Pisikang pamplasma

Ang pisikang pangplasma (Ingles: plasma physics) ay nagsimula sa hangarin ng mga mananaliksik na maunawaan ang masalimuot na ugali ng nakakulong o nakahangga na mga plasma. Dahil sa hangaring ito, nakalikha ang mga mananaliksik ng mga saligan o pundamental na mga ekwasyon ng pisikang pamplasma, na humantong sa mahahalagang mga pagsulong sa mga larangang katulad ng agham na pangkompyuter, pagpapailaw, pangangasiwa ng basura, pisika ng kalawakan, mga suwits (aparatong switch, halimbawa na ang pambuhay at pampatay ng mga ilaw o makina) at mga riley (relay, sa diwa ng "tagapaghatid" halimbawa na ng kuryente), at mga leyser (laser).[1]

Bilang agham ng plasma, ang pisikang pangplasma ay nakapagbinhi ng bagong mga kapupuntahan ng saligang agham. Kabilang dito ang nagawa ng mga pisiko ng plasma ng agham ng saligutgot (kaguluhan o kaligaligan), dinamiks na hindi lineyar, mga pag-aaral hinggil sa turbulensiya, mga interaksiyon ng leyser, mga pagpapainam ng mga sistema ng pagbibigay ng liwanag, pagmamanupaktura ng mga kompyuter, at iba pang mga uri ng teknolohiya at paggagamitan ng plasma.[1]

Kasaysayan

baguhin

Ang henesis (simula o pagsilang) ng pisikang pamplasma ay mababakasang nag-umpisa sa pagkatuklas at pagpapangalan bilang "plasma" ni Johannes Purkinje sa isang likidong transparente o nanganganinag na natuklasan mula sa dugo na nahawian o natanggalan ng mga korpusel nito. Ang salitang plasma ay isang salitang hinango magmula sa salitang Griyegong πλασµα ("sustansiyang nahuhulma" o "halaya", sa diwa ng "gulaman"). Noon namang 1927, ginamit na Irving Langmuir ang kataga upang ilarawan ang isang iyonisadong gas na nakapag-paalala sa kaniya hinggil sa paraan kung paano nagdadala ang plasma ng dugo ng mga korpusel na pula at puti, na katulad ng sa pagdadala ng pluwidong may kuryente ng mga elektron at mga iyono. Pagkaraan ay magkasamang napaunlad nina Langmuir at Lewi Tonks ang teoriya ng mga saha o balamban ng plasma na nagsisilbi bilang mga sapin na panghangga na nabubuo sa pagitan ng mga plasmang iyonisado at kalatagang solido. Natuklasan din ni Langmuir ang tinatawag na mga along Langmuir. Ang mga pananaliksik ni Langmuir ang naging batayan na pangteoriya ng karamihan sa mga teknika ng pagpoproseso ng plasma na ginagamit para sa paggawa ng mga sirkitong integrado (pinagsama-samang mga sirkito). Ang sumunod na pananaliksik hinggil sa plasma - at ang pagkilala ng mga astropisiko na ang uniberso ay halos binubuo ng plasma - ay nagbigay ng daan sa iba't ibang mga paraan at pag-aaral ukol sa paggamit ng plasma, katulad ng propagasyon ng along elektromagnetiko sa pamamagitan ng mga plasmang magnetisado at hindi magkakapareho; ng teoriya ng magnetohidrodinamika (MHD) na kinauugnayan ng mga paksa hinggil sa rekoneksiyong magnetiko at teoriya ng dinamo; ng teoretikal na pisikang pamplasma na mapagbabatayan ng maaaring maging posibleng mapagkukunan ng enerhiya mula sa makukontrol na pusyon o pagsasanib na termonukleyar; ng plasmang pampisika na pangkalawakan; at pangleyser na pisikang pamplasma.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Basic Plasma Physics, Applications, Perspectives on Plasmas, plasma.org
  2. Fitzpatrick, Richard (propesor ng pisika). 1.3 Brief History of Plasma Physics Naka-arkibo 2012-09-15 sa Wayback Machine., Unibersidad ng Texas at Austin, pahina 7, farside.ph.utexas.edu

  Ang lathalaing ito na tungkol sa Pisika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.