Kabataan ni Hesus
Ang Kabataan ni Hesus ay ang nakatalang panahon mula pagkakasilang at Kamusmusan ni Hesus[1] o ng Batang Hesus hanggang sa hindi nakatala ngunit pinaniniwalaang naging buhay ni Hesus pagkaraan ng kaniyang ikalabindalawang taong edad sa mundo bago umabot sa edad na tatlumpo.[2][3]
Pamumuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bilang Nazareno
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mula sa pagkakaluwal kay Hesus sa isang sabsaban sa Betlehem (kilala rin bilang Belen) na kinakitaan ng pagdalaw ng Tatlong Haring Mago at ng Pagsamba ng mga Pastol, namuhay at lumaki si Hesus sa Nazaret.[2][3] Nabanggit sa Ebanghelyo ni Mateo, sa Mateo 13:55, na tumulong siya sa kanyang amang si Jose bilang isang karpintero o anluwage.[2][3] Bukod dito, pinaniniwalaan din na dumanas siya ng buhay na alinsunod sa mga nakaugaliang gawain ng isang kabataang lalaking Hudyo.[3] Bilang bahagi ng pananampalatayang Hudaismo, natutunan niyang sambitin ang Batas ni Moises.[2]
Pagtatalaga sa templo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nang labindalawang taong gulang na si Hesus, dinala siya ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang italaga sa Panginoong Diyos alinsunod sa Batas ni Moises at sa "Batas ng Panginoon" na nagsasabing "ang lahat ng batang lalaki ay itatalaga sa Panginoon."[1] Ito ang tinatawag na Ang Presentasyon sa Templo o Ang Paghahain (Paghahandog, Pagtatanghal o Pagtatalaga) kay Hesus sa Templo[4], isang tagpuan sa buhay ni Hesus na naging ikaapat na Misteryo sa Tuwa sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.[5] Naging paksa rin ito ng isang maikling kuwentong pambata na muling isinulat ni Walter Russell Bowie batay sa nakalahad sa Bagong Tipan ng Bibliya. Pinamagatan ni Bowie itong The Boy Jesus (o "Ang Batang Lalaking si Hesus").[2] Mayroon itong ganitong kabuuran:
- Isinama nina Jose at Maria ang labindalawang taong gulang na si Hesus sa Jerusalem para ipagdiwang ang isa sa pinakamahalagang kapistahan sa taon ng mga Hudyo: ang Pista ng Paskwa, na nagsimula pa sa pagtakas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa sinaunang Ehipto sa tulong ni Moises. Ibig ng lahat ng mga Hudyong mag-anak na ipagdiwang ang pistang ito sa Jerusalem bilang pagalala sa naging pagtulong at nananatiling pagpiling sa kanila ng Diyos. Nangangagsiawit sila ng mga magaganda at matatandang mga awiting pangmanlalakbay: ang mga awiting peregrino o awit ng mga pilgrimo. Mula sa Nazaret, naglalakbay at muling tinatahak ng mga magsipagdiriwang na mga pamilyang Hudyong ito - katulad ng mag-anak ni Hesus at ng kanilang mga kaibigan - ang mga niyapakang landasin ng mga bayani ng isang mas nauna pang panahon katulad nina Gideon at kaniyang mga tauhan, David, Jonathan, Saul. Matapos nilang tawirin ang Kapatagan ng Esdraelon, lumiko ang mga ito para tawirin naman ang Ilog Jordan bilang pagiwas sa mga Samaritanong hindi kapalagayan ng loob ng mga Israelita. Pagkatapos ng pagiwas na ito, kapag narating na ang bahaging kalapit ng Lungsod ng Jericho, muling tatawid ang mga manlalakbay para naman marating at akyatin ang mga maliliit na bundok na magdadala sa kanila sa mismong Jerusalem. Sa loob ng Jerusalem, kabilang ang pagdalaw sa templo, isinasagawa ng mga Hudyo ang kanilang mga kaugalian na nagpapakita ng pagdiriwang ng Paskwa: ang pagkain ng hapunang pampaskwa, at pananalangin. Sa panahong ito, bagaman wala na sa Ehipto ang mga Israelita, hindi pa rin sila ganap na malaya sapagkat nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng sinaunang Roma, kaya't nasa isip ng batang Hesus ang katanungan kung ano ba ang ibig ng Diyos para sa kanyang mga mamamayan. Pagkaraan ng selebrasyon, nagsisipanumbalik na sa Nazaret ang mga mag-anak at magkakaibigan. Inakala nina Jose at Maria na kasama ng ibang pangkat si Hesus, subalit nang humintil sila sa isang pook para mamahinga at magpalipas ng gabi, nalaman nilang nawawala si Hesus. Nagbalik sila sa Jerusalem. Natagpuan nila si Hesus sa templo, sa piling ng mga gurong maalam sa mga banal na kasulatan at batas ng Diyos. Tinanong ni Maria si Hesus kung bakit ginawa nito ang magpaiwan. Nabigla si Hesus sa tanong at sumagot ng ganito: "Hindi ba ninyo alam na dapat akong nasa tahanan ng aking Ama?" Ang Diyos ang tinutukoy na Ama ng batang si Hesus.[2]
Bilang panganay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nang sumakabilang buhay si Jose, ginampanan niya ang tungkulin ng isang panganay na anak, na suportahan ang mag-anak na naiwan ng magulang na ama.[3] Katulad ng ama, naghanapbuhay siya bilang isang karpintero.[2] Bagaman hindi nagpapahiwatig ang Bagong Tipan ng Bibliya (partikular na ang salin na nasa Griyego at wala rin sa mga Ebanghelyo nina San Lucas, San Mateo, at San Marcos) na may mga kapatid si Hesus, ikinabit sa kanya ang taguring panganay bilang isang "marangal na taguri" na may kaugnayan sa Batas ni Moises (batas na matatagpuan sa Aklat ng Exodo sa Exodo 13:2 at Exodo 13:11) sa Lumang Tipan ng Bibliya.[1]
Paglalagom
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ang pinaniniwalaang naging buhay ni Hesus, bagaman hindi kumpleto ang nakatalang salaysay mula sa mga Ebanghelyo ng Bagong Tipan ng Bibliya, partikular na ang ukol sa nawawala o hindi nababanggit na labingwalong taon ng kanyang buhay. Idinahilan na lamang ni San Juan Ebanghelista sa Ebanghelyo ni Juan na kung nasulat ang lahat ng ibang bagay-bagay sa buhay ni Hesus, maaaring hindi magkasyang lahat sa mundo ang mga aklat na maglalaman ng mga ito. Matatagpuan ito sa Juan 21:25. Maging ang "maingat na manunulat ng kasaysayan" o historyador na si San Lucas ay nilaktawan ang mga taon ng buhay ni Hesus sa pagitan ng mga edad na labindalawa at tatlumpo.[3] Nang muling lumitaw si Hesus, batay sa mga Ebanghelyo, mayroon nang tatlumpung taong gulang si Hesus, kung saan kabilang ang tagpuan nang binyagan siya ng nasa hustong gulang na ring si Juan Bautista sa Ilog Jordan.[2]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Banal na Sanggol o Banal na Batang Hesus
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 1.2 Abriol, Jose C. (2000). "mula sa katagang Kamusmusan ni Jesus, pahina 1513". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 "Childhood and Baptism, Jesus Christ, pahina 82 hanggang 84; The Boy Jesus, Bible Stories, pahina 168 hanggang 169". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 "Even Luke, the careful historian, skips Jesus' years between twelve and thirty. Why is nothing written about that time?, paliwanag para sa Lucas (Luke) 2:52 hanggang Lucas 3:1, pahina 153". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. 2006.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Santo Rosaryo, Dasal na Pampurok, Maliit na Dasalan ng Pagrorosaryo Naka-arkibo 2008-03-26 sa Wayback Machine., nakuha noong Marso 18, 2008
- ↑ Peyton, Fr. Patrick, CSC. "The Presentation," Pray the Rosary, New Expanded Edition, With the Five New Luminous Mysteries, Sr. M. Kathleen Flanigan, SC, PhD (nihil obstat, censor liborium), Frank J. Rodimer, JCD, Bishop of Paterson (imprimatur), Catholic Book Publishing Company, New Jersey (nilimbag sa Korea), 2002, pahina 12 at 21.