Walang Panginoon (Maikling Kwento)
Walang Panginoon (Maikling Kwento)
Walang Panginoon (Maikling Kwento)
Rosario
Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, di niya malaman kung saan siya magtutungo. Isinisiksik niya ang kanyang ulo kahit saan, saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayunman, kahit na saan siya magsiksik, kahit na saan siya magtungo, kahit na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw. Tapos na ba? Tapos ang sunud-sunod niyang tanong na animoy dinadaya ang sarili kung wala siyang nauulinigang anu mang taginting ng kampana. Tapos na. Tapos ang sunud-sunod namang tinuran ng kanyang ina na paniwalangpaniwala na di nga niya naririnig ang malungkot na animas. Ngunit, Marcos ang baling uli ng matandang babae sa anak. Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa. Iyay nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Lalo ka na, Marcos, marami kang dapat ipagdasal. Una-unay ang iyong ama, ikalaway ang kapatid mong panganay, ikatloy ang kapatid mong bunso, saka saka si Anita. Ang huling pangalan ay binigkas ng marahan ng matandang babae. Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinangangaralan siya ng kanyang ina ang mga mata niyang galing sa pagkakapikit kayat nanlalabo pat walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy. Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may nangungusap, may nagsasa lita. Dahil din sa kanila lalung-lalo na kay Anita ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang ipahalata sa ina ang pagkukuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng inay nahulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nabasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagkat hindi pa natatagalang namatay si Anita, ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pagpupunyaging matuto sa pamamagitan ng pagbabasa, lahat ng pag-iimpok na ginawa upang maging isang ulirang anak-pawis ay ukol kay Anita at saka namatay! Nararamdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot para sa kanyang anak ang gayong dagok ng kasawian. Dapat ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ang kayang ibig libangin. Ito ang nais niyang aliwin kung maari sana ay mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak. Lumakad ka na, Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o. Baka kailanganin ang mabuting mangaawit at manunugtog ng gitara, ang sabi ng ina. Walang pagsalang masasayahan ka doon. Si Inang naman, ang naibulalas ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasabi ng malakas. Sa kanyang sarili naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ng pagkamatay ni Anita, palibhasay lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyayari dahil sa pagkamatay nito. Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libangan ng kanilang bayan na ipinalalagay iyang kaluluwa ni Anita, Disiy di ako itataboy sa kasiyahan. Pinag-usapan pa lamang ng mag-ina ang malaki nilang kapalaran sapagkat mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating na taglay ang utos ng hukumang silay pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan at sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka. Inang, matalim ba ang itak ko? ang unang naitanong ng anak sa ina. Matapos matunghayanang utos ng hukuman. Anak ko! ang palahaw na panangis ng matandang babae. Sabay kapit sa leeg ng anak.Bakit ka mag-iisip ng gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag sa kalooban ng binata. Gayunman sa harap ng bagong pithaya ng
may-ari ng lupang kanilang binubuwisan ay isa-isang nagbabalik sa alala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka. Ang sabi talaga sa kanunununuan ng kanyang ama ang naturang lupa walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sino mang nakikialam sa ano mang magingbunga ng kanilang tanim, maging mais man o tubo, o kayay maging ano man sa mga gulay na tanim nila sa bakuran subalit ng bata pa ang kanyang ama ay may nagpasukat ng lupa at sinasabing kanila. Palibhasay wala silang maibabayad sa manananggol ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan ng di nila makuhang umalis doon. Noong bata pa si Marcos ang bayad nila ay isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit habang nagtatagal ay unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa may-lupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talindawa. Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niyay namatay dahil sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat nalaman niyang kaya namatay si Anita sapagkat natutop ng amang nakipagtagpong minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan. Saka ngayoy paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan? Si Anitay lihim na naging kasintahan ni Marcos mahigit nang isang taon noon. Sapul ng dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila.Si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang lamo sa ilog. Si Marcos ay natapos lamang sa katesismo sa eskwelahan sa silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayunman, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkakaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sa pag-anib sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na di binabasa ni Marcos. kahit manghiram na lamang kung wala na siyang ibili. Nagbabasa
din siya ng mga nobela at ibang akdang katutuhan niya sa wikang tagalog o kayay salin sa wikang ito. Lalo na ng magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, Wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang balang-araw ay maging karapat-dapat sa kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pay bukod sa naniniwala siya na sadyang magkakapantay ay tinatanggap din niya ang palasak na kawikaang ang katapat ng langit ay pusalian dahil diyan kaya kahit bahagya ay di siya nag-aatubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita. At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anitay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa damo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampas tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot na sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin nang kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kayat pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagtikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang. Marcos, matagal na rin naman kitang iniibig, ang tapat ni Anita sa binata, makaraan ang ilang buwan buhat ng siyay mailigtas. Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang mga ninuno ay binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon at saka silang mag-ina ay itataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan? Dahil sa kanyang ina natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko. Isang takipsilim ng marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malulngkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hininga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay wala siyang nalalamang may-sakit kundi si Anita dahil sa pagkakatutop sa kanila noong isang gabi. Ang dalaga sy sinaktang mabuti na ayon sa sabi ng nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita at nang tangkain niyang dumalaw na minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala. Ang muling dagok sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pang-aagaw ng lupa sa kanila. Pagpapautang ng patung-patong. Pagkamatay ng kanyang ama. Pagkamatay ng kanyang kapatid. At saka nooy pagtatangka sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay ng tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niyay nalagutan ng hininga na siya ang tinatawag at saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng pawis nilang mag-anak. Ngunit si Marcos ay isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, ay lumaki ang puso sa pagtitiis. Naging maluwag na ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng maylupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niyay maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon datapwat ng tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis siya doon talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pay naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi naniya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao. Huminahon ka anak ko ang sabi ng kanyang ina. Hindi natutulog ang bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo. Hindi na niya itinuloy ang paghahanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at nilampasan niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumangatngat sa kanyang puso. Gaanong pawis ang nawala sa kanya upang masaka ang naturang bukid? Gaanong pagod ang kanyang pinagmulan upang ang palay nilay magbungang mabuti? Saka ngayoy pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay?
Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig man niyang pagdimlan ng isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, subalit ang alala ng kanyang inay walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig upang huwag niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay, bago nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan ku ng silay nagsasarili. Tutungo tayo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo tayo ng mga bagong magsasaka; pares ni Don Teong, di kailangang magkaroon din ako ng gayak na paris niya. Kabalintunaan man ang sinasabi ng anak ay di nag-usisa ang ina. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon, ang buong kagayakan ay sinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda. Marcos, sabi ng matanda. Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay di mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong. Kung may magiging sukli man lamang tayo sa ani ngayon? Huwag po kayong mabahala, Inang, sabi ng mabait na anak, Nalalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan. Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayunman ay may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak. Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran mo? tinutukoy ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos. Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasyahan ni Don Teong ang numakaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit hinihingi ng pagkakataon. Nagunita niya ang sinabi ni Rizal na walang mangaalipin kung walang paaalipin. Napahilig siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong na takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama katulad din niya, nasa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kanilang kayamanang gayong minana sa kanilang ninuno ay iba na ngayon ang may-ari at nagpapabuwis pa. Kailangang maputol ang kalupitang ito! na tila pagsumpa sa harap ng ka talagahan na ginawa ni Marcos. Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter at latigo, anak ko? ang
tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan. Inihahanda ko iyan sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong, ang nakatawang sagot ng anak. Kung tayo poy makaalis na rito, di tayoy magiging malaya, ang tila wala sa loob na tugon ng anak. Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugulan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa itoy umungol na ang alingawangaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung di niya nakitang halos apoy ang lumalabas sa dalawang mata ng hayop ay di pa niya ito titigilan. Sa gayon ay matulin siyang nagtatago upang umuwi na siya sa bayan. Kung dumarating siyay daratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila. Salamat, anak ko, at dumating ka, ang sasabihin na lamang ng matanda. Akala koy napahamak ka na. Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong si Marcos at ang kanilang panginoon ay hindi makapagpigil ang sinuman. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat ng magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalala ang pag-alis-alis ni Marcos. Subalit isang hapon samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pagalis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkakasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinisimpang galit sapagkat bigla lamang sinibad ang mayamang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak at sinalo naman sa kabilang sungay. Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan at wasak ang suwiter sa katawan at saka pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangang pagsisiyasat
subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animoy wala sa loob ang ginawa niyang pagkakasala. Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isay nagkatinginan hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop. Si Marcos ay nakatingin din sa orasan ng gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya nababahala. Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dati ayaw niyang marinig. Sa halip na idalangin ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niyay ang matapang niyang kalabaw. Mapalad na hayop na walang panginoon, ang kanyang naibulong.