat kung gayon na batid ng isang Marikenyo ang kahulugan ng
salitang ito upang masabing siya ay tunay na tagarito.

Ang “salamyaan” ay isang salitang Tagalog-Marikina na nangangahulugang “isang silungan kung


saan ang mga Marikenyo, partikular ang mga matatanda, ay nagasasama-sama upang magpahinga,
magkuwentuhan, magkainan, at maglibang” (Florendo-Imao 12). Sa panayam kay G. Andy Carpio o
Mang Andy, 60 taong gulang, “lamyaan” ang kaniyang pagkakakilala sa lugar at sinasabing ang
“salamyaan” ay nabuo lamang dulot ng tanong na “saan ka pupunta?” na sinasagot naman ng “sa
lamyaan”. Gayunman, sa mga opisyal na dokumento at pagpapakilala ng iba pang matatanda, tinatawag
itong “salamyaan”. Kaya naman, istandard na gagamitin ang “salamyaan” sa kabuuan ng pananaliksik.

Kapansin-pansin sa salamyaan ang mahabang mesa na gawa sa kawayan at makikitid na upuang


kahoy na tinatawag na “tarima”. Kadalasan, ang mesa ay nagsisilbing papag-pahingahan samantalang
ang tarima ay tapakan ng paa o lagayan ng tsinelas dulot ng kababaan nito. Walang dingding ang
salamyaan, kaya naman lagusan ang hangin at angkop sa tropikal na klima (Florendo-Imao 12). Ayon kay

95
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

Mang Andy, ang istruktura at katutubong materyales ng salamyaan ay higit na nagbibigay ng


komportableng pagkilos at pakiramdam ng pagiging kabilang sa silungan, kahit anupaman ang iyong
kasuotan. Dagdag pa niya, kaiba ito sa mga kongkretong upuan sapagkat ang huli ay tila nagtatakda ng
mas disenteng pananamit. Sa ganitong aspekto rin pumapaloob ang pahayag ni G. Luis Estanislao sa
pagsasabing “sa salamyaan, puwede kang nakahiga rito na nakahubad”.

Walang tiyak na datos na makakalap sa kasalukuyan hinggil sa pagsisimula ng salamyaan.


Gayunman, may ilang mga banggit at anekdota na nagpapatunay ng matagal na tradisyong ito sa
Marikina. Sa sariling tala ni Daniel Santos (1981), bago ang pagsulpot ng mga naglalakihang pabrika sa
Marikina noong huling hati ng dekada ’50, ang mga kalalakihan ay nagkakatipon-tipon sa mga tienda o
salamyaan tuwing gabi upang magpalitan ng mga bali-balita. Sa pagkakaalala naman ni Gng. Vicenta
Senga o Nana Entay, 81 taong gulang at nagpakilala bilang musa ng salamyaan, kinamulatan na niya ang
pagkakaroon ng salamyaan ng mga magsasaka noong araw. Sa kasaysayan, pagsasaka ang naging
hanapbuhay ng mga Marikenyo dulot na rin ng pagiging mataba at malamig ng lupa sa pampang ng Ilog
Marikina (Ibañez w.p.). Paliwanag ni Nana Entay, sa harap ng tindahan ng kanyang ale ay may papag na
siyang naging pahingahan ng mga magsasaka tuwing hapon.

Sa mga tala hinggil sa pagsisimula ng industriya ng sapatos sa Marikina, nababanggit din ang
pagkakaroon ng salamyaan. Ang isa ay noong ika-18 siglo, kung kailan nagkaroon ng pulong ang mga
grupo ng mga magsasaka sa kanilang salamyaan. Isa sa kanila ang huli nang dumating at paika-ika pa
dahil sa pananakit ng kanang paa na kanya namang sinuotan ng “mini-foot contraption” na gawa sa
isang piraso ng kahoy na ang pagkaputol ay nakabatay sa hugis ng paa at ikinabit sa isang piraso ng tela
sa magkabilang dulo. Ito ang sinasabing pinagsimulan ng paggawa ng bakya (Fokus-Marikina ’97 16).
Ang pangalawa ay noong huling bahagi ng 1885, kung saan ginagawa ang pagtitipon nina G. Tiburcio
Eustaquio, G. Ambrosio Sta. Ines, G. Gervacio Carlos, G. Laureano “Kapitan Moy” Guevarra at iba pang
kaibigan sa mga salamyaan lalo na tuwing Linggo matapos ang misa. Sinasabing dito lumabas ang
panukala ni Kapitan Moy na pag-aralan ang pagyari ng sapatos sa Marikina upang mabigyan ng
hanapbuhay ang mga kabataan. Batid ni Kapitan Moy na hindi lahat ng lalaki ay hilig ang pagsasaka at
karamihan ay walang hanapbuhay sa malaking bahagi ng taon kaya nalululong sa sugalan at inuman
(Mga Dahong Pang Alaala w.p.).

Ayon naman sa kuwento ni Gng. Maria Cruz o Nana Maring, 77 taong gulang, nagsimulang
dumami ang mga salamyaan sa panahon ng pamumuno bilang alkalde ng matandang Gil Fernando, sa
huling hati ng dekada ’50 (1956-1959). Sinasabing halos bawat kanto ay nagkaroon ng salamyaan sa
pagsapit ng dekada ’60 at ’70 (Florendo-Imao 12). Maituturong sanhi ng pagdami nito ang ugnayang
pampamilya at ang kalikasan ng hanapbuhay ng mga Marikenyo. Batay sa paliwanag ni Florendo-Imao
(12), ang bawat pamilya o angkang Marikenyo ay bumubuo ng kani-kanilang mga salamyaan. Ayon
naman kay Isidro (74), ang kita ng mga sapatero ay kadalasang higit sa anumang kinikita ng ordinaryong
empleyado ng gobyerno at mga manggagawa sa pabrika. Gayundin, nakabatay ang kanilang sahod sa
bawat pares ng sapatos na matatapos ayon sa kanilang bilis, kaiba sa mga manggagawa sa pabrika na
may sinusunod na oras at bilang ng mga trabahong itinatakda. Sa ganitong pamumuhay, nagkakaroon
ng sapat na panahon ang mga sapatero upang magpalitan ng kuwento at magbiruan sa mga salamyaan.

Hindi lamang kuwentuhan at biruan ang nagaganap sa salamyaan. Isa rin itong pahingahan,
lugar ng pabasa tuwing Mahal na Araw, BINGO-han, kainan, kantahan, tsismisan at usapang pulitika. Sa
paliwanag ni G. Severino Santos o Tatay Joker, 67 taong gulang, sa salamyaan malalaman ang mga bagay
na hindi malalaman sa ibang lugar – kung sino ang kalaguyo ni ganito, patay na ba si ganito, at iba pa.
Mainit din ang balitaktakan sa pulitika na kung minsan ay magdamagan pa. Sa katunayan, sa panahon

96
Vol. 1, No. 2
Dalumat Ejournal 2010

ng Batas Militar na kontrolado ng pamahalaan ang mga balita, naging lugar ng mayamang talakayan, na
maituturing pang sedisyoso, ang mga salamyaan. Gayundin, sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon,
dito nagbibidahan ang mga matatanda ng kani-kanilang mga kandidato at dinadayo rin ito ng mga nais
kumandidato. Sa kabila ng mainitang mga talakayan, bibihirang magkaroon ng pag-aaway ang mga
kalahok (Florendo-Imao 12). Batay naman kay Gng. Bea Santos, 40 taong gulang, may mga
pagkakataong nag-aambagan pa ang mga matatanda para magkaroon ng outing. Dagdag pa niya, ang
salamyaan ang dahilan kung bakit masasayahing tao ang mga matatanda sa kanilang lugar.

Sa kasalukuyan, halos naubos na ang mga salamyaan. Pangunahing itinuturong sanhi nito ang
pinasimulang programang “Disiplina sa Bangketa, Simula ng Pagbabago” ni Alkalde Bayani “BF”
Fernando noong 1992. Ayon kay Tatay Joker, marami noon ang mga salamyaan sa Kalumpang, at
maging sa iba pang bahagi ng Marikina, ngunit binaklas ang mga ito dulot ng pagiging sagabal nito sa
bangketa o daan. Malinaw itong nakalagay sa polyeto ng nasabing programa:

Bawal magtayo ng ano mang struktura sa bangketa. Ang mga


salamyaan, waiting shed, basketball court, ay maaari lamang ipatayo sa
kapahintulutan ng samahan ng magkakapit-bahay, Sanguniang
Barangay, at ng Sanguniang Bayan. (13)

Mula noon nawala ang mga salamyaang nakilala pa noon sa mga tawag na “El Paraiso”,
“Haliging Bato” (Florendo-Imao 12), “Bullets”, Picnic Boys”, “White Roosters” at marami pang iba. Sa
ngayon, tinatayang tatalo na lamang ang mga maituturong salamyaang nakaligtas – ang mga
matatandang salamyaan ng “Takaw-Mata” at Lambak, na kapwa nasa Brgy. Kalumpang, at ang
salamyaan ng Santos SIli sa Brgy. Sto. Niño.

Sa biruan din umusbong ang katawagang “Takaw-Mata” sa salamyaang ito. Sa paliwanag ni


Tatay Joker, tinawag itong “Takaw-Mata” noon pang henerasyon ng kanyang ama dahil kadalasang mga
matatandang lalaki ang mga pumupunta rito mula umaga hanggang gabi, bagama’t may nababanggit din
siya na noong araw ay may mga babaeng nagnganganga rito tuwing umaga. At dahil matatanda na nga,
tingin-tingin na lang sa mga babaeng nagdaraan ang kanilang ginagawa (“matakaw na lang sa mata”).
Batay kay Nana Entay at Nana Maring, ang sinumang babaeng matipuhan ng mga matatanda ay kanilang
“hinuhubaran sa tingin” (mga pahayag na tulad ng “Alam mo ba ang kulay ng panty nun?” o “Ang ganda
ng katawan nun!”).

Ang Salamyaan bilang Talastasang Bayan


Mula sa natalakay, mahalagang talakayin sa bahaging ito ang papel at bisa ng tradisyong pasalita sa
salamyaan tungo sa pagkilala sa kaakuhan ng Marikina.

Litaw sa salamyaan ang paglikha ng mga salaysay ng bawat kalahok sa umpukan. Ang
istruktura ng salamyaan na may mahabang papag at walang dingding at ang lokasyon nito malapit sa Ilog
Marikina ay nagpapahiwatig ng isang lugar na maginhawa at bukas para sa lahat. Nag-iimbita ang
pahingahan at preskong hangin ng matagalang pag-uusap o kuwentuhan dito. Gayunman, sa kabila ng
pagiging bukas, ang pagkakaroon ng tiyak na tambayan/istruktura ay naghihiwalay sa pangkat ng mga
matatandang pumupunta rito sa kabuuan ng kanilang kinalalagyang kapaligiran. Ayon kay Javier (22-23),
ang ganitong pagsasara ng sarili sa paligid ay badya ng isang seryosong pagnanais na makapag-usap-
usap at makibahagi sa pagsasalaysay ng mga kuwento.

97
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

Walang tiyak na oras ng pagdating ang mga matatanda sa salamyaan, bagama’t karaniwang
marami ang pumupunta rito sa umaga at sa hapon. Ayon kay Mang Andy, hindi pa man sumisikat ang
araw ay may nakaupo na sa salamyaan. Dagdag pa niya, nagtitipon-tipon ang mga matatanda rito ng
mga 4:30 ng umaga upang sabay-sabay na mag-jogging. Bukod sa gawaing nabanggit, kadalasan ay
pumupunta na rin ang mga matatanda sa salamyaan kapag naroon na ang iba. Kung tutuusin, madali
lang naman nila itong nalalaman dahil halos magkakalapit naman ang mga bahay at gayundin ang
kanilang distansya sa salamyaan. Sa pagtataya ni Tatay Joker, umaabot sa 20 matatanda o nasa gitnang
gulang ang kasalukuyang tumatambay sa Takaw-Mata. Gayundin, nakauuwi rin sila agad sa kanilang
bahay kung kinakailangan, kaya hindi rin ganap na nahihinto ang kanilang iba pang mga gawain. Sa
ganitong pagkakataon, ang naudlot na kuwentuhan ay itinutuloy sa ibang panahon. Ito ang dahilan kung
bakit nagkakaroon ng sariling buhay ang kuwentuhan sapagkat may mga bahagi ito na patuloy na
pinagkukuwentuhan sa ibang pagkakataon (Javier 22).

Wala ring tiyak na paksa ang kanilang pag-uusap. Bunga ng pagnanais na makihalubilo sa
kanilang mga kaibigan, pumupunta ang mga matatanda sa salamyaan upang makisangkot sa usapang
maaaring umiiral na sa mga naroon o upang makipagkumustahan lamang na magsasanga naman sa iba’t
ibang paksa. Sa ganitong katunayan, nakikita ang pagiging dinamiko ng kuwentuhan ng mga Marikenyo
sa salamyaan na nagsisimula sa pakapa-kapa tungo sa pagsasanga ng paksa hanggang sa dahan-dahang
paglikha ng kuwento mula sa iba’t ibang salaysay ng mga kalahok (Javier 27). Ang ganitong
pakikihalubilo ang nagbibigay ng gaan at ginhawa sa sinumang matanda. Sa kuwento ni Gng. Bea Santos
tungkol sa kanyang ama na 11 taong paralisado, may pagkakataong nagpapahatid ito sa salamyaan
upang makibalita sa iba pang mga matatanda at palipasin ang oras kasama ang mga ito.

Pantay ang mga kalahok at ang daloy ng usapan sa salamyaan. Ayon kay G. Elmer Santos o
Tatay Boy, 58 taong gulang, walang pagkilala sa anumang titulo mayroon ang isang tao sa salamyaaan.
Ang sinumang doktor o abogado ay mananatili sa kanyang palayaw (kung ikaw si Bagal o si Peklat).
Aniya, ang dating Kongresman Democlito Angeles, na bagama’t tinatawag na “Kong.” sa ibang lugar ay
nanatiling “Pitoy” sa salamyaan. Kaya naman, ang salamyaan din ang isa sa mga itinuturong sanhi ng
pagkakaroon ng mga bansag ng mga lehitimong angkan sa Marikina. Sa paliwanag ni Bb. Natividad
Cabalquinto, mula sa angkan ng Nepomuceno, sa mga salamyaang ito maririnig ang mga kantiyawang,
“ito talaga si Batok…” o “Nasaan na si Kuba?” bilang pagtukoy sa mga taong may prominenteng batok at
may kurba ang likod (Petras 107-108). Ang mga bansag na ito, na maaaring nagsimula sa kantiyaw, ay
minamana na rin ng mga anak ng binansagan at ng susunod pang henerasyon.

Sa usapin naman ng pakikipagkuwentuhan, malayang nakapagbabahagi ang sinuman ng kanilang


nais sabihin. Ito marahil ang dahilan kung bakit sa “pagsarap ng kuwentuhan” lalo na sa usaping
pulitika, inaabot ng muling pagsikat ng araw ang mga naririto. Sa panayam ni Florendo-Imao (13) kay G.
Julio Santos, pinatunayan nito ang bentahe ng pagpunta sa salamyaan kung saan “marami kang
makukuhang impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa bansa habang nakikinig ka sa mga matatanda
doon”. Bagama’t hindi lahat ay nakapagsasalita, nakikita naman sa mga mukha ng iba ang kanilang
pagsang-ayon o pagtutol na nasasalamin ng kanilang pagngiti, pagtawa, at pagmumura. 1 Sa
pamamagitan ng pantay na paglahok sa mga kuwentuhan, napatutunayan o napasusubalian ang isang
kuwento batay na rin sa karanasan ng mga kalahok at nabubuo ang isang larawan ng kaganapan na
nagmula sa pinag-ugnay-ugnay na karanasan. Sa paliwanag ni Javier: “Ang bawat isang kasali sa
kuwentuhan ay nag-iisip tungkol sa paksa, iyon ay sa pag-alala sa pangalan, paggunita sa pangyayari at
muling pagbibigay-kahulugan sa personal na karanasan dahil ang mga ito ay kaugnay ng pinapaksa ng
usapan (25)”.

98
Vol. 1, No. 2
Dalumat Ejournal 2010

Makikita rin mula sa mga biruan at usapan sa salamyaan ang pag-uugnay ng kalooban at
pakikiisang-loob sa kapwa ng mga naririto. Ang mga biro ay lubhang personal na sinasabayan pa ng
pagmumura. Ayon kay Bb. Bea Santos, ang pangungumusta nila sa isang matandang hindi na
nakapupunta ng salamyaan ay naipapadaloy pa rin sa biruan kung ito ay namatay na ba (“Hindi na
pumupunta si ano, siguro patay na yun!”). Gayundin, ang kanilang paglalapit ng kalooban ay makikita rin
sa kanilang pagtsitsismisan (halimbawa, kung sino ang kabit ni ganito na patutunayan o pasusubalian
naman ng ibang bersyon ng kuwento). Kaya noon, nakapaskil sa salamyaan ng Takaw-mata ang
karatulang: “What you see here, What you hear here, When you leave here, Let it stay here.” Isang
malinaw na pahiwatig ng mga personal na usapan na nagaganap sa loob ng salamyaan na maaaring hindi
“masakyan” ng hindi kabilang dito. Matingkad din ang ambagan at tulungan sa loob ng salamyaan.
Ayon kay Tatay Boy, nagkakaroon sila ng kontribusyon sa pagbabayad ng kuryente o sa kanilang araw-
araw na pagkain at sa paminsan-minsang outing. Maaari rin namang sagutin ng sinuman ang anumang
gastos kung siya ang nakaluluwag sa iba. Gayundin, nakatutulong sila sa kanilang komunidad sa
pamamagitan ng pagpapanatili ng katahimikan sa lugar tulad ng pag-uulat sa barangay kung may mga
kaguluhan o sakuna.

Mula sa mga katangiang nabanggit, lumilitaw ang bisa ng salamyaan bilang talastasang bayan.
Mauunawaan ang talastasang bayan sa tatlong pakahulugan:

1) talastasan ng SAMBAYANAN bilang mga bayan na nagsusumikap na makamtan sa


agos ng Kasaysayan ang (a) KALAYAAN AT (b) KASARINLAN; 2) talastasan ng BAYAN sa
lahat ng pag-aanyo nito sa agos ng ating Kasaysayan; at 3) talastasang maka-Bayan.
(Salazar 2000, 194)

Bilang talastasan ng SAMBAYANAN, pumapaloob ang salamyaan sa usapan ng mga


mamamayang may pagkakapantay-pantay at kapwa may pagkakataong magbahagi ng sariling salaysay.
Samakatuwid, malinaw sa salamyaan ang pagtatampok ng natatanging kapangyarihang taglay ng mga
kuwento ng mamamayan sa kanilang pakikipag-ugnayan sa paligid at sa kapwa tao, labas sa anumang
“opisyal na pahayag” ng mga itinakdang institusyon (pamahalaan, simbahan, at iba pa). Gayundin,
nagiging lunan ang salamyaan sa panimulang pagdalumat ng natatanging karanasan at kakanyahan ng
bayan at ng mga mamamayan nito. Nagkakaroon ng pag-iisang isip at damdamin ang mga mamamayan
hinggil sa Marikina (“Tahimik dito sa amin.”) at sa mga Marikenyo (“Masasaya ang mga tao rito. At
nagmumura sila kahit masaya sila.”). Kaugnay ng pagtingin na ito, nagkakaroon ng pagpupunla ng
tama/wasto/mabuting pagkilos bilang pagsunod sa tuwid na daan (Covar 140). Makikita ito sa
salamyaan, kung saan, ayon kay Nana Entay, ang sinumang may mali/sala/masamang pagkilos batay sa
itinakda ng mamamayang nag-uumpukan ay hindi pinapansin o kinikibo ng iba at ang sinumang unang
makipag-usap sa “may sala” ay magpapakain sa iba pang naririto.

Bilang talastasan ng BAYAN, malaki ang bisa ng pakikipag-ugnayan sa salamyaan sa


pagpapalitaw ng kaisipang taal at inangkin ng Marikina. Nagsisilbi itong lunan ng mga mamamayang
may pinagsasaluhang pananaw-pandaigdig na may kaugnayan sa kalikasan (Ilog Marikina), karanasan
(debosyon sa Inang Mapag-ampon ng Marikina), at kabuhayan (pagsasaka at pagsasapatos). Sa
salamyaan din nagsimula ang pagbabansag na ngayon ay inaaangkin at kinikilala ng bawat angkang taal
sa bayan. Sa panahon ng teknolohiya, litaw rin ang mga virtual na salamyaan sa iba’t ibang website
tungkol sa Marikina .

99
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

At huli, bilang talastasang maka-Bayan, isang mahalagang lunan ang salamyaan ng mga usapang
may kinalaman sa bayan – mula sa pabirong pangungumusta sa kapwa hanggang sa mainitang talakayan
tungkol sa mga kandidato at sistemang pampulitika. Nasa salamyaan ang mga kuwento/puna/mungkahi
ng mga mamamayan sa ikabubuti ng kanilang sarili, kapwa, at bayan. Isa itong espasyo ng pag-uugat sa
nakaraang karanasan (ng mga matatanda) upang bigyang-pansin ang kasalukuyan at ang hinaharap.

Kaugnay ng lahat ng ito, makikita ang tatlong pangunahing aspekto ng salamyaan na pundasyon
sa pag-aangat dito sa akademikong rehistro na nakatuon sa pag-aaral sa Marikina.

Ang salamyaan ay larawan ng pakikipagkapwa ng mga Marikenyo tungo sa pagbubuo ng


bayan. Ang pakikipagkuwentuhan at iba pang mga gawain sa salamyaan ang nagpapasigla at
nagpapatibay ng ugnayan ng mga mga Marikenyo bilang kapwa. Sa pagdalumat ni Enriquez sa konsepto
ng kapwa, kinikilala nito ang pag-iisa ng sarili at ng iba o ang pagkakaroon ng iisang identidad. Taliwas ito
sa kadalasang salin sa Ingles bilang others na inihihiwalay sa self at kung gayon ay nagpapahiwatig ng
magkahiwalay namang identidad (Aquino 205).

Ang kapwa ang pinakabuod ng kaisipan sa larangan ng Sikolohiyang Pilipino (Javier 13).
Mahahati ito sa dalawang kategorya – ang “ibang tao” (tagalabas) at “hindi ibang tao” (kabilang sa atin).
Gayunman, ang kapwa ay ang pagiging isa ng “sarili”, ng “hindi ibang tao” at maging ng “ibang tao”
(Aquino 205). Sa ugnayang Pilipino, tunay na napakahalaga ng kapwa kaya naman, lubos na hindi
katanggap-tanggap ang masabihang “walang kapwa-tao” dahil mangangahulugan ito ng “ubod ng
sama”.

Kaugnay ng kapwa ang diwa ng pakikipagkapwa, na ayon kay Enriquez, ay “isang batayang
konsepto na nasa kaibuturan ng anumang uri o antas ng pakikipag-ugnay sa kontekstong Pilipino” (sipi
mula kay Aquino 204). Ang pagturing na “ibang tao” at “hindi ibang tao” sa kapwa ay nagtatakda rin ng
magkakaibang antas ng pakikipagkapwa. Sa pag-aaral nina Santiago at Enriquez (nasa Pe-Pua 158),
lumilitaw ang mga antas ng pakikipagkapwa na pakikitungo, pakikisalamuha, pakikilahok, pakikibagay, at
pakikisama bilang bahagi ng “ibang tao” at ang pakikipagpalagayang-loob, pakikisangkot, at pakikiisa
bilang bahagi ng “hindi ibang tao”. Dagdag pa rito, para sa isang mananaliksik, iminumungkahing
ipaabot sa pakikipagpalagayang-loob 2 ang pagtutunguhan sapagkat dito lamang makakamit ang malalim
at taos-pusong sagot ng isang kalahok.

Sa kaso ng salamyaan, makikita na ang kaantasan ng pakikipagkapwa ay “hindi ibang tao”.


Kaugnay nito, litaw ang bukas na ugnayan ng bawat isa sa pagbibigay ng kanilang sariling salaysay na
nagsisilbing pundasyon ng pinag-uusapang paksa. At kung gayon, ang salamyaan bilang panukalang
dalumat ay kumikilala sa bisa ng ganitong paglalapit ng sarili ng mga Marikenyo sa usaping tumatalakay
sa sariling bayan.

Ang salamyaan ay nagtataguyod ng mga salaysay na may saysay. Itinatampok ng salamyaan


ang kasaysayan bilang mga salaysay na may saysay sa Marikina at sa mga Marikenyo. Ito ay nagsisilbing
lunan ng paghahabi ng mga ideya at kaalaman mula sa magkakaugnay at magkakasalungat na pahayag
na nakaugat sa karanasan sa loob ng bayang sinasalaysayan. Sa pamamagitan nito, patuloy na nalilikha
ang kasaysayan ng bayan at karanasan ng mga mamamayan mula sa sariling pananaw ng mga
Marikenyo at kung gayon ay may partikular na kabuluhan sa grupong pinag-uulatan. Samakatuwid,
binabasag ng ganitong pagtugaygay sa kasaysayan ang kinagawiang depinisyon nito ng pag-aaral sa
nakaraan at higit na nakatuon sa partikular na sangkot sa pagsasalaysay at sinalaysayan.

100
Vol. 1, No. 2
Dalumat Ejournal 2010

Pumapaloob ang prinsipyong ito ng salamyaan sa diskurso ng Pantayong Pananaw sa


kasaysayan. Malaon nang binigyang-diin ni Salazar ang usaping “pantayo”kung saan “Pilipino ang
nagsasalaysay at kumakausap sa kapwa Pilipino tungkol sa sariling kasaysayan” (Navarro et al. 175).
Dagdag pa rito, buod ng pantayong pananaw ang:

panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman,


karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal, at karanasan ng isang kabuuang
pangkalinangan – kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang
wika; ibig sabihin, sa loob ng isang nagsasariling talastasan/diskursong pangkalinangan o
pangkabihasnan (Salazar 104).

Isa itong ambag sa pagpaparami ng mga pag-aaral na pangkasaysayang pampook bilang bahagi
ng kasaysayang pambansa.

Ang salamyaan ay nagpopook ng Marikina sa kamalayang-bayang Marikenyo. Ayon sa UP


Diksiyonaryong Filipino, ang pook ay “partikular na bahagi ng puwang o espasyo, may tiyak man o
walang hangganan.” Sa ganitong pakahulugan, malinaw ang pagtukoy sa pook bilang espasyo na maaari
o hindi maaaring kagyat na sukatin. Para naman kay Mendoza (115), mahalaga ang pook sapagkat sa
pagkilala nito umuusbong ang paninidigan. Dagdag pa niya:

In the construction of a national discourse on civilization, then pook isa concomitant


requirement. This is not to be thought of as a fixed or unchanging location but as a set
of interests strategically chosen to serve as a reference point for determination of future
direction amidst other competing discursive locations (Mendoza 115).

Samakatuwid, isang kahingian ang pook sa diskurso ng pagsasabansa. Tumataliwas ito sa


palagiang pagtingin sa isang lugar mula bansa patungong pook na lumalamon at nagkukulong lamang ng
isang bayan sa pisikal na mapa ng isang bansa (Nuncio at Nuncio 17). Sa ganitong paraan, naiiwasan din
ang pagtingin sa isang lugar bilang komoditi o panturista lamang.

Kaugnay nito, ang salamyaan bilang panukalang dalumat ng pananaliksik, ang siyang
magsisilbing sangguniang punto ng gagawing pagpopook sa Marikina batay sa kamalayang bayang
Marikenyo. Kinikilala nito ang Marikina, hindi lamang sa antas pisikal at politikal na naisagawa sa
pagmamapa, kundi lalo’t higit sa antas kultural – sa muling paglikha ng bayan at pagkabayan nito batay
sa mga salaysay, tinig at artikulasyon ng mga Marikenyo (loob) na hindi tuwirang makikita sa mapa
(labas).

Sa Sikolohiyang Pilipino, ang kamalayan ay tumutukoy sa “damdamin at kaalamang


nararanasan” (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 7). Sa ganitong pagpapakahulugan, inilulugar ang
salamyaan bilang espasyong kinapapalooban ng damdamin at kaalaman ng mga kalahok batay sa sariling
danas sa bayan. At tulad ng proseso ng paglikha ng mga salaysay sa salamyaan, bahagi nito ang talaban
ng iba’t ibang puwersa mula sa indibidwal na pagtingin sa bayan tungo sa mas malim na pagkilala sa
bayan at pagkabayan.

Bayan at Pagkabayan sa Salamyaan


Sa huli, hinubog ng kasaysayan at karanasang Marikenyo ang pagkakaroon at pananatili ng mga
salamyaan. Ipinakikilala ng salamyaan ang malalim na kamalayan, karanasan at kalinangang bayang

101
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

Marikina, higit sa panlabas na pagtanaw rito bilang lugar ng industriya ng sapatos, urbanisasyon at
maging ng turismo. Mababakas dito ang mahabang tradisyon ng pakikipag-ugnayan ng mga Marikenyo
sa kaniyang kalikasan (Ilog Marikina) at sa kaniyang kapwa (magsasaka, sapatero, o kabababayan) na
siyang ubod ng organikong pagkakabuo ng bayan (Rodriguez-Tatel 9). Kung gayon, ang pagtugaygay sa
salamyaan ay pagtatampok din sa kasaysayan ng Marikina.

Kaya naman, isang mayamang bukal ng pagkilala sa bayan at pagkabayan ng Marikina ang
maaaring madukal sa salamyaan. Sa posibilidad ng pag-aangat dito bilang dalumat, lagpas sa silong ng
pisikal na istruktura ng salamyaan, maaaring tingnan ang Marikina bilang isang malaking salamyaan ng
pagpopook ng bayan sa kamalayang bayang Marikenyo. Sa ganitong paraan, maipapakilala ang bayan
mula sa loob batay sa pagwiwika ng bayan.

Hindi nasasagkaan ng peryodisasyon ang pagsisimula at pag-unlad ng salamyaan sapagkat higit


sa lahat, ito ay nag-uugat sa pagpapahalaga ng mga Marikenyo sa kanilang kapaligiran at kapwa. Wala
mang malinaw na datos nang simulang buuin ang mga istruktura ng salamyaan, mababakas na ang
komunal na relasyon ng mga tao dulot ng kanilang karanasan ang humubog sa pag-uumpukan at
pagsalamya.

Pangunahing tagapaghubog ng karanasan ang maligalig na Ilog Marikina na bumabaybay sa


kabuuan ng bayan at nagsasanga sa anim na sapa o ilug-ilugan – Bangkaan, Park, Concepcion, Usiw,
Balanti at Sapang Baho ( Marikina City Facts and Figures w.p). Bago pa man naganap ang pananakop ng
mga Espanyol, ang mga tao sa lugar na ito ay naninirahan sa tabi ng ilog kaugnay ng kanilang kabuhayan
bilang mga mangingisda at magsasaka. Sa ilog din nagaganap ang mga transaksiyon sa kalakalan at iba
pang uri ng negosyo. Halimbawa, ang mga pilon o hulmahan ng asukal na maskabado na nagmumula sa
nayon ng Parang, Marikina ay dinarayo ng mga Tsino mula sa Pasig at Maynila. Ang mga ito ay
iniluluwas sa pamamagitan ng pagbaybay sa kailugan ng dalawang araw at kalahati hanggang sa mga
pook ng Sto. Kristo, Tondo at Sibakung (Ika-341 Kaarawan ng Bayang Marikina w.p.). Gayundin, naging
tagpuan ang ilog ng mga kababaihang naglalaba habang nakikisangkot sa mga usap-usapan, ng mga
kalalakihang nangingisda, namamangka at nagpipiknik, at ng mga kabataaang lumalangoy sa noon ay
malinis pang katubigan (Santos 3-4). Sa lahat ng ito, lumilitaw ang Ilog Marikina bilang isang mayamang
daluyan ng karanasan ng bayan na may bisa sa paghubog ng kamalayan at ugnayang Marikenyo. Sa ilog
nagpanagpo ang mga Marikenyo para sa kanilang kabuhayan at pang-araw-araw na gawain. Ito ang
nagbunsod upang mabuo ang mga salamyaan malapit sa kailugan. Patunay na lamang nito ang
dalawang matatandang salamyaan ng Takaw-Mata at ng Lambak na nakapuwesto tanaw sa Ilog
Marikina.

Ang mga magkakamag-anak at angkang Marikenyo ay nakikilala at napatitibay sa pamamagitan


ng pagbubuo ng kani-kaniyang salamyaan. May mga salamyaan ding nalikha mula sa umpukan ng mga
taong may iisang interes at hanapbuhay. Sa pamamagitan nito, napagbubuklod-buklod sila batay sa
kanilang mithiin at nagdadamayan sa kanilang magkakatulad na suliranin. Kaya naman, hindi lamang
lunan ng biolohikal na kamag-anakan at salamyaan, kundi lalo’t higit ng kultural na kapatiran na
naipapasa-pasa sa sususnod na henerasyon ng mga Marikenyo. Bagama’t nawala ang maraming
istruktura ng salamyaan, patuloy pa ring nabubuhay ang diwa nito sa pagkakaisa at damayan ng mga
mamamayan na nakaugnay sa kapaligiran tungo sa pagpapaunlad ng Marikina.

SANGGUNIAN

102
Vol. 1, No. 2
Dalumat Ejournal 2010

Mga Aklat

Blair, Emma Helen at James Alexander Robertson, mga ed. The Philippine Islands, 1493-1898. Cleveland:
The Arthur and Clark Company, 1973.
Corpuz, O.D. The Roots of the Filipino Nation vol. 1. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press,
2005.
Cuneta, Armando G., ed. Aklat Kasaysayan ng Kamaynilaan. Manila: KASAFI-MM, 1997.
Isidro, Antonio. The Marikina Story. Marikina: Marikina Historical Institute, 1975.
Mendoza, S. Lily. Between the Homeland and the Diaspora: The Politics of Theorizing Filipino and Filipino
American Identities. Maynila: UST Publishing House, 2006.
Navarrro, Atoy, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, mga ed. Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan.
Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.
Nuncio, Rhod V. at Elizabeth Morales-Nuncio. Sangandiwa: Araling Filipino bilang Talastasang
Pangkalinangan at Lapit Pananaliksik. Maynila: UST Publishing House, 2004.
Salazar, Zeus A. Manifesto ng Partido Komunista. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.

Mga Artikulo/Monograp/Papel-Pananaliksik

Aquino, Clemen C. “Mula sa Kinaroroonan: Kapwa, Kapatiran, at Bayan sa Agham Panlipunan.” Mga
Babasahin sa Agham Panlipunang Pilipino: Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at Pantayong
Pananaw. Inedit nina A.M. Navarro at F.L. Bolante. Lungsod Quezon: C&E Publishing, Inc., 2007.
201-240.
Covar, Prospero R. “Kaalamang Bayan, Pagkataong Pilipino at Matuwid na Pagkilos.” Sikolohiyang ng
Wikang Filipino: Mga Simulain, Pamamaraan at Nilalaman. Inedit nina L.F. Antonio at L.T. Rubin.
Lungsod Quezon: C&E Publishing, Inc., 2003. 131-141.
Fabros, Melecio C. III. “Kung Magsusuroy-suroy sa Salamyaan Marikina: Isang Mungkahing Balangkas.”
Papel na binasa sa Salamyaan Lecture Series. Teatro Marikina. 27 Pebrero 2008.
Florendo-Imao, Cielo. “See you at the Salamyaan.” Ka-Angkan 2002: Salamyaan sa Ilog. Inedit nina
Melvin Cruz, et al. Lungsod ng Marikina: Pamahalaang Lungsod ng Marikina, 2002. 12-13.
Ibañez, Jett Viola. Marikina…Daloy ng Lahi! Papel na inihanda sa Araling Marikina. St. Scholastica’s
Academy-Marikina.
Javier, Robert E. Jr. “Pangpamamaraang Kaangkinan ng Pakikipagkuwentuhan.” Binhi II (2005): 1-42.
Petras, Jayson. 2002. Ang Bayan…Ang Bayani…Ang Industriya. Papel na inihanda para sa Kasaysayan
114. UP Diliman.
----------. “Ugnayang Tao-Kalikasan at ang Ritwal ng mga Angkan: Ang Makasaysayang Pagbubuo at
Pagggigiit ng Bayan/Lungsod ng Marikina.” Daluyan XIV (2007): 97-112
Rodriguez-Tatel, Mary Jane. “Beddeng: Mga Kalinangang Bayan sa Hugpungang Sa-laud—Sa-raya:
Pagkakaugnay-ugnay at Pag-uugnay-ugnay sa Sangkapuluan.” Papel na binasa sa Salamyaan
Lecture Series. Teatro Marikina. 27 Pebrero 2008.
----------. “Ang Dalumat ng Bayan sa Kamalayan at Kasaysayang Pilipino.” Bagong Kasaysayan 15 (2005):
PAGE

Santos, Daniel. The Urbanization of Marikina: As I Saw It. Los Baños: University of the Philippines, 1981.

Tesis/Disertasyon

Nelmida-Flores, Ma. Crisanta. “Pangasinan: Isang Etnokultural na Pagmamapa.” Disertasyon Unibersidad


ng Pilipinas-Diliman, 2002.

103
JAYSON DE GUZMAN PETRAS: BAYAN AT PAGKABAYAN SA SALAMYAAN

Tirad, Aurora de Vera. “Ang Angkan at ang Kanyang Bansag: Pagtugaygay sa Isang Aspekto ng
Kasaysayag Kultural ng Marikina.” Tesis Masterado Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, 2007.
Almario, Virgilio S., et al., mga ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig: Anvil Publishing, Inc., 2001.
Buzeta, Manuel. Diccionario geografico, estadistico, historico, de las islas Filipinas. Madrid: Impr. de J.C.
de la Peña, 1850.

Mga Dokumento ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina

De la Paz, Rodolfo S. “Taga Marikina Ka.” River City Gazette 11 (2000): 1.


Cruz, Melvin, et al., mga ed. Ka-Angkan 2001: 371st Foundation Anniversary of Marikina. 15 Abril 2001.
----------. Ka-Angkan 2002: Salamyaan sa Ilog; 372nd Founding Anniversary of the City of Marikina. 16
Abril 2002.
----------. Ka-Angkan 2003: 373rd Founding Anniversary of Marikina. 16 Abril 2003.
----------. Ka-Angkan Goes to the Farm: 374th Founding Anniversary of the City of Marikina. 16 Abril 2004.
Fernando, Bayani, et al., mga ed. Ka-Angkan 2000: Kapistahan ng mga Angkan; 370th Founding
Anniversary of Marikina. 15 Abril 2000.

Mga Panayam

Carpio, Andy. Ginabayang INTERBYU nina Almarisa Aborido, et al. 4 Marso 2008.
Cruz, Maria. Personal na INTERBYU. 11 Nobyembre 2007.
Enriquez, Cerilo. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 4 Marso 2008.
Enriquez, Demeterio. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 3 Marso 2008.
Enriquez, Gerry. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 3 Marso 2008.
Estanislo, Luis. Personal na INTERBYU. 7 Hunyo 2009.
Francisco, Amado Sr. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 3 Marso 2008.
Legaspi, Carlos. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 4 Marso 2008.
Lopez, Pilomino. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 4 Marso 2008.
Samson, Ernesto. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 3 Marso 2008.
Samson, Josephine. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 4 Marso 2008.
Santos, Bea. Personal na INTERBYU. 11 Nobyembre 2007.
Santos, Elmer. Personal na INTERBYU. 14 Nobyembre 2007.
Santos, Lolito. Ginabayang INTERBYU nina Maria Catherine Cornico, et al. 4 Marso 2008.
Santos, Severino. Personal na INTERBYU. 14 Nobyembre 2007.
Senga, Vicenta. Personal na INTERBYU. 11 Nobyembre 2007.

TALA
1
Isa sa sinasabing katangiang taglay ng mga Marikeño ay ang pagiging palamura. Nagmumura ang mga tao sa mga
panahong sila ay nagagalit o natutuwa.
2
Ayon kay Santiago at Enriquez (1982), ang pakikipagpalagayang-loob ay tumutukoy sa mga kilos, loobin at salita
ng isang tao na nagpapahiwatig na panatag ang kaniyang kalooban sa kaniyang kapwa. Hindi na nahihiya sa isa’t
isa at halos ganap at walang pasubali ang pagtitiwala.

104

You might also like