Mariang SInukuan
Mariang SInukuan
Mariang SInukuan
NI EUGENE EVASCO
May diwatang tagapag-ingat ang Bundok Arayat. Siya’y si Mariang Sinukuan, ang anak ni Aring
Suku, ang hari ng araw ng mga Kapampangan. Nakatira ang diwata sa ginintuang palasyo sa tuktok
ng bundok upang matanaw nang husto ang sariling kaharian.
Binabantayan niya ang mga alagang hayop at kulisap sa bundok. Napakaamo ng mga ito at hindi
takot sa tao. Hindi niya pinahihintulutang mag-away ang mga alaga. Pinalalaro niya ang mga
orkidyas at pinababango ang mga bulaklak. Tinitiyak din ng diwata na namumunga sa tamang
panahon ang mga tanim niyang puno.
Pinalulusog sila ng dalawampu’t limang dalaga na lagging bumababa sa bayan para bumili ng darak
na makakain. Tuwang-tuwa ang taong-bayan sa mga butil ng ginto na bayad sa kanila ng mga
katuwang.
May dalawampu’t limang katuwang na dalaga ang diwata. Sila’y mga Ita na inatasan ng diwata na
mag-alaga sa mga baboy-ramo sa Bundok Arayat.Tulad ni Mariang Sinukuan, balot ng mamahaling
alahas ang mga Ita. Ang mga hayop na alaga ay maligayang-maligaya sa Arayat.
Sinasabing hindi nauubusan ng ginto sa palasyo ni Mariang Sinukuan.Bumubukal pa ng mga
mamahaling bato tulad ng diyamante, rubi, sapiro, at Esmeralda sa palasyo. Ang mga ito’y handog
ng engkantong minsang umibig kay Mariang Sinukuan.
Kung bumababa ng bundok ang diwata at bumibisita sa bayan, suot niya ang magarang damit na
yari sa lantay na ginto. Pinagniningning ang kanyang damit ng mga mamahalin at makukulay na
bato. Napatitig ang lahat sa kagandahan ni Mariang Sinukuan. “Hayan na ang diwata! Hayan na ang
diwata!” sigaw ng mga batang manghang-mangha.
Kapag nalalapit na ang pista o anumang kasiyahan sa bayan, nagpapahiram ng mga kuwintas,
singsing at hikaw si Mariang Sinukuan sa mga dalaga. Pinahihiram din niya ng mga kagamitang
pangkusina ang mga ito.Yari ang mga ito sa ginto. Agad ding pinahihinog ng diwata ang mga bunga
at mga butil ng palay para may maihaing pagkain sa pista.
Nagbibigay din siya ng mga sako ng asukal, harina, malagkit, at niyog sa mga pamilyang hindi
nakapag-ani nang masagana.
Pinahihintulutan din ng diwata na makapaligo ang sinumang may karamdaman sa mga bukal sa
Bundok Arayat. Nakapagpapagaling ng anumang sakit ang tubig na nagmumula rito.
Malayang makapamasyal ng Bundok Arayat ang mga taga-bayan para masilayan ang palasyo ng
diwata. Doo’y nakapamahinga sila at hinahangaan ang paligid. Nakapaglalaro ang mga bata sa
hardin ni Mariang Sinukuan. Nakapamimitas sila ng mga bunga at bulaklak. Ang mga bisita sa
Arayat ay nabubusog sa meryendang mangga, kaimito, makopa,at dalandan.
Ngunit ipinagbabawal ni Mariang Sinukuan na mag-uwi ng mga ito sa bayan. “Bumalik na lamang
kayo rito,” sabi niya sa mga tao. Laging bukas ang aking kaharian sa sinumang magbabalik.”
Dahil bantog sa kanyang kabutihan, sinuman ay maaaring humiling ng makakain sa diwata.“Mariang
Sinukuan, nais naming makatikim ng sinampalukang manok! Mariang Sinukuan, gusto namin ng
inihaw na karne! Mariang Sinukuan, nais namin ng sinigang! Mariang Sinukuan, nais namin ng
litson!”Pagbalik ng mga humiling sa kanyang tahanan, magugulat silang nakahain na sa mesa ang
mga hiniling sa diwata.
Isang tag-araw, parang apoy na kumalat ang labis na pagkatuyo ng lupa sa kapatagan. Nalanta ang
lahat ng pananim ng mga tao. Natuyo ang kanilang palayan at nagkabitak-bitak ito. Naglaho ang
tubig sa mga ilog at sapa. Nakita ito ni Mariang Sinukuan kaya inutusan niya ang dalawampu’t
limang katuwang na Ita na mamahagi ng makakain sa taumbayan. “Kaybait ninyo! Kaybuti ninyo!”
sabi ng mga tao habang naluluha sa biyayang ipinagkaloob ng diwata ng Bundok Arayat.
Namahagi rin ang diwata ng mga luya sa bawat tahanan. Lubos na nagtaka ang lahat sa mga
pirasong ito ng luya at muntik na nila itong itapon. Kinabukasan, nabigla ang taumbayan nang
maging mataas na uri ng ginto ang mga luya! Agad ding nagpadala si Mariang Sinukuan ng ulan
para manumbalik ang lusog ng lupa sa bayan. Namahagi din siya ng mga binhi ng palay at mais na
mabilis tumubo at namumunga nang hitik na hitik.
Lumipas ang panahon at naging sakim ang mga tao. Gusto nilang maangkin ang lahat ng ginto at
alahas ni Mariang Sinukuan. Napapagod na sila sa pag-akyat at pagbaba ng bundok kaya hindi na
nila ibinabalik ang mga hiniram na alahas sa diwata.Pinatutunaw nila ang kaldero, kawali, sandok at
kutsarang ginto ni Mariang Sinukuan para ipagbenta sa mga banyaga.
Dinadaya nila ang dalawampu’t limang Ita kapag nagtitinda sila ng darak. “Kulang pa kayo ng
kalahating sako ng ginto,” lagi nilang paratang sa mga katuwang ni Mariang Sinukuan.
Humiling din ang lahat ng kung anu-anong bagong pagkain kay Mariang Sinukuan. “Gusto namin ng
adobo! Gusto namin ng morkon! Gusto namin ng menudo, pochero, tocino, longganisa, at kare-
kare!”
Nabigla si Mariang Sinukuan. Hindi niya alam kung anu-ano ang mga iyon. Hindi niya kilala ang mga
pagkaing ito dahil pagkain ito ng mga banyaga.”Hayaan ninyo at aalamin ko kung paano ito lulutuin,”
malungkot na sabi ng diwata sa taumbayan. Galit na galit ang taumbayan dahil hindi ito maibigay sa
kanila ng diwata ng Arayat.
Kasama ang mga banyaga, nilusob ng taumbayan ang Bundok Arayat. Pinitas nila ang bawat bunga
sa mga puno. Kinuha nila ang mga bulaklak at mga orkidyas. Hinukay nila ang tanim na luya sa pag-
aakalang magiging ginto muli ito.
Inuwi nila ang mga
baul ng mamahaling bato mula sa
palasyo ng diwata. Hinuli nila lahat ng mga baboy-ramo at dinala sa kapatagan. Pagkaraan, kinatay
nila ang mga ito at nagdaos ng maagang kapistahan.
Hindi pa nasiyahan ang taumbayan kaya sinalakay nila ang palasyo ni Mariang Sinukuan. Kinuha
nila ang dingding na ginto. Pinag-agawan nila maging ang pintong ginto, kurtinang ginto, sahig na
ginto, bubong na ginto. Nag-away pa ang ilan sa pagsalakay sa palasyo. Iniuwi nila ang mga ito at
ipinagbenta sa ibang bayan.
“Bakit kayo nagkaganyan?” Galit na galit si Mariang Sinukuan sa ginawa ng taumbayan. Nilabag ng
mga ito ang kanyang utos na huwag mag-uuwi ng anuman mula sa bundok. Labis itong nagdamdam
dahil hindi na nagsasauli ng kagamitan ang mga tao. Nalungkot ang diwata dahil naubos ang
kanyang mga alagang bulaklak, orkidyas, at baboy-ramo. Pinutol ang kanyang mga puno. Pinalayas
pa ng taumbayan ang dalawampu’t limang Ita na katuwang ng diwata.
Sa tulong ng mga higante at engkanto ng ibang bundok, itinago ni Mariang Sinukuan ang kanyang
palasyong ginto sa pinakailalim ng Bundok Arayat. Ang mga sako-sakong luya na ninakaw ng
taumbayan ay ginawa niyang mga balang. Dumami ang mga ito at sinalakay ang mga taniman.
Naging kalawangin ang mga kagamitang pangkusina at alahas na hindi ibinalik ng mga dalaga sa
diwata ng Arayat. Ang mga mamahaling bato sa mga baul ay naging buhangin. At naging bato ang
mga nakaw na ginto.
Naging kalawangin ang mga kagamitang pangkusina at alahas na hindi ibinalik ng mga dalaga sa
diwata ng Arayat. Ang mga mamahaling bato sa mga baul ay naging buhangin. At naging bato ang
mga nakaw na ginto.
Ngunit ayon sa ilang sabi-sabi, kapag minsan, may isang marikit na binibini sa Bundok Arayat na
masayang kinakausap ang mga hayop, bulaklak, at puno sa gubat, uamaawit-awit pa. Hindi takot
ang mga usa, baboy-ramo, at mga pambihirang ibon na lumapit sa kanya.Sumasayaw ang mga
halaman at namumukadkad ang mga bulaklak kapag lumilitaw ang misteryosang dalaga. Siya kaya
ang diwatang si Mariang Sinukuan