Ang mikropono o microphone[1] [bigkas: maykrofown], na tinatawag ding mike [bigkas: mayk], maik (mga pinaikling bersyon ng microphone) ay isang akostiko-hanggang-elektrikong transduktor o sensor na may kakayahing palitan o baguhin ang tunog para maging hudyat na elektriko. Ginagamit ang mga ito sa maraming mga bagay katulad ng telepono, grabador o rekorder (tape recorder), aparatong pantulong-sa-pandinig, produksiyon ng pelikula, buhay at nakarekord na inheriyang awdyo, sa pagbobrodkast sa radyo at telebisyon, at mga kompyuter para masagap ang tinig, VoIP, at maging sa mga di-akostikong paggamit tulad ng pagsusuring ultrasoniko.

Isang uri ng mikropono.
Mikroponong pang-kompyuter.

Mga bahagi ng mikropono

baguhin

Kabilang sa mga payak na bahagi ng mikropono ang dayapram (diaphragm) at ang kapsula. Isang manipis at matalon na piraso ng metal, papel, o plastik ang nagsisilbing dayapram. Samantalang naglalaman naman ang kapsula o kapsul ng mga maliliit na butil ng karbon.[2]

Paggana ng mikropono

baguhin

Nagiging enerhiyang kuryente ang tunog sa pamamagitan ng mikropono sapagkat mayroon itong mga materyales, katulad ng mga butil ng karbon, na nagpapadaloy (nagsisilbing konduktor) sa kuryente kapag ipinasailalim ng presyon o lakas. Mas maraming kapangyarihan o presyon, mas maraming elektrisidad ang dadaloy.[2]

Kapag tumama sa dayapram ang mga alon ng tunog, itinutulak at pinipiga nito ang mga butil ng karbon para magkadikit-dikit. Kapag malakas ang presyon o lakas ng pagtulak o pagpiga, malakas din ang daloy ng kuryente; kapag mahina ang presyon, mahina rin ang daloy ng kuryente. Laging nakaayon o depende ang daloy ng kuryente sa natatanggap na bilang o kantidad ng lakas o presyon. Nakaayon naman o depende ang bilang o timbang ng presyon mula sa dami ng tunog na natatanggap nito. Kapag tumigil ang tunog o pagpapatugtog, sa kaso ng musika, magbabalik ang dayapram sa orihinal nitong posisyon, at titigil din ang daloy ng kuryente.[2]

Sanggunian

baguhin
  1. English, Leo James (1977). "Mikropono, microphone, tanggap na ang baybay na Ingles para sa Tagalog sa sangguniang ito, maging ang maik o mike". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 ""How does a microphone work?"". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)