Love Feast Tagalog
Love Feast Tagalog
Love Feast Tagalog
(LOVE FEAST)
Ang Piging ng Pag-ibig (Love Feast o Agapē Meal) ay isang salu-salong Kristyano. Inaalala nito ang
pakikisalo ni Jesus sa hapag-kainan kasama ng kanyang mga alagad. Ipinapayag din nito ang
“koinonia”, o ang komunidad, pagsasalu-salo, ang pagsasama-sama (community, sharing, and
fellowship) ng sambahayan ni Cristo.
Sa sinaunang iglesia, magkaugnay ang kasaysayan ng Piging at ng Banal na Hapunan, ngunit dapat
alalahaing magkaiba ang dalawang ito. Ang Banal na Hapunan ay ipinagdiriwang ng lahat ng mga
Kristyano sa buong kasaysayan ng iglesia. Samantala, ang Piging ng Pag-ibig ay ipinagdiriwang lamang
sa loob ng ilang mga denominasyon at sa ilang mga pagkakataon lamang.
Ang modernong kasaysayan ng Piging ay nagsimula kay Conde Zizendorf, pinuno ng ilang mga
Protestante sa Alemanya na tinatawag na mga Moravian. Noong 1727 nagsimula ang mga Moravian na
magdiwang ng pagsasalu-salo na may kasamang panalangin, relihyosong pag-uusap, at pag-aawitan
ng mga imno. Unang naranasan ito ni John Wesley noong 1737 sa Savannah, Georgia sa Amerika.
Sinulat niya sa kanyang Journal, “Pagkatapos ng panalangin sa gabi” [vesper service], “nakisalo kami sa
mga Aleman” [mga Moravian] sa isa sa kanilang mga Piging ng Pag-ibig. Nagsimula at nagtapos ito sa
pasasalamat at panalangin. Ipinagdiwang nila ito nang maayos at mataimtim, na wari’y parang noong
panahon ng mga sinaunang Kristyano na karapat-dapat kay Cristo.”
Ang Piging ay naging bahagi ng tinatawag na “Evangelical Revival” at regular na naging bahagi ng
pagtitipon ng mga Metodista sa Inglaterra, Nang pumunta ang ilang mga Metodista sa Amerika,
ginawa nilang mahalagang bahagi ang Piging sa sinaunang Metodismo sa Amerika.
Bagamat naging bihira ang pagdiriwang ng Piging ng Pag-ibig sa mga sumusunod na panahon,
ginaganap pa rin ito sa ibang mga lugar. Sa nagdaang mga panahon, ito ay ipinagdiriwang muli.
Halimbawa, maari itong ipagdiwang sa Komperansya Anwal at sa Charge Conference sa iglesia, kung
kailan maaring ibahagi ng mga tao ang ginagawa ng Diyos sa kanilang buhay at ang kanilang pag-asa
at tiwala sa kanya para sa hinaharap. Maari ring gawin ang Piging sa mga maliliit ng grupo tulad ng
mga Covenant Discipleship groups. Maari rin itong ipagdiwang sa mga araw ng Pasko, Bagong Taon, at
Pentekostes. Maari ring gawing bahagi ang piging sa salu-salong kainan ng mga kasapi ng iglesia lokal.
Ang Piging ng Pag-ibig ay karaniwang ipinagdiriwang sa mga panahong hindi maaring ipagdiwang ang
Banal na Hapunan. Halimabawa, sa panahong walang pastor na maaring manguna sa pagdiriwang ng
Banal na Sakramento. O kaya may pagtitipon ng mga Kristyano mula sa iba’t ibang mga denominasyon,
ngunit may damdamin sila na hindi sila malayang magsalu-salo sa Banal na Komunyon. O kaya sa mga
pagkakataon na may pagnanais na magkaroon ng isang malayang pagdiriwang kaysa sa isang pormal
na ritwal ng Komunyon. O kaya sa mga salu-salong kainan o iba pang pagkakataon na mahirap gawin
ang Banal na Komunyon.
Ang Piging na Pag-ibig ay karaniwang ipinagdiwang sa palibot ng isang dulang na nakaharap ang mga
tao sa isa’t isa, ngunit maari rin itong gawin kung saan nakaupo ang mga tao sa mga hilera at
nakaharap sa harapan. Maari itong gawin sa loob ng iglesia, mga fellowship hall, o sa loob ng mga
tahanan.
Ang isang malaking kalamangan (advantage) ng Piging ng Pag-ibig ay maaring itong ipagdiwang ng
sinumang Kristyano. Mahalaga ang partisipasyon at pangunguna ng kapulungan, lalo na kasama ng
mga bata.
Mahalaga ang pagbabahagi ng patotoo at papuri sa mga Piging. Ang patotoo ay personal pahayag sa
biyaya ng Diyos o ang pagkilos ng Diyos sa buhay ng ibang mga tao. Ang papuri ay maaring mga imno,
awit, o mga pangungusap. Maaring umawit ng pambukas at pangwakas na imno, o kaya mag-awitan
ayon sa pagkilos ng Espiritu. Maaring salitan ang awitan at pagpatotoo, ayon sa pagkilos ng Espiritu.
Tinuro ni John Wesley na maaring gawin ang malayang pagsamba nang may kaayusan.
Mahalaga ang panalangin sa Piging ng Pag-ibig. Maaring gumamit ng mga nakasulat ng panalangin
tulad ng Ama Namin at ng Be present at our table, Lord (tignan sa ibaba). Maari ring magkaroon ng
malalayang panalangin mula sa kapulungan.
Mahalaga rin ang Kasulatan sa Piging ng Pag-ibig. Maaring basahin ang mga mungkahing kasulatan sa
ibaba, o iba pang mga talata. Maari ring magbahagi ng mga talata ang kapulungan ayon sa pagkilos ng
Espiritu. Maari ring magkaroon ng impormal na sermon o iba pang mensahe na nagpapatotoo sa mga
kasulatang ibinahagi.
Ang Piging ng Pag-ibig ay pagsalu-salo sa pagkain. Dapat iwasang gumamit ng tinapay at alak o katas
ng ubas upang maipakita na iba ang Piging ng Pag-ibig at ang Banal na Komunyon. Maaring gumamit
ng karaniwang tinapay, biskwit, o iba pang uri ng tinapay. Maaring ipasa ang tinapay kung saan
maaring pumiraso ang bawat isa, o magkaroon ng isang basket kung saan ipinasa ang mga biskwit o
ibang tinapay. Ang karaniwang ginagamit na inumin ay tubig, ngunit maari ring gumamit ng juice, kape,
o tsaa. Ginamit ng mga sinaunang Metodista ang isang tasa na pinagpapasa-pasa (na tinatawag na
“the loving cup”, na may dalawang hawakan), ngunit maari ring gumamit ng mga tigitig-isang baso.
Maaring magkaroon ng salu-salo ng pagkain pagkatapos ng Piging. Maaring magdala ang bawat isang
tao o bawat isang pamilya ng pagkaing pagsasaluhan. Habang nagsasalu-salo ang usapan ay maaring
tungkol sa buhay Kristyano o mga patotoo. Ang mga tirang pagkain ay maaring ibahagi sa ibang hindi
nakadalo sa Piging.
PANALANGIN
Maaring maghandog ang isa o higit pa ng malayang panalangin. Maari ring gamitin ang mga
sumusunod.
(Ama ng langit at lupa, pakanin mo kaming iyong mga nagugutom na anak. Ibigay mo sa amin ang iyong
biyaya, ang tinapay na walang hanggan. Ipagkaloob mo po sa amin, kay Jesu-Cristo iyong ipamalas, ang
tamis ng iyong biyayang mapagpatawad, ang manna ng iyong pag-ibig. Amen.)
MENSAHE O PATOTOO
Maaring magbigay ng isang mensahe o patotoo tungkol sa kasulatan ng binasa.
PAGBABAHAGI NG TINAPAY
Isang malaking tinapay ay maaring pagpasa-pasahan at ang bawat isa ay maaring pumiraso ng
tinapay. Maaring anyayahan ang bawat isa na magbahagi ng talata mula sa Biblia habang nagpapasa
ng tinapay. Maari ring gumamit ng basket kung saan maaring kumuha ang bawat isa ng biskwit o iba
pang tinapay. Ang tagapanguna ay maaring tumanggap nang huli at maaring manguna sa isang
panalangin o mangusap ng isang paanyaya upang muling patatalaga kay Cristo at sa banal na
pamumuhay.
PAGBABAHAGI NG INUMIN
Maaring magkaroon ng pagbabahagi ng mga inumin tulad ng tubig, juice, kape, o tsaa.
MGA PATOTOO, PANALANGIN, AT AWIT
Maaring magkaroon ng panahon ng pagbabahagi ng mga patotoo, pagpapanalanginan, at pag-
aawitan ng imno o papuring awit.
IMNO O AWIT
Maaring awitin ang “Blest Be the Tie that Binds” o “Pass It On” o iba pang imno o awit.
PAGHAYO AT BASBAS