Ang Luha ng Buwaya ay isang nobelang isinulat ng Pilipinong si Amado V. Hernandez. Mayroon itong 53 mga kabanata, at tungkol sa mga mahihirap na mga magsasaka na nagbuklud-buklod laban sa kagahamanan ng pamilya Grande.

Luha ng Buwaya
May-akdaAmado V. Hernandez
Bansa Pilipinas
WikaTagalog
DyanraKathang-isip
TagapaglathalaPalimbagan ng Pamantasang Ateneo de Manila
Petsa ng paglathala
1962
Mga pahina334
ISBNISBN 97155-0252-0

Nobela ng pambansang alagad ng sining Amado V. Hernandez, ang Luha ng Buwaya (1962) ay tumatalakay sa ginagawang panggigipit ng maykayang pamilya sa mga maralita at kung paano nagkaisa ang nasabing mga dukha upang lutasin ang kanilang problema.

Inilahad sa nobela ang sistemang piyudal na kinakatawan nina Donya Leona at Don Severo Grande, na nag-aari ng malalawak na lupain sa Sampilong. Ginamit ng mag-asawa ang kanilang salapi, impluwensiya, at kapangyarihan upang paikutin at bulukin ang mga institusyong gaya ng hukuman, simbahan, at pamahalaan nang mapanatili ang kanilang interes. Kalaban ng mag-asawa ang pangkat ng mga dukhang mula sa pook-maralita, na pinamumunuan ni Bandong. Si Bandong ay isang guro na naging gabay ng mga tao sa makatwirang pagkilos laban sa mga pamamalakad ng mag-asawang Grande. Nagbuo ng kooperatiba ang mga dukha sa pagnanais na makaraos sa kahirapan. Tumindi ang tunggalian sa kuwento nang ipakulong si Bandong gayong wala naman siyang kasalanan, at sa halip ay naghasik ng lagim ang mga tauhan ng mag-asawang Grande. Sa dakong huli ng nobela'y matutuklasan na ang lupaing kinatitirikan ng mga bahay ng mga dukha ay hindi pag-aari ng mag-asawang Grande. Mauunawaan din sa wakas ng mga tao na sama-sama lamang na pagkilos nila mababago ang bulok na sistemang piyudal sa lipunan.

Ang "luha ng buwaya" ay bulaklak ng dila na nangangahulugang "mapagbalatkayo" o "pagkukunwari."

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.