Modyul 1
Modyul 1
Modyul 1
LAYUNIN
Matapos ang yunit na ito, inaasahang matututuhan ng mga estudyante ang mga
sumusunod:
1. Maipaliwanag ang kahulugan at kahalagahan ng wikang Filipino sa pagdadalumat o
pagteteorya.
2. Makapag-iisa-isa ng mga salitang itinanghal na salita ng taon.
3. Magagamit ang mga salitang itinanghal na salita ng taon sa pagbuo ng sariling
pangungusap tungo sa pakikipagkomunikasyon.
PAUNANG PAGTATAYA
PANIMULA:
Ang paksa at mga gawaing inilahad sa modyul na ito ay magsisilbing susi upang iyong
ganap na mabigyang kahalagahan at kahulugan ang salitang “Pagdadalumat” at kaunayan nito sa
proseso ng pag-iisip at pag-urirat sa mga salitang nakaugnay sa salita o paksang dinadalumat. Ito
ang gagabay sa iyo upang lubos pang mapayabong ang iyong talasalitaan na dulot ng katangian
ng wika na buhay at nagbabago ay nagbubunga ito ng mga bagong salita na ganap na itinanghal
at kinilala bilang salita ng taon.
DALOY NG KAALAMAN
A. Kahulugan at Katuturan
Ang PAGDADALUMAT ay isang maagwat na prosesong nagpapalawak at nagpapalalim
sa kasanayan sa malalim at mapanuring pagbasa, pagsulat, at pananaliksik sa wikang Filipino sa
iba’t ibang larangan, sa konteksto ng kontemporaryong sitwasyon at mga pangangailangan ng
bansa at ng mga mamamayang Pilipino.
Ayon kay Nuncio (2018), pagdalumat ang tawag sa proseso ng pag-iisip at pag-urirat sa
mga lantay o ipinahiwatig ng isang salita. Dagdag pa niya, madalas ginagamit lamang ang mga
ito para makabuo ng matino’t makahulugang pahayag o ekspresyon para makipag-usap.
Ang pag-aaral na ito ay may pagtatangkal dalumatin ang salitang “dulansangan”. Gagamitin ang
tatlong lebel ng pagdadalumat ng salita na tumutukoy sa lexical, simbolikal, at diskursibo. Ang
prosesong ito ay batay sa Utopian Natin, sa pagdadalumat ng isang salita.
Talakayin naman natin ang interlingual analisis ng salitang dula. Ginamit na pangunahing
hanguan ng katumbas na kahulugan ang Diksyunaryo-Tesauro ni Panganiban (1971) ngunit
isasama rin ang iba pang pagpapakahulugan ng UPDF (2010) para sa mas malawak at mas
matibay na pagtalakay. Sa Teasauro ni Panganiban (1971), ganito niya binigyang katumbas ang
salitang dula:
Ilokano – pabuya
Pangasinan – palayan
Para naman sa UPDF (2010), binigyan katumbas ang dula sa ganitong paraan:
Hiligaynon – puksa
Bikol – kumain, makihalobilo sa kainan.
Ayon kay Salazar (1968) ang dula ay isang larawan ng buhay na sinasangkapan ng wika,
damdamin at sining. Hinahabi ito upang itanghal, makaaliw, umantig ng damdamin, at
makapaghatid ng isa o higit pang mensahe.
Ayon naman kay Atienza (2001), karaniwan nang ikinakabit sa salitang dula ang mga
konseptong tulad ng teatro, artista, iskrip, pag-arte, stage, costume make-up, set, props, rihersal,
director at palakpak.
Batay sa mga konseptong nakalahad, malawak ang sinisimbulo ng salitang dula bilang
isang salita na nagsisimula sa mga gresya bago na isinilang si kristo (Salazar 1968). Sa
pamamagitan ng dula, maaari nating mabatid ang mga isyung pampolitika, panrelihiyon, pang-
ekonomiya, panlipuna at maging mga usaping tumatalakay sa pag-uugali, pananamit at kaisipan
ng mga taong nabubuhay sa isang lugar. Simbolo ang dula ng representasyon ng mga ganap at
danas ng mga tao ng isang lipunan sa pamamaraang pagtatanghal o dulaan.
Ayon kay Mendoza (2011), hindi na mabilang sa daliri ang napakaraming kahulugan ng
dula. Mula sa konsepto ng mimesis ni Aristotle hanggang sa pagkilala sa iba’t ibang `katangian
taglay nito. Dagdag pa niya, bago dumating ang mga kolonyalistang espanyol, ang dula ay ang
kabuoang ritwal na idinaraos n gating mga ninuno. Sa pamamagitan ng mga awit, at tula bilang
pangunahong anyo ng panitikan at pagkatuto. Kasama ng mga sayaw at pagtugtog ng mga
instrumentong pangmusika, nabubuo ang kolektibong uri ng komunidad.
Samakatwid, kung pakasusuriin ang kalawakang nasasaklaw ng dula, batay sa katuturang
nabanggit, malaki ang maitutulong nito sa kaakuhan ng identidad ng grupo ng mga tao sa isang
lipunan. Isa itong mabisang paraan na nagpapakita ng kaisahan ng mga mamamayan para sa
pagpapahalaga niula sa kanilang kultura at pagkatao.
B. Konsepto ng mga salitang itinanghal na salita ng taon
Friday, Abril 7, 2006
Nailalarawan ng mga bagong salita ang mga kontemporanyong realidad. O ang realidad
ba ang lumilikha ng mga bagong salita? Ano’t anuman, magkatalik ang salita at realidad. At
natatandaan natin ang mundo—ang ating mundo—sa pamamagitan ng mga popular at
mabebentang salita
Halimbawa ng mga ganitong salita ang “metrosexual” at “blingbling”. Ngayon lang
nailahok ang mga ito sa bokabularyong Amerikano-Ingles. Nitong nakalipas na ilang taon,
tanging mga propesyonal na lalaking puti lang ang nakakikilala sa metrosexual at mataginting
lang ang blingbling sa mga mahilig sa hiphop. Sa mga hindi nakakaalam, ang “metrosexual” ay
isang lalaking hindi nababahalang ipagmalaki ang kaniyang pagkahilig sa postura at pananamit.
Ang mga “blingbling” naman ay mga nakasisilaw na abubot sa katawan
Ganito rin kakulay ang mga bukambibig ng mga Filipino. Hindi na halos maiwasan ng
mga kabataan ngayong budburan ng mga salitang tsika, tsugi, at jolog ang kanilang usapan. At
paano naman ang mga medyo tumatanda na? Dapat nilang ipagmalaki ang kanilang
naimbentong mga walang-kupas na salitang “astig,” “hanep,” at “bangag.”
Sa isang subkultura muna umiinog ang mga bagong salita bilang ekspresyon ng
identidad nito. Kung mabenta talaga ang salita, kakalat ito. Sa mga bagets nag-umpisa ang tsika
noong kalagitnaan ng 80s na ang ibig sabihi’y “maikling pakikipag-usap.” May ganoon pa rin
naman itong kahulugan ngayon pero lumawak ang konotasyon nito at naisama pati ang “mang-
aliw,” “hindi pagseryoso sa isang gawain,” “pagkumbinsi ng isang tao sa pamamagitan ng mga
boladas,” “pagiging miyembro ng isang social group,” atbp.
Nakakasakit ka na, Pre!
Magtampo ka kapag sinabihan kang tsáka, tsápter, o mas masahol pa, tsúgi. Iba’t ibang
anyo lang ang mga ito ng pang-uring pangit. At ang talagang ibig sabihin ay “Ang pangit-
pangit.” Naaalala mo ba ang sikat na kantang “I Feel For You” noong 1980s? Si Chaka Khan
ang kumanta nito sa MTV. Tikwas-tikwas ang buhok niya, maga ang mga labi, kumikintab ang
kaniyang kaitiman at taglay niya ang lahat ng mga katangian ng isang negra, na para sa mga
nagkakatuwaang Filipino ay hindi kailanman puwedeng tawaging maganda. Ito ang etimolohiya
ng tsáka. Binagong ispeling naman ng chapter ang tsápter. Kapag dumikit sa isang tao ang
ganitong bansag, ibig sabihin, wala na siya sa eksena. Tapos na ang tsápter niya sa isang
mahabang salaysay. Malamang na onomatopeic ang tsúgi dahil kagaya ito sa tunog ng
pagbagsak ng talim sa sangkalan.
Madalas na nagtatagal ang mga salitang tumutukoy sa isang mahalagang karanasang
panlipunan. May puwang na ang astig (binaligtad na “tigas”) sa ating wika. Kasinsigasig pa rin
ng mga jeproks ang mga kabataan ngayon sa paggamit sa salitang ito. Maging kasinghaba kaya
ng buhay ng “baduy” ang “jolog?” O susunod ito sa yapak ng bakya na halos limot na ngayon.
Sa ngayon, namamayagpag ang ukay sa pang-araw-araw na buhay ng mga
Filipino. Mula sa mga salitang hukay at halukay, tumutukoy ito sa pamimili ng mga mayaman
at ng mga kapos sa pera ng mura, imported, at pinaglumaang mga gamit. Pinasikat pa ito lalo ng
isang commercial ng sabong panlaba na nagpauso sa eupemistikong bersiyong “Made in UK”.
Paniniktik sa mga salita.
Sa Estados Unidos, ilang dekada nang nagmamasid sa mga salita ang American Dialect
Society (ADS). Taon-taon, nagkikita-kita ang mga miyembro nito sa isang asamblea para pag-
usapan kung ano-anong mga salita mula sa nakaraang taon ang makapaglalarawan sa diwa ng
panahon. Mula sa mahabang listahan, pumipili ang mga miyembro kung alin ang puwedeng
lumaban para sa titulong “Word of the Year”. Nanalo kailan lang ang “metrosexual”,
“blingbling”, at “shock and awe”.
Dahil sa gawaing ito ng ALS, ang Filipinas Institute of Translation (FIT), sa
pakikipagtulungan ng UP Institute of Creative Writing, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas
(UMPIL), at ng Ople Foundation ay naengganyong mag-isponsor ng SAWIKAAN: Salita ng
Taon. Naganap ang unang forum para sa “Salita ng Taon” noong Agosto 2004. Nagkaroon
muna ng pre-event selection--kinonsulta ang mga eksperto, iskolar, at matuwain sa wika para
tukuyin ang mga potensiyal na salita ng taon at ikampanya ang mga ito para mapili. Popular
dapat ang salita ng kalahok at nagpapahayag ng mahahalagang karanasan mula sa nakaraang
taon.
Demokrasya at “canvass”
Sa SAWIKAAN na ginanap noong Agosto 2004 sa Bulwagang Rizal, tinalo ng ‘canvass’
ang 14 pang lahok. Iprinisinta ni Randy David ng UP Departamento ng Sosyolohiya ang isang
papel na nagpapaliwang sa halaga ng canvass sa paggarantiya ng pag-iral ng demokrasya sa
bansa. Ang “úkay-úkay” na sinulat ni Dr. Delfin Tolentino ng UP Baguio ang nanalo ng
ikalawang gantimpala samantalang nagsalo sa ikatlong gantimpala ang “tsúgi” ni Dr. Roland
Tolentino at “tsíka” ni Ate Glow (Rene Facunla). Tumanggap ng higit sa P20,000 ang mga
nanalo.
Nasorpresa ang mga estudyante, mga guro, at mga matuwain sa wika sa samutsari at
mayamang talakayan tungkol sa mga salitang itinuturing na karaniwan at pangkanto.
Gaya ng inaasahan, pinakakuwela ang presentasyon ni Vim Nadera. Pinangatawanan
niya ang pagiging aktuwal na representasyon ng mga suki ng úkay, nagsabit siya ng kung ano-
anong abubot na nahagilap sa nagkalat na mga tindahang segunda-mano. Naitampok din ang
mga salitang salbakuta, tapsilog, dagdag-bawas, terorista, jolog, at fashionista; ipinaliwanag ang
mga ito para sumalamin sa buhay-buhay at panahon, sa sikolohiya, sa politika, at sa pananaw ng
mga Filipino. Ipinapahayag ng mga salitang ito ang diwa at puso ng karaniwang tao. Nakaisip
na ng makabuluhang proyekto ang FIT para itaguyod ang Buwan ng Wika.
Matagumpay ding naisagawa ang SAWIKAAN 2005. Nagwagi bilang Salita ng Taon ang
“huweteng” na sinundan ng “pasawáy” at “tibák/T-bak.” Inisponsor ito nina Roberto T.
Anonuevo, Dr. Patrick Flores, at tambalang Salvador Biglaen at April Jade Imson. Naging
interesante rin ang presentasyon sa mga popular na salitang wire-tapping, caregiver, blog,
tsunami, coño, networking, atbp.
Naghahanda na ang FIT para sa SAWIKAAN 2006: Mga Salita ng Taon. Hinihimok ang
mga iskolar at mga matuwain sa wika na magmasid ng mga potensiyal na salita at magpasa ng
mga nominasyon kasama ang isang angkop na sanaysay. Para sa mga tanong at paraan ng
pagsusumite, mangyaring mag-email sa [email protected].
Ipagpapatuloy ang bagong komponent na idinagdag sa Sawikaan 2005. Magbibigay ng
panayam ang mga iskolar mula sa Espanya at Malaysia ng karanasan ng kani-kanilang bansa sa
pagdevelop ng pambansang wika.
Malapit nang maisalibro ang mga binasang papel sa Sawikaan 2005. Pinamamatnugutan
ito nina Dr. Galileo Zafra at Prop. Michael Coroza at ilalathala ng University of the Philippines
Press. Inaaasahang mapapaangat nito ang kamalayan sa halaga ng mga salita sa pamamagitan ng
mga talakay ng 12 manunulat na lumahok sa kumperensiya. (Salin mula sa Ingles ni Salvador
Biglaen)
e. “Miskol” (2007) – Kadalasang sinasabi iyan upang maisave ang number ng kausap,
mahanap ang nawawalang cellphone, o pinagyabang ang bagong ring tone. Ngunit
naging paraan din ang pag’miskol upang magparamdam sa isang mahal sa buhay
nang hindi kailangang mabawasan ang load. Tinalo ng ‘miskol’ ang mga salitang
‘roro’ at ‘friendster’ upang maging Word of the Year sa botohan ng mga pantas sa
wikang Filipino, mga guro at estudyante na naganap sa isang kumperensya sa
Unibersidad ng Pilipinas. Ito ay ayon kay Alexander Villafania sa kanyang artikulo sa
Inquirer.net*. Ang salitang ‘miskol’ay Filipino homonym ng ‘missed call’ – o isang
tawag na hindi natanggap ng tinatawagan. Sa isang presentasyon sa Sawikaan: Salita
ng Taon Conference, sinabi ni Professor Adrian Remodo ng Ateneo de Naga na
ginagamit ang ‘miskol’ bilang isang alternatibong paraan upang iparamdam ang
presensya ng isang tao. Ayon pa sa kanya, maaaring ang ibig sabihin nito ay, "Buhay
pa ako, Magparamdam ka naman." Ginagamit din ang ‘miskol’ tuwing nagpapalitan o
nagbibigayan ng numero sa cellphone ang dalawang tao. Sinasabi ang "Miskulin mo
ako" upang mailagay sa directory ng cellphone ang numero ng taong nag-miskol.
Pangalawa na ang ‘miskol’ sa natanghal na Word of the Year na nagmula sa
malawakang paggamit ng cellphones sa bansa. Nauna dito ang "lobat" (low battery),
na siyang nanalo noong nakaraang taon. Ang taunang Sawikaan na pinopondohan ng
National Commission for Culture and the Arts at ng Blas Ople Foundation ay
ginaganap upang kilalanin ang malaking bahaging ginagampanan ng wika sa pag-
unawa ng mga Pilipino ng mundo.