Bato (heolohiya)
Ang bato (Ingles: rock o stone) ay isang masang buo (solid mass) na nabubuo nang natural, o di kaya'y isang pinagsama-samang mineral o malamineral (mineraloid). Kinakategorya ang mga ito ayon sa mineral na meron sila, ang kanilang komposisyong kemikal at kung paano ang mga itong nabuo. Karaniwang kinakategorya ang mga bato sa tatlo: ang batong apuyin o pinalamig (igneous rocks), metamorpiko o nagbago nang nananatiling solido (metamorphic rocks), at mga batong tiningi o latak (sedimentary rocks).
Ang maagham na pag-aaral sa mga bato ay tinatawag na petrolohiya o agbato, isa sa mga pangunahing sangay ng heolohiya.[1]
Pagpapangkat
baguhinBinubuo ang mga bato ng mineral, mga solidong nahahalo (homogeneous solids) na nabubuo mula sa isang kompuwestong kemikal at maayos na nakaayos.[2] Nagsasama ang mga aridong mineral (aggregate mineral) na bumubuo sa bato dahil sa pagkapit kemikal (chemical bond). Ang kasaganahan at uri ng mga mineral sa isang bato ay base sa kung papaano ito nabuo.
Naglalaman ang karamihan ng mga bato ng mga silikatong mineral (silicate minerals), mga kompuwestong naglalaman ng mga tetrahedrang oksidong silikon (silicon oxide tetrahedra) sa redes (lattice) ng kristal nila. Tinatayang ganito ang laman ng 95% ng balat ng mundo at sangkatlo (one-third) ng lahat ng mga natukoy na uri ng mineral.[3] Malaki ang pakinabang ng proporsyon ng silika sa bato at mineral para sa pagpapangalan at pagtukoy sa katangian ng mga ito.[4]
Pinapangkat-pangkat ang mga bato ayon sa mga katangian tulad ng komposisyong kemikal at mineral nito, paghigop sa tubig o permabilidad (permeability), ang pagkakayari ng laman nitong butil (particle), at ang laki ng mga butil. Resulta ng mga prosesong nagbuo sa bato ang mga katangiang pisikal na ito. Sa paglipas ng panahon, maaaring magbagong-anyo ang mga bato mula sa isang uri papunta sa iba pa. Ang prosesong ito ay inilalarawan ng modelong heolohikal na siklo ng bato (rock cycle). Dahil rito, naipangkat sa tatlong pangkalahatang uri ang mga bato: ignea o pinalamig, metamorpiko o nagbago, at sedimentaryo o latak.
Ang tatlong ito ay hinati pa nang husto sa maraming mga sangay na grupo. Kaso lang, walang tiyak na hangganan ang mga magkakauring mga bato. Sa pamamagitan lamang ng pagtaas o pagbaba sa proporsyon ng mga mineral nila, lumilipat sila mula sa isang grupo papunta sa kabila, kung saan maaaring unti-unting magbago ang isang panandang tampok (distinctive feature) ng isang bato papunta sa isa pang klase ng bato. Kaya naman, pakatandaan na ang mga pangalang binigay sa mga bato ay para lamang matukoy kung saang bahagi sila kasalukuyang makikita sa proseso ng tuloy-tuloy na pagbabago, hindi bilang isang pangalang para lamang sa kanila.
Apuying bato
baguhinAng mga apuying bato[5] o batong ignea (hiniram mula sa salitang Espanyol na ígnea, na mula naman sa Latin na igneus mula ignis "apoy"), ay mga batong nabubuo mula sa pagpapalamig at pagsosolido ng magma o lava. Maaaring manggaling ang magmang ito mula sa mga bahagyang natunaw na batong nasa loob ng manto (mantle) o balat ng isang planeta. Kadalasang natutunaw ang mga batong ito dahil sa isa o higit pang mga sumusunod na proseso: pagtaas sa temperatura, pagbaba ng presyur, o di kaya'y pagbabago sa komposisyon.
Nahahati ang mga batong apuyin sa dalawang kategorya:
- Ang mga batong plutoniko o nasuksok (Ingles: plutonic o intrusive) ay resulta ng mabagal na paglamig ng magma at pagbubuo ng kristal nito (crystallize). Ang pangkaraniwang halimbawa nito ay ang granito (granite) o batumbesi.
- Ang mga batong bulkaniko o niluwal (Ingles: volcanic o extrusive) ay resulta naman ng mabilis-bilis na paglamig ng magma (madalas sa tuwing pagputok ng bulkan o pagkakalantad sa malamig na tubig) bilang isang lava o kung nanatiling nakabaon ay nasa relatibong malapit sa ibabaw ng lupa ito. Ang mga batong pumita (pumice) at basalto (basalt).[6]
Karaniwang sumasailalim ang apuying bato sa pagbabago ng kasaganahang kemikal batay sa temperatura at kemikal na komposisyon na ito. Ang prosesong ito ay pinapakita sa serye ng mga reaksyon ni Bowen (Bowen's reaction series).[4] Makikita sa iskalang ito ang karamihan sa mga batong ignea.[4]
Tinatayang 65% ng espasyong sinasakop ng balat (o crust) ng mundo ay batong apuyin. Sa bahagdang ito, 66% ang basalto at gabro (Ingles: gabbro), samantalang 16% naman ang batumbesi at 17% ang granodiorita at diorita. Tanging 0.6% lamang ang syenita (syenite) at 0.3% naman ang mga batong ultramapika (ultramafic). Samantala, 99% naman ng balat-karagatan (oceanic crust) ay basalto, isang batong apuyin na may komposisyong mapika o mayaman sa magnesiyo (magnesium) at bakal (iron). Sa kabilang banda naman, mayorya naman ng balat-kontinental (continental crust) ay binubuo ng mga batumbesi at katulad na mga batong kilala sa tawag na mala-granito (granitoids).[7]
Batong Banyuhin
baguhinNabubuo naman ang mga batong banyuhin[8] o batong metamorpiko kapag sumailalim sa matinding presyur at/o temperaturang nagiging dahilan ng pagbabago ng kanilang anyo at tinataglay na mineral. Sa proseso ng pagbabagong-anyo nito, nananatiling solido ang estado ng bato at hindi natutunaw[6]. Ang presensya ng aktibong mga likido ay maaari ring magdulot sa pagkakabuo ng ganitong uri ng bato. Halimbawa ng batong banyuhin ay ang marmol, sleyt (slate), shisto (schist), antrakitong uling (anthracite coal), nays (gneiss).
-
Nays
-
Marmol mula New York
-
Antrakitong uling mula sa Pennsylvania
Nahahati naman sa dalawang pangkat ang mga batong banyuhin batay sa kanilang panlabas na anyo: mala-aklat (foliated sa Ingles) at hindi mala-aklat (non-foliated sa Ingles).
Tininging Bato
baguhinAng mga tininging bato[9] o batong sedimentaryo ay binubuo ng mga durog na piraso ng bato, dating buhay, o presipitasyon ng kemikal[10].
Nabubuo naman ang mga tininging bato sa prosesong diagenesis (o kabuuan ng mga proseso ng pagbabago ng naipong latak kaugnay ng paglipas ng panahon) o di kaya'y sa litipikasyon (pagiging mga batong buo) ng mga latak, na nabubuo naman dahil sa pagkupas (weathering), paglipat, o deposisyon (pagsama sa kalupaan).
Mayroon namang tatlong pangkalahatang pangkat ang mga tininging bato: klastik (na binubuo ng mga durog na dating bato), bioklastik (na binubuo naman ng labi ng mga dating buhay), at kimikal (na nabuo mula sa presipitasyon ng solusyong kimikal na masagana sa mga dagipik). Halimbawa ng klastik na mga tininging bato ay ang kongglomoreyt (conglomerate sa Ingles), batong-buhangin (sandstone sa Ingles), at batong-putik (mudstone sa Ingles). Ang batong-apog (o laymston) naman ay maaaring igrupo bilang bioklastik o kimikal depende sa dominanteng laman nito.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Harbaugh, John W.; Windley, Brian Frederick. "Geology" [Heolohiya]. Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong Oktubre 14, 2020.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Cipriani, Nicola (1996). The encyclopedia of rocks and minerals [Ang ensiklopedya ng mga bato at mineral] (sa wikang Ingles). New York: Barnes & Noble. ISBN 978-0-7607-0291-8.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Heinen, Wouter; Oehler, John H. (1979). "Evolutionary Aspects of Biological Involvement in the Cycling of Silica" [Mga aspetong pang-ebolusyon ng Biolohikal na Pagkakasangkot sa Pagsiklo ng Silika]. Sa Trudinger, P.A.; Swaine, D.J. (mga pat.). Biogeochemical Cycling of Mineral-Forming Elements [Biyoheokemikal na Pagsiklo ng mga Elementong nakakagawa ng mineral] (sa wikang Ingles). Amsterdam: Elsevier. p. 431. ISBN 9780080874623.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 4.0 4.1 4.2 Wilson, James Robert (1995), A collector's guide to rock, mineral & fossil localities of Utah [Isang gabay sa kolektor patungkol sa mga lokalidad ng bato, mineral, at bakasbuto ng Utah] (sa wikang Ingles), Utah Geological Survey, pp. 1–22, ISBN 978-1-55791-336-4, inarkibo mula sa orihinal noong Nobyembre 19, 2016.
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://www.facebook.com/FWP.Tagalog/photos/a.373497836071189/1070822659672033/
- ↑ 6.0 6.1 Blatt, Harvey; Tracy, Robert J. (1996). Petrology [Petrolohiya] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). W.H. Freeman. ISBN 978-0-7167-2438-4.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Condie, Kent C. (2015). Plate Tectonics & Crustal Evolution [Mga Tektoniko ng Plato & Ebolusyon ng Kabalatan] (sa wikang Ingles) (ika-2nd (na) edisyon). New York: Pergamon. p. 68. ISBN 9781483100142.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ https://www.facebook.com/FWP.Tagalog/photos/a.373497836071189/1070822659672033/
- ↑ https://www.facebook.com/FWP.Tagalog/photos/a.373497836071189/1070822659672033/
- ↑ Maurice Tucker (2011). Sedimentary Rocks in the Field: A Practical Guide, 4th Edition (sa wikang Ingles) (ika-4 (na) edisyon). John Wiley & Sons, Inc.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)