SP 3
SP 3
SP 3
PSY31 PSYE405a
Ang Sikolohiyang Pilipino (SP) ay nakilala bilang bagong kamalayan sa Sikolohiya noong
dekada sitenta dahil sa gawa ng kinikilalang Ama ng Sikolohiyang Pilipino na si Virgilio G.
Enriquez. Mapapansing aspeto din ng Sikolohiyang Pilipino ang sikolohiya bilang isang
disiplinang akademiko sa mga unibersidad at kolehiyo dito sa Pilipinas. Ito’y sa kabila ng
katotohanang higit na naaangkop sa ating bayan ang babala ni Carl Jung: “Kung gusto mong
matutong sikolohiya, iwasan mo ang mga unibersidad.” (Enriquez, p.39) Ang kabuluhan ng SP
bilang isang larangan sa disiplina ay ang bunga ng pagpapayabong ng kaalaman ng ibang tao na
angkop sa kulturang Pilipino. Sa pamamagitan ng SP bilang isang disiplina, patuloy na umuunlad
ang larangan na ito sapagkat nagsisilbi ang SP bilang isang hamon sa mga dalubhasa upang ibahagi
at isapraktika ang kanilang akademikong kaalaman. Dagdag pa rito, makabuluhan ang SP bilang
isang disiplina sapagkat naglalayon ito upang mabuksan ang isipan hindi lamang ng mga
akademikong propesyonal kundi maging ang mga isipan ng mga estudyanteng nag-aaral ng
larangang ito.
Itinakda ni Covar ang mga pagkakaiba ng mga bahagi ng katawang panloob at panlabas.
Sa unang parte ng pagtatambal, ibinahagi ng manunulat na ang mukha (labas) ng Pilipino ay
mukhang nangungusap ng sariling pagkatao ayon sa kapahayagan ng iba’t ibang bahagi ng mukha
habang ang isipan (loob) ay ang pinagmumulan ng diwa, kamalayan, ulirat, talino, at bait.
Gayundin ay sa pag-iisip nakasalalay ang pang-unawa. Ayon kay Covar, ang dibdib (labas) ay
ang pandama ng damdamin habang ang puso (loob) ay may mga pariralang: matabang puso,
pusong bato, walang puso, isa-puso, at mahabaging puso. Sa kabilang banda, ang tiyan (labas)
naman ay mayroong mga pariralang malaki ang tiyan na nangangahulugan ng: busog, matakaw,
may bulate sa tiyan, o mapagkamkam. Ang katambal nito na maliit o walang tiyan ay maaaring:
gutom, mahirap,o kulang sa kain. Habang ang bituka (loob) ay may pariralang sala-salabid na
nangangahulugang: buhay na punong-puno ng balakid. Ito rin ay naglalarawan ng kalagayan ng
pagkatao. Marami ring ginamit na parirala si Covar na nakaugnay sa sikmura (labas): masama,
malakas, mahapdi o maasim. Ang sikmurang masama naman ay nangangahulugan ng di-
mabuting pakiramdam. Ang mahapding sikmura o nangangasim ay nangangahulugan na hindi
matanggap ang isang bahay. Sinasabi namang malakas ang sikmura ng isang tao kung
natatanggap niyang lahat, lalo na ang mga di kanais-nais na pangyayari. Ang atay (loob) naman
ay ginagamit na panawas sa mambubunong sa katutubong pamayanan. Ang madilaw na atay
naman ay nangangahulugan na magiging matagumpay ang plano o balak; ang maitim na atay ay
sakuna ang susuungin. Gayundin, ang taong maitim ang atay ay walang pakundangan sa kaniyang
ginagawa. Ang pagkataong Pilipino sa konteksto ng kaluluwa (lalim) ay may ilang tambalang
kategorya: (1) maganda/pangit na kaluluwa; (2) matuwid/halang na kaluluwa; at (3)
dalisay/maitim na kaluluwa. Ang budhi (lalim) ay katambal ng kaluluwa. Kung ang kaluluwa ay
siyang nagpapagalaw ng buhay, ang budhi naman ay siyang humuhusga sa buhay na naganap na.
Sanggunian:
https://www.scribd.com/doc/98721023/Sikolohiyang-Pilipino-Virgilio-Enriquez
http://www.pssp.org.ph/tungkol-sa-pssp/maikling-kasaysayan/
http://www.pssp.org.ph/wp-content/uploads/2014/11/Conference
2011.pdffile:///C:/Users/JM/Downloads/4948-1-13332-1-10-20160222.pdf
http://journals.upd.edu.ph/index.php/djwf/article/viewFile/3815/3495