Pumunta sa nilalaman

Laryo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang laryo

Ang laryo o ladrilyo, mula sa salitang Espanyol na ladrillo, ay isang kagamitan sa paggawa ng mga pader, sementadong daanan at iba pang aspeto ng pagkakantero. Ayon sa kaugalian, ang salitang laryo ay tumutukoy sa isang bagay na binubuo ng luwad o putik, ngunit ngayon ito ay tumutukoy na sa mga hugis-parihabang bagay na inilalatag sa pinaghalong semento at buhangin na nilagyan ng tubig. Ang isang laryo ay maaaring gawa sa putik, buhangin at apog, o kaya naman ay semento. Ito ay may iba’t ibang uri, materyal at laki na depende sa rehiyon at panahon kung saan ito nagmula, at ito ay ginagawa nang maramihan. May dalawang kategorya ang laryo ang isa ay niluto sa apoy at ang isa naman ay hindi.

Ang bloke ay isa pang salita na tumutukoy sa isang hugis-parihabang bagay na gawa sa kaparehong materyal na ginagamit sa paggawa ng laryo, ngunit kadalasan ay mas malaki ito. Ang mga magagaang uri ng laryo ay gawa sa pinagsama-samang pinaalsang putik.

Ang mga laryong niluto sa apoy ay isa sa mga pinakamatatag at pinakamatibay na materyales sa konstruksiyon, minsan din ay tinatawag itong artipisyal na bato. Ito ay ginagamit simula pa noong 5000 BC. Ang mga laryo naman na pinatuyo sa hangin, o tinatawag na mudbrick sa wikang Ingles, ay mayroong kasaysayan na mas matanda pa kaysa sa ladrilyong niluto sa apoy, at mayroon din itong sangkap na pambigkis tulad ng dayami.