Bawat Kuwento Ay May Simula

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Bawat kuwento ay may simula.

At nasa Diyos ang desisyon kung kailan niya sisimulan ang


istorya ng isang tao.

Ako si Jovyrie Bantillo Sakilan, labing-walong taong gulang, at kasalukuyang nag aaral ng
kursong BSBA sa kolehiyo ng Marian. Nagsimula ang aking kuwento noong ako’y iniluwal ng aking
ina mula sa kanyang sinapupunan sa loob ng aming lumang tirahan sa Brgy.Bulawan Payao,
Zamboanga Sibugay. Ang sabi ng aking ama, ako raw ay napakalaki noong ako’y ipinanganak. Si
ama ang nagbigay ng pangalan na “Jovyrie”. Aniya, kaya niya naisip ang pangalang iyon sapagkat
ayaw niyang magkaroon ako ng katukayo. Ang pangalan ng aking ama ay si Abdul Basir Sakilan.
Nagtatrabaho siya bilang negosyante ng mga produktong pandagat. Samantala, ang aking ina
naman ay si Roselyn Sakilan. Kasama niya ang aking ama sa pamamahala ng aming negosyo.
Pangatlo ako sa apat na magkakapatid.

Lumaki akong abot kamay ang lahat ng gusto ko. Mula sa laruan, damit at sapatos,
hanggang sa pagkain at mga libro. Sa edad na tatlo, tinuturuan na ako ng aking nanay na magbasa
ng mga aklat pambata, mapa-ingles man o filipino. Kaya naman, mga ilang buwan ang nakalipas
noong ako’y sinimulang turuan, nakakapagbasa na ako ng mga aklat. Si inay ang nagsilbing unang
guro ko sa lahat ng asignatura. Kaya alam nya kung saan ako magaling at kung saan ako mahina.
Sinubukan nya akong ipasok sa kindergarten sa Lower Bulawan Elementary School noong ako’y
tatlong taong gulang pa lamang, pero hindi pa raw angkop ang aking edad para maging regular
na mag-aaral, kaya nagpasya ang aking nanay na maging visitor ako sa klase noon. Noong unang
salang ko pa lamang sa kinder, alam na ng guro na marunong na akong magbasa, kaya ako palagi
ang pinapabasa nya ng mga alpabetong nakasulat sa pisara. Pagdating naman sa pagsulat, medyo
nahihirapan pa akong iguhit ang mga letra at isulat ang aking pangalan. Natapos ang isang taon,
at ako’y muling ipinasok sa kindergarten. Parehong silid-aralan, parehong guro, walang
pinagbago. Maliban na lang sa mga bago kong kaklase na hindi ko pa kilala. Hindi na rin ako
nahihirapan sa pagsulat dahil ako ay nag ensayo sa bakasyon. Ako ay likas na palakaibigan, kaya
lahat ng mga kaklase ko ay itinuring kong kaibigan. Lumipas ang ilang buwan, dumating na rin
ang araw ng pagtatapos sa kindergarten. Aking natamo ang unang karangalan kasabay ng aking
unang medalya. Kitang kita ko mula sa itaas ang aking inay na puno ng saya dahil para sa kanya,
napawi ang lahat ng pagod at pagtitiis nya noong ako’y tinuturuan pa lamang nya.
Noong ako ay tumuntong ng grade 1, di pa rin nawawala sa akin ang pagiging uhaw sa
mga bagong aralin mula sa aming guro. Ako’y palaban pagdating sa aming klase. Ayaw kong
nauungusan ako ng aking mga kaklase pagadating sa mga pagsusulit at pagsagot ng mga tanong
ng aming guro. Kapag may selebrasyong ginugunita sa paaralan, hindi nawawala sa listahan ng
aking guro ang pangalan ko. Minsan ako’y pinapatula, at minsan naman ako’y isinasalang sa mga
quiz bee. May mga panahong ako ang nananalo, at may mga panahon rin na ako ay uuwing
talunan. Sa murang edad pa lamang, natuto na akong maging responsable sa aking pag-aaral.
Inaalam ko kung saan ako mahina, saka ko ito pag aaralang mabuti hanggang sa magiging
magaling na ako sa larangang ito. Kapag maraming ginagawa ang aking guro, ako ang nagsisilbing
pangalawang guro sa klase namin. Tinuturuan ko ang aking mga kaklase kung paano bigkasin ang
mga salitang nakasulat sa pisara. At sa mga oras na iyon, doon ko napagtanto na ang pagiging
guro ay hindi angkop para sa akin. Kapag hindi marunong magbasa ang aking tinuturuan, pinapalo
ko ito ng meter stick na pagmamay-ari ng aking guro. Minsan naman, hindi ko pinapaupo
hangga’t hindi niya mabigkas ang nakasulat sa pisara. Magmula noong ipinagkaloob sa akin ng
aking guro ang prebilehiyong magturo sa aking kaklase, naging mataas ang tingin nila sa akin.
Minsan kapag wala akong lapis, ibinibigay nila sa akin yung lapis nila, at kung minsan nama’y
nililibre nila ako ng pagkain sa canteen namin. Maraming matatalino sa klase namin, pero sa akin
pa rin napunta ang unang karangalan pagdating ng recognition day.

Walang nagbago sa akin noong ako’y nasa pangalawang baitang. Tuloy-tuloy pa rin ang
pagtanggap ko ng unang karangalan at mataas pa rin ang nakukuha kong grado. Noong ako’y
nasa pangatlong baitang, doon na nagsimula ang pagtawag sa akin ng mga mababahong salita
gaya ng baboy at kalabaw. Simula noong ako’y kindergarten, mataba na ako. Pero wala akong
narinig na mga masasakit na salita galing sa mga kaklase ko noon. Siguro dahil nagkakaroon na
sila ng malay at natuto na silang manghusga, kaya nasabi na nila yun. Lingid sa kaalaman ng aking
guro na ako ay nasasaktan na sa kaloob looban ko dahil sa mga sinasabi nila tungkol sa katawan
ko. Kaya lumiban ako sa klase ng dalawang araw dahil ayoko nang pumasok. Alam ni inay ang
rason dahil sinabi ko sa kanya ang nangyari, kaya pumunta sya sa paaralan namin kasama ako,
para kausapin ang guro ko. Pagkatapos noong insidenteng yun, humingi sila ng pagpapatawad
sa akin, at ako’y bumalik na sa dati. Hindi pa rin ako nagpatinag sa mga sinasabi nila at mas nanaig
pa sa akin ang pagiging palaban pagdating sa larangan ng akademiko. Gayunpaman, nakuha ko
pa rin ang unang karangalan mula sa aking guro.

Dahil tuloy tuloy ang aking pagtamo ng 1st honor, binigyan ako ni mama ng dalawang
aklat- isang atlas at isang aklat pang agham. Buong bakasyon, itinutok ko ang aking sarili sa
pagtuklas ng mga bagonga aralin mula sa aking mga aklat. Memoryado ko na ang bawat watawat
ng mga bansa, alam ko na rin ang mga iba’t ibang parte ng katawan ng isang tao, sa loob at labas.
Laking gulat ko na lang noong ako’y nasa pang apat na baitang, na lahat ng binasa ko ay siyang
naging paksa namin buong taon. Kaya naman, di na ako nahirapan pa sa aming klase dahil napag
aralan ko na ito noong bakasyon pa lamang. At sa unang pagkakataon, napili ako bilang kinatawan
sa pang distritong quiz bee sa larangan ng Hekasi. Syempre, hindi pinalagpas ni inay ang
pagkakataon at sinamahan nya ako sa bulwagan kung saan gaganapin ang patimpalak. Doon ko
lamang nasaksihan na parang may maingay na tambol sa loob ng aking dibdib. Pati tunog ng
orasan ay rinig na rinig ko rin. Sa awa ng Diyos, naipanalo ko ito. Malaki ang naging lamang ko
mula sa aking mga katunggali. Tuwang tuwa ang aking inay at agad niyang ibinalita ito sa mga
kumare nya. Ang aking guro naman sa hekasi ay binigyan ako ng aklat pangkasaysayan na siya
namang ikinagagalak ko ng husto. Umabot ako hanggang pang dibisyon. Hindi ko man iyon
naipanalo, pero marami akong nakilalang bagong kaibigan na may parehong hilig. At para sa akin,
mas higit pa iyon kesa sa premyong makukuha ko. Kinuha rin akong kinatawan para sa pang
distritong quiz bee sa larangan ng agham, at nasungkit ko ang pangalawang pwesto. Dahil naging
pabor sa akin ang swerte at dahil sa aking kasipagan, natamo ko ang unang karangalan mula sa
aking guro.

Noong ako’y nasa ikalimang baitang na, doon na ako magsimulang magtuklas ng mga
bagay na hindi ko pa nararanasan. Dahil ako’y may malay na, sumali ako ng boy scout. Sumali
ako sa mga aktibidades na inihanda ng mga guro para sa amin. Sumama din ako sa hiking na
ikinagiliw ko ng sobra. Marami akong natutunang bagay sa pagsali ko. Unang una, natutunan
kong maging responsible sa lahat ng bagay lalo na kapag ikaw ang nangunguna sa grupo ninyo.
Pangalawa, sundin ang inuutos ng nakakatanda para sa kabutihan ng lahat, at pangatlo,
natutunan ko kung paano kumilos ang isang totoong lider ng pangkat. Hindi ko mailarawan ang
aking saya noong ako’y umuwi na galing sa camping. Syempre, nakakamiss yung mga ala-alang
nabuo sa loob ng tatlomg araw na iyon. Masasabi kong sa loob ng isang taong pamamalagi ko sa
ikalimang baitang, napukaw ang aking utak at ito’y naging daan upang ako’y magkakaroon ng
malay tungkol sa aking sarili at sa aking paligid.

Noong ako’y nasa ika-anim na baitang, nagsimula na akong maging isang binata.
Pumipiyok na ang boses ko, nag iba na rin ang hubog ng aking katawan. Pati ugali ko nag iba na
rin. Alam ko na kung ano ang tama at mali. Walang masyadong ganap sa taong iyon. Ako ay
nagtapos ng valedictorian , at nagbigay ako ng talumpati tungkol sa mga naging karanasan ko sa
loob ng pitong taong pamamalagi ko sa paaralan na iyon. Nagpasalamat din ako sa mga guro at
sa aking mga magulang.

Sabi nga sa kanta ni Sharon, “ high school days, oh my high school days, are exciting kay
saya.” Sumakto talaga sa buhay ko noong ako’y nasa high school pa. Ang saya ng buhay ko noong
ako’y nasa junior high pa. Sa kabasalan National High School ako nag aral. dito ko maranasang
mahibang, mabaliw, at naloko ng todo sa mga naiibigan ko. dito rin ako umiyak di dahil
nasasaktan ako, kundi dahil sa mga proyektong ibinibigay sa amin ng aming mga guro.

Ang aking unang pag-ibig ay sumibol noong ako’y nasa grade 7 pa lamang. Bagama’t ako’y
hindi isang tunay na lalaki sa kasalukuyan, pero ang unang nagpagising ng pagkalalaki ko ay isang
babae. Yung tipong kapag nanghihingi sya ng isang pirasong papel, parang may nangyayaring
karera sa dibdib ko. O di kaya , kapag nag uusap kami, nauutal ako. Doon ko napagtantanong,
dapat kumilos na ako na parang isang tunay na lalaki. Nanghingi ako ng payo mula sa aking ama
kung paano manligaw, tapos gumawa ako ng love letter para sa kanya. Dahil ako’y isang torpe,
pinagamit ko yung account ko sa kaibigan kong babae, saka ko sya inutusan na ligawan yung
iniibig ko sa facebook. Naging kami nung babae, at hindi ko alam kung ano gagawin ko para
mapasaya sya. Walang ganap sa amin noong kami pa. Hanggang sa di na lang namin namalayan
na bumalik kami sa pagiging magkaibigan. Pero hindi kami naghiwalay, nawala lang talaga yung
sparks at naging magkaibigan ulit. Saka ko lang din nalaman na sinusunog nya pala yung love
letter na pinadala ko kahit di pa nababasa. Patuloy pa rin ako sa pagiging honored student, pero
hindi na ako yung nasa itaas. Ayos na ako, sabagay mas matalino naman iyon kesa sa akin.
Sa high school ko rin natuklasan ang tunay kong pagkatao. Noong grade 8 ako, umibig ako
sa isang lalaking hindi naman masyadong kagwapuhan. Noong grade 9 naman , nabaliw ako ng
todo sa isang lalaki na nasa kabilang section dahil nakuha nya ako sa kilay nyang makapal. Doon
ko nasabing ako’y isang bakla. Ngunit nilabanan ko ito. Noong grade 10 ako, nanligaw ako sa ,
kaklase kong babae. Muntikan na sana akong sagutin, kaso nandiri na ako. Umamin na ako, na
ginamit ko lang sya dahil nagbabakasakali akong maibalik ang aking pagkalalaki. Pero hanggang
ngayon, magkaibigan na lang muna kami. Saka ayoko nang manligaw pa ulit ng babae. Sa isip ko
kasi, parang binubuhusan ako ng mainit na tubig kapag nagtetext ako ng mga matatamis na salita
sa kanya. Sa high school ko rin natagpuan ang aking mga tunay na kaibigan, na hanggang ngayon
ay lalong tumibay abnbg aming pagsasamahan. Di ko alam, na yung kalaban ko sa quiz bee dati,
ay siyang naging bestfriend ko ngayon. Pati magulang namin, magbestfriends na rin. Natatandaan
ko pa, noong grade 7 kami, hindi sumang ayon ang isa naming kaklase kung bakit ako nasama sa
top 5. Narinig niya yung sinabi ng kaklase ko, tapos ipinagtanggol nya ako. Sabi nya, wag nya raw
akong maliitin kasi di hamak na mas lamang ako sa kanya. Tumango na lang ang kaklase ko, dahil
pinagsabihan sya ng aming top 1 na syang bestfriend ko.

Noong ako’y nasa Senior High na, dito ko naramdaman na malapit ko nang maabot ang
aking pangarap. Pinili ko ang STEM, Dahil gusto kong maging isang doktor. Hindi madali ang buhay
sa STEM. Calculus dito, general math doon. Makapal na photocopy para sa biology, tapos isang
libro para sa chemistry. Pero kinaya ko ang lahat at nakapagtapos ako ng senior high. Dito ko na
rin inilatag ang aking kapa at pinalaya ang aking sarili na maging bakla. Pero patago pa rin dahil
ayaw kong malaman ni tatay ang aking tunay na pagkatao. Dumating sa puntong gusto ko na
umamin sa kanila. Kinuha ko na ang oportunidad na umamin sa kanila noong kompleto kami sa
hapagkainan. Umamin akong bakla ako, at tatanggapin ko kung ano gagawin nila sa akin.
Tumahimik silang lahat. Alam ko sa sarili ko na bubugbugin ako pagkatapos kong umamin, pero
iba ang nangyari. Sinabihan lang ako ng aking ama na ayos lang maging bakla, wag ko lang daw
siraan ang apelyido namin. Magmula noon, mas tumibay pa ang aming pagsasama bilang mag-
ama. Minsan nga, nagbibiro pa sya kung kamusta na raw kami ng boyfriend ko. sa totoong buhay
naman, wala akong boyfriend.
Ang aking buhay ay parang pelikula, may parteng masaya, may malungkot, may
nakakakilig, may masakit, may matamis, at may mapait. Sa kasalukuyan, ako’y nag aaral sa marian
college at kumuha ako ng kursong BSBA. Matindi ang aking napagdaanan sa unang semester pa
lamang. Sa totoo lang, ay ayaw ko sa kursong kinuha ko. simula pagkabata, pangarap kong maging
doktor. Pero pinipilit akong pasuutin ng kurbata ng aking inay sa halip na stethoscope na
nakalambitin sa aking leeg. Kaya hindi madali sa akin ang mga paksang tinatalakay nila kasi kahit
anong pilit kong mahalin ang kursong ito, wala pa ring pagbabago. Alam kong mahirap ang buhay
ng college, pero nasisiyahan pa rin ako sa aking mga natutunan. Hanggang dito nalang muna ako
, at nawa’y madadagdagan pa ang aking kwento sa hinaharap.

You might also like