Panunuring Pampanitikan Lektyur

You are on page 1of 14

KRITISISMONG PANLITERATURA

Panunuring Pampanitikan
Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong
Hulyo 19, 2014

Noon pa man ay kinikilala na sa larangan ng sining ang kritisismo. Ito ay isang


mahalaga at lumang sangay ng panitikan noong panahon ni Pericles (495?- 429 BC). Ang mga
pangalang Plato (427-347 BC) at Aristotle (384-322 BC) sa Gresya ay itinuring at itinuturing
magpahanggang ngayon na mga bantog na disipulo ng kritisismo. Sinusunod pa rin ang kanilang
kaisipan at alituntunin tungkol sa mga likhang-sining lalo na sa panitikan. Binigyang-pansin din
sina Longinus ( 213-273 AD), Benedetto Croce (1866-1952), Sainte Beuve (1804- 1869) at iba
pa. Hindi ganap ang pagbanggit sa mga bagong kritiko sa kasalukuyan nang hindi nalalaman
kung ano-anong usapin tungkol sa kritisismo ang iniwan sa mundo ng mga kritikong ito.

Sa pangkalahatang salita, masasabi na ang kritisismo ay isang uri ng pagtalakay na


nagbibigay-buhay at diwa sa isang nilikhang sining. Bilang isang natatanging uri ng
pagtalakay, ang kritisismo ay isang kaisipang hindi tapos. Nagbabago-bago ito sa bawat
panahon at ayon sa kung ano ang binibigyang-diin ng kritiko. Napapasailalim ito sa epekto ng
mga kilusan sa isang tiyak na panahon sapagkat tiyak na may mga likhang-sining naglalarawan
ng mga kilusang yaon. Sa ibang salita, hindi maiaalis ang pagkakaroon ng ugnayan ng kritisismo
sa mga tinatanggap na pamantayan at ng palasak na mga tema sa isang tiyak na panahon. Sa
ganitong paraan, ay masasabing laging buhay/dinamiko, at tugma sa panahon ang kaalamang ito.
Ang katotohanan nito ang naging dahilan ng paglitaw ng mga tinatawag na mga lumang
manunuri at makabagong kritiko.

MGA PANANAW AT TEORYANG PAMPANITIKAN

Kung paanong napapahusay ang pagtalakay at napapalalim ang pagsusuri ng isang


akdang pampanitikan ay masasabing nakasalalay sa mga pananaw at teoryang pampanitikan.
Mga salalayan itong ang hatid ay kaalaman at kasiyahan, na siyang dalawang pangunahing
dahilan ng panitikan.

Ang pananaw ay tumutukoy sa paniniwala o persepsyon ng isang indibidwal o isang


pangkat. Samantala, ang teorya ay tumutukoy sa simulain o prinsipyo ng mga tiyak na
kaisipang kailangan sa paglikha ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o
pagpapaliwanag ng isang bagay.

Sa pag-alam/pag-unawa sa mga pagdulog/teoryang pampanitikan, matutuklasan o


mapatitibay natin na maaaring basahin o bigyang-interpretasyon ang panitikan sa iba’t ibang
kaparaanan. Arbitraryo, kung gayon ang pagbibigay-kahulugan o interpretasyon sa panitikan.
Ngunit, kailangang magsimula muna sa pag-unawa sa literal na kaparaanan bago
makapagsagawa ng interpretasyon sa ikalilinaw ng pag-unawa.

Sa pag-aaral ng pantikan, malaking tulong ang nagagawa ng pag-alam sa kahulugan,


kasaysayan at katangian ng iba’t ibang pananaw at teoryang pampanitikan. Sa pamamagitan kasi
ng matalinong pagpili ng angkop na pananaw o teorya, ang pagtalakay at pagsusuri ng isang
partikular na akda ay nagkakaroon ng batayan at direksyon. Nalilimitahan din nito ang saklaw ng
talakayan at ng panunuri, at dahil may limitasyon ay nagkakaroon ng lalim.

Bagama’t sadyang napakarami nang pananaw at teoryang pampanitikan, ang mga


sumusunod na tatalakayin ang maituturing na popular at gamitin sa pag-aaral/pagsusuri ng mga
akdang pampantikan.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 1
KLASISISMO

Gresya ang pinagmulan ng klasisismo. Sa pananalig-klasisismo, pinangingibabaw ang


kaisipan kaysa sa damdamin. Sa pagsusuri gamit ang teoryang ito, pinagpapakuan ng pansin ang
katangian ng mga tauhan na:

 Karaniwang angat sa karaniwan,marangal at matimpiang kilos at maging ang pananalita;

 Ang mga tampok na tauhan ay nangabibilang sa mataas na antas ng lipunan (hari, reyna,
prinsesa, prinsipe, duke, dukesa at iba pa).

Ang pinakaimportanteng panahon ng klasisismo ay ang renasimyento noong laganap ang


kilusan sa mga kanluraning kaisipan at malikhaing arte lalo na sa Ingglatera at Pransya noong
huling bahagi ng ika- 17 siglo, una at huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19
siglo.

Sa mga nabanggit na katangian ng mga tauhan sa akda, masasabi kung gayon, na ang
teoryang ito ay may pananaw aristokratiko. Matipid sa paggamit ng wika ang klasisista. Maingat
sila sa pagsasalita at pagpapahayag ng damdamin. Para sa kanila ay hindi angkop ang paggamit
ng mga salitang balbal. Iniiwasan sa akda ang paggamit ng mga bulgar na salita at matinding
emosyon. Dapat na pigil ang damdamin dahil isip ang pinaiiral.

Ayon pa sa mga klasisista, ang kaayusan ng daigdig ang nilalayon ng klasisimo at dapat
na tanghaling modelo ang mga taong edukado na nakaaangat ang estado sa buhay. Kaya walang
puwang ang mga nasa mababang antas ng lipunan na tanghaling mga tampok na tauhan sa akda
dahil hindi sila maaaring maging modelo ng mamamayan. Wala sa kanila ang katangian ng
pagiging intelektwal. Ang mga katangian ng mga akdang klasikal ay ang pagiging
pagkamalinaw, pagkamatimpi, pagkaobhektibo, pagkakasunod-sunod at at walang hanggan sa
panahon.

Sa kaso ng Pilipinas, walang maaaring itanghal na akdang klasisista dahil hindi umaayon
ang klasisistang pananaw sa lipunang Pilipino. Sa mga akdang katutubo sa bansa, maaaring
maiklasipika ang Florante at Laura ni Balagtas ngunit masasabing hindi ganap na klasisista.
Bukod dito, ang mga tauhang gumagalaw sa akda na kinabibilangan ng mga dugong bughaw
tulad ng hari, reyna at iba pa ay mga tauhang hindi nabuhay/nabubuhay sa lipunang Pilipino.

ROMANTISISMO

Sumibol ang romantisismo noong huling bahagi ng siglo 1800 at pagpasok ng siglo 1900.
Ibinabandila ng romantisismo ang indibidwalismo kaysa kolektibismo, ang rebolusyon kaysa
konserbatismo, ang inobasyon kaysa tradisyon, imahinasyon kaysa katwiran at likas kaysa
pagpipigil.

Ang inspirasyon para sa romantikong pamamaraan ay nagmula sa Pranses na pilosopong


si Jean Jacques Rousseau at sa manunulat na Aleman na si Johann Wolfgang van Geothe.

Reaksyon ng klasisismo ang romantisismo dahil nangingibabaw rito ang damdamin kaysa
sa isip. Pinahahalagahan dito ang emosyon kaysa sa katwiran kung kaya pinaniniwalaang ang
buhay ay bahagi ng mga problemang walang kalutasan

Sa romantisismo, pinahahalagahan ang iba’t ibang damdamin o emosyon na ayon pa kay


Agcaoili (2005), ay ang pagkamaramdamin, pagmamahal sa kalikasan, may simpatiya sa
nakaraan, at mahilig sa kababalaghan. Sa mga kwentong kababalaghan ay maihahalimbawa ang
mga kwentong enkanto na nagmula sa Alemanya na matatagpuan sa koleksyon nina Jakobson at
Wilheim Grimm na naging bahagi na ng panitikang pambata.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 2
Sa Pilipinas, ang ganitong uri ng mga kwento ay karaniwang matatagpuan sa mga akda ni
Lola Basyang ( Severino Reyes). Isinaaklat ito ni Reyes at pinamagatan niyang Mga Kwento ni
Lola Basyang. Ang tema ng kababalaghan ay matatagpuan din sa mga alamat na di-etiolohikal
na pumapaksa sa mga supernatural na nilalang at maging sa mga himala ng mga santo at santa.

Bukod sa mga pantasya at kababalaghan, sinasabi na naniniwala ang mga romantisista na


hindi kayang magapi ng karunungan ng isang ang kasawian (Magracia at Laron-Valdez, 2005)
na dinagdagan pa nina Ramos at Mendiola (1994) na anila, na nasa akda raw ng mga
romantisista lalo na ang mga tula ay mababasa ang tila waring konsepsyon ng mga manunulat.
Nandoon… ang kanilang mga pangarap, mga hinanakit, mga kasawian, mga pag-aalinlangan,
mga tinimping galit, mga pagpapatawad at marami pang iba’t ibang kulay ng damdamin.

Masasabing may dalawang uri ang romantisismo: ang tradisyunal at reolusyunaryo.

 Ang tradisyunal na romantisismo ay nakakiling sa makasaysayan at pagpapanatili o


pagbabalik sa mga katutubo at tradisyunal na pagpapahalaga tulad ng nasyunalismo,
pagkamaginoo at pagkakristyano.

 Ang rebolusyunaryong romantisismo naman ay bumabaling sa pagtatatag ng bagong


kultura na may pagpupumiglas, kapusukan at pagkamakasarili.

REALISMO

Ang realismo ay isang malaking kilusang umusbong sa larangan ng sining noong siglo
1900. Nakatulong dito ang kilusang anti-romantisismo sa Alemanya kung saan mas nagtuon ng
pansin ang sining sa pangkaraniwang tao. Idinagdag pa rito ang pagtataguyod ni Auguste Comte
( Ama ng Sosyolohiya) ng positibiskong pilosopiya sa paglulunsad ng siyentipikong pag-aaral;
ang pag-unlad ng propesyunal na journalism o kung saan iniuulat nang walang bahid ng
emosyon o pagsusuri ang mga kaganapan; at ang paglago ng industriya ng potograpiya.

Layon nitong ipakita ang karanasan ng tao at lipunan sa isang makatotohanang


pamamaraan. Itinatakwil ng realism ang ideyal na pahuhulma at pananaw sa mga bagay.

Unang ginamit ang terminong realism noong 1826 ng Mercure francais du XIX siècle sa
Pransya bilang paglalarawan sa doktrinang nakabatay sa makatotohanan at wastong
paglalarawan ng lipunan at buhay.

Kung ang paglutang ng romantisismo ay bilang reaksyon sa klasisismo, masasabing ang


realismo ay isang reaksyon sa pananaw na itinataguyod ng romantisismo. Itinataguyod ng mga
realista ang pagtinging dapat na ilarawan ang buhay o mga pangyayari sa lipunan nang
makatotohanan at buong katapatan. Pinangingibabaw sa akda ang katotohanan kaysa
kagandahan. Ang pagtingin at paglalarawan sa buhay ay dapat na walang pagkiling. Buong
katapatang inilalantad ng akda ang mga pangyayari maging ito man ay napakapangit.

Tinatalakay ng mga realista ang mga karaniwang paksa tulad ng mga pangyayari sa
paligid ng mmay-akda batay sa kanyang mga obserbasyon. Pinapaburan nila ang mga
pangyayayring nagaganap sa buhay ng nakararami tulad ng pagkaapi, pagkaaba, paghihirap,
pagbaba ng katayuan ng mga nasa gitnang uri, prostitusyon,pakikibaka ng mga manggagawa.
Elemento rin ng mga akdang realism ang makatotohanang wikang ginagamit ng karaniwang tao
– bulgar, balbal, at iba pa.

Inilalarawan sa akda ang karaniwang panahon at lipunan ng manunulat. Ang may-akda


bilang produkto ng kanyang panahon ay nagtatala ng mga ganapan sa panahong iyon ng kanyang
lipunan sa masining na paraan – binubuo ang teksto batay na rin sa kamalayan panlipunan ng

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 3
may akda. Dahil dito, iniinterpret ang teksto sa pamamagitan ng pag-unawa sa panahon/kaligiran
o sa mga tekstong kultural, pulitikal at pangkabuhayan kung kailan naisulat ang akda.

May iba’t ibang pangkat ng pagsusuring realismo:

 Pinong realismo (gentle realism) – isang may pagtitimping paglalahad ng kadalisayan ng


mga bagay-bagay at iwinawaksi nito ang anumang pagmamalabis at kahindik-hindik

 Sentimental na realismo – ang mas optimistiko at inilalagay ang pag-asa sa damdamin


kaysa kaisipan sa paglutas ng pang-araw-araw na suliranin

 Kritikal na realismo – dito inilalarawan ang mga gawain ng isang lipunang burgis upang
maipamalas ang mga aspektong may kapangitan at panlulupig nito

 Sikolohikal na realismo – inilalarawan dito ang internal na buhay o motibo ng tao sa


pagkilos.

 Sosyalistang realismo – ginagabayan ito ng teoryang markismo sa paglalahad ng


kalagayan ng lipuang maaaring mabago tungo sa pagtatayo ng lipunang pinamumunuan
ng mga uring anak-pawis.

 Mahiwagang realismo ( magic) dito pinagsasanib naman ang pantasya at katotohanan


nang may kamalayan. Pinagsasama ang impluwensya ng mito at karunungang-bayan sa
takbo ng kwwento upang masalamin ang katotohanang nagaganap sa lipunan.

NATURALISMO

Marami pang teorya ang lumitaw na nakaangkla sa realismo. Isa rito ang teoryang
naturalismo na nag-uugnay ng siyentipikong pamamaraan sa pilospiya sa pamamagitan ng
paniniwalang lahat ng nilalang at pangyayari sa mundo ay natural at ang lahat ng karunungan ay
maaaring dumaan sa masusing pagsusuri. Layon ng naturalism na ipakita ng walang paghuhusga
ang isang bahagi ng buhay. Hindi naniniwala ang mga naturalistiko sa mga bagay na
supernatural. Lagi itong inihahambing sa materyalismo. May pagkakatulad ang naturalismo sa
realismo kung kaya tinatawag rin itong ekstenssyon ng realismo.

Pesimistikong pagtingin sa buhay ang inihahatid ng mga akdang naturalistiko.


Ipinapakita sa akda ang kawalan ng kalayaan ng tauhang kumakwala sa hindi magandang
pangyayari sa kanyang buhay dulot ng mga pangyayari sa lipunan o mula sa mga taong
nakapaligid sa kanya.

Ayon sa tinaguriang Ama ng Naturalismo na si Emile Zola, ang isang naturalistang


manunulat ay nagtuturing sa sarili bilang isang sikolohista at makasiyentipikong sosyolohistang
mag-aaral ng lipunan. Sinusuri niya ang katauhan ng isang nilalang bilang bunga ng heredity o
biyolohiya at kapaligiran.
Ayon kay Santos at Tayag (2011), ipinapakita sa akdang naturalista na ang tao ay biktima
ng kanyang kapaligiran at biyolohikal na kadahilanan. Dahil dito, hindi dapat kondenahin ang
tauhan sa akda sa halip ay dapat unawain bilang biktima. Mahalaga sa teoryang ito ang ugnayan
ng sanhi at bunga ng mga pangyayaring nakaapekto sa tauhan sa akda. Pag-unawa sa damdamin
ng tauhan ang mahalaga.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 4
EKSISTENSYALISMO

Ayon sa ika-20 siglong pilosopong si Jean-Paul Sartre, nauuna ang eksistens bago ang
esens. Ang pagpili kung gayon ay kailangan sa eksistens ng bawat nilalang at hindi ito
matatakasan, maging ang hindi pagpili ay isa pa ring pagpili.

Mahirap bigyan ng eksaktong kahulugan ang eksistensyalismo dahil may pagkakaiba-iba


ang mga posisyong iniuugnay rito. May mahalagang paksain ang ipinahahayag ng
eksistensyalismo, ito ay ang konkretong buhay at pakikihamok ng indibidwal gayundin, ang
usapin ng indibidwal sa kalayaan pumili. Ang kalayaang pumili ay kaakibat ng komitment at
responsibilidad.

Ayon sa sa mga eksistensyalistiko, dahil ang bawat isa ay may kalayaang pumili,
kailangan niyang tanggapin ang mga panganib at responsibilidad na pasunod sa kanyang naisin
saan man ito patungo.

Nakatuon ang eksistensyalismo sa interpretsyon ng buhay ng tao sa mundo kasama ang


mga problemang hatid nito.

Sa teoryang ito, pinaniniwalaan na:

 Ang eksistens ay lagging partikular at indibidwal

 Nakatuon lamang sa problema ng eksistens mismo o ng isang pagiging nilalang

 Nagpapatuloy ang pagsusuring may iba’t ibang posibilidad ang tao kung paano
siya mabubuhay

 Dahil sa mga posibilidad na ito, ang buhay ng tao ay itinatakda ng kanyang


desisyon.

HUMANISMO

Nagsimula sa Italya ang humanistang kilusan na may malaking ambag sa mga huling
manunulat ng midyibal era tulad nina Dante, Boccaccio at Petrarch sa pagkakatuklas at
preserbasyon ng mga klasikal na mga akda.

Nagmula naman sa Latin ang salitang humanismo na nagpapahiwatig ng mga di-


siyentipikong larangan ng pag-aaral tulad ng wika, panitikan, retorika, pilosopiya, sining at iba
pa. Aton sa ibang histoyador, ang humanismo ay maaaring ituring na pagbabalik sa klasismo lalo
na yaong akdang sining noong panahon ng renacimiento (renaissance). Sa ganitong
klasipikasyon, kabilang sina Agustin at Alcuin. Mga modernong humanista naman sina Irving
Babbit at Paul Elmer More ng 20 siglo.

Tulad ng eksistensyalismo, tinitingnan ng humanismo ang tao na may kalayaang gawin


ang ninanais, ngunit higit na pinahahalagahan ng humanismo ang dignidad at integridad ng tao.
Ang batayang premis ng humanismo ay nagsasabi na ang tao ay rasyunal na nilalang na may
kakayahang maging makatotohanan at mabuti.
Maaaring ilapat ang humanismo sa maraming paniniwala, pamamaraan at pilosopiyang
nagbibigay-tugon sa kalagayan at karanasan ng tao. Sa lawak ng mapaglalapatan ng humanismo,
mapapangkat ito sa tatlo: humanismo bilang klasismo, Modernong humanismo at humanismong
umiinog sa tao.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 5
Sa pagsusuri ng panitikan ayon sa pananaw humanistiko, mainam tiingnan ang mga
sumusunod:

 Pagkatao;
 Tema ng kwento
 Mga pagpapahalagang pantao: moral at etikal ba?
 Mga bagay na nakakaimpluwensya sa pagkatao ng tauhan; at
 Pamamaraan sa pagbibigay-solusyon sa problema.

Masasabing malawak ang tema ng humanismo. Sa katunayan, marami itong uri tulad ng

 Literal humanism,
 Secular humanism, at
 Religious humanism

IMAHISMO

Ang teoryang ito ay isang pamamalagay na kinakailangang gumamit ng konkreto,


matipid at maingat na paggamit ng mga salita upang makabuo ng konkreto ring imahen.
Tinututulan dito ang labis na paggamit ng mga simbolismo na maaari lamang makapagdulot ng
kalituhan sa mambabasa. Pinapahalagahan dito ang tuwirang paggamit ng imahe na naglalantad
ng tunay na kaisipang inihahayag sa akda.

Sa mga unang dalawang dekada ng ika-20 siglo lumaganap ang imahismo bilang isang
kilusang panulaan sa Estados Unidos at Inglatera. Nagbibigay-pansin sa hanay ng mga salita at
simbolismo ang nasabing kilusan.

Ilan sa mga prominenteng pangalan sa kilusang ito ay ang mga makatang Amerikanong
sina Ezra Pound, Amy Lowell, John Gould Fletcher at Hilda Doolittle. Sa Inglatera naman
nakilala sina DH Lawrence at Richard Aldington. Kasabay ng kanilang paglikha ng mga obra sa
ganitong lapit, nagpalaganap din ang kanilang hanay ng mga manipesto at sanaysay na
kumakatawan sa kanilang teorya.

Binigyang-diin ng imahismo ang pagpili ng mga tiyakna salita, kalayaan sa pagpili ng


mga paksa at porma ng paggamit ng mga salitang karaniwang ginagamit sa araw-araw.
Karamihan sa mga imahismong manunulat ay nagsusulat ng malayang berso kaysa sa pormal na
may sukat na paraan para magkaroon ng istruktura ang tula.

MORALISTIKO

Pagnilayan: “Di sapat na matutuhan ng isang indibidwal ang tungkol sa kawayan


buhat sa isang kawayan, siya na rin mismo ang dapat maging kawayan” ( [Noorinaga,
1730-1801], Mendiola at Ramos, 1994).

Gamit ang teoryang moralistiko, itinuturing na ang mga akdang pampanitikan ay may
layuning mabigay–aral sa mga mambabasa. Masasabing ito ay ekstensyon ng pagdulog
humanismo dahil sa pagbibigay-halaga ng mga humanista sa pagpapanatili ng integridad at
dignidad ng tao bilang nilalang na may isip.

Isa sa mga impluwesyal na kritiko nanagbigay ng malaking pagpapahalaga sa teoryang


moralistiko ay si Horacio (Horace). Ayon sa kanya, may dalawang bagay na naidudulot ang tula
sa mambabasa: ang dulce, ang aliw at kaligayahang naipadarama ng akda; at utile, ang aral at
kaalamang naibibigay ng akda. Malinaw na ang pangunahing tungkuling dapat gampanan ng
mga manunulat sa teoryang ito ay ang magbigay-aliw, magsilbing guro at tagapangaral sa
kanyang lipunan.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 6
Dahil may didaktibong oryentasyon ang mga akdang moralistiko, itinuturing ang
panitikan bilang tagaakay sa tao sa mabuting landas.

Sa panahon ng katutubo, maituturing na mga akdang didaktiko o moralistiko ang mga


salawikain, kasabihan, pabula, ilang alamat at iba pang mga kwentong-bayan.

DEKONSTRUKSYON

Isang Pilosopong Pranses na nagngangalang Jacques Derrida ang siyang pinagmulan ng


pag-aaral na dekonstruksyon. Ang pamamaraang ito ng pagbabasa ay isang paghamon sa
Kanluraning ideya na ang teksto ay hindi magbabago at may nag-iisang kahulugan. Kinuwestyon
ni Derrida ang umiiral na palagay lalo sa sa Kanluraning kultura na ang pananalita ay isang
malinaw atdirektang pamamaraan ng pakikipagkomunikasyon.

Ayon kay dderrida, nagbibigay ng maraming maling pag-aakala sa ibig sabihin ng teksto
ang tradisyunal na pamamaraan ng pagbabasa. Hindi raw maaaring tanggapin na lamng ang mga
pananalita ng manunulat dahil pinararami nito ang lehitimong interpretasyon ng teksto.

Ang dekonstruksyon ay nagpapakita ng maraming layer ng kahulugan. Sa


pagdedekonstrak ng gawa ng isang escolar, ipinakikita na ang lengwahe ay madalas na pabago-
bago. Ito ay isang paraan ng pag-aanalisa ng teksto base sa ideya na ang mambabasa at hindi ang
manunulat ang sentral sa pagbibigay rito ng kahulugan.

MARXISMO

Ang Marxismo ay isang lipon ng mga doktrinang pinaunlad nina Karl Marx at Fredrich
Engels noong kalagitnaan ng ika-19 siglo. Nagtataglay ito ng tatlong batayang ideya: pilosopiya
ng pagtingin sa tao, teorya ng kaysaysayan at pulitika at pang-ekonomiyang programa. Sa
pagdaan ng panahon, nagsanga-sanga ang pag-unawa sa mga konseptong ito tulad ng ipinakita ni
Lenin at Stalin sa Russia, Mao Tse Tung sa Tsina, ng mg Sandanista ng Nicaragua at iba pang
Marxista sa mga bansang itinuturing na Third World. Pati ang mga makabagong pag-aaral ay
nanghiram din ng mga teorya mula sa Marxismo.

Nagagamit ang Marxismong teorya sa pagsusuri ng kalagayang panlipunan, pag-uugali at


motibasyon ng mga tauhan sa kwento. Bukod dito, binibigyang-pansin ng teoryang ito ang mga
umiiral na tunggalian ng tauhan sa sarili niya, sa ibang tauhan, sa lipunan o sa kalikasan.

Mahalagang mapagtuunan ng pansin ang mga bahaging tiyakang nagpapakita ng


paglabanan ng malakas at mahina; mayaman at mahirap. Makabuluhan rin kung paano natalo ng
mahina ang malakas ng dukha ang mayaman. Ginagamit ng mga oriyentasyon na ito upang
mabuksan ang mga isipan at ang mga mata ng tao sa pang-aapi at pagsasamantalang nagaganap
sa lipunan. Ito'y sumibol sa panahon ng kastila at hapon, at namayagpag naman sa makabagong
panahon.

Kung iaangat pa ang magiging pagsusuri, maaaring umabot sa puntong masasagot ang
tanong na para saan o kanino ang panitikang ito?

SOSYOLOHIKAL/HISTORIKAL

Naniniwala ang mga tagapagtaguyod nito na ang manunulat ay produkto ng kanyang


panahon, lugar, mga kaganapan, kultura, at institusyon sa kanyang kapaligiran kung saan
itinuturing sila bilang boses ng kanyang panahon. Dahil dito, ipinalalagay na ang akdang
kanilang nilikha ay repleksyon o salamin ng mga nagaganap sa lipunang kanyang kinalalagyan.
Namayagpag ito sa panahon ng propaganda.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 7
Ang teoryang sosyolohikal ay naaangkop sa tradisyon at prestihiyo ng dulaan sa
Pilipinas. SA pagkapit sa mga isyung panlipunan na pinapaksa ng mga dula at sa pagbabago ng
konsepto ng entablado bilang tanghalan, mananatiling may lugar ang teoryang ito sa panlasa at
pakikibaka ng mamamayan.

Sa Sosyolohikal na pananaw, mas malawak ang perspektib na pagsusuri ng isang akda.


Hindi lamang ang kasiningan at angking katangian ng akda ang binubusisi, kundi pati na rin ang
bahagi ng lipunan at kasaysayang pinagluwalan nito. Patunay ito nan a ang kultura o anupamang
akda ay bahagi ng lipunan.

Kinikilala ang pananaw na ito ang ugnayan ng likhang-sining at lipunan. Ang isang akda
ay produkato ng malikhaing pag-iisip ng manunulat na nabubuhay sa isang panahon, na may
particular na katangiang humuhubog sa kanyang pagkatao. Sa pagsusuring sosyolohikal, hindi
sapat na suriin lamang ang akda kundi pati na rin ang lipunang kinabibilangan ng may-akda na
siyang nagluwal ng akdang iyon. Ayon pa kay Taine, isang manunulat na Pranses: Ang Panitikan
ay bunga ng salinlahi, at ng panahon, at kapaligiran.

Sa teoryang Sosyolohikal, tinitingnan ang kalagayan at ugnayan ng mga panlipunang


institusyon tulad ng pamahalaan, simbahan, pamilya, paaralan at iba pa sa sitwasyon at
oportunidad para sa mga mamamayan nito.

Kung gagamitin ang teoryang ito sa pagsusuri ng isang genre, mainam na pag-aralan ang
kasaysayan ng akda at ang panahon ng kinabibilangan nito at ang awtor. Hindi lamang ito
internal na pagsusuri ng akda kundi pati na rin ang mga eksternal na salik na nakaimpluwensya
rito.

BIYOGRAPIKAL

Naniniwala ang mga biyograpikalista na ang manunulat ay nagsusulat ng mga bagay na


personal niyang nararanasan at nakikita sa kanyang paligid. Kung gayon, ang mga isinusulat
niyang mga akda ay mga hibo o impluwensiya ng mga karanasan at nangyari sa buhay. Ito'y
namayagpag sa kasalukuyan.

Tulad ng iba pang teorya,sinabi ni DiYanni (1897) na sa pnanaw bayograpikal, dapat na


manatili ang tuon sa akda mismo; at ang paggamit ng mga impormasyong bayograpikal na
daluyan ng paglilinaw at pagpapalalim ng pag-unawa at pagdevelop ng mga interpretasyon.
Malinaw na ang buhay ng may-akda ay isa lamang lunsaran sa epektibong paag-unawa sa akda.

Ang mga kritikal na katanungan na magagamit bilang tulong sa pag-unawa sa


bayograpikal na pananaw ayon ka DiYanni (1898) ay ang mga sumusunod:

 Ano ang mga impluwensya - mga tao, ideya, kilusan,mga pangyayari sa buhay ng
may-akda ang makikita sa teksto? Paano ipinakita ang mga ito sa teksto?
 Anong mga modipikasyon ang ginawa ng awtor sa kanyang teksto ng mga
pangyayari sa kanyang buhay?
 Anong mga rebelasyon ang inihayag ng may-akda tungkol sa kanyang mga
naiisip, persepsyon, o emosyon?

SIKOLOHIKAL

Ayon kay Freud, ang tao raw ay tulad ng isang iceberg na lumulutang sa ibabaw ng
karagatan. Nahahati ang iceberg ("bundok ng yelo") sa dalawa ang nakikitang bahagi at ang
nakalubog na bahagi. Ang nakikitang bahagi ay ang malay na bahagi ng ating katauhan: ito ang

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 8
mga impormasyon na alam ng tao ukol sa kanyang sarili. Ang nakalubog na bahagi naman ay
ang di-malay na bahagi ng ating katauhan Ipinaliliwanag nito kung bakit ang isang indibidwal ay
kumikilos nang taliwas sa inaasahan; ang ibig ipahiwatig ng mga simbolo sa akda; ang paulit-ulit
na motif sa iba’t ibang akda ng awtor na maaaring matuklasan sa pamamagitan ng pag-
iimbestiga sa pinagdaanang buhay ng awtor. Inihayag rin ni Freud na ang di-malay na bahagi ng
awtor ay puno ng mga alaala at mga pangyayari sa kabataan nito.. Tungkulin ng manunuri nito
na pag-aralan ang kabataan at personalidad ng may akda at kung paano nilikha ng manunulat ang
kanyang akda. Namayagpag ito sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Freud, ang isip ng tao ay binubuo ng id na pinagmumulan ng instink o


kalikasan ng tao – nanggagaling dito ang ninanais o pagnanasa sa kaligayahan; ang ego ang
pumapagitna sa mga hidwaan sa pagitan ng instink na pag-uugali ng tao at sa nakapaligid na
katotohanang panlipunan; at ang superego ang konsensya ng tao. Nakapaloob ditto ang ideya ng
pagiging tama o mali na natutuna at natututunan mula sa mga taong nakapaligid sa tao –
magulang, titser, pari/pastor at iba pa.

ARKETIPAL

Gamit ang pinagsanib na pananaw mula sa antropolohiya, sikolohiya, kasaysayan at


maging ang komparatibong relihiyon sinusuri ang akda gamit ang arketipong pananaw. Sinusuri
ng arketipalang mga pangyayari, tauhan, lugar, at iba pa na komon sa iba’t ibang kultura ayon sa
imahimasyon ng indibidwal na may likha.

Ayon kay Plato, ang salitang arketipal ay nagmula sa salitang arche na


nangangahulugang orihinal at typos na nangangahulugang porma. Malinaw na ang literal na
kahulugan ng arketipal ay orihinal na porma.

Tinatawag na mitolohikal na kritisismo ang arketipal. Sinusuri sa akda ang paulit-ulit na


paglabas o paggamit ng mga imahe at simbolo na taglay ng mga establisadong naunang akdang
kinabibilangan ng mga mito at alamat. Ayon kay Carl Jung, naniniwala siya sa pananaw ni Freud
na may di-malay na bahagi ang tao, subalit hindi ito personal na unconscious, bagkus ay
kolektibong unconscious. Naniniwala rin siya na magkakatulad o iisa lamang ang karanasan ng
nasa di-malay na bahagi ng isipan ng mga tao. Ito ay bunga ng iisang karanasan ng mga ninuno
ng tao na naipapasa sa kasalukuyang henerasyon at dahil dito nakalilikha ang mga manunulat ng
mga imahen at pangyayaring hango sa mga sinaunang teksto. Patuloy itong namamayagpag sa
kasalukuyan.

PORMALISMO

Nagbibigay-pansin sa anyong panitikan ang mga pormalista. Ang ganitong atensyon sa


mgaaspektong pormal ay hindi nangangahulugang hindi kinikilala ang posibilidad ng moral at
panlipunang misyon para sa panitikan. Ang pinsg-ugatan ng teroyang ito ay masugid na
tinalunton ng mga kilalang kritiko, kabilang ang mga isinulat ni Coleridge na itinuturing niyang
“buhay” dahil sa kaisahang nakapaloob dito.

Matuklasan at maipaliwanag ang anyo ng akda ang tanging layunin ng pagsusuring


pormalistiko. Walang pagtatangkang busisiin ang buhay ng may akda. Hindi rin bibigyang-
puwang sang kasaysayan at lalong hindi pinagtutuunan ng pansin ang implikasyong
sosyolohikal, political, sikolohikal at ekonomikal. Tanging ang pisikal na katangian ng akda ang
pinakabuod ng teoryang ito. Tunguhin nito ang matukoy ang nilalaman, kaanyuan o kayarian at
paraan ng pagkakasulat ng akda.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 9
Ang teksto mismo ang pokus sa paggamit ng teoryang pormalismo. Nangangahulugan
itong kailangan masuri ang tema ng akda, ang sensibilidad ng mga ito at pag-uugnayan ng mga
salita, estraktura ng wika, metapora, imahen at iba pang element ng akda.

Anila, ang panulaan ay hindi panulaan dahil lamang gumagamit ito ng temang
tumatalakay sa kondisyon ng tao kung hindi dahil sa proseso ng wika. Kumukuha ito ng
atensyon sa sarili nitong artipisyalidad sa pamamaraan ng pagsabi nito sa gustong sabihin.

Ayon kay Roman Jakobson ( sa aklat ni Reyes, 1994) ang paulaan ay anyo ng wika na
ang oryentasyon ay sa sarili nitong anyo o porma. Kung ano ang mensahe o tinutumbok ng wika
ay sekondarya na lamang.

Pinagtutuunan ng pansin sa teoryang ito ay ang mga istruktura o pagkabuo nito. Isa sa
mga tinitignan ay ang kabisaan ng pagkakagamit ng matatalinghagang pahayag. Kabilang din
dito ang sukat sa tula na nagpapakita ng bilang ng pantig sa bawat taludtod. Maaring itong
lalabindalawahin, lalabing-anim at iba pa. Ang tugmaan naman ay ang pagkakahawig ng mga
tunog ng mga huling salita sa bawat taludtod. Kariktan naman kapag gumagamit ng maririkit na
salita upang mapukaw ang damdamin at kawilihan ng mambabasa dahil may adhikaing gawing
obhektibo ang pagsusuri , wala rin lugar ang opinyon at interpretasyon ng mambabasa. Ito’y
namayani sa panahon ng Amerikano at kasalukuyan.

Ang teoryang Pormalismo ay kilala rin sa tawag na bagong kritisismo. Ang akda ay
ahistorikal na nangangahulugang hindi mahalaga ang pag-unawa sa akda ang kontekstong
panlipunan, pangkasaysayan o ang panahong isinulat ang akda. Ang mahalaga ay ang akda
mismo – “ang mga salitang nasa pahina” at hindi ang intension ng awtor na hindi naman tiyak na
mapatotohanan, kung kaya ay itinuturing na “ patay na ang awtor” (Bennett & Royle, 1999).

FEMINISMO

Ang teoryang ito ay ginagamit sa pagsusuri ng panitikan at awtor sa punto de vista ng


isang babae. Naniniwala ang mga tagapagtaguyod nito na ang panitikan ay hindi nyutral o kaya
ay walang kinikilingan sa halip ito ay isang produkto ng panlipunan at kulturang kalagayan. May
pagkakataong malakas ang dating ng mga feministang pagsusuri dahil kailangang yugyugin ang
mga kalakaran at ang malalim na paniniwala ng tao.

Ang kritisismo sa akdang feminismo ay nakatuon kapwa sa mga kababaihan bilang


mambabasa at sa mga kababaihan bilang manunulat. Sa loob ng mahabang panahon, ang unang
tradisyon sa pagsusuri ng panitikan ay ukol sa mga kababaihan bilang tagakonsumo ng mga
ginawang panitikan ng mga kalalakihan. Kabilang sa unang tradisyon ng panunuri ang
kadalasang mga imahe at papel ng mga babae sa panitikan. Sa ikalawang trsdisyong pag-aaral
naman ay ang pagpansin sa kababaihan bilang manunulat. Ito ay ukol sa kababaihan bilang
tagagawa ng teksto na isang uri ng panitikan ng mga babae.

Sinusuri sa feministang pananaw ang papel na ginagampanan ng mga babaeng karaktr at


ang mga temang ikinakabit sa kanila. Ipinapakita rito na ang mga karakter sa panitikan ay
malinaw na pinagsama-samang konstruksyon,hindi lamang ng mga manunulat kundi magingng
kulturang kinabibilangan nila para itaguyod ang patuloy na dominanteng kalagayan ng mga
lalaki sa lipunan at kultura.

Sa pagtakbo ng panaho at kasaysayan, marami ang namulat sa pangangailangang


bigyang-pansin ang mga kababaihan kung hanggang saan ang partisipasyon nila sa mga
institusyong panlipunan. Lumalakas ang pagnanasang baguhin ang tradisyon na ang nakasulat na
akda ng kalalakihan ay sapat na upang kumatawan din sa karanasan at mundo ng babae. Ito ang
batayan sa pangangailangan ng pagbabago upang malayang mabuo ng babae ang kanyang sarili.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 10
Sa teoryang ito, maaring tignan ang imahen, pagpapakalarawan, posisyon at gawain ng
mga babae sa loob ng akda at maaring ilantad din ang mga “de kahong” mga imahen ng mga
babae sa akda. Ito'y maaring binubuo ng mga panlipunan, kultural, pulitikang pamamalakad,
teorya, at moral na pilosopiya na isyu na may kinalaman sa di pantay o pantay na kalagayan ng
kasarian.

Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang iba’t ibang aspekto na bumubuo sa tao at mundo.
Pinaniniwalaan kasi ng ilang mga pilosopo at manunulat na walang iisang pananaw ang nag-
udyok sa may-akda na sumulat kundi ang pinaghalu-halong pananaw na ang nais iparating ay
ang kabuuan ng pagkatao at mundo.

QUEER

Umusbong aang teoryang Queer mula sa mga pag-aaral tungkol sa mga bakla/lesbian na
nagsimula noong kalagitnaan ng dekada ’80 na sumandig sa teoryeang feminist. Ngunit para sa
mga teoristang queer, higit na malawak ang pag-iimbestiga sa pamamalagay na ito. Tinitingnan
at pinag-aaralan ang mga bagay na itinuturing na nasa kategoryang normative at deviant, lalo na
sa mga gawain at mapagkakakilanlang sosyal ng bawat indibidwal. Sinusuri rito ang pagiging
kakaiba sa karaniwan o ang pagiging natatangi at kataliwasang pandalawahan (binary
opposition).

Upang higit na maunawaan ang kaisipang taglay ng teoryang ito, mahalagang


maunawaan ang pagkakaiba ng kasarian (seks), jender at sekswalidad. Ang kasarian ay
tumutukoy sa pagiging babae o lalaki ng indibidwal. Ang jender ay ang gawaing nagpapakita ng
gawi/kilos ng pagpapakababae (feminine) at pagpapakalalaki (masculine) na itinuturing na social
construct o itinakda ng lipunan. Ang sekswalidad naman ay ang pagiging homosekswal o
heterosekswal ng indibidwal. Homosekswal ang tawag sa katangian ng indibidwal na nakikipag-
ugnayang sekswal sa taong may katulad na kasarian; at ang heterosekswal naman ay ang
katangiang nakikipag-ugnayan sa indibidwal na iba ang kasarian.

Sa teoryang queer, higit ang pag-iimbestiga sa sekswalidad o oryentasyong sekswal ng


tao na itinuturing ngang social construct. Iginigiit ng teoryang ito ang lahat ng pag-uugaling
sekswal, lahat ng kaisipang nag-uugnay ng pag-uugaling sekswal sa pagkakakilanlang sekswala
at lahat ng mga kategoryang normative at deviant ay hinubog o itinakda ng lipunan na lumikha
ng panlipunang kahulugan.

Ang ipinakakagayon ng isang indibidwal ay sanhi na rin ng pamantayang itinakda ng


lipunan. Ang pamantayang panlipunan ding ito ang humuhusga sa pagiging katanggap-tanggap o
di-katanggap-tanggap ng gawi/kilos ng mga indibidwal.

SEMIOTIKS

Ito ay pag-aaral ng mga pamamaraang simbolong pangkultural, analohiya, metapora,


signipikasyon at komunikasyon, signos at simbolo. Ito ay may malapit na kaugnayan sa
linggwistika, kung saan malaki ang bahagi ng pag-aaral ang estruktua at lalong-lalo na sa
kahulugan ng wika. Ito ay nahahati sa tatlong sangay:

Hermenyutiks
Sinasabing ang pinagmulan ng terminong Hermeneutiks ay kay Hermes, isang
mitolohikal na tauhan ng mga diyos-diyosan sa mitolohiyang Griyego na ang tungkulin ay
tagapagbalita ng mga diyos. Bukod sa pagiging tagapamagitan ng mga diyos at ng mga tao, siya
ring ang tagatapon ng mga kaluluwa ng mga namatay sa underworld. Siya rin ang itinuturing na
tagapag-imbento ng wika at pagsasalita, isang interpreter, sinungaling, magnanakaw at tuso. Ang

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 11
mga sari-saring katauhang ito ang nagluklok kay Hermes upang maging katangi-tanging
representante ng Hermeneutika.

Ang hermeneutics ay isang pag-aaral ng teoryang interpretasyon, na maaaring ang


kasiningan ng interpretasyon o kaya ang praksis ng interpretasyon. Sa Traditional
hermeneutics — kabilang rito ang biblical hermeneutiks— na tumtukoy sa pag-aaral ng
interpretasyon ng mga tekstong nakasulat lalong-lalo na sa larangan ng literatura relihiyon at
batas. Kabilang sa kontemporaryo, o modern, hermeneutics ang lahat ng proseso ng
pagpapakahulugan tulad ng mga berbal at di berbal na komunikasyon na may kaugnayan sa
pakikipagsalamuha ng mga tao sa kapwa. Ang hermeneutiks na pilosopikal naman ay
tumutukoy sa teorya ng kabatiran ni Gadamer at Hermeneutic consistency na tumutukoy sa
pag-aanalisa ng tekto para sa isang magkakaugnay na paliwanag.
Pragmatiks

Ang relasyon sa pagitan ng mga simbolo at ang epekto nito sa mga taong gumagamit ng
mga simbolong ito.

Sintaktik
Ugnayan sa pagitan ng mga simbolo at pormal na estruktura.

EKSPRESIBONG TEORYA
May mga pangyayari o bagay sa panahon at lipunan sa may-akda ang nagtulak sa kanya
kung bakit niya naisulat ang kanyang akda. Ngunit may pamamalagay na anumang pangyayari o
bagay ang nagtulak na ito sa may-akda upang sulatin ang kanyang akda ay hindi siyang tunay na
larawan ng mga pangyayaring kanyang nasaksihan. Ang pagsasapapel ng mga pangyayari o
bagay na ito na kanyang naobserbahan o naranasan ay impluwensiyado na kanyang panahon at
lipunan. Itinuturing ang mga pangyayaring ito bilang hilaw na material na proseso sa kalooban
ng may-akda kaya’t anumang akda niya ay may kalangkap ng pansariling pananaw at saloobin.
Ang ekspresibong teoryang ito ay kinakapitan ng pananaw na ang may akda na naghahanap ng
kaaliwan o lagusan ng anumang nararamdaman.

DAIGDIG NG MAMBABASA
Ang pagpapakahulugan sa akda/teksto ay nakasalig sa paniniwalang ang
pagpapakahulugan ay wala sa akda/teksto o sa intension ng may-akda/manunulat. Nagkakaroon
lamang ng kahulugan ang akda kung ito ay binabasa o nagkakaroon lamang ng buhay ang akda
kung may mambabasa. Walang iisang kahulugan ang akda dahil may iba’t ibang oryentasyon ng
bawat mambabasa. Nangangahulugan lamang na may iba’t ibang pagpapakahulugan sa akda na
nakabatay sa karanasang pinagdadaanan ng mambabasa.
Ngunit may mga limitasyon din sa pansariling pagbibigay-kahulugan sa akda. Ayon sa
mga kritiko, hindi dapat ihiwalay ng mambabasa ang mga salita sa bawat pahina ng akda –
kailangan niyang kilalanin ang kabuluhan o kahalagahan ng mga salitang ito.
Tulad din ito sa pag-awit ng Lupang Hinirang, ang ating pambansang awit, na
binibigyang-interpretasyon ng mang-aawit na maaaring batay sa tempo nang hindi nagbabago
ang liriko o maging ang tono.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 12
READER RESPONSE THEORY/TEORYA NG PAGTANGGAP AT PAGBASA
Ang teoryang ito ay nagtangkang ilarawan ang nagaganap sa isip ng mambabasa habang
binibigyang-kahulugan ang akda/teksto.
Nagkakaiba-iba ng level ng subhektibidad ang mga kritiko sa kanilang pagtingin sa mga
teorya ng interpretasyon. May mga kritikong tinitingnan ang akda, tulad ni David Bleich
(DiYanni, 1998: 1909) bilang salamin kung saan nakikita ng mambabasa ang kanyang sarili.
Nakafokus naman sa akda si Wolfgang Iser kaysa sa damdamin at reaksyon ng mambabasa.
Nakasentro ang mambabasa sa teksto at gumagawa ng paghihinuha kung ano ang ibig ipahiwatig
ng mga detalye sa akda habang binabasa. Samantala, ayon naman kay Louisse Rosenblatt,
nagkakaroon lamang ng kahulugan ang akda kapag ito’y binabasa ng mambabasa. Dahil dito
masasabing walang iisang interpretasyon ang maaaring ibigay sa akda. Naiimpluwensiyahan ang
mambabasa ng kanyang mga pagpapahalagang kultural, sosyal, at panrelihiyon.

KONKLUSYON
Bilang pagwawakas, magandang isaisip ang kahalagahang di dapat kalimutan na isang
patnubay ang kritiko o manunuri. Animo’y isang batis ang isipan na pinanggagalingan ng
malinaw at nagniningning na mga butil ng dunong. Sumasang-ayon ako sa mga sinasabi ng mga
pilosopo nang sabihin nilang ang panunuri ay isang paghahanda. Ito ay isang paghahandang
pampersonal kung sakaling nagbabalak kang gumawa ng isang obra maestra. Mula sa mga puna,
maging mabuti man o masama, tungkol sa mga akda ng iba, ay makapupulot tayo ng kaisipan na
balang –araw ay magagamit mo rin kung sakaling maisipan mong lumikha ng sarili mong katha.

MALIGAYANG PAGBABASA

Inihanda ni :
CARMELA G. ONG, M. A.
Lektyur sa Panunuring Pampanitikan
MSU-GSC, Marso 8, 2014

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 13
Talasanggunian:

Agcaoili, Aurelio S. 2005. Raya Pagbasa at Pagpapahalagang Pampanitikan sa


Filipino IV. Quezon City: C & E Publishing Inc.

Bennett, Andrew & Nicolas Royle. 1999. Introduction to Literature, Criticism and
Theory,2nd ed. Harlow, England: Prentice Hall.

DiYanni, Robert. 1998. Literature Reading Fiction, Poetry, Drama, and the Essay,
4th ed. Boston, Massachusetts: McGraw Hill.

Ines-Ramos,Victoria at Venancio L. Mendiola. 1994. Kritisismo: Teorya at


Paglalapat Sangguniang-aklat sa Pagsusuri ng mga Akdang Pampanitikan sa Kolehiyo.
Manila, Phil.: Rex Book Store.

Magracia, Emma B. at Leonida Laron-Valdez. 2005. Raya Mga Akdang


Pampanitikan sa Filipino III. Quezon City: C & E Publishing House.

Reyes, Soledad S. 1992. Kritisismo mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong


Pagtuturo ng Panitikan. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing, Inc.

Santos, Angelina L. at Danilyn A. Tayag. 2011. Panunuring Pampanitikan Pagbasa at


Pagpapahalagang Pampanitikan. Iligan City: DFIW, MSU-IIT.

Villafuerte, Patrocinio V. at Rolando A. Bernales. 2009. Panitikan ng Pilipinas:


Historikal at Antolohikal na Pagtalakay. Malabon City: Mutya Publishing House, Inc.

Kritisismong Panliteratura, Lektyur ni Prof. Carmela G. Ong, Hulyo 19, 2014 (SKSU) Page 14

You might also like