Gabay Sa Sept 2018

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Pag-ibig sa Diyos Catholic Community

HH GABAY SA PAGNINILAY SA AGOSTO 2018


Tema sa 2018: Paglago sa Bunga ng Espirito Santo

Tema sa SETYEMBRE: “Manatiling Tapat sa Panginoon nang Buong Puso”

PAGNINILAY SA TEMA:

"Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak
at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso.”
Acts 11:23 MBB

“Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.”


Rev 2:10 MBB

Buod na Mensahe:
Ang Panginoon ay tapat sa atin, at inaasahang Niyang tayo man ay magiging tapat sa Kanya at
sa bawat isa.
Mga Pagninilayan:

1. Bukod sa pag-ibig, ang katapatan (Griyego- pistis, Latin- fides, Ingles- fidelity) ay ang
pinakamahalagang sangkap ng isang matatag at maligayang ugnayan. Ang isang taong matapat
(faithful) ay tapat (loyal) at tumutupad sa kanyang mga salita. Ang katapatan ay inilalarawan din
na isang katangian (virtue) na mapagkakatiwalaan at maasahan (W. Barclay).

2. May bersyon ng katapatan ang mundo, nguni’t kadalasan ito’y may pagka-makasarili, pabago-
bago at may itinatangi o eksklusibo, para lamang sa mga taong pinakikinabangan natin. Isang
halimbawa ay ang katapatan sa buhay mag-asawa. Datapwa’t sa Diyos, ang Kanyang katapatan ay
laging iniuugnay sa Kanyang pag-ibig (“Sapagkat ang Iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang
langit, ang Iyong katapatan hanggang sa mga ulap.” Awit 57:10). Tayo’y tinatawag ng Diyos sa
isang mas malalim na antas ng katapatan na nakasalalay kay Hesukristo (1 Cor 1:9).

3. Nais ng Diyos na lubos tayong magtiwala sa Kanya sa panahon man ng ligaya o dusa, maging
tapat sa Kanya at sa Kanyang mga turo, at mamalagi sa katapatan. Bakit natin gagawin ito?- bilang
tugon sa katapatan ng Diyos sa atin. Siya ay maaasahan at mapagkakatiwalaan ng Kanyang mga
anak, hindi Niya tayo hinahayaang masubok ng higit pa sa ating kakayahan, at tayo’y Kanyang
pinangangalagaan laban sa kaaway. “Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw, ang
Kanyang mga habag ay hindi natatapos; sariwa ang mga iyon tuwing umaga, dakila ang iyong
katapatan.” Panaghoy 3:22-23

4. Nagiging tapat tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban, pagiging isang
matapat na katiwala o steward, sa masigasig na paglilingkod, at lalong-lalo na, sa pagiging tapat sa
lahat ng ating mga relasyon - sa ating asawa at pamilya, sa Simbahan at ating komunidad, mga ka-
trabaho at ka-negosyo, mga kaibigan, at maging sa ating bayan. Ang katapatan sa Diyos, tulad ng
pagmamahal, ay naipapakita sa katapatan natin sa bawat isa.

5. Kapag ang isang tao ay nagbalik-loob sa Panginoon at pumasok sa isang personal na pakikipag-
ugnayan sa Kanya, hindi na maaaring bumalik uli sa dati kailanman (no turning back, forever!).
Ipinangako natin ito sa Panginoon noong tayo’y nag LSS, nguni’t ang nakakalungkot, sinira natin ang
ating pangako noong mga pagkakataong tayo’y nagkasala. Paano baga tayo magiging matapat sa
Diyos? Una, kailangan nating umasa sa Banal na Espiritu sapagka’t tanging Siya lamang ang
makapagbibigay sa atin ng kapangyarihan para tayo’y makapagpursige. Pangalawa, praktisin natin
ang desisyong uunahin ang Diyos sa ating buhay. Pangatlo, ating alagaan at pahalagahan ang ating
mga relasyon. Paano kung pagkaraan nating gawin ito, tayo’y muling mabigo? Muli’t-muli tayong
magsisikap! Palakasin natin ang ating loob sa pangako ng Panginoon: “Maging tapat ka hanggang sa
kamatayan, at ibibigay Ko sa iyo ang korona ng buhay.” Pahayag 2:10

Tanong sa Pagninilay:
1. Pagninilayan ko ang katapatan ng Diyos sa akin noong ako’y may pinagdaraanang krisis sa
aking buhay. Naging matapat din ba ako tulad Niya? May mga bagay ba akong kailangan
pagsisihan at pagbalik-loobin sa Kanya?
2. Ilista ang iyong isinaalang-alang na pinakamahalagang mga relasyon o ugnayan (Tal. 4 sa
itaas). Naging matapat ka ba sa mga relasyong ito ? Sa iyong palagay, alin sa mga ito ang
maaari mo pang mapalago?
3. Ano ang pwede kong gawin upang mas mapalago ang mga relasyong ito? Paano ako
matutulungan ng community?

Panalangin: “O Diyos ng pag-ibig at katapatan, tulungan Mo po akong manatiling tapat sa Iyo. Bigyan
Mo po ako ng inspirasyon upang lubos kong namnamin ang aking mga relasyon, lalong-
lalo na sa aking asawa at mga anak. Maraming salamat, Panginoon, sa Iyong dakilang
pagmamahal at katapatan. Mahal na mahal din po Kita. Amen”

PANGLINGGUHANG GABAY

Linggo 1 - Setyembre 2 (Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon)


Mga Pagbasa: Dt 4:1-8/Sant 1:17-18,21-22,27/ Mk 7:1-8,14-15,21-23 – Iwinasto ni Hesus ang mga
pariseo sa pagpapatupad sa Batas.
Buod na Mensahe: Ang buod ng “puro at walang kapintasang relihiyon” ay pag-ibig, at ang
pagbibigay nito sa mahirap at mga anawim.
Mga Pagninilayan:
1. Nilinaw ni Hesus na walang batas na mabuti kung ito’y hindi naka-base sa pagmamahal. Ang
pagbibigay-diin ng mga pariseo sa mga ritwal tulad ng paghuhugas ng kamay bago kumain ay sa
salita lamang o lip service sapagka’t ang kanilang puso ay malayo sa Diyos.
2. Ipinaliwanag din ng Panginoon na tayo’y nagkakasala kapag bumigay tayo sa tukso at nagdala
ng masamang isip at pagnanasa sa ating puso. Ito ang nagtutulak sa atin sa maling gawa.
3. Ang ating puso ay sumasa-Diyos kapag isinasabuhay natin ang Kanyang salita, nilalabanan ang
kasamaan at gumagawa ng gawaing awa (works of mercy), lalong-lalo na para sa mahirap.
Tanong sa Pagninilay:
1. Paano ko isinasabuhay ang aking pananampalataya - mula ba sa puso katulad ni Hesus o sa
salita lamang tulad ng mga pariseo? Ano ang damdamin tungkol ko dito ?
2. Ano ang pangkaraniwang nangyayari kapag ako’y nagkimkim ng sama ng loob, galit, kalaswaan
at iba pang negatibong damdamin sa aking puso ? Ano ang natutunan ko dito ?
Panalangin: “ Panginoong Hesus, turuan Mo akong maging katulad Mo - upang aking unawain at
mahalin ang aking kapwa sa halip na husgahan sila sa kanilang salita at gawa.”

Linggo 2 – Setyembre 9 (Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon)


Mga Pagbasa: Isa 35:4-7/ Sant 2:1-5/ Mk 7:31-37 – Pinagaling ni Hesus ang taong pipi at bingi.
Buod na Mensahe: Tinatawag tayo ng Panginoon na maging taga-hilom at tagapag-aruga ng lahat ng
tao, lalong-lalo na yaong mga kapuspalad.

SA LINGGONG ITO TAYO’Y MAGNINILAY AT MAGBABAHAGI TUNGKOL SA BUWANANG


TEMA SA HALIP NA SA EBANGHELYO NG LINGGO.

Linggo 3 - Setyembre 16 (Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon)

Mga Pagbasa: Is 50:5-9/ Sant 2:14-18/ Mk 8:27-35 – Inihayag ni Hesus na Siya ang Mesiyas.
Buod na Mensahe: Ang sinumang ibig sumunod kay Kristo ay kinakailangang iwaksi ang kanyang
kalooban at makasariling pamumuhay at buong pusong sumunod sa kalooban ng Diyos.
Mga Pagninilayan:
1. Sinimulan ni Hesus ang Kanyang paghahayag sa plano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa
pamamagitan ng pagtanong sa mga disipulo, “Sino Ako sa inyo?” Tama ang sagot ni Pedro,
“Ikaw ang Mesiyas”, ngunit ang kanyang pagtutol laban sa darating na pagdurusa ni Kristo ay
nagpapakita na hindi niya naunawaan kung ano ang ibig sabihin nito.
2. Ang ating sagot sa kaparehong tanong - Sino si Hesus sa akin? – ay nagbibigay kahulugan hindi
lamang sa ating relasyon sa Panginoon kundi kung sino tayo bilang tao. Pwede tayong maging
katulad ni Pedro na masigasig nguni’t hindi nauunawaan ang halaga ng pagsunod kay Kristo.
3. O pwede tayong maging tapat na tagasunod ni Kristo (Pag-ibig Pananaw), nauunawaan at
nakahandang tanggapin ang mahirap na kundisyon ng pagiging taga-sunod Niya.

Tanong sa Pagninilay :
1. Sino si Hesus sa akin? Ano ang gusto kong maging, kay Hesus?
2. Ano ang pwede kong ipangako (commit) sa Panginoon?

Panalangin: “ Panginoong Hesus, inialay Mo ang lahat sa kalooban ng Diyos, pati na ang Iyong
buhay, Tulungan Mo akong sundan ang Iyong mga yapak. Amen”

Linggo 4 - Setyembre 23 (Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon)


Mga Pagbasa: Kar 2:12,17-20 / Sant 3:16-4:3/ Mk 9:30-37 - Ang pinakadakila sa Kaharian.
Buod na Mensahe: Dumating si Hesus upang maging lingkod ng sankatauhan. Ang tunay na
kadakilaan ay nasa paglilingkod sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan.

Mga Pagninilayan:
1. Ang pananaw ni Hesus sa kadakilaan ay lubos na salungat sa mundo, na nagtuturong upang
maging dakila ay kailangan ang kayamanan, kapangyarihan, talino, atbp. Sa halip ay itinumbas
NIya ang kadakilaan sa paglilingkod o pagpapababa at hindi pagpapataas ng estado. Sinabi Niya
sa Beatitudes, “Mapalad ang mga dukha sa espiritu, ang maaamo…”
2. Ibig sabihin nito’y kailangan nating iwasan ang panlabas na kaanyuan ng mundo upang malaya
nating magamit ang mga biyaya ng Panginoon para paglingkuran Siya at ang ating kapwa.
Halimbawa, ang isang mayamang tao ay maaaring magbigay ng trabaho sa iba, presyuhan ng
makatwiran ang kanyang kalakal o serbisyo, at ibahagi ang kanyang kita sa komunidad, sa halip
na itabi ito para lamang sa kanyang sarili at pamilya. Gayundin, ang may talino ay maaaring
gamitin ito sa pagtulong sa mahirap.
3. Ang isang batang musmos ay simbulo ng mahirap at kapus-palad (anawim). Ibig ng Panginoon
na arugain natin hindi lamang yaong mga kulang sa materyal na bagay, kundi yaon ding walang
dignidad, karapatang pantao, at kaalaman tungkol sa Diyos.

Tanong sa Pagninilay :
1. Hangad ko bang maging dakila? Paano ko pinagsusumikapang matamo ang kadakilaan? Ito
ba’y naaayon sa turo ng Panginoon?
2. Lumago na ba ako sa kababaang-loob at pananalig sa Panginoon? Paano ako matutulungan ng
community?
3. Ang buhay ko ba’y nagbibigay-luwalhati sa Diyos o sa aking sarili lamang?

Panalangin: “Panginoon, baguhin Mo ako upang buong kababang-loob kong tanggapin na ang lahat
ng sakin, maging ang aking sarili ay mula sa Iyo, at upang magkalakas-loob ako na
maglingkod tulad ni Hesus. Amen.”

Linggo 5 - Setyembre 30 (Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon)


Mga Pagbasa: Bil 11:25-29/ Sant 5:1-6/ Mk 9:38-48 – Ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
Buod ng Mensahe: Ibig ng Diyos na tayo’y maging bukas sa lahat ng tao at huwag magtayo sa ating
pagitan ng mga pader at bakod.

Mga Pagninilayan:
1. May malakas na tukso sa lipunan, pati na sa Simbahan, na sundan ang saloobing “tayo-tayo,
sila-sila” katulad nina Josue at Juan sa una at ikatlong pagbasa. Ang ganitong pag-uugali ay
lumikha ng pagkakahati-hati at paglalaban sa pagitan ng mga lahi, sa mga relihiyon, kahit sa mga
kapwa-Kristiyano.
2. Nguni’t ang plano ng Diyos ay tipunin ang lahat upang maging isa sa ilalim ng Panginoong
Hesukristo (Eph 1:10). Kaya’t kailangan nating matutong magsama-sama (be inclusive), maging
bukas sa lahat ng tao na hindi inaalintana ang kanilang pinagmulan, paniniwala at katayuan sa
buhay. Tignan natin sila sa mga mata ni Hesus at hangarin para sa kanila ang kabutihang nais
natin para sa ating sarili. Kailangan nating tumigil sa pag tritribu-tribu - marahil ito ang isang ibig
sabihin ng “kamay, paa, mata na dahilan ng pagkakasala” v 43-46.
3. Ang pagpiling ito ay kasing hirap ng pagputol sa ating “nagkakasalang kamay, paa, mata”,
nguni’t ating kakayanin kung pababayaan natin ang grasya ng Diyos na kumilos sa atin, alalaong
baga, kapag tayo’y lumalago sa Bunga ng Espiritu, lalong-lalo na sa Pag-ibig!

Tanong sa Pagninilay:
1. Bukas ba ako sa lahat ng uri ng tao sa aking buhay, sa community? Kung hindi, bakit? Ano
ang pwede kong gawin upang ako’y maging inclusive?
2. Ang atin bang community ay inclusive” o sumusunod din sa “tayo-tayo, sila-sila” na
mentalidad? Ano ang dapat nating gawin upang lalong maging isa?

Panalangin: “Banal na Espiritu, palambutin Mo ang aking puso at turuan Mo akong mahalin ang
lahat ng tao, tulad ng Diyos, at bigyan sila ng paggalang at habag. Amen.”

NAWA’Y SA ATING PAGNINILAY SA SALITA NG DIYOS AY MAGING MATAPAT TAYO SA KANYA!

You might also like