Ang Katamaran NG Mga Pilipino

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 14

Ang Katamaran ng mga Pilipino

ni Dr. Jose P. Rizal

(Ang matutunghayan ay isang lagom sa Tagalog


ng sanaysay na “La Indolencia de los Filipinos,”
na nalathala sa La Solidaridad mula noong
Hulyo 15 hanggang Setyembre 15, 1890. Ang
sanaysay na ito’y isinulat ni Rizal sa ikalawang
pagtungo niya sa Europa. Isinulat niya ito bilang
tugon sa paulit-ulit na upasala sa mga Pilipino
na sila’y mga tamad. Ang upasalang ito’y hindi
tinutulan ni Jose Rizal sa kaniyang sanaysay.
Manapa’y inamin nga niya ang pag-aangkin ng
katamaran ng kaniyang mga kababayan. At sa
pag-amin niyang iyan ay nagbigay siya ng mga
matuwid kung bakit ang mga Pilipino ay
masasabi ngang tamad. Narito ang kaniyang
mga matuwid.

Ang pangunahing sanhi ay ang mainit na singaw


ng panahon. Kahit na ang mga banyagang
nandarayuhan sa Pilipinas buhat sa mga bayang
malamig ang klima ay nagiging tamad pagdating
dito at ayaw humawak ng mabibigat na gawain.
Sa bayang mainit ang panahon, kahit hindi
kumilos ang isang tao, siya’y pinagpapawisan at
hindi mapalagay. Wika pa ni Rizal: Ang mga
Europeong naninirahan sa Pilipinas ay
nangangailangan pa ng mga tagapaypay at
tagahugot ng sapatos, at hindi nagsisipaglakad
kundi laging lulan ng kanilang karwahe, gayong
masasarap ang kanilang kinakain at ginhawa
ang kanilang kabuhayan. Sila’y malaya, ang
bunga ng kanilang mga pagsisikap ay para sa
kanilang sarili, may pag-asa sa kinabukasan, at
iginagalang ng madla. Ang abang katutubo, ang
tamad na katutubo ay kulang sa pagkain,
walang inaasahan sa araw ng bukas, ang bunga
ng kanilang pagod ay sa iba napupunta, at
kinukuha sila sa paggawang sapilitan.

Sinasabing ang mga Europeo ay nahihirapan sa


mga bayang mainit ang singaw ng panahon
palibhasa’y hindi sila hirati sa gayong klima,
kaya’t karampatan lamang na dulutan sila ng
balanang makapagpapaginhawa sa kanilang
kalagayan. Datapuwa’t ang wika nga ni Rizal,
ang isang tao’y maaaring mabuhay kahit saan
kung sisikapin lamang niyang ibagay ang
kanyang sarili sa hinihingi ng pangangailangan.
Ang sikap at pagkukusa ay nawala sa mga
Pilipino dahil din sa kagagawan ng mga Kastila.
Ang mga Pilipino, nang bago dumating ang mga
Kastila ay ginhawa sa kanilang kabuhayan,
nakikipagkalakalan sila sa Tsina at iba pang mga
bansa, at hinaharap nila ang pagsasaka,
pagmamanukan, paghabi ng damit at iba pa.
Kaya’t mapagkikilalang nang wala pa rito ang
mga Kastila, ang mga Pilipino bagaman ang mga
pangangailangan nila’y hindi naman marami, ay
hindi mga mapagpabayang gaya ngayon.

Ang lahat ng industriya at pati na ang pagsasaka


ay napabayaan sapagkat ang mga Pilipino’y
hindi makapagtanggol laban sa pananalakay ng
mga mandarambong buhat sa Mindanaw at
Sulu. Paano’y ayaw pahintulutang makapag-
ingat ng mga baril at iba pang sandata ang mga
Pilipinong naiiwan sa bayan habang ang iba’y
wala at kasama sa mga pandarayuhang walang
kabuluhan. Nang panahon ng Kastila’y
maraming digma at kaguluhan sa loob ng bayan
at maraming ipinapapatay. Isinalaysay ni Rizal
ang nangyari sa isang pulong malapit sa Sebu,
na halos nawalan ng tao sapagkat madaling
nangabihag ng mga piratang buhat sa Sulu
palibhasa’y walang sukat maipananggol sa sarili.

Ang pagsasaka’y napabayaan dahil pa rin sa


sapilitang paggawa na ipinatutupad ng
pamahalaan. Dahil sa maraming
pandarayuhang ginagawa ng mga Kastila,
kailangan ang walang tigil na paggawa ng mga
barko, kaya’t maraming Pilipino ang
pinapagpuputol nila ng mga kahoy sa gubat
upang magamit. Wala tuloy katiyakan ang
kabuhayan ng mga tao kaya’t naging mga
mapagpabaya. Tungkol dito’y sinipi ni Rizal si
Morga na nagsabi (sa kanyang Sucesos) na
halos nakalimutan na ng mga katutubo ang
pagsasaka, pagmamanukan, ang paghabi, na
dati nilang ginagawa noong sila’y mga pagano
pa hanggang sa mga ilang taon pa pagkatapos
ng pagsakop. Iyan ang naging bunga ng
tatlumpu’t dalawang taon ng sapilitang
paggawa na ipinataw sa mga Pilipino.

Ang pamahalaa’y walang dulot na pampasigla


upang ang mga tao ay mahikayat na gumawa.
Pinatamlay ng mga Kastila ang
pakikipagkalakalan sa mga bansang malaya,
gaya ng Siam, Cambodia, at Hapon, kaya’t
humina ang pagluluwas ng mga produktong
Pilipino at ang industriya ay hindi umunlad. Ang
Pilipino’y hindi maaaring gumawa sa kanilang
bukid kung walang pahintulot ng pamahalaan.

Bukod sa mga iyan, ang Pilipino’y hindi


tumatanggap ng karampatang halaga sa
kanilang mga produkto. Sinabi ni Rizal na
alinsunod sa istorya, matapos alipinin ng mga
encomendero ang mga Pilipino, sila’y
pinagagawa para sa sarili nilang
kapakinabangan, at ang iba nama’y pinipilit na
sa kanila ipagbili ang inaani o produkto sa maliit
na halaga at kung minsa’y wala pang bayad o
kaya’y dinadaya sa pamamagitan ng mga maling
timbangan at takalan.

Alinsunod pa rin kay Rizal, ang lahat ng


negosyo’y sinasarili ng gobernador, at sa halip
pukawin ang mga Pilipino sa kanilang
pagpapabaya, ang iniisip lamang niya’y ang
kanyang kapakanan kaya’t sinusugpo ang ano
mang makaaagaw niya sa mga pakinabang sa
pangangalakal.

Mga kung anu-anong kuskos-balungos sa


pakikitungo sa pamahalaan, mga “kakuwanan”
ng pulitika, mga kinakailangang panunuyo at
“pakikisama,” mga pagreregalo, at ang ganap na
pagwawalang-bahala sa kanilang kalagayan,-
ang mga iyan ay naging pamatay-sigla sa
paggawang kapaki-pakinabang.

Nariyan pa ang halimbawang ipinamalas ng


mga Kastila: pag-iwas sa pagpaparumi ng kamay
sa paggawa, pagkuha ng maraming utusan sa
bahay, na para bang alangan sa kanilang
kalagayan ang magpatulo ng pawis, at ang
pagkilos na animo’y kung sinong maginoo at
panginoon na ipinaging palasak tuloy ng
kasabihang “para kang Kastila,”- ang lahat ng
iyan ay nagpunla sa kalooban ng mga Pilipino ng
binhi ng katamaran at pagtanggi o pagkatakot
sa mabibigat na gawain.

At ang wika pa ng mga Pilipino noon: “Bakit


gagawa pa? Ang sabi ng kura ay hindi raw
makapapasok sa kaharian ng langit ang taong
mayaman.”

Ang sugal ay binibigyan ng luwag, at ito’y isa pa


ring nagpapalala ng katamaran.

Ang Pilipino’y hindi binibigyan ng ano mang


tulong na salapi o pautang upang maging
puhunan. Kung may salapi man ang isang
Pilipinong magsasaka, ang natitira, matapos
bawasin ang buwis at iba pang impuwesto ay
ipinambabayad naman niya sa kalmen, kandila,
nobena, at iba pa.

Kung ang mga pananim ay pinipinsala ng balang


o ng bagyo, ang pamahalaan ay hindi
nagbibigay ng ano mang tulong sa mga
magsasaka, kaya ang mga ito ay inaalihan ng
katamaran.

Walang pampasiglang ibinibigay sa


pagpapakadalubhasa. May isang Pilipinong nag-
aral ng kimika sa Europa, ngunit hindi man
lamang siya pinag-ukulan ng pansin.
Ang katamara’y pinalulubha pang lalo ng di
mabuting sistema ng edukasyon. Ganito ang
wika ni Rizal:

“Iminulat palibhasa sa halimbawa ng


mapagbulay-bulay at tamad na pamumuhay ng
mga monghe, ang mga katutubo nama’y walang
ginawa kundi iukol ang kanilang buhay sa
pagkakaloob ng kanilang salapi sa simbahan
dahil sa inaasahang mga himala at iba pang
kataka-takang bagay. Ang kanilang kalooban ay
nagayuma; buhat sa pagkabata ay wala silang
natutuhan kundi ang pagkilos na parang mga
makina na hindi nalalaman ang buong
kabagayan. Kataka-taka bang ang ganitong
maling pagmumulat sa isip at kalooban ng isang
bata ay magbunga ng kahambal-hambal na mga
pagkakasalungatan? Iyang walang puknat na
pagtutunggali ng isip at ng tungkulin… ay
humantong sa pananamlay ng kanyang mga
pagsisikap, at sa tulong ng init panahon, ang
kaniyang walang katapusang pag-aatubili, ang
kaniyang mga pag-aalinlangan ay siyang naging
ugat ng kaniyang katamaran.”

Ang sistema ng edukasyon, na isang kawil ng


mga pagmamalupit, ay nagpatamlay sa halip na
magpasigla sa Pilipino. Siya’y nagkaroon ng
mababang pagkakilala sa sarili at pagwawalang-
bahala sa paggawa.

Ang isa pang nagpalala sa katamaran ng mga


Pilipino ay ang kawalan nila ng damdamin
bilang isang bansa palibhasa’y pinagkaitan sila
ng karapatang makapagtatag ng mga samahan
na magbibigay sa kanila ng pagkakataong
magkaunawaan at magkaisang damdamin.

Palibhasa nga’y walang bansang kinaaaniban,


ang mga Pilipino’y hindi nagkaroon ng
pagkabahala sa ano mang kahirapang dinaranas
ng mga tao. Patay ang apoy ng kanilang
pagsisikap, at walang sukat makaganyak sa
kanila na mag-ukol ng panahon at sigla alang-
alang sa kaunlaran at kasaganaan ng kanilang
Bayan.

Ang sabi ni Rizal: “Ang edukasyon ay siyang


lupa, at ang kalayaan ay siyang araw, ng
sangkatauhan. Kung walang edukasyon at
walang kalayaan, walang pagbabagong
maisasagawa, walang hakbang na
makapagdudulot ng bungang ninanais.”
760 Comments429 Shares

You might also like